Si Sennacherib (Wikang Akkadiano: Sîn-ahhī-erība "Pinalitan ni Sîn(Diyos ng Buwan) ang (nawalang) mga kapatid na lalake para sa akin") ang anak ni Sargon II na kanyang hinalinhan sa trono ng Assyria (705 – 681 BCE). Bilang prinsipe ng korona, si Sennacherib ang ginawang tagapangasiwa ng Imperyong Asiryo habang nasa digmaan ang kanyang ama. Hindi tulad ng mga hinalinhan niya, ang paghahari ni Sennacherib ay hindi malaking minamarkahan ng mga pangangampanyang militar ngunit pangunahin ay mga renobasyon sa arkitektura, mga pagtatayo at mga pagpapalawig. Pagkatapos ng marahas na kamatayan ng kanyang ama, nasagupa niya ang maraming mga problema sa pagtatatag ng kanyang kapangyarihan at humarap sa mga pagbabanta sa kanyang nasasakupan. Gayunpaman, nagawa niyang malampasan ang mga ito at nagsawa ng mga proyektong pagtatayo.Sa kanyang paghahari, inilipat niya ang kabisera ng imperyo mula sa bagong itinayong siyudad ng kanyang ama na Dur-Sharrukin hanggang sa lumang siyudad at dating kabisera ng Nineveh.

Sennacherib
Hari ng Asirya
Si Sennacherib sa kanyang pakikidigma sa Babilonya, isang relief mula sa kanyang palasyo sa Nineveh
Paghahari705 – 681 BCE
Wikang AkkadianoSîn-ahhī-erība
Wikang GriegoΣενναχηριμ (Sennacherim)
Wikang HebreoSanherib
Kamatayan681 BCE
SinundanSargon II
KahaliliEsarhaddon
AmaSargon II

Pakikidigma sa Babilonya

baguhin

Ang unang pangangampanya ni Sennacherib ay noong 703 BCE laban kay Marduk-apla-iddina II na sumunggab sa trono ng Babilonya at nagtipon ng alyansang sinuportahan ng mga Kaldeo, Arameo at Elamita. Ninais ng mga alyado na gamitin ang kaguluhang lumitaw sa pag-akyat sa trono ni Sennacherib. Hinati ni Sennacherib ang kanyang hukbo at pinalusob ang isang bahagi sa nakaestrasyong kalaban sa Kish samantalang ang siya at iba ay sumakop sa siyudad ng Cutha. Pagktapos maisakatuparan nito, bumalik siya upang tulungan ang natitira niyang hukbo. Ang paghihimagsik ay nasupil at si Marduk-apla-iddina II ay tumakas. Ang Babilonya ay nakuha at sinamsam ang palasyo nito ngunit ang mga mamamayan ay hindi sinaktan. Hinanap ng mga Aisryo si Marduk-apla-iddina II ngunit hindi siya natagpuan. Ang mga pwersang rebelde sa mga siyudad na Babilonyo ay nilipol at ang isang Babilonyong nagngangalang Bel-ibni na itinaas sa korteng Asiryo ay inilagay sa trono. Nang lumisan ang mga Asiryo, naghanda si Marduk-apla-iddina II para sa isa pang paghihimagsik. Noong 700 BCE, ang hukbong Asiryo ay bumalik upang labanan ang mga rebelde ngunit si Marduk-apla-iddina II ay tumakas sa Elam at namatay doon. Si Bel-ibni ay napatunayang hindi tapat sa Assyria at ginawang bilanggo. Tinangka ni Sennacherib na lutasin ang paghihimagsik na Babilonyo sa pamamagitan ng paglalagay sa trono ng isa na tapat sa kanya na kanyang anak na si Ashur-nadin-shumi. Gayunpaman, ito ay hindi nakatulong. Ang isa pang pangangampanya ay pinangunahan pagkatapos ng 6 na taon noong 694 BCE upang wasakin ang mga base ng mga tagaElamita sa Golpong Persiko (Persian Gulf). Upang maisagawa ito, kumuha si Sennacherib ng mga bangkang Poeniko at Syriano naglayag kasama ng natitira niyang huukbo sa tigris tungo sa dagat. Ang mga poeniko ay hindi sanay sa taas ng tubig kaya't ito ay naantala. Nilabanan ng mga Asiryo ang mga Kaldeo sa ilog Ubaya at nanalo. Habang okupado ang mga Asiryo sa gulpong Asiryo, sinakop ng mga Elamita ang hilagaang Babilonya sa isang buong surpresa. Nabihag ang anak ni Sennacherib at dinala sa Elam at ang kanyang kaharian ay kinuha ni Nergal-ushezib. Lumaban ang mga Asiryo at nabihag ang iba ibang mga siyudad. Ang isang malaking labanan ay isinagawa laban sa mga rebeldeng Babilonyo sa Nippur at ang kanilang hari ay binihag at dinala sa Nineveh. Sa pagkawala ng anak ni Sennacherib, siya ay naglunsan ng isang pangangampanya sa Elam kung saan sinimulang samsamin ng kanyang hukbo ang mga siyudad. Ang haring Elamita ay tumakas sa mga bulubundukin at napilitan si Sennacherib na umuwi dahil sa paparating na taglamig. Ang isa pang pinuno ng paghihimagsik na si Mushezib-Marduk ay nag-angkin ng trono ng Babilonya at sinuportahan ng Elam. Ang huling malaking labanan ay isinagawa noong 691 BCE na may hindi matiyak na resulta na pumayag kay Mushezib-Marduk na manatili sa trono sa 2 pang taon. Pagkatapos nito, ang Babilonya ay kinubkob na humantong sa pagbagsak nito noong 689 BCE. Ito ay inangking winasak ni Sennacherib at hindi tinirhan ng ilang mga taon.

