Ang salapi, pera, o kuwarta ay anumang bagay o tala na nabeberipika na karaniwang tinatanggap bilang pagbabayad para sa mga kalakal at serbisyo at pagbabayad ng mga utang, tulad ng mga buwis, sa isang partikular na bansa o kontekstong sosyo-ekonomiko. Ang mga pangunahing tungkulin na nagpapakilala sa pera ay bilang isang daluyan ng palitan, isang yunit ng kuwenta, isang imbakan ng halaga at kung minsan, isang pamantayan ng ipinagpaliban na pagbabayad.[1][2] Anumang bagay o matitiyak na talaan na tumutupad sa mga papel na ito ay maaaring ituring bilang salapi.

Isang halimbawa ng kathang-isip na tarhetang pangkaherong awtomatiko o ATM card sa Ingles. Umiiral lamang ang pinakamalaking bahagi ng salapi ng mundo bilang numero ng pagtutuos na inililipat sa mga pinansyal na kompyter. Nagbibigay ang mga iba't ibang tarhetang plastic o plastic card at mga ibang aparato sa indibiduwal na mamimili ng kapangyarihan para maglipat ng pera paroo’t parito sa kanilang kwentang bangko nang hindi gumagamit ng salapi. Maraming tao ngayon ang gumagamit ng kaherong awtomatiko o ATM machine upang kuhanin ang salapi nila sa bangko nila.
Sa isang karikatura ni James Gillray noong 1786, ang mga sako ng pera na ibinigay kay Haring George III ay ipinahambing sa pulibi na naputulan ng binti at braso sa kaliwang sulok
Isang 100 na dolyar Amerikano

Sa kasaysayan, ang salapi ay dating lumitaw na kabalaghan ng merkado na nagtatag ng salaping pangalakal, ngunit halos lahat ng mga kontemporaryong sistema ng salapi ay nakabase sa salaping inatasan.[1] Ang salaping inatasan, tulad ng anumang tseke o tala ng utang, ay walang silbi bilang pisikal na kalakal.[kailangan ng sanggunian] Nanggagaling ang kanyang halaga mula sa pagdeklara nito ng pamahalaan bilang salaping umiiral; iyon ay, kailangan itong tanggapin bilang pambayad sa loob ng bansa, para sa "lahat ng utang, publiko at pribado".[3] Ang salaping peke ay maaaring maging sanhi ng pagkawala ng halaga ng mabuting salapi.

Ang panustos ng salapi ng isang bansa ay binubuo ng pera (salaping papel at barya) at, depende sa partikular na kahulugan na ginagamit, isa o higit pang uri ng salapi sa bangko (ang mga balanse na naka-imbak sa mga kuwentang tseke, kuwentang simpanan, at mga iba pang uri ng kuwentang bangko). Ang salapi sa bangko na binubuo ng mga talaan (halos lahat komputerisado sa modernong pagbabangko), ay nagbubuo sa pinakamalaking bahagi ng malawakang salapi sa mga maunlad na bansa.[4][5][6] Maraming tao ang gumagamit ng kaherong awtomatiko o ATM machine upang kuhanin ang salapi nila sa bangko nila. Ang kaherong awtomatiko o automated teller machine (ATM) sa Ingles ay isang elektronikong aparato ng telekomunikasyon na nagbibigay-daan sa mga kostumer ng mga institusyong pampinansyal na magsagawa ng mga transaksyong pampinansyal, tulad ng pagkuha ng salapi o cash withdrawal, deposito, paglilipat ng pondo, o mga katanungan sa impormasyon ng account, sa anumang oras at nang hindi nangangailangan ng direktang pakikipag-ugnayan sa kawani ng bangko.

Ang isang peso ng Pilipinas

Kasaysayan

baguhin
 
Isang katlong baryang stater ng 640 BK na gawa sa elektro mula sa Lydia

Maaaring nagsimula ang paggamit ng mala-barter na pamamaraan noong 100,000 taong nakalipas, ngunit walang ebidensya ng lipunan o ekonomiya na umasa, una sa lahat, sa palitan ng paninda.[7] Sa halip nito, umandar ang mga lipunang di-mananalapi higit sa lahat sa mga prinsipyo ng ekonomiyang de-regalo at utang.[8][9] Sa katunayan, noong nagkaroon ng palitan, naging karaniwan ito sa mga hindi magkakakilala o mga potensyal na kalaban.[10]

