Ang gas o gaas ay isa sa apat na mga saligan o pundamental at pinaka pangkaraniwan na mga katayuan o kalagayan ng materya (ang iba pa ay ang pagiging solido, likido, at plasma). Ang gas na puro ay maaaring binubuo ng indibidwal na mga atomo, (halimbawa na ang isang noble gas o gas na atomiko, katulad ng neon), mga molekulang elemental na gawa mula sa isang uri ng atomo (halimbawa na ang oksiheno), o mga molekulang langkapan na yari mula sa sari-saring mga atomo (halimbawa na ang carbon dioxide). Ang isang kahaluan ng mga gas ay maglalaman ng samot-saring mga purong gas na katulad ng hangin.

Ang mga partikulo ng gas (mga atomo, mga molekula, o mga iono) ay malayang kumikilos sa palibot kapag walang nilapat na hanay ng kuryente.

Ang isang kahaluan ng gas ay maglalaman ng iba't ibang mga uri ng gas. Halimbawa na ang hangin na mayroong 78% ng nitroheno, 20% ng oksiheno at 2% ng argon at carbon dioxide.[1]

Ang ipinagkakaiba ng isang gas mula sa mga likido at mga solido ay ang malawak na pagkakahiwalay ng mga partikulo ng indibidwal na gas. Ang pagkakahiwalay na ito ay karaniwang nakapagbibigay dito ng katangiang hindi nakikita ng mga mata ng gas na walang kulay. Ang interaksiyon ng mga partikulo ng gas habang mayroong mga hanay o field na elektriko (may kuryente) at grabitasyunal (may grabidad) ay itinuturing na bale-wala na ipinapakita ng mga vector ng hindi nagbabagong belosidad na nasa larawan (nasa kanan ng tekstong ito).

Sa loob ng isang gas, ang isang molekula ay malayang nakakagalaw at hindi umaasa sa iba pang mga molekula. Kaya't kakaiba ang gas mula sa isang likido na kung saan ang mga molekula ay maluwag na magkakadikit, at kaiba rin sa isang solido kung saan ang pagdirikit ay matibay at madiin ang pagkakasama-sama.

Mga katangiang pisikal

baguhin

Ang lahat ng mga gas ay maaaring dumaloy (flux) o kumilos, katulad ng mga likido, na nagsasarili ang bawat molekulo. Ang karamihan sa mga gas ay walang kulay, katulad ng hidroheno.[2] Ang mga partikulo ng gas ay kumakalat o lumalaganap (dipusyon, diffusion) upang mapuno ang puwang o espasyo na nasa loob ng anumang sisidlan na katulad ng isang bote o isang silid. Kapag inihambing sa mga likido at mga solido, ang mga gas ay mayroong napakababang densidad (kasiksikan) at biskosidad (kalaputan o kalagkitan). Hindi maaaring tuwirang mapagmasdan ng tao ang karamihan sa mga gas sapagkat walang kulay ang mga ito, subalit posibleng masukat ang kanilang densidad, bolyum, temperatura, at presyon

Presyon

baguhin

Ang presyon ay ang sukat ng kung gaanong puwersa ng pagtulak ang inilalagay ng isang bagay sa isa pang bagay. Sa isang gay, karaniwang ang gas ang tumutulak sa lalagyan ng bagay o, kapag mabigat ang gas, ang isang bagay na nasa loob ng gas. Ang gas ay sinusukat sa pamamagitan ng mga yunit na Pascal. Dahil sa ikatlong batas ni Newton, maaaring baguhin ang presyon ng isang gas sa pamamagitan ng paglalagay ng puwersa sa ibabaw ng bagay na naglalaman ng nasabing gas. Halimbawa, ang pagpiga sa isang bote na mayroong hangin sa loob ay nakapagbibigay ng mas maraming presyon sa hangin na nasa loob.

Ang presyon, kapag gas ang pinag-uusapan, ay madalas na may kaugnayan sa isang lalagyan. Ang maraming gas na nasa loob ng isang maliit na sisidlan ay magkakaroon ng isang napakataas na presyon. Ang isang maliit na dami ng gas na nasa isang malaking lalagyan ay magkakaroon ng isang mababang presyon. Ang gas mismo ay maaaring makalikha ng presyon kapag marami ito. Ang bigat ng lahat ng mga gas na nabanggit ay nakakalikha ng mataas na presyon sa ibabaw ng anumang bagay na nasa ilalim nito. Sa ibabaw ng isang planeta, ito ay tinatawag na presyong atmosperiko.

Temperatura

baguhin

Ang temperatura ng isang gas ay ang kung gaano kainit o kalamig ito. Sa agham, malimit na sinusukat ito sa pamamagitan ng yunit na Kelvin bagaman sa pang-araw-araw ang yunit na degree o Celsius ay mas pangkaraniwan. Sa isang gas, ang karaniwang belosidad ng mga molekula ay may kaugnayan sa temperatura. Kapag mas mabilis na kumikilos ang mga molekula, mas nagbabanggaan ang mga ito. Ang mga pagbabanggaang ito ay nakakalikha ng enerhiya, na sa isang gas ay nagiging init. Sa kabaligtaran, kapag ang temperatura na nasa paligid ng gas ay naging mas mainit, ang mga partikulo ng gas ay makakasanhi na ang enerhiyang termal ay maging enerhiyang kinetiko, na nakapagpapabilis sa mga ito at mas nakapagpapainit ng gas.[3]

Mga pagbabago sa kalagayan

baguhin

Ang isang gas ay maaaring dumaan sa dalawang mga pagbabago ng katayuan. Kapag ang temperatura ay may sapat na kababaan, ang gas ay maaaring lumapot (kondensasyon) at maging isang likido. Kung minsan, kapag ang temperatura ay may sapat na kababaan, maaari itong dumaan sa deposisyon, kung saan ang gas tuwirang nagiging isang solido. Sa karaniwan o normal na proseso, ang gas ay dapat na lumapot muna (maging kondensada), at pagdaka ay namumuong malamig (freezing) upang maging isang solido o buo, ngunit kapag ang temperatura ay napakababa, maaari nitong lagtawan ang yugto ng pagiging likido at kaagad na maging solido. Ang frost o hamog na nagyelo sa lupa tuwing panahon ng tagniyebe (taglamig, tagyelo) ay dahil dito. Ang singaw ng tubig (na isang gas) ay pumupunta sa hangin o himpapawid na napakalamig at kaagad na nagiging yelo dahil sa deposisyon (literal na "pagtiwalag", sa diwa na "tumiwalag upang mamuo").

Tingnan din

baguhin
 
Wiktionary
Tingnan ang Gas sa
Wiktionary, ang malayang talahulugan.

Mga sanggunian

baguhin
  1. "Composition of Air".
  2. "Colours of Gases". Inarkibo mula sa orihinal noong 2009-10-19. Nakuha noong 2014-09-01.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. "Heat and temperature". Inarkibo mula sa orihinal noong 2010-02-10. Nakuha noong 2014-09-01.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)