Pakikidigma sa Judah

baguhin

Ayon sa rekord ng Asirya, sinalakay ni Sennacherib ang Kaharian ng Juda at Herusalem sa kanyang ika-3 taon ng paghahari noong 701 BCE. Nagkaroon ng isang paghihimagsik na sinuportahan ng Sinaunang Ehipto at Babilonya ay sumiklab sa Kaharian ng Juda na pinangunahan ni Haring Hezekias Bilang tugon, kinubkob ni Sennacherib ang ilang mga siyudad ng Judah. Ang mga sangguniang Asiryo ay nag-angkin ng pagkapanalo ng mga Asiryo laban sa mga Hudyo samantalang ang mga manunulat ng Bibliya ay nag-angkin ng pagkapanalo ng mga Hudyo laban sa mga Asiryo. Bago nito, ang Kaharian ng Judah ay isang basalyo ng Imperyong Asirya at pwersahang nagbabayad ng taunang tributo o kabayaran sa Asirya. Ayon sa Bibliya(2 Hari 18:13-16), nagbigay si Hezekias ng mga tributo upang huwag salakayin ni Sennacherib ang Herusalem na nagpapahiwatig ng pagsuko kay Sennacherib.

Salaysay na Asiryo

baguhin

Ang ilang mga kronikang Asiryo gaya ng nahurnong putik na Taylor prism na nasa British Museum ngayon at katulad na Sennacherib prism na nasa Oriental Institute, Chicago ay may petsang napakalapit sa panahong ito. Hindi itinuturing ng mga sangguniang Asiryo ang pakikidigmang ito bilang isang pagkatalo o kasawiang palad ng ma Asiryo laban sa mga Hudyo ngunit isang napakalaking pagkapanalo nila laban sa mga Hudyo. Kanilang inangkin na ang pagkubkob ay napakatagumpay na si Hezekias ay napilitang magbigay ng tributong salapi sa mga Asiryo at ang mga Asiryo ay lumisan sa Judah nang matagumpay nang walang pagkamatay ng mga libo libong nitong mga tao. Sa Taylor Prism, sinalaysay ni Sennacherib na pinatahimik niya si Hezekias sa loob ng Herusalem sa sariling siyudad na maharlika ni Hezekias at ito ay naging tulad ng isang "nakahawlang ibon]]".

