Ang sipilis[1][2] (Ingles: syphilis) ay isang uri ng sakit na nakukuha sa pakikipagtalik. Isa itong masalimuot na karamdaman. Kumplikado ang sakit na ito dahil kinabibilangan ito ng tatlong yugto. Pagkaraan ng dalawang naunang mga yugto, nagkakaroon ng tinatawag na pamamahinga ng mga sintomas, bago sumapit ang ikatlong yugto ng sakit. May sari-sariling mga palantandaan o sintomas ang bawat yugto. Mayroon ding mga iba’t iba at kani-kaniyang kumplikasyon ang mga yugtong ito. Dinudulot ang sipilis ng bakteryang treponema paladyum (Ingles: treponema palladium).[2]

Kahalagahan ng pagpapagamot

baguhin

Maaaring mabigyan ng lunas ang sakit na sipilis kapag naagapan sa tulong ng panggagamot.[2]

Pagsasalin at pagkahawa

baguhin

Sa mga lalaki at babae

baguhin

Nalilipat ang sipilis sa ibang tao sa pamamagitan ng pakikipagtalik sa isang taong mayroon ng sakit na ito. Maaari ring makahawa ang taong may karamdaman dahil sa pagsasalin ng dugong kontaminado na ng bakterya, at maging sa paghihiraman lamang ng mga heringgilyang madudumi.[2] Maaaring makuha ang sipilis mula sa ininumang lalagyan, tubo, tuwalya, at iba pa, na kagagamit pa lamang ng taong may sipilis.[3]

Sa ina at sanggol

baguhin

Naisasalin ng ina sa sanggol ang sakit na sipilis habang nasa sinapupunan pa ang bata. Tinatawag itong konhenital na sipilis (Ingles: congenital syphilis), o "namanang sipilis." [2]

Mga palataandaan at komplikasyon

baguhin

Sa unang yugto

baguhin

Sa yugtong ito, lumilitaw ang mga palatandaan mga tatlo magpahanggang anim na linggo makaraang mahawa. Tumutubo ang mga kanker (Ingles: chancre) o malalaking uri ng makati at walang hapding mga singaw sa mga bahagi ng bibig, titi, at puki. Nawawala nang kusa ang mga singaw na ito subalit nagpapatuloy pa rin ang bakterya sa pagkalat papunta sa kasunod na yugto. Tumatagal ang unang yugto ng may isang buwan. Nananatiling nakakahawa ang sakit kahit na walang makitang mga palatandaan.[2]

Sa pangalawang yugto

baguhin

Pagkaraan ng naunang yugto, nagkakaroon ang taong may sakit ng mga pamamantal sa katawan na maihahambing sa "tigdas na matigas". Umaabot ang mga pantal hanggang sa mga palad at talampakan. Lumalabas din ang mga sugat sa bibig. Nakakaramdam ang may sakit na tao ng "pamamaga ng lalamunan, sakit sa ulo, pamamaga ng mga kulani, panghihina, lagnat, pananakit ng mga kalamnan, at patsi-patseng pagkakalbo."[2]

Pamamahinga ng mga palatandaan

baguhin

Dumarating ang mahabang panahon ng pagkawala ng mga sintomas – ito ang tinatawag na pamamahinga ng mga palatandaan (Ingles: latency period) - ngunit nagpapatuloy pa rin ang bakterya sa pagdami at pagkalat patungo sa pangatlo at huling yugto ng sakit. Sa panahong ito malakas na makahawa ang sakit na sipilis.[2]

Pangatlong yugto

baguhin

Sa ikatlong yugto ng sakit na sipilis, may pagkakataong lumitaw ang lahat ng mga palataan na mararamdaman magmula sampu magpahanggang tatlumpong taon pagkaraan ng pamamahinga ng mga sintomas. Kasama sa mga palatandaan sa yugtong ito ang pagkakaroon ng mga malalalim na sugat sa iba’t ibang bahagi ng katwan at pagbagsak ng ilong. Kabilang naman sa mga kumplikasyon ang pagkawala ng paningin, pagkawala ng pandinig, pagkalumpo, at pagsusungki-sungki ng mga ngipin. Nagkakaroon din ng sakit sa mga kabutuhan, sakit sa puso, at karamdaman sa utak. Maaaring mamatay sa panahong ito ang taong may sakit kaya’t itinuturing ito bilang pinakamapanganib na yugto ng sipilis. May kahirapan na sa pagbibigay ng lunas kapag humantong na sa yugtong ito.[2]

Mga sanggunian

baguhin
  1. "Sipilis." Sexually Transmitted Diseases/Mga Sakit na Nakukuha sa Pakikipagtalik Naka-arkibo 2008-08-29 sa Wayback Machine., HealthInfo (PDF), Mount Carmel Health, Ohio State University Medical Center/OhioHealth, Columbus, Ohio, healthinfotranslations.org, healthinfotranslations.com (serbisyong pampubliko, walang restriksiyon sa kopirayt), Hulyo 2007 (Tagalog at Ingles), nakuha noong 8 Agosto 2008
  2. 2.0 2.1 2.2 2.3 2.4 2.5 2.6 2.7 2.8 “Sipilis” Naka-arkibo 2008-03-14 sa Wayback Machine., Sexually Transmitted Infection, "Ano ang STI?", Healthy Body STI/HIV-AIDS, NEWS, Foundation for Adolescent Development/PATH Foundation Philippines, Inc./Kabalikat ng Pamilyang Pilipino Foundation, Inc., Quiapo, Maynila, Teenfad.ph, 2000, (Tagalog), nakuha noong: 13 Marso 2008
  3. Robinson, Victor, pat. (1939). "Syphilis, Venereal Disease". The Modern Home Physician, A New Encyclopedia of Medical Knowledge. WM. H. Wise & Company (New York).{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link), pahina 754.