Aeson
Sa mitolohiyang Griyego, si Aeson o Aison (Sinaunang Griyego: Αἴσων) ay ang anak na lalaki nina Cretheus at Tyro. Kapatid siya ng mga lalaking sina Pheres at Amythaon. Si Aeson ang ama ni Jason at ni Promachus kay Polymele na anak na babae ni Autolycus.[1] Sa ibang mga pinanggalingan ng kabatiran, sinasabi na ang ina ng kaniyang mga anak ay si Alcimede[2] o kaya ay si Amphinome.[3] Ang ina ni Aeson na si Tyro ay nagkaroon ng dalawang iba pang mga anak na lalaki, na sina Neleus at Pelias, na ang ama ay ang diyos ng dagat na si Poseidon.[4]
Nais ni Pelias na kumamkam ng kapangyarihan at ninais niyang sakupin at pangingibabawan ang lahat ng Thessaly. Dahil sa layuning ito, pinalayas niya sina Neleus at Pheres at ikinulong si Aeson sa mga bilangguan ng Iolcus. Ipinadala ni Aeson si Jason kay Chiron (isang sentauro) upang makatanggap ng edukasyon; habang si Pelias naman, na natatakot na matanggal sa trono, ay binigyan ng babala ng isang orakulo na mag-ingat sa isang lalaki na nakasuot ng nag-iisang sandalyas.
Pagkalipas ng ilang mga taon, ginaganap ni Pelias ang Olimpiks bilang parangal kay Poseidon, nang si Jason, na rumaragasa sa Iolcus, ay nawalan ng isang sandalyas sa isang ilog habang tinutulungan si Hera (Juno) na nasa anyo ng isang matandang babaeng tumatawid ng ilog. Nang makapasok si Jason sa Iolcus, ipinakilala siya bilang isang lalaking nakasuot ng iisang sandalyas. Nagdududa, tinanong ni Pelias ang lalaking may suot na nag-iisang sandalyas (si Jason) kung ano ang gagawin nito kapag hinarap siya ng isang lalaking magiging dahilan ng kaniyang pagbagsak mula sa kapangyarihan. Sinagot siya ni Jason na ipapadala niya ang lalaking iyon upang hanapin ang Ginintuang Balahibo ng Tupa. Tinanggap ni Pelias ang payong iyon at ipinadala si Jason upang kuhanin ang Ginintuang Balahibo ng Tupa.
Habang wala si Jason, nilayon ni Pelias na patayin si Aeson. Subalit, nagpatiwakal si Aeson sa pamamagitan ng pag-inom ng dugo ng isang toro. Nagpakamatay din ang kaniyang asawa, at pinaslang ni Pelias ang kanilang anak na lalaking sanggol na si Promachus.[5]
Sa isa pang balangkas ng kuwento, nanatili si Pelias hanggang sa makabalik sa Iolcus si Jason at ang kaniyang bagong asawang si Medea. Hiniwa ni Medea ang lalamunan ni Aeson, at inilagay ang bangkay nito sa loob ng isang palayok at si Aeson ay muling nabuhay bilang isang lalaking nasa kaniyang kabataan. Pagkaraan ay sinabi niya sa mga anak na babae ni Pelias na gayon din ang gagawin niya sa kanilang ama. Hiniwa nila ang lalamunan ng kanilang ama at tumanggi si Medea na muling buhayin si Pelias, kaya't nanatiling patay si Pelias.[6]
Mga sanggunian
baguhin- ↑ Bibliotheca 1.9.11, 1.927.
- ↑ Apollonius ng Rhodes. Argonautica, 1.47.
- ↑ Diodorus Siculus. Library of History, 4.50.2.
- ↑ Hesiod. Catalogue of Women frr. 30–33(a).
- ↑ Bibliotheca 1.927.
- ↑ Ovid. Metamorphoses, 7.