Lutuing Tsino

mga tradisyon ng Tsina sa pagluluto
(Idinirekta mula sa Chinese cuisine)

Sinasaklaw ng lutuing Tsino ang maraming lutuing nagmula sa Tsina, pati na rin ang mga lutuin sa ibang bansa na inilikha ng diasporang Tsino. Dahil sa diaspora ng mga Tsino at makasaysayang kapangyarihan ng bansa, nakaimpluwensiya ang lutuing Tsino ng maraming ibang lutuin sa Asya at iba pang lugar, na may mga pagbabagong ginawa upang pumatok sa panlasa ng mga lokal. Masusumpungan na sa buong mundo ang mga isteypol sa pagkaing Tsino kagaya ng kanin, toyo, pansit, tsaa, mantika ng sili, at tokwa, at mga kagamitan kagaya ng mga chopstick at wok.

Mga iba't ibang pagkaing Tsino. Paikot sa kanan mula sa kaliwang itaas: bibing Peking, miswa, Kung Pao na Manok, mga mooncake, baijiu, sinabawang wonton, lumpiya

Ang mga kagustuhan para sa pampalasa at teknika sa pagluluto sa mga lalawigan ng Tsina ay nakadepende sa mga pagkakaiba sa uring panlipunan, relihiyon, makasaysayang pinagmulan, at pangkat-etniko. Malakas din ang epekto ng mga heograpikong kaanyuan kagaya ng mga bundok, ilog, kagubatan, at disyerto sa magagamit na sangkap, dahil nagkakaiba-iba ang klima sa Tsina mula tropikal sa katimugan at subarktiko sa hilagang-silangan. May papel din ang kagustuhan ng mga emperador at maharlika sa mga pagbabago sa lutuing Tsino. Dahil sa pagpapalawak ng imperyo at pangangalakal, unti-unting naging bahagi ng lutuing Tsino ang mga sangkap at teknika sa pagluluto mula sa mga ibang kultura.

Maraming uri ng lutuing Tsino na matatagpuan sa Tsina at sa ibang bansa ayon sa rehiyon, relihiyon, at etnisidad. Napakasari-sari ang lutuing Tsino at pinakamadalas na ikinakategorya sa mga dibisyong panlalawigan, bagama't binubuo ng marami pang istilo ang mga pag-uuring ito ayon sa probinsiya. Kinabibilangan ang pinakapinupuring Apat na Dakilang Tradisyon sa lutuing Tsino ng Chuan, Lu, Yue, at Huaiyang, na kumakatawan sa mga lutuin ng Kanluran, Hilaga, Timog, at Silangang Tsina, ayon sa pagkakabