Adam Heydel
Si Adam Zdzisław Heydel (isinilang Disyembre 1, 1893 sa Stare Gardzienice, malapit sa Radom, namatay Marso 14, 1941 sa Auschwitz-Birkenau) ay isang ekonomista mula sa bansang Polonya na nangampanya para sa liberalismo sa ekonomiya at kontra sa estadismo at panghihimasok ng estado.
Adam Heydel | |
---|---|
Kapanganakan | Adam Zdzisław Heydel 6 Disyembre 1893 Stare Gardzienice, Boybodato ng Masobya |
Kamatayan | 14 Marso 1941 | (edad 47)
Mamamayan | Polonya |
Trabaho | ekonomista, propesor ng unibersidad |
Amo | Pamantasang Jagiellonian |
Maagang buhay at edukasyon
baguhinAnak nina Zdzisław at Maria (née Skarbek-Borowska) Heydel,[1] si Adam Heydel ay nagtapos sa Mataas na Paaralang Jan Sobieski III sa Cracovia. Pagkatapos ay nag-aral siya sa mga unibersidad sa Mosku at Kiev. Noong 1922, nagtapos siya sa Pamantasang Jagiellonian sa Cracovia, kung saan nakakuha siya ng doktorado. Sa mga taong 1921–1922, nagtrabaho siya bilang isang tagapayo sa ekonomiya sa ilalim ng departamento ng pamamahayag sa Ministro ng Ugnayang Panlabas ng Polonya. Noong 1925, nakakuha siya ng habilitasyon sa ekonomiyang pampolitika na tumatalakay sa mga tanong ng sanhi ng mga pagsisiyasat sa ekonomiya at isang pagsusuri sa mga argumento ng mga teorista na tumanggi sa konsepto ng kasanhian at pabor sa konseptong functionalism sa ekonomiks.
Propesyonal na karera
baguhinNaging lektor sa ekonomiya si Heydel sa Pamantasang Jagiellonian noong 1927 at naging asosyadong propesor ng nasabing unibersidad noong 1929. Dahil sa kanyang mga liberal na pananaw at ang kanyang koneksyon sa Krakow, siya ay nakikita bilang isang kinatawan ng Paaralan ng Ekonomika sa Cracovia. Siya ay pumabor sa liberalismo sa ekonomiya at pumuna sa estadismo at panghihimasok ng estado sa panahon ng ikalawang Rzeczpospolita o sampamahalaan ng Polonya. Kasali siya sa siyentipikong pananaliksik sa teorya ng ekonomiya at mga isyu ng pambansang kita. Ang mentor ni Heydel noong panahong iyon ay si Adam Krzyżanowski.
Nakisimpatya si Heydel sa kilusang Narodową Demokracją.[2] Sa taong 1930–1931, siya'y naging pangulo ng Pambansang Samahan sa Cracovia.[1] Noong 1933, pinatangggal si Heydel mula sa Departamento ng Ekonomiks ng Pamantasang Jagiellonian dahil sa kanyang pagpuna sa pamahalaang Sanacja, lalo na ang paglilitis ng ilang miyembro ng kilusang politikal-oposisyon sa kuta ng Brest na naganap sa taong 1931 at 1932.
Pakatapos ng kanyang pagkatanggal sa Pamantasang Jagiellonian, nagpunta siya sa Estados Unidos bilang isang pensionado ng Pundasyong Rockefeller. Pagkauwi niya, pinamunuan niya ang Surian ng Ekonomiks ng Polakong Akademya ng Agham at Sining noong 1934. Isinulat din niya ang artikulong Ang Teorya ng Kitang Lipunan noong 1935 na nailathala lamang dahil ang mga sensura ay hindi nababahala sa mga akdang siyentipiko noong panahong iyon. Bumalik si Heydel sa Pamantasang Jagiellonian noong 1937. Para sa taong akademiko 1939-1940, si Heydel ay nahalal na dekano ng Pakultad ng Batas at Pangangasiwa sa Pamantasang Jagiellonian ngunit hindi niya nagawang kunin ang posisyon na ito dahil sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Pagkakulong, pansamantalang kalayaan at kamatayan
baguhinIlang buwan mula nang magsimula ang pananakop ng pamahalaang Alemanyang Nazi sa Polonya, inaresto si Heydel noong Nobyembre 6, 1939 bilang bahagi ng Sonderaktion Krakau, isang operasyon laban sa intelligentsia (mga marurunong). Kasama ang iba pang mga propesor ng Pamantasang Jagiellonian at iba pang unibersidad sa Cracovia, siya ay ikinulong sa kampong pangkonsentrasyon ng Sachsenhausen. Noong Pebrero 8, 1940, pinalaya si Heydel kasama ng iba pang mga propesor na umabot sa edad na 40 bilang resulta ng mga pandaigdigang protesta at umuuwi sa tirahan ng kanyang pamilya sa Brzóza[3]. Di-nagtagal, nagsimula siyang mag-organisa ng isang kilusang pang-edukasyon sa sarili at nagsimulang magtrabaho sa Związek Walki Zbrojnej, isang pangkat ng lumalaban kontra sa mga Nazi na noo'y nanakop sa Polonya. Ang lihim na aktibidad ay tumagal hanggang Enero 23, 1941 nang arestuhin ng Gestapo ang magkapatid na Adam at Wojciech Heydel sa Brzóza.
