Pandiwa

mga salita na nagsasaad ng kilos o galaw
(Idinirekta mula sa Verb)

Ang pandiwa o badyâ ay isang salita (bahagi ng pananalita) na nagsasaad ng kilos o galaw (lakad, takbo, dala), isang pangyayari (naging, nangyari), o isang katayuan (tindig, upo, umiral). Tinatawag ito na verb sa wikang Ingles.

Mga halimbawa (naka-italiko):

  • Pumunta ako sa tindahan.
  • Binili ko ang tinapay.
  • Kumain ako ng tinapay kaninang umaga.
  • Sumakay ako sa jeep papunta sa paaralan.
  • Ginagawa ko palagi ang aking mga takdang-aralin.

Aspekto ng Pandiwa

baguhin

Ipinapakita ng aspekto ng pandiwa kung kailan nangyari, nangyayari, mangyayari o kung ipagpapatuloy pa ang nagaganap na kilos.

Salitang-Ugat Pawatas Naganap o Perpektibo Nagaganap o Imperpektibo Magaganap o Kontemplatibo Kakatapos
basa magbasa nagbasa nagbabasa magbabasa kababasa
sira masira nasira nasisira masisira kasisira

Pawatas

baguhin

Ito ang tawag sa kombinasyon ng salitang-ugat at ng panlaping makadiwa. Sa pawatas nabubuo ang mga pandiwa.

Salitang-Ugat + Panlapi = Pawatas = Pandiwa
tuka + um = tumuka = tumuka, tumutuka, tutuka
palit + mag = magpalit = nagpalit, nagpapalit, magpapalit

Aspektong Naganap o Perpektibo o Pangnagdaan

baguhin

Nagsasaad ito na tapos nang gawin ang kilos.

Ang pawatas na may panlaping um at ang aspektong naganap ay iisa o pareho.

Salitang-Ugat + Panlapi = Pawatas = Naganap
alis + um = umalis = umalis
kain + um = kumain = kumain

Ang panlaping ma, mag at mang sa isang pawatas ay nagiging na, nag at nang sa aspektong naganap.

Salitang-Ugat + Panlapi = Pawatas = Naganap
tuwa + ma = matuwa = natuwa
sulat + mag = magsulat = nagsulat
hingi + mang = manghingi = nanghingi

Ang panlaping in sa isang pawatas ay nagiging unlapi kung ang salitang-ugat ay nagsisimula sa patinig at nagiging gitlapi kung ang salitang-ugat ay nagsisimula sa katinig. Kapag hin ang panlapi, ang hin ay nagiging in kapag binanghay.

Salitang-Ugat + Panlapi = Pawatas = Naganap
alis + in = alisin = inalis
mahal + in = mahalin = minahal
basa + hin = basahin = binasa

Aspektong Nagaganap o Imperpektibo o Pangkasalukuyan

baguhin

Nagsasaad ito na ang sinimulang kilos ay patuloy pa ring ginagawa at hindi pa tapos.

Kung ang pawatas ay may panlaping um, uulitin ang unang pantig o unang dalawang titik ng salitang-ugat.

Salitang-Ugat + Panlapi = Pawatas = Nagaganap
ulan + um = umulan = umuulan
kanta + um = kumanta = kumakanta

Kapag ang panlapi ng pawatas ay ma, mag at mang, gawing na, nag at nang at uulitin ang unang pantig o unang dalawang titik ng salitang-ugat.

Salitang-Ugat + Panlapi = Pawatas = Nagaganap
iyak + ma = maiyak = naiiyak
linis + mag = maglinis = naglilinis
bunggo + mang = mangbunggo = nangbubunggo

Kung ang pawatas ay may panlaping in o hin at ang salitang ugat ay nagsisimula sa patinig, ilagay ang panlaping in sa unahan at ulitin ang unang pantig o unang dalawang titik ng salitang-ugat.

Salitang-Ugat + Panlapi = Pawatas = Nagaganap
alis + in = alisin = inaalis
unat + in = unatin = inuunat

Kung ang pawatas ay may panlaping in o hin at ang salitang-ugat ay nagsisimulla sa katinig, gawing gitlapi ang in at ulitin ang unang pantig o unang dalawang titik ng salitang-ugat

Salitang-Ugat + Panlapi = Pawatas = Nagaganap
mahal + in = mahalin = minamahal
gamot + in = gamutin = ginagamot

Aspektong Magaganap o Kontemplatibo o Panghinaharap

baguhin

Nagsasaad ito ng kilos na hindi pa nasisimulan at gagawin pa lamang.

Kapag ang pawatas ay may panlaping um, alisin ang um at uulitin ang unang pantig o unang dalawang titik ng salitang-ugat.

Salitang-Ugat + Panlapi = Pawatas = Magaganap
asa + um = umasa = aasa
lakad + um = lumakad = lalakad

Kapag ang pawatas ay may panlaping ma, mag o mang, mananatili ang ma, mag o mang at uulitin ang unang pantig o unang dalawang titik ng salitang-ugat.

Salitang-Ugat + Panlapi = Pawatas = Magaganap
tanaw + ma = matanaw = matatanaw
suot + mag = magsuot = magsusuot
hingi + mang = manghingi = manghihingi

Kapag ang pawatas ay may panlaping in o hin, mananatili ang panlaping in o hin at uulitin ang unang pantig o unang dalawang titik ng salitang-ugat.

Salitang-Ugat + Panlapi = Pawatas = Magaganap
yakap + in = yakapin = yayakapin
suklay + in = suklayin = susuklayin
bili + hin = bilihin = bibilihin

Aspektong Katatapos

baguhin

Nagsasaad ito na katatapos pa lamang ang kilos bago nagsimula ang salita. Nasa ilalim ito ng aspektong perpektibo.

Kadalasan ay nilalagyan ang panlaping ka at uulitin ang unang pantig o unang dalawang titik ng salitang-ugat.

Salitang-Ugat + Panlapi = Pawatas = Katatapos
mano + mag = magmano = kamamano
parusa + mag = magparusa = kapaparusa
ligpit + mag = magligpit = kaliligpit

Tuon/Pokus ng Pandiwa

baguhin

Ito ang tawag sa relasyong pansemantika ng pandiwa sa simuno o paksa ng pangungusap. Naipapakita ito sa pamamagitan ng taglay na panlapi ng pandiwa.

Tagaganap/Aksyon/Aktor

baguhin

Ang paksa ang tagaganap ng kilos na isinasaad ng pandiwa sa pangungusap. Ito ay sumasagot sa tanong na "sino?". Ginagamit ang mga panlaping mag-, um-, mang-, ma-, maka-, makapag-, maki- at magpa-.

Halimbawa:

Naglunsad ng proyekto ang mga kabataan. Dumalaw kami sa mga batang may sakit.

Karanasan/Layon/Gowl

baguhin

Ang paksa ang layon ng pandiwa sa pangungusap. Ito ay sumasagot sa tanong na "ano?". Tinatawag ito direct object sa wikang Ingles. Ginagamit ang mga panlaping -in-, -i-, -ipa-, ma- at -an.

Halimbawa:

Binili ni Jomelia ang bulaklak. Kinuha ko sa silid ang mga bolang gagamitin sa paglalaro.

Ganapan/Lokatibo/Lokatib

baguhin

Ang paksa ang lugar na ginaganapan ng pandiwa sa pangungusap.Ito ay sumasagot sa tanong na "saan?". Ginagamit ang mga panlaping pag-/-an, -an/-han, ma-/-an, pang-/-an, at mapag-/-an.

Halimbawa:

Dinaraan ng tao ang kalsada. Ang tindahan ang pinagbilhan ni Jomelia ng bulaklak.

Tagatanggap/Benepaktor/Benepektib

baguhin

Ang paksa ang tumatanggap sa kilos ng pandiwa sa pangungusap. Ito ay sumasagot sa tanong na "para kanino?". Ginagamit ang mga panlaping i-, -in, ipang-, at ipag-.

Halimbawa:

Kami ay ipinagluto ni nanay ng masarap na ulam. Pinakilala sa madla ang kampeon.

Kagamitan/Gamit/Instrumental

baguhin

Ang paksa ang bagay na ginagamit upang maisagawa ang kilos ng pandiwa sa pangungusap. Ito ay sumasagot sa tanong na "sa pamamagitan ng ano?". Ginagamit ang mga panlaping ipang-, maipang-, at ipinang-.

Ipinangsulat niya ang pentel pen para mabasa nila ang nakasulat. Si Luciano Pavarotti ay pinagkalooban ng talino sa pag-awit.

Pangyayari/Sanhi/Kosatibo/Kawsatib

baguhin

Ang paksa ang nagpapahayag ng sanhi ng kilos ng pandiwa sa pangungusap. Ito ay sumasagot sa tanong na "bakit?". Ginagamit ang mga panlaping i-, ika- at ikina-.

Ikinalungkot ng mga bata ang hindi nila pagkikitang mag-anak. Ang pagkain ng mayaman sa kolesterol ang ipinagkasakit sa puso ni Tong.

Direksiyon

baguhin

Ang paksa ang nagsasaad ng direksiyon ng kilos ng pandiwa sa pangungusap. Ito ay sumasagot sa tanong na "tungo saan/kanino?". Ginagamit ang mga panlaping -an, -han, -in at -hin)

Sinulatan niya ang kanyang mga magulang. Pinuntahan ni Maryse ang tindahan para mamili ng kagamitan.

Mga Sanggunian

baguhin

Mga Pinagkukunan

baguhin