Kalaunan, ipinasulong ng mararaming kultura sa buong mundo ang paggamit ng salaping pangalakal. Ang siklo o shekel ng Mesopotamya ay yunit ng timang, ay nanalig sa bigat ng halos 160 tungkos ng sebada.[11] Ang unang paggmit ng kataga ay mula sa Mesopotamya sirka 3000 BK. Gumamit ang mga lipunan sa mga Amerika, Asya, Aprika at Australya ang salaping kabibi – kadalasan, ang mga kabibi ng sigay (Cypraea moneta L. o C. annulus L.). Ayon kay Herodotus, ang mga Lidyano ang unang katao na gumamit ng baryang ginto at pilak.[12] Pinaniniwaalan ng mga modernong iskolar na unang naminta ang mga naselyuhang barya noong mga 650–600 BK.[13]

 
Ang Jiaozi ng Dinastiyang Song, ang pinakaunang salaping papel ng mundo

Nagbago nang nagbago ang sistema ng salaping pangalakal hanggang nagkaroon ng sistema ng salaping kinatawan.[kailangan ng sanggunian] Nangyari ito dahil nagbigay ang mga mangangalakal ng ginto at pilak o mga bangko sa kanilang mga depositante – na matutubos para sa nadepositong salaping pangkalakal. Kalaunan, naging karaniwan ang pagtanggap sa mga resibo bilang pambayad at ginamit bilang salapi. Unang ginamit ang mga salaping papel o papel de bangko sa Tsina noong dinastiyang Song. Nagmula ang ito, kilala bilang "jiaozi", mula sa mga kasulatang pangako o pagare na ginagamit mula noong ika-7 siglo. Gayunman, hindi sila pumalit sa salaping pangalakal, at ginamit kasama ng barya. Noong ika-13 siglo, nakilala ang salaping papel sa Europa sa pamamagitan ng salaysay ng mga manlalakbay, tulad nina Marco Polo at Giljom de Rubruk.[14] Ang salaysay ni Marco Polo ng salaping papel noong dinastiyang Yuan ay paksa ng isang kabanata ng kanyang aklat, Ang mga Paglalakbay ni Marco Polo, na pinamagatang "Kung Paano Pinapangyari ng Dakilang Khan ang Balat ng Kahoy, na Ginawang Parang Papel, ay Nagsilbi bilang Salapi sa Buong Bansa Niya."[15] Unang inilabas ang mga salaping papel sa Europa ni Stockholms Banco noong 1661, at ginamit muli kasama ng barya. Ang gintong pamantayan, isang sistema ng pananalapi kung saan ang pambayad ay talang papel na mapapalitan sa nakatakdang, nakapirming halaga ng ginto, ang nagpalit sa paggamit ng baryang ginto bilang pera noong mga ika-17–ika-19 na siglo sa Europa. Itong mga tala ng gintong pamantayan ay ginawang salaping umiiral, at pinigil ang pagtubos ng baryang ginto. Pagsapit ng ika-20 siglo, halos lahat ng mga bansa ay nagpatibay ng gintong pamantayan, at ipinatibay nila ang kanilang salaping umiiral sa mga nakapirming halaga ng ginto.

Pagkalipas ng Ika-2 Digmaang Pandaigdig at ng Komperensyang Bretton Woods, karamihan ng bansa ay nagpatibay ng salaping fiat na nakakabit sa dolyar ng US. Nakakabit naman ang dolyar ng US sa ginto. Noong 1971, sinuspinde ng Amerikanong goberyno ang palitan ng dolyar ng US sa ginto. Pagkatapos nito, binaklas ng mga mararaming bansa ang kanilang mga salapi mula sa dolyar ng US, at karamihan ng mga salapi ng mundo ay walang katig kundi ang fiat ng salaping umiiral ng pamahalaan at ang kakayahang magpalit ng pera para sa kalakal sa pagbabayad. Ayon sa mga tagapagtaguyod ng modernong teorya ng salapi, nakakabit din ang salaping fiat sa mga buwis. Sa pagtakda ng mga buwis, gumagawa ang mga estado ng kahingian para sa salaping ipinalabas nila.[16]

