Tayutay
pampanitikang paraan ng pamamahayag na gumagamit ng matatalinhagang salita
Ang tayutay ay salita o isang pahayag na ginagamit upang bigyan diin ang isang kaisipan o damdamin. Sinasadya ng pagpapayahag na gumamit ng talinghaga[1] o di-karaniwang salita upang bigyan diin ang saloobin ng naghahayag. Gumagamit din ito ng mga di-literal na pananalita upang maging mabisa ang ibig sabihin ng pahayag.[1]
Ang matalinhagang wika ay wika na gumagamit ng tayutay.[2] Tinatawag din ang tayutay bilang patalinghagang pahayag.[3]
Mga uri ng tayutay
- Simili o pagtutulad[4] - di tiyak na paghahambing ng dalawang magkaibang bagay. Ginagamitan ito ng mga salitang: tulad ng, paris ng, kawangis ng, tila, sing-, sim-, magkasing-, magkasim-, at iba pa. Ito ay tinatawag na simile sa Ingles.
- Halimbawa: Bigla na lamang siyang nawala tulad ng isang ninja.
- Metapora o pagwawangis[4] - tiyak na paghahambing ngunit hindi na ginagamitan ng pangatnig. Nagpapahayag ito ng paghahambing na nakalapat sa mga pangalan, gawain, tawag o katangian ng bagay na inihahambing. Ito ay tinatawag na metaphor sa Ingles.
- Halimbawa: Isang halimaw ang nag-abuso sa iyo.
- Personipikasyon o pagbibigay-katauhan[1] o pagsasatao - ginagamit ito upang bigyang-buhay, pagtaglayin ng mga katangiang pantao - talino, gawi, kilos ang mga bagay na walang buhay sa pamamagitan ng mga pananalitang nagsasaad ng kilos tulad ng pandiwa, pandiwari, at pangngalang-diwa. Personification ito sa Ingles.
- Halimbawa: Nilamon ng daluyong ang mga kabahayan.
- Apostrope o pagtawag o panawagan - isang pakiusap sa isang bagay na tila ito ay isang tao.
- Halimbawa: Hoy kompyuter, mag-boot up ka na!
- Pag-uulit
- Aliterasyon o paripantig - ang unang titik o unang pantig ay pare-pareho.
- Anapora o paimuna - pag-uulit ng isang salitang nasa unahan ng isang pahayag o ng isang sugnay.
- Anadiplosis o paugnay - inuulit ang huling salita ng katatapos lamang na pangungusap, at ginagamit ito bilang panimula ng susunod na pangungusap.
- Epipora o padulo - pag-uulit naman ito ng isang salita sa hulihan ng sunud-sunod na taludtod.
- Antimetabole o empanodos o pabalik na pag-uulit - gumagamit ng pagbabaliktad ng pagkakaayos ng salita sa isang kataga o parirala, at paggamit ng binaliktad na porma upang ipakita ang kasalungatan.
- Halimbawa: Isa para sa lahat, lahat para sa isa.
- Katapora - paggamit ng isang salita na kadalasang panghalip na tumutukoy sa isang salita o parirala na binanggit sa hulihan.
- Pagmamalabis o hayperbole o pasawig - ito ay lagpas-lagpasang pagpapasidhi ng kalabisan o kakulangan ng isang tao, bagay, pangyayari, kaisipan, damdamin at iba pang katangian, kalagayan o katayuan.
- Panghihimig o onomatopeya - ito ang paggamit ng mga salitang kung ano ang tunog ay siyang kahulugan. Onomatopeia ito sa Ingles.
- Sarkasmo o pag-uyam o pauroy - isang uri ng ironya o balintuna na ipinapahiwatig ang nais iparating sa huli. Madalas itong nakakasakit ng damdamin.
- Sinekdoke o pagpapalit-saklaw[1] - isang bagay, konsepto kaisipan, isang bahagi ng kabuuan ang binabanggit.
- Paglilipat-wika - tulad ng pagbibigay-katauhan na pinasasabagay ang mga katangiang pantao, na ginagamit ang pang-uri.
- Balintuna[4] o parikala o ironya - isang pahayag na kabaligtaran ang nais sabihin o iparating.
- Pasukdol - pataas na paghahanay ng mga salita o kaisipan ayon sa kahalagahan nito mula sa pinakamababa patungo sa pinakamataas na antas. Tinatawag itong climax sa Ingles.
- Pagtanggi o padili - tinatawag din na litotes na hango sa salitang Griyego na nangangahulugang "payak," ginagamit nito ang isang pagmamaliit sa pamamagitan ng dobleng negatibo o, sa ibang salita, positibong pananalita na hinahayag sa pamamagitan ng pagtanggi o negasyon ng kabaligtaran nitong ekspresyon.
- Halimbawa: Hindi na ako kasing bata tulad ng dati. (Iniiwasan ang pagsabi ng "matanda na ako.")
- Anastrope o pasaliwa - isang uri ng tayutay na gumagamit ng pagbabaliktad ng paggamit o pagkakaayos ng mga salita sa pangungusap.
- Aposiopesis o paghinto o pasindal - isang istilo ng pagbasa na maituturing ding tayutay. Ginagamit ito upang magbigay diin sa susunod na mga salita o tema.
- Paradoks o pabaligho - sa pampanitikang terminolohiya, isa itong maliwanag na pagsasalungat na kahit papaano ay totoo.[5] Maaring maging pahidwa o oksimuron, pagmamaliliit o paglalabis ang anyo ng paradoks. Maaring ihalo ang pabaligho sa balintuna.
Mga sanggunian
- ↑ 1.0 1.1 1.2 1.3 TagalogLang, Author (2022-01-04). "TAYUTAY". TAGALOG LANG (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2022-01-11.
{{cite web}}
:|first=
has generic name (tulong)CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ Arp & Johnson (2009), p. 705 (sa Ingles)
- ↑ Pananaw 4' 2005 Ed.(pagbasa). Rex Bookstore, Inc. ISBN 978-971-23-3984-4.
- ↑ 4.0 4.1 4.2 Macaraig, Milagros B. (2004). Sulyap Sa Panulaang Filipino' 2004 Ed. Rex Bookstore, Inc. ISBN 978-971-23-3908-0.
{{cite book}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ Arp & Johnson (2009), pp. 749–751 (sa Ingles)