Adolesente

(Idinirekta mula sa Teenage)

Ang kabataan, na tinatawag ding tinedyer, tin-edyer, adolesente, o lalabintaunin ay ang panahon, edad, o gulang na nasa pagitan ng pagiging isang bata o kilaw at hustong adulto, o kaya ang yugto ng panahon kung kailan ang isang tao ay biyolohikal o pisikal na adulto subalit emosyonal o makapandamdaming hindi pa husto ang maturidad. Ang mga edad na itinuturing na bahagi ng adolesensiya ay iba-iba ayon sa kultura. Halimbawa, sa Estados Unidos ang adolesensiya ay nagsisimula sa bandang edad na 13. Ang kataguriang tinedyer o tin-edyer ay nagmula sa Ingles na teenager, pinaiiksing teen, ay nagmula sa mga Ingles na salitang thirteen (labintatlo) hanggang nineteen (labinsiyam). Ang tinedyer o tin-edyer ay katumbas ng katagang lalabintaunin. Ang adolesensiya ay kultural at hindi tumutukoy sa isang pirming yugto ng panahon. Ang salitang adolesensiya ay nagbuhat sa wikang Kastilang adolescencia, na nagbuhat naman sa Lating adolescere, isang pandiwang may kahulugang "paglaki". Sa panahong ito, ang katawan, damdamin, at katayuang akademiko ng isang tao ay nagbabago ng malaki at marami.

Mga adolesentes sa isang high school sa Colorado, Estados Unidos.

Sa panahon ng adolesensiya, karamihan sa mga bata ang dumaraan sa mga yugto ng mga pagbabagong pisikal na kung tawagin ay pubertad: o mas espesipikong ang pagbibinata sa mga lalaki at ang pagdadalaga ng mga babae, na karaniwang nagsisimula bago umabot ang isang tao sa gulang na 13. Karamihan sa mga kalinangan ang nag-iisip na ang tao ay nagiging adulto sa loob ng samu't saring mga edad ng mga taon ng pagiging adolesente. Halimbawa, sa tradisyon ng Hudaismo, ang mga tao ay iniisip na adulto na sa edad na 13, at ang pagbabagong ito ay ipinagdiriwang sa Bar Mitzvah para sa mga batang lalaki at sa Bat Mitzvah para sa mga batang babae. Sa pangkaraniwan, mayroon isang pormal na edad ng mayorya o mayor de edad (mayor na edad (kabaligtaran ng menor de edad o menor na edad) kung kailan ang mga adolesente ay pormal (ayon sa batas) na nagiging mga adulto.

Ilang mga sakit ang maaaring lumitaw sa panahon ng adolesensiya ang katulad ng acne, chlorosis (bagaman bihira na), dementia praecox, epilepsiya, hysteria, at acute rheumatism.[1]

Tingnan din

baguhin

Mga sanggunian

baguhin
  1. Robinson, Victor, Ph.C., M.D. (patnugot). (1939). "Adolescence". The Modern Home Physician, A New Encyclopedia of Medical Knowledge. WM. H. Wise & Company (New York)., pahina 19.