Tungkulin

baguhin

Sa Money and the Mechanism of Exchange (1875), sinuri ni William Stanley Jevons ang salapi ayon sa apat na tungkulin: isang pambayad, isang karaniwang sukat ng halaga (o sukat ng kuwenta), isang pamantayan ng halaga (or pamantayan ng ipinagpalibang bayad), at imbak ng halaga. Noong pagsapit ng 1919, ibinuod ang apat na tungkulin ng salapi ni Jevons sa dalawahang taludtod:

Money's a matter of functions four,
A Medium, a Measure, a Standard, a Store.[17]

Sa kalaunan, magiging napakasikat ang dalawang taludtod na ito sa mga aklat-aralin ng makroekonomiya.[18] Sa karamihan ng mga makabagong aklat-aralin, tatlong tungklin lang ang naitala, yaong sa pambayad, sukat ng kuwenta, at imbak ng halaga. Hindi itinuturing ang pamantayan ng ipinagpalibang bayad bilang natatanging tungkulin kundi, sa halip ay nakalakip sa mga ibang tungkulin.[1][19][20]

Sa kasaysayan, matagal nang pinagtataluhan ang kombinasyon ng tungkulin ng salapi. Sinabi ng iba na kailangang hiwalayin pa ang mga tungkulin at kulang ang nag-iisang yunit para talakayin lahat. Isa sa mga argumento ang salungatan ng papel ng salapi bilang pambayad sa kanyang papel bilang imbak ng halaga: kinakailangan ng kanyang papel bilang imbak ng halaga na ipunin ito nang hindi gagastos, habang kinakailangan ng kanyang papel bilang pambayad na umikot ito.[2] Ayon naman sa iba, pagkaantala lang ang pag-imbak ng halaga sa pagpapalit, ngunit hindi ito nakababawas sa katotohanan na pambayad ang salapi na maaaring dalhin sa magkaibang panahon at lugar. Ang terminong "puhunang pinansyal" ay mas pangkalahatang at napapabilang na termino para sa lahat ng likidong instrumento, kung sila ay pantay na kinikilalang salapi man o hindi.

Pambayad

baguhin

Kung kailan ginagamit ang salapi bilang pampagitan ng palitan ng kalakal at serbisyo, pumapapel ito bilang pambayad. Sa gayon ay iniiwasan niya ang pagdispalko ng sistemang barter, tulad ng problema ng "pagkakaton ng ninanais". Ang pinakahalagang paggamit ng salapi ay bilang pamamaraan para paghambingin ang halaga ng di-magkaparehong bagay.

 
1 peso

Sukat ng kuwenta

baguhin

Ang sukat ng kuwenta (sa ekonomika)[21] ay pamantayang pabilanging yunit ng kuwarta ng pamilihang halaga ng kalakal, serbisyo, at iba pang transaksyon. Paunang kailangan ang sukat ng kuwenta sa pagbubuo ng kasunduang kalakalin na may kinalaman sa utang. Nagsisilbi ang salapi bilang pamantayan panukat at iisang denominasyon ng kalakal. Kaya batayan ito sa pagsaturing at pagbaratilyo ng presyo. Kailangan ito para makapagbuo ng matalab na sistemang pantuos.

Pamantayan ng ipinagpalibang bayad

baguhin

Habang itinatangi ang pamantayan ng ipinagpalibang bayad sa iilang mga teksto,[2] lalo na ang mga luma, ikinalakip ito sa mga ibang teksto sa ilalim ng mga ibang tungkulin.[1][19][20][kailangang linawin] Ang "pamantayan ng ipinagpalibang bayad" ay tinatanggap na paraan para makabayad ng utang – denominado ang mga utang sa yunit na ito, at binabanggit ng kalagayan ng salapi bilang salaping umiiral, sa hurisdiksyong may konsepto nito, na maaari itong magsilbi para sa pagbayad ng utang. Kung denominado ang utang sa salapi, maaaring bumago ang tunay na halaga ng utang dahil sa bintog at deplasyon, at para sa soberano at pandaigdigang utang sa pamamagitan ng pagpapabagsak at pagpapawalang halaga.

