Stagflation
Sa ekonomika, ang stagflation (isang salitang Ingles na nanggaling sa dalawang salitang-ugat na stagnation at inflation) ay isang situwasyon kung saan mataas ang malawakang antas ng presyo, mabagal ang paglago ng ekonomiya, at nananatiling mataas ang bilang ng kawalan ng trabaho. Ito ay nagdudulot ng isang suliranin sa polisiyang pang-ekonomika sapagkat ang mga aksyon upang solusyonan ang mataas na inflation ay maaaring magdulot nang paglala ng bilang ng kawalan ng trabaho o 'di kaya'y ang kabaligtaran nito.
Ang salitang ito ay kadalasang naiuugnay sa isang pulitiko ng Konserbatibong Partidong Briton na naging kansilyer ng pananalapi noong 1970 na si Iain Macleod. Siya rin ang nagbigay ng pangalan sa terminong ito sa kaniyang talumpati sa Parlamento noong 1965.
Hindi ginamit ni Keynes ang salitang ito ngunit ang iba sa kaniyang mga akda ay tumutukoy sa kondisyong masasabing stagflation. Sa bersyon ng teoryang makroekonomikong Keynesiyano na malaki ang impluwensiya noong matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig at noong magtatapos ang taong 1970, ang inflation at resesyon ay sinasabing "kapwang ekslusibo" na makikita sa kurbang Phillips. Sa usapang panlipunan at kakulangan sa badyet, ang stagflation ay napakamagastos at mahirap solusyonan kapag ito ay nagsimula na.