Sa mga salaysay na ito, unang isinalaysay ni Sennacherib ang ilan sa kanyang mga nakaraang pagkapanalo sa digmaan at kung paanong nalamon sa kanyang prsensiya. Nagawa niya ito sa Dakilang Sidon, Munting Sidon, Bit-Zitti, Zaribtu, Mahalliba, Ushu, Akzib at Akko. Pagkatapos bihagin ang bawat siyudad, naglagay siya ng isang pinunong puppet na si Ethbaal bilang pinuno ng buong region. Pagkatapos ay ibinaling niya ang kanyang pansin saBeth-Dagon, Joppa, Banai-Barqa, at Azjuru na mga siyudad na pinamunuan ni Sidqia at bumagsak rin kay Sennacherib. Tumulong ang Ehipto at Nubia sa mga sinakop na siyudad. Tinalo ni Sennacherib ang mga Ehipsiyo at mag-isang binihag ang mga magkakarwaheng Ehipsiyo at Nubio. Kanyang kinubkob ang ilang mga siyudad kabilang ang Lachish sa Kaharian ng Judah. Kanyang pinarusahan ang mga kriminal na mamamayan ng mga siyudad at muling inilagay si Padi ang kanilang pinuno na kanilang binihag sa Herusalem. Pagkatapos nito, bumaling siya sa Haring Hezekias ng Judah na tumangging sumuko sa kanya. Ang 46 siyudad ay sinakop ni Sennacherib. Ayon kay Sennacherib:

Dahil si Hezekias na hari ng Kaharian ng Juda ay hindi sumuko sa aking pamataok, ako ay lumaban sa kanya at sa pamamagitan ng pwersa ng mga armas at sa lakas ng aking kapangyarihan, aking kinuha ang 46 sa malalakas na may bakod na mga siyudad nito at mga maliliit na bayan na nakakalat, aking kinuha at sinamsam ang hindi mabilang nito. Mula sa mga lugar na ito at binihag ang 200,156 kataong matatanda at bata, babae at lalake kasama ng mga kabayo at mga mule, asno, kamelyo, baka at tupa at hindi mabilang na makapal na tao. Mismong si Hezekias ay pinatahimik ko sa Herusalem na kanyang kabiserang siyudad tulad ng isang nakahawlang ibon, nagtayo ako ng mga tore sa palibot ng siyudad ng Herusalem upang palibutan siya at nagtayo ako ng mga bangko ng lupa laban sa mga bakuran nito upang maiwasan ang kanyang pagtakas. Dumating kay Hezekias ang takot ng kapangyarihan ng mga armas at nagpadala ng mga hepe at nakakatanda ng Herusalem sa akin na may 30 talento ng ginto at 800 talento ng pilak at mga iba ibang kayamanan at isang mayaman at malawakang nasamsam na bagay... Ang lahat ng ito ay dinala ko sa Nineveh na upuan ng aking pamahalaan.

Salaysay ng Bibliya

baguhin

Salungat sa salaysay ng mga Asiryo na nagtayo ng mga bangko si Sennacherib sa Herusalem, isinaad sa 2 Hari 19:32-34 na "Hindi niya ito malulusob na may kalasag ni magtatayo ng mga bangko laban dito". Inangkin sa 2 Hari 19:35, "Nang gabing iyon, pinasok ng anghel ni Yahweh ang kampo ng mga taga-Asiria at 185,000 kawal ang pinatay nito." Gayunpaman, ang pagkamatay ng 185,000 kawal ng Asirya ay hindi sinusuportahan ng anumang ebidensiyang arkeolohikal. Isinaad sa Bibliya na nag-atas ang Imperyong Neo-Asirya ng 300 talentong pilak kay Hezekias(ayon sa mga Asiryo ay 800 talentong pilak) sa kanyang ika-14 taon(2 Hari 18:13). Isinaad sa 2 Hari 18:9-12 ang pagbagsak ng Samaria noong ika-6 taon ni Hezekias ngunit ayon sa 2 Hari 18:13 ay nangyari ang pagsakop ni Sennacherib sa Judah noong ika-14 taon ni Hezekias na 7 taon pagkatapos ng pagbagsak ng Samaria. Ang mga salungatan sa pagitan ng mga salaysay sa pagitan ng 2 Hari 18:13-16 at 2 Hari 18:17-19:37 at sa pagitan ng mga sangguniang Asiryo at Bibliya ay nagtulak sa ilang mga skolar na magmungkahi ng ikalawang pangangampanya laban sa Judah ni Sennacherib. Ngunit ito ay hindi nakatala sa mga cuneiform at hindi malamang.[1]

Tingnan din

baguhin

Mga sanggunian

baguhin
  1. The Oxford Companion to the Bible,p.686
Sinundan:
Sargon II
Hari ng Babilonya
705 – 703 BCE
Susunod:
Marduk-zakir-shumi II
Hari ng Asirya
705 – 681 BCE
Susunod:
Esarhaddon
Sinundan:
Mušezib-Marduk
Hari ng Babilonya
689 – 681 BCE
Susunod:
Esarhaddon