Imbak ng halaga

baguhin

Upang sumilbi bilang imbak ng halaga, ang salapi ay dapat mapagkakatiwalaang maipon, maimbak, at mabawi – at inaasahang magagamit bilang pambayad nang mabawi siya. Dapat mapanatili rin ang halaga ng salapi sa paglipas ng panahon. Ayon sa mga ilan, binabawas ng bintog, sa pamamagitan ng pagbawas ng halaga ng salapi, ang abilidad ng salapi na pumapel bilang imbak ng halaga.[1]

Katangian

baguhin

Upang matupad ang kanyang mga iba't ibang silbi, dapat magkaroon ang salapi ng mga sumusunod na katangian:[22]

  • Punghibilidad: ang kanyang indibiduwal na yunit ay dapat may kakayahan ng pagpalitin sa isa't isa.
  • Tibay: kayang makatiis ng paulit-ulit na paggamit.
  • Bitbitin: madaling ibitbit at idala.
  • Madaling Makilala: dapat madaling makilala ang halaga nito.
  • Katatagan ng halaga: hindi dapat magbagu-bago ang kanyang halaga.

Mga sanggunian

baguhin
  1. 1.0 1.1 1.2 1.3 1.4 Mankiw, N. Gregory (2007). "2". Macroeconomics (ika-6th (na) edisyon). New York: Worth Publishers. pp. 22–32. ISBN 978-0-7167-6213-3.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. 2.0 2.1 2.2 T.H. Greco. Money: Understanding and Creating Alternatives to Legal Tender, White River Junction, Vt: Chelsea Green Publishing (2001). ISBN 1-890132-37-3
  3. "The Etymology of Money". Thewallstreetpsychologist.com. Inarkibo mula sa orihinal noong 3 Abril 2015. Nakuha noong 24 Pebrero 2015.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  4. Boyle, David (2006). The Little Money Book. The Disinformation Company. p. 37. ISBN 978-1-932857-26-9.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  5. "History of Money". Zzaponline.com. Nakuha noong 24 Pebrero 2015.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  6. Bernstein, Peter, A Primer on Money and Banking, and Gold, Wiley, 2008 edition, pp. 29–39
  7. Mauss, Marcel. The Gift: The Form and Reason for Exchange in Archaic Societies. pp. 36–37.
  8. "What is Debt? – An Interview with Economic Anthropologist David Graeber". Naked Capitalism. 2011-08-26.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  9. David Graeber: Debt: The First 5000 Years, Melville 2011. Cf. review Naka-arkibo 2020-04-20 sa Wayback Machine.
  10. David Graeber (2001). Toward an anthropological theory of value: the false coin of our own dreams. Palgrave Macmillan. pp. 153–154. ISBN 978-0-312-24045-5. Nakuha noong 10 Pebrero 2011.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  11. Kramer, History Begins at Sumer, pp. 52–55.
  12. Herodotus. Histories, I, 94
  13. Goldsborough, Reid (2003-10-02). "World's First Coin". rg.ancients.info. Nakuha noong 2009-04-20.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  14. Moshenskyi, Sergii (2008). History of the weksel: Bill of exchange and promissory note. p. 55. ISBN 978-1-4363-0694-2.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  15. Marco Polo (1818). The Travels of Marco Polo, a Venetian, in the Thirteenth Century: Being a Description, by that Early Traveller, of Remarkable Places and Things, in the Eastern Parts of the World. pp. 353–355. Nakuha noong 19 Setyembre 2012.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  16. Wray, L. Randall (2012). Modern money theory: a primer on macroeconomics for sovereign monetary systems. Houndmills, Basingstoke, Hampshire: Palgrave Macmillan. pp. 45–50. ISBN 978-0230368897.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  17. Milnes, Alfred (1919). The economic foundations of reconstruction. Macdonald and Evans. p. 55.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  18. Dwivedi, DN (2005). Macroeconomics: Theory and Policy. Tata McGraw-Hill. p. 182.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  19. 19.0 19.1 Krugman, Paul & Wells, Robin, Economics, Worth Publishers, New York (2006)
  20. 20.0 20.1 Abel, Andrew; Bernanke, Ben (2005). "7". Macroeconomics (ika-5th (na) edisyon). Pearson. pp. 266–269. ISBN 978-0-201-32789-2.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  21. "Functions of Money". boundless.com. 2017-10-11. Inarkibo mula sa orihinal noong 2015-10-18. Nakuha noong 2020-02-19.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  22. Desjardins, Jeff (Disyembre 15, 2015). "Infographic: The Properties of Money". The Money Project. Nakuha noong 18 Hulyo 2017.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)