Ikinulong sa bayan ng Skarżysko-Kamienna si Heydel, at hinikayat ng kumandante, na nagmula sa parehong pamilyang Aleman, na lagdaan ang Volkslist (listahan ng mga mga naninirahan sa mga sinakop na teritoryo) na maghahatid sana kay Heydel ng kalayaan pero matatag ang kanyang pagtanggi. Ipinatapon si Adam Heydel sa kampong pangkonsentrasyon sa Auschwitz, kung saan siya'y binaril kasama ang kanyang kapatid, na manugang nina Józef at Maria Chełkowska, at ilang kapwa bilanggo noong Marso 14, 1941. Ang kanyang simbolikong libingan ay nasa Libingang Rakowicki sa Cracovia.[4]
Pagtanggap pagkatapos ng kamatayan
baguhinSa Polonia pagatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, kinutuban ang kanyang mga gawa. Si Oskar Lange, na bumuo ng modelo ng mapagkumpitensyang sosyalismo (Ikatlong Daan), kasama si Abba P. Lerner, ay nagsalita pabor sa pag-alis ng mga gawa ni Heydel sa mga aklatan ng unibersidad.
Gayunpaman, ang memorya ng kanyang mga gawa ay nanatili hanggang sa araw na ito. Pinarangalan siya ng Pamantasang Jagiellonian ng medalyang "Merentibus" noong 1980.[5] Nailathala ang kanyang mga nakolektang akda noong 2012.
Noong Marso 25, 2021, isang pilak na barya na may halagang 10 zloty na may pagkakahawig ni Heydel ang naipalaganap ng Narodowy Bank Polski, ang bangko sentral sa Polonya, bilang bahagi ng serye ng mga collector coins patungkol sa mga dakilang Polakong ekonomista.[6]
Mga gawa
baguhin- Podstawowe zagadnienia metodologiczne ekonomii (Mga pangunahing metodolohikal na isyu sa ekonomiya, 1925)[1]
- Kapitalizm i socjalizm wobec etyki (Kapitalismo at sosyalismo sa harap ng etika, 1927),[1] isinalin sa Ingles bilang Capitalism and socialism in the face of ethics Naka-arkibo 2021-11-07 sa Wayback Machine. noong 2017
- Pogląd na rozwój teoretycznej ekonomii” (Ang pananaw sa pag-unlad ng teoretikal na ekonomiya, 1929)[1]
- Czy i jak wprowadzić liberalizm ekonomiczny? (Kung at paano ipakilala ang liberalismo sa ekonomiya?, 1931)
- Pojęcie produktywności (Ang konsepto ng pagiging produktibo, 1934)
- Teoria dochodu społecznego (Ang teorya ng kitang lipunan, 1935).
Mga tala at sanggunian
baguhin- ↑ 1.0 1.1 1.2 1.3 1.4 Stanisław Bartłomiej Łoza [sa Polako], pat. (1983). Czy wiesz kto to jest? [Alam mo ba kung sino ito?] (sa wikang Polako). (Przedr. fotooffs., oryg.: Warszawa : Wydaw. Głównej Księgarni Wojskowej, 1938.). Barsobya: Wydawnictwa Artystyczne i Filmowe : na zam. Zrzeszenia Księgarstwa. p. 256.
- ↑ Adam Heydel – Dzieła zebrane [Adam Heydel – Mga nakolektang akda] (sa wikang Polako). Barsobya: Instytut Misesa (Suriang Mises). 2012. ISBN 978-8363250-05-8.
- ↑ ngayo'y bahagi ng Boybodato ng Masobya
- ↑ Jan Wiktor Tkaczyński, pat. (2018). Pro Memoria III. Profesorowie Uniwersytetu Jagiellońskiego spoczywający na cmentarzach Krakowa 1803-2017 [Pro Memoria III. Mga propesor ng Pamantasang Jagiellonian na nakahimlay sa mga libingan ng Cracovia 1803-2017] (sa wikang Polako). Cracovia: Wydawnictwo Uniwersytetu Jagiellońskiego (Palimbagan ng Pamantasang Jagiellonian). p. 100. ISBN 9788323345275.
- ↑ Paryna, Wojciech (2011). Obrona wolności, pokoju, kultury i postępu-Adam Heydel [Tagapagtanggol ng kalayaan, kapayapaan, kultura at pag-unlad-Adam Heydel] (PDF). wroc.pl (Tisis) (sa wikang Polako). Unibersidad ng Breslavia. p. 25. Inarkibo mula sa orihinal (PDF) noong 2021-11-07. Nakuha noong 2021-11-07.
- ↑ "The Great Polish Economists – Adam Heydel" [Ang mga dakilang Polakong ekonomista – Adam Heydel] (PDF) (sa wikang Ingles). Narodowy Bank Polski (Pambansang Bangko ng Polonya). Hunyo 2021. Nakuha noong Nobyembre 7, 2021.
Mga panitikan
baguhin- Jochen August (Patnugot): „Sonderaktion Krakau“. Die Verhaftung der Krakauer Wissenschaftler am 6. November 1939 ("Sonderaktion Krakau". Ang pagdakip sa mga siyentipiko ng Cracovia noong Nobyembre 6, 1939). Hamburger Edition, Hamburg 1997, ISBN 3-930908-28-X, p. 293
Mga kawing panlabas
baguhin- Artikulong talambuhay tungkol kay Adam Heydel (sa wikang Polako)
- Artikulong talambuhay tungkol kay Adam Heydel (sa wikang Aleman)
- Artikulong talambuhay tungkol kay Adam Heydel (sa wikang Ingles)
- Koleksyon ng mga sinulat ni Adam Heydl na inilathala sa Suriang Mises (sa wikang Polako)
- Ang mga publikasyon ni Adam Heydl sa Polona.pl (sa wikang Polako)
- Mga piling artikulo ni Adam Heydel Naka-arkibo 2021-11-07 sa Wayback Machine. na isinalin sa wikang Ingles