Ulo
Sa larangan ng anatomiya, ang ulo o kukote[1] ng isang hayop ay ang bahagi ng katawan na karaniwang binubuo ng utak, mga mata, mga tainga, ilong, at bibig (nakatutulong ang lahat ng mga ito sa iba't ibang gamit na pandama, katulad ng paningin, pandinig, pangamoy, at panglasa). Mayroon namang ibang payak na mga hayop na walang ulo subalit mayroong mga hayop na simetriko o pantay ang hugis sa magkabilang panig ng katawan.
Anatomiya sa mga tao
baguhinMga buto ng ulo
baguhinAng bungo ay hinati sa kranyo o cranium (lahat ng buto ng bungo maliban sa mandible o buto ng pang-ibabang bibig) at ang panga. Ang pagkakaroon ng tatlong buto ng tainga (ossicles) ang isang katangian na naghihiwalay sa mga mamalya (mammal) mula sa mga hindi-mamalya:
Ang mga buto ng tainga:
Mahalagang mga sangkap ang mga ossicles sa pandamang pandinig sa mga mamalya. May nag-iisang buto ang ibang mga hayop na karaniwang tinatawag na columella.
Maaaring hatiin ang kranyo sa ibabaw ng bungo o calvarium at ibaba ng bungo. Kinabubuuan ng maraming mga buto ang kranyo na pinagdikit sa mga ugpungang tinatawag na sutures. Marami sa mga sutures o dugtungan ay nagsasamasama para mabuo ang pterion. Nagaganap sa loob ng sinapupunan ang proseso ng pagsasamasama ng mga butong ito para pag-ingatan ang pinakamahahalagang organo sa loob ng katawan: ang utak. Bagaman kumpleto na ang pagsasamang ito bago ang pagluluwal, may mga malalaking lugar ng tisyung pibro (ang mga fontanelle o bumbunan) kung saan ang pagsasama ay hindi kumpleto hanggang sa pagbibinata o pagdadalaga. Madaling malaman sa pamamagitan ng pagsalat ang bumbunan sa mga noo ng mga bagong-silang at mga bata.
Nahahati sa maraming mga buto ang kranyo ng nakatatandang tao, makikita sa kaliwa at sa kanang gilid ng bungo ang karamihan sa mga ito. Para mas maging tumpak kung paano nagkakaugnay-ugnay ang mga buto sa bawat isa, kadalasang ginagamit ang mga salita ayon sa posisyong pang-anatomiko para paghambingin ang mga buto:
- dalawang maxilla (isa sa bawat panig ng ulo) na nasasakop ang ibaba at gitna ng hukay na kinalalagyan ng mata
- dalawang butong zygomatic, ibaba at gilid ng hukay na kinalalagyan ng mata
- dalawang butong temporal, sinasakop ang lugar na kinalalagyan ng mga tainga
- isang pangharap na buto (frontal), sa ibabaw ng hukay na kinalalagyan ng mata
- dalawang butong parietal, sa likod ng pangharap na buto at itaas ng butong temporal (o nasa gilid ng noo)
- isang butong oksipital (occipital bone) sa likod ng ulo
- ilan pang mga panloob na mga buto (internal) na hindi madaling matanaw. Ito ang mga sumusunod:
May kabuuang 14 buto ang mukha.
Ang panga ang nalalabing bahagi ng bungo na hindi pa natatalakay. Isang buto itong nakakabit sa kranyo sa ugpungang temporomandibular o temporomandibular joint (TMJ). Pinahihintulutan ng mahalagang butong ito na makagalaw ang panga, habang ginagamit ang ugpungang temporomandibular upang makamit ang mga gawaing tulad ng pagnguya (mastikasyon), pagkain, at pagsasalita.
Kung tatanawin mula sa ilalim, maraming mga butas ang bungo o foramina o foramen, na ang pinakamalaki ay ang foramen magnum kung saan tumatawid ang spinal cord. Pinapayagan ng ibang mga butas ang pagdaan ng mga ugat (mga artery, vein at cranial nerve o litid-kranyo). Kapag tinanggal ang panakip na bungo (skull cap o calvarium), na ang ibaba ng bungo ay tinitingnan mula sa ibabaw, may tatlong malinaw na impresyon o fossa. Ang anterior cranial fossa ang nasa pinakaharap, kung saan nakalagay ang frontal lobe o harapang bahagi ng utak. Ang pangalawang pinakaharap na depresyon, ang hugis-paru-parong panggitna o middle cranial fossa, ang mga"pakpak" nito nagsisilbing patungan ng mga temporal lobe ng utak. Kinababahayan ng katawan ng "paru-paro" ang isang mahalagang bahagi, ang sella turcica, na bumabalot sa glandulang pituwitaryo o pituitary gland, isa sa mga pangunahing organo ng sistemang endocrine. Ang panlikod o posterior cranial fossa ang kinalalagyan ng foramen magnum at kung saan nakalagay ang posterior lobe (panlikod na lobo) ng utak, maging ang cerebellum.
Anatomiya ng mukha
baguhinBatay sa larangan ng anatomya, nasasakop ang tulis ng baba hanggang sa mga ugat ng buko ang mukha. Madaling mabanat at maluwag ang balat ng mukha. Dahil sa kawalan ng malalim na fascia, madaling magdugo ang mga sugat ng mukha.
May limang butas o orifice ang mukha: dalawa para sa mga mata (mga orbit), dalawang butas ng ilong (nostril), at ang bibig o bunganga.
Ang arteryong external carotid artery ang pangunahing pinagmumulan ng dugo kailangan ng mukha at halos ng kabuuan ng anit.
Ang ugat-pandamang triheminal (trigeminal nerve o ang panlimang cranial nerve), na pinanangalan ng gayon dahil sa pagsasanga nito sa tatlong hati o dibisyon, ang nagiisang pinagmumulan ng mga hudyat pandama. Nasasakop ng dibisyong optalmiko (ophthalmic division) ang pook na nasa ibabaw ng mga mata, kabilang ang noo at halos kabuuan ng ilong. Sakop ng dibisyong maxillary ang lugar sa ibaba ng mata subalit nasa ibabaw ng bibig, kabilang ang mga pisngi at ilang bahagi ng ilong. Nasasakop ng dibisyong mandibular ang lugar sa ibaba ng bibig at nasa gilid ng pisngi hanggang sa mga tainga. Hindi sakop ng pook na ito ang angulong mandibular (ang tangos ng panga), na nakadarama dahil sa ugat-pandama ng pangalawang gulugod (second cervical spinal nerve).
Kabilang sa mga laman sa loob ng mukha ang muskulo ng ilong, lamang zygomatic, lamang pang-nguya (mastikasyon), at yung pang-galaw ng mukha (ekspresyon ng mukha). Binubuo ng dalawang parte ang pangharap na bahagi ng malaking muskulong occipitofrontalis: ang occipitalis o bahaging occipital at panghrap na bahagi (frontalis). Bagaman magkahiwalay ang dalawang muskulo at nakadarama dahil sa magkaibang ugat-pandama, magkakonekta sila dahil sa tisyung pibromuskular ang galea aponeurotica na lumilikom hanggang sa pang-ibabaw na kalahati ng ulo upang mabuo ang anit. May muskulong digastric ang dalawang magkakabit na magkaibang muskulo, na ang aksiyon ay ang pagkunot ng noo at pagtaas ng kilay. Nakadikit ang laman sa balat ng noo at kilay sa harap at nakadikit din sa linyang superior nuchal sa likod. Nakadarama ang pangharap na tiyan (frontal belly) ng muskulong digastric dahil sa temporal nerve, isang sanga ng facial nerve (ang pang-pitong cranial nerve), habang ang occipital belly naman ay nakadarama dahil sa ibang sanga ng ugat-pandama sa mukha (facial nerve), ang posterior auricular nerve.
Anatomiya sa mga hindi-tao
baguhinSimetrikong pagkakatulad ng dalawang panig ng katawan
baguhinWalang ulo ang mga pinakapayak na hayop, subalit mayroon ang karamihan sa mga payak na hayop na may pantay at magkawangis na magkabilang gilid ng katawan. Napagsasanggalang ng isang butong nakapalibot sa ulo, ang bungo, ang laman ng ulo ng mga verterbrate, na nakakabit sa gulugod (spine).
Mga kaalamang may kaugnayan sa ulo
baguhinPara sa mga tao, ang ulo at lalo na ang mukha ang pinakapunong-palatandaan para makilala ang iba't ibang mga tao, dahil sa kanilang mga madaling matandaang hitsura tulad ng buhok at kulay ng mata, ilong, mata at hugis ng bibig, mga kulubot, at iba pa.
Minsang ipinapakitang may mga malalaking ulo sa mga kartun (cartoon) ang mga taong mas matatalino (intelihente), bilang pamamaraan ng pagpapakitang sila ay may mas maraming utak; sa mga kuwentong kathang-isip pang-agham (science fiction), simbolo ng mataas na katalinuhan ang isang ekstraterestriyal na may malaking ulo. Subalit, walang gaanong apekto sa katalinuhan ng tao ang maliit na pagbabago sa laki ng utak.[2]
Sa wikang Tagalog, at sa Ingles (slang o salitang kalye), sinasabi kung minsan na ang mayabang na tao ay may "malaking ulo".
Mayroong 5 kilo o 12 libra ang timbang ng karaniwang ulo ng tao.
Kasuotan
baguhinSa maraming kultura, tanda ng paggalang ang pagtatakip ng ulo. Kadalasan, dapat na natatakpan at nabebelohan ang ilan o lahat ng bahagi ng ulo habang pumapasok sa mga banal na pook o pook-dasalan. Sa loob ng maraming dantaon, tinatakpan ng mga kababaihan sa Europa, Gitnang Silangan, at mga parte ng Asya ang kanilang mga buhok bilang tanda ng kayumian. Nagbago ng malaki ang gawaing ito sa Europa noong ika-20 siglo, bagaman ginagawa pa ito sa ibang bahagi ng mundo. Bilang karagdagan, kinakailangang magsuot ng mga tamang kasuotang pang-ulo ang mga kalalakihan sa ilang bilang ng mga daan ng pananampalataya, katulad ng putong sa ulo ng mga Hudyo, o turban ng mga sikh; o ang pagkukubli ng buhok, tainga at leeg ng mga kababaihan sa pamamagitan ng isang alampay.
Maaari ring maging tanda ng katayuan, pinanggalingan, paniniwalang pampananampalataya at pang-kaluluwa, samahang panlipunan, uri ng trabaho, at hilig pangkasuotan (fashion) ang iba't ibang mga suklob sa ulo.
Hindi maka-agham na pag-aaral ng ulo ng tao
baguhinDahil ang ulo ng tao ang siyang kinalalagyan ng organong pangkaisipan, naging paksa ito ng madalubhasang pag-aaral. Naging sanhi ng pagkakaroon ng pseudoscience (di-totoong agham) ng prenolohiya (phrenology), na dumating ang kasikatan noong ika-19 siglo. Ibinabatay nito ang mga paguugali at mga kakayahang pangkaisipan sa hugis ng ulo. Naging tanyag din ang pagsusukat ng ulo at bungo na ang tawag ay craniometry. Ginamit ang ilan sa mga sukat na ito at iba pang mga katulad na pananaliksik, lalo na sa Alemanya ng mga Nazi, bilang simulain ng rasismo at mga teoryang ng mga hindi-totoong agham (pseudoscientific theories).
Ginamit at pinasikat din ang paraan ng trepenasyon (trepanation) para sa mga dahilang di-makaagham.
Mga sanggunian
baguhinTalababa
baguhin- ↑ "Kukote, head". Flavier, Juan M., "Doctor to the Barrios" (New Day Publishers). 1970.
{{cite ensiklopedya}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ NCBI.NLM.NIH.gov
Bibliyograpiya
baguhin- Campbell, Bernard Grant. Human Evolution: An Introduction to Man's Adaptations o Ebolusyon ng Tao: Isang Pagpapakilala sa Adaptasyon o Pagkagamay ng Tao (Pang-apat na edisyon), ISBN 0-202-02042-8
Ang artikulo na ito ay isinalin mula sa " Head " ng en.wikipedia. |
Mga panlabas na kawing
baguhin- Ang anatomya ng napinsalang ulo. Naka-arkibo 2006-07-03 sa Wayback Machine.