Solido

(Idinirekta mula sa Solid)

Ang siksin o solido ay isa sa apat na pundamental na mga anyo o kalagayan ng materya (ang iba pa ay ang pagiging likido, gas, at plasma). Mga katangian ng solido ang pagiging, buo, matigas, pikpik, siksik, matibay, at lumalaban sa pagbabago ng hugis o bolyum (kabuoan). Hindi katulad ng isang likido, ang isang bagay na solido ay hindi dumadaloy upang hulmahin ang hubog ng lalagyan o sisidlan nito. Hindi katulad ng gas, hindi ito umaalsa o kumakalat upang mapuno ang buong bolyum na mapupuntahan nito. Ang mga atomo sa loob ng isang solido ay mahigpit na nakabigkis sa bawat isa, na maaaring regular na heometrikong pagkakasala-sala (mga solidong kristal), na kinabibilangan ng mga metal at ordinaryong yelo) o iregular (isang solidong amorpo, literal na "walang hugis" , katulad ng karaniwang salamin ng bintana).

Isang larawan na nagpapakita ng kung paano nakaayos ang mga molekula sa loob ng isang solido.

Ang mga molekula sa mga solido ay malapit na magkakadikit sa isa't isa, kaya't makapapanginig lamang ang mga ito. Nangangahulugan ito na ang mga solido ay mayroong isang tiyak na hugis na nagbabago lamang kapag ang nilapat ang isang puwersa. Kaiba ang solido mula sa mga likido and mga gas na kumikilos nang pasumala (walang tiyak na layunin o kapupuntahan), isang proseso na kung tawagin ay daloy o flux. Kapag naging likido ang isang solido, tinatawag itong pagtunaw o pagkatunaw (pagkalusaw). Ang mga likido ay nagiging solido dahil sa pagtigas dahil sa lamig (freezing, pagyeyelo). Ang ilang mga solido, katulad ng tuyong yelo (dry ice) ay maaaring maging gas na hindi muna nagiging likido. Tinatawag itong sublimasyon (literal na "pangingimbabaw").

Ang sangay ng pisika na nag-aaral ng mga solido ay tinatawag na pisika ng kalagayang solido, na pangunahing sangay ng pisika ng materyang kondensado (na kinasasangkutan din ng mga likido). Ang agham ng mga materyales ay pangunahing ukol sa mga katangiang pisikal at kimikal ng mga solido. Ang kimika ng katayuang solido ay natatanging patungkol sa sintesis ng bagong mga materyales, pati na ang agham ng identipikasyon (pagkilala) at kumposisyong kimikal.