Roque Ferriols

(Idinirekta mula sa Roque J. Ferriols, S.J.)

Si Padre Roque Jamias Ferriols (1924-2021), S.J. ay isang Heswita, pari at Pilipinong pilosopo. Bilang propesor ng pilosopiya sa Pamantasang Ateneo de Manila, itinaguyod niya ang mapaglikhang pag-aaral ng pilosopiya sa wikang Pilipino. Nakamit niya ang Ph.D. sa Pilosopiya mula sa Pamantasan ng Fordham.

Ipinanganak si Roque Jamias Ferriols noong 16 Agosto 1924 sa Ospital Heneral ng Pilipinas. Lumaki siya sa hilagang bahagi ng Sampaloc, Manila. Doon, aniya, lumaki siyang naririnig ang mga matatandang nag-uusap sa mga wikang Espanyol at Ilokano; ngunit kinakausap nila ang mga bata sa isang wikang tinatawag nilang “Tagalog.” Sa kanyang pagtanda, tatawagin niyang “North Sampalokese” ang wikang kanyang natutuhan sa kanyang kabataan—dahil ibang-iba ito sa elitistang Tagalog na sinasalita ng kanyang mga kababata sa eskwelahan. Aniya, “Trying to make friends in the playground, I talked to my peers in something I thought was Tagalog and was laughed at. In North Sampaloc nobody felt superior to you if you spoke a different accent or mixed Ilocanisms with your Tagalog. Not three kilometers away, the little sons and daughters of the Tagalese were enforcing elitist norms.”[1]

Noong taong 1941, nang nakapagtapos siya sa Mataas na Paaralang Ateneo de Manila, sumali sa mga Heswita si Ferriols. Sa mga unang taon niya sa Nobisyado (Novitiate) at Hunyorado (Juniorate). Kabilang ng paghahanda sa pagiging-Heswita ang pagaaral ng mga wikang Griyego at Latin.

Nang matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ipinadala siya sa Woodstock, Maryland, Estados Unidos, upang mag-aral ng teolohiya. Doon na rin sa Amerika na-ordena bilang pari si Ferriols noong 1954, sa New York. Matapos ang ilang pang mga taon, nakamit niya ang kanyang doktorado sa pilosopiya mula sa Fordham College (Fordham University ngayon) sa New York, kung saan siya nagsulat ng tesis na pinamagatang The Psychic Entity in Sri Aurobindo’s “The Life Divine.”

Nang makabalik sa Pilipinas, ipinagturo si Ferriols ng pilosopiya sa Berchmans College, Cebu. Pagkatapos ng tatlong taon, muli siyang bumalik ng Ateneo de Manila. Sa mga panahong iyon, bagong-lipat pa lamang ang Ateneo sa kanilang kasalukuyang campus sa Loyola Heights. Doon, kasama nina Padre Joseph Roche (isang Amerikanong Heswita) at ni Dr. Ramon C. Reyes, itinatag nila ang Kagawaran ng Pilosopiya. Masasabing dala nina Ferriols at Reyes ang impluwensiya isang uri ng pamimilosopiyang tinatawag na penomenolohiya (phenomenology).

Noong SY 1969-1970, nagsimula siyang na magturo ng pilosopiya sa wikang Filipino, kasabay ng isang mas-malawakang pagkilos na gawing mas-Pilipino ang pag-kiling ng pag-aaral Pamantasang Ateneo de Manila. Dahil mayroong mga administrador na tutol sa kanyang plano, inilagay nila sa mga alanganing oras ang mga klase sa Filipino. Ngayon, matapos ang halos 40 ng taon, halos kalahati ng lahat ng klase at kursong itinuturo ng Kagawaran ng Pilosopiya ay nasa wikang Filipino.

Nailimbag bilang libro ang kanyang pagsalin sa ilang mga sipi mula sa mga pilosopong Griyego (mula kay Parmenides hanggang kay Aristoteles), sa ilalim ng pamagat na Mga Sinaunang Griyego. Naging patnugot din siya ng Magpakatao, isang koleksiyon ng mga babasahing pilosopikong isinalin sa Filipino, na umiinog sa usapin ng pagpapakatao. Isinulat din niya ang Pilosopiya ng Relihiyon, at ang Pambungad sa Metapisika. Sa Pambungad sa Metapisika niya pinaguusapan ng masinsinan ang meron.[2] Ginawaran ang ibang nabanggit na libro ng National Book Award mula sa Manila Critics’ Circle. Noong 1989 naman, ginawaran siya ng Pamantasang Ateneo de Manila ng Gawad Tanglaw ng Lahi bilang pagkilala sa kanyang kontribusyon sa larangan ng pilosopiya at sa pagpapahalaga ng wikang Filipino.

Hanggang ngayon, tila iisang layunin ang patuloy na nag-uudyok kay Ferriols na magturo. Sa “A Memoir of Six Years,” kung saan niya kinukwento ang karanasan niya sa unang anim na taong pagtuturo ng pilosopiya sa Filipino, sinulat niya ang sumusunod: “In six years, one comes to know that, for human thinking, North Sampalokese is better than Plato’s Greek.” (“Sa loob ng anim na taon, matatauhan kang masmainam ang North Sampalokese kaysa Griyego ni Platon para sa tunay na pagmumuni-muni.”) Ito siguro ang umuudyok sa kaniya hanggang ngayon: ipamulat sa iba ang kahalagahan ng tunay na pag-iisip, at ipakita na kaya ng kahit-sinong mag-isip at magmuni-muni—na hindi lamang ito eksklusibo para sa mga edukado o sa mga elitista.

Mga sanggunian

baguhin
  1. “A Memoir of Six Years,” Pagdiriwang sa Meron, Quezon City: Office of Research and Publication, Ateneo de Manila University, 1997.
  2. Karaniwang isinasalin ang “meron” bilang “being” sa wikang Inggles. Ngunit si Padre Ferriols na mismo ang nagsasabi sa kaniyang mga klase na “Hindi ‘being’ ang ‘meron’.” Pinagtatalunan pa rin hanggang ngayon ng mga naging estudyante niya kung ano ang ibig sabihin nito. Pero may napaka-simpleng punto rin si Padre Roque sa pagsabi nito—na walang eksaktong magkatumbas na pagsalin para sa kahit-anong salita. Iba ang karanasan sa Filipino ng ‘meron’ sa karanasan ng Ingles sa ‘being’. Maaaring may pagkakapareho, ngunit mahalagang Makita natin ang pagkakaiba.

Basahin din

baguhin

Mga kawing panlabas

baguhin