Tiong Se Academy
Ang Tiong Se Academy (Pinaiksi: TSA; Tsino: 中西学院 Zhōngxī Xuéyuàn), dating kilala sa mga pangalang Anglo-Chinese School at Philippine Tiong Se Academy, ay isang paaralang Tsinong itinatag noong 15 Abril 1899 ng unang konsul ng mga Tsino sa Pilipinas na si Engracio Palanca (Tan Kong). Sa loob ng sandaan at labinlimang taon ng pagbibigay ng pormal na edukasyong Tsino sa Pilipinas, kinikilala ang paaralan bilang kauna-unahan at pinakamatandang paaralang Tsino sa bansa.[1]
Tiong Se Academy | |
---|---|
中西学院 | |
Sawikain | 有恒,崇实,自重,爱群 Kasigasigan, Katotohanan, Karangalan, Kaisahan |
Palayaw | Tiongseians |
Websayt | [1] |
Kasaysayan
baguhinTaong 1898 nang simulang sakupin ng mga Amerikano ang Pilipinas ay itinatag ang konsulado ng bansang Tsina sa Binondo, Maynila. Hinirang si Engracio Palanca (Pangalan sa Wikang Tsino: Tan Kong 陈纲) bilang maging kauna-unahang konsul ng mga Tsino. Makalipas ang ilang buwan, noong 15 Abril 1899 ay kanyang itinatag ang Anglo-Chinese School (ACS) bilang tugon sa lumalaking pangangailangan ng edukasyon para sa mga Tsinong naninirahan sa Pilipinas.
Taong 1904 nang magsimulang magbigay ng kumpletong kursong pang-elementarya kapwa sa Wikang Ingles at Wikang Tsino ang ACS. Ito ang naging batayan kung saan nakuha ng paaralan ang pangalan nito.
Taong 1919 nang maging punong-guro si Ginoong Gan Bun Cho (颜文初). Sa kanyang dalawampu't dalawang taon sa posisyon ay malaki ang kanyang naiambag para sa paaralan na karamihan ay kauna-unahan para sa bansa tulad ng pagtatatag ng boy scout noong 1920, paggamit ng Wikang Mandarin sa pagtuturo noong 1921, pagbuo ng koponan para sa basketbol noong 1930, at pagbubukas ng sanayang pangmilitar nang magsimula ang Digmaang Tsino-Hapon noong 1937.
Sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa Pilipinas taong 1941. Lahat ng paaralang Tsino sa bansa kabilang ang ACS ay pansamantalang tumigil sa operasyon. Pagkatapos na masakop ang noo'y "Open City" na Lungsod ng Maynila ay hinuli ng hukbong Hapones ang mga taong maaaring sumusuporta sa mga kalaban nito. 12 Enero 1942 nang mahuli si Ginoong Gan Bun Cho dahil sa aktibo niyang pakikisapi sa mga samahang kontra-Hapones. Nahatulan siya ng parusang kamatayan at ito'y isinakatuparan sa Chinese Cemetery noong 15 Abril 1942. Dahil dito, itinuturing ang dakilang Gan Bun Cho bilang isang martir.
Pagkatapos ng Labanan sa Maynila noong Pebrero 1945 ay pinangunahan ng ACS ang muling pagbubukas ng mga paaralang Tsino sa bansa mula Abril nang taon ding yaon. Dahil naging kublihan at silungan ng mga biktima ng digmaan ang paaralan, hindi naging madali ang pagbawi sa mga school building na tumagal rin ng ilang taon.
Taong 1956 nang sumailalim sa pamamahala ng Kagawaran ng Edukasyon ang kurikulum ng lahat ng paaralang Tsino sa bansa upang maiwasan ang pagpasok ng mga ideyang maka-komunista.
Nasunog ang school building ng ACS noong 1969 nang madamay ito sa Great Meisic Fire. Halos walang natira sa mga dokumento ng paaralan. Pansamantalang isinagawa ang mga klase sa iba't ibang bahagi ng Binondo hanggang sa makumpleto ang pagtatayo ng bagong gusali pagkalipas ng isang taon.
Binigyang hangganan ng Pangulong Ferdinand E. Marcos ang oras ng pagtuturo ng wikang Tsino sa lahat ng paaralang Tsino sa pamamagitan ng Atas ng Pangulo Blg. 176 noong 1973. Ipinag-utos rin ang pagbabago ng pangalan ng mga paaralang Tsino na nagresulta sa pagpapalit ng pangalang Anglo-Chinese School sa Tiong Se Academy (TSA) noong 25 Pebrero 1975.
Taong 1976, binuksan ng TSA ang pangsekundaryang kurikulum kapwa para sa mga departamento ng Ingles at Tsino. Mula noon ay nagkaroon ng elementarya at sekundaryang kurikulum sa paaralan.
Taong 1996 nang idagdag ang salitang "Philippine" sa pangalan ng paaralan at naging "Philippine Tiong Se Academy" (PTSA). Ngunit taong 2013 nang panauliin sa Tiong Se Academy ang pangalan upang maging alinsunod sa orihinal na rehistro ng paaralan sa mga sangay ng pamahalaan.
Sa pagsisimula ng ika-21 siglo ay nagkaroon ng mahahalangang hakbang upang ipagpatuloy ang magandang simulain ng TSA. Noong 2006 nang magsanib ang TSA at isa pang paaralang Tsino na Philippine San Bin School. Taong 2009 hanggang sa simula ng 2010 ay nagdaos ang paaralan ng ika-110 anibersaryo sa iba't ibang lokasyon sa Kalakhang Maynila sa kauna-unahang pagkakataon.
Bukod sa mga nabanggit ay ang mga pagkilala ng iba't ibang organisasyon at ng pamahalaan ng Pilipinas sa mga naiambag ng TSA sa nakalipas na higit sa isang siglo. Taong 2011 nang tanghaling isang huwarang paaralan (Model School in Overseas Chinese Education) ng Second World Chinese Language and Culture Education Conference na ginanap sa bansang Tsina ang TSA bilang papuri sa mga natatanging kontribusyon nito para sa edukasyong Tsino sa Pilipinas. Taong 2013 nang kilalanin ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ay TSA bilang kauna-unahan at pinakamatandang paaralang Tsino sa bansa sa pamamagitan ng isang panandang pangkasaysayan (historical marker). Nang sumunod na taon, ang Pambansang Komisyon sa Kasaysayan ng Pilipinas naman ang nagbigay pagkilala sa TSA sa pamamagitan rin ng isang pananda.
Mga sanggunian
baguhin- ↑ "Eskwelahan atbp [Archive] - Bhatugan.com". bhatugan.com. 12 Agosto 2009. Nakuha noong 14 Hunyo 2014.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link)[patay na link]