Si Yakov Petrovich Batyuk (Ukrainian: Я́ків Петрóвич Батю́к; 12 Mayo 1918 – Setyembre 7, 1943) ay mamamayang Ukrano, kasapi ng Komsomol at pinuno ng anti-pasistang kilusang lihim na kumilos sa lungsod ng Nizhyn noong kasagsagan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Monumento ni Yakov Batyuk sa Nizhyn

Maagang yugto ng buhay at naging trabaho

baguhin

Isinilang si Batyuk sa pamilya ng mga magsasaka sa sitio ng Ryzhany na kasalukuya'y kabilang sa distrito ng Khoroshiv sa lalawigan ng Zhytomyr. [1]

Noong maagang bahagi ng kanyang kabataan, siya ay tuluyang nabulag bunga ng isang aksidente, subalit makaraang magtapos sa mataas na paaralan, nag-aral siya ng abogasya sa Pambansang Unibersidad ng Taras Shevchenko sa Kyiv. Nagtapos siya ng abogasya sa taong 1940 at ipinadala sa lalawigan ng Chernihiv ng noo'y Ukranong Sosyalistang Republikang Sobyet bilang kasapi ng Kapisanan ng mga Abogado ng lungsod ng Nizhyn. Sa kabila ng kanyang kapansanan, kinilala at ginalang siya ng kanyang mga kasamahan at mga residente ng siyudad. [2]

Anti-pasistang pakikibaka

baguhin

Makaraang sumambulat ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nasakop ng Alemanyang Nazi ang Nizhyn. Sa ilalim ng gayong mga kalagayan, lumikha ng organisasyong lihim si Batyuk. Noong panahong iyo'y siya ang namumuno sa paggawa ng singkawan ng mga kabayo na kailangan ng mga mananakop para sa kanilang mga kabayong pandigma. Naghanda siya ng kemikal na ipinahid sa singkawan ng mga kabayong ginagamit ng mga mananakop na Aleman. Nang mabasa ng pawis o ulan ang mga singkawang ito, nasira ang balat ng mga kabayo na dahilan upang di sila mapakinabangan ng mga mananakop. Mga siyam na libong piraso ng naturang singkawan ang ginawa. [3] Sinubukang ilipat ng mga mananakop ang paggawa ng singkawan sa iba pang empresa. Nagtipon si Batyuk ng protesta ng apektadong mga manggagawa ngunit siya ay tinanggal sa pamunuan ng pabrika. Dahil dito, mas lalo niyang pinaigting ang kanyang lihim na pakikipagtunggali.[1]

Nang mabatid niya na may mga gerilyang Sobyet na malapit sa kagubatan ng Nizhyn, nakipagtagpo si Batyuk sa kumander nito, ang kalihim ng komite ng kilusang lihim ng Nosovsky. Makaraan nito, muli na namang nagsagawa ang pangkat ni Batyuk ng gawaing propaganda at pagpukaw sa hanay ng mamamayan.

Pagkakahuli at Pagkakapatay

baguhin

Tinunton ng Gestapo ang grupo nina Nizhyn at kalauna'y kanilang naaresto noong 25 Agosto, 1943. Kaunti lang sa kanilang mga kasama ang nakatakas mula sa lungsod at sumangtwaryo sa mga gerilya. Matapos tortyurin, lahat ng 26 na inarestong kasapi ng kilusang lihim ay dinala noong 6 Setyembre sa bombahan ng tubig kung saan sila pinagbabaril. Lampas isang linggo matapos ng insidente, napalaya ang Nizhyn mula sa mga Aleman. [3] Inilipat ang labi ng mga pinaslang sa isang malakihang libangan sa sentrong sementeryo ng Nizhyn.

Pagkilala

baguhin

Naglabas ng atas ang Presidyum ng Unyong Sobyet noong 8 Mayo, 1965 na naggawad kay Batyuk ng titulong Bayani ng Unyong Sobyet [1]

References

baguhin
  1. 1.0 1.1 1.2 "Батюк Яков Петрович". warheroes.ru (sa wikang Ruso). Nakuha noong 2022-05-16.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. "Яков Батюк — Герой Советского Союза — Мы из CCCР!" (sa wikang Ruso). Nakuha noong 2022-05-16.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. 3.0 3.1 "Адвокат Яків Батюк – єдиний сліпий солдат світу – Рада адвокатів Чернігівської області – Офіційний сайт" (sa wikang Ukranyo). 2016-09-13. Nakuha noong 2022-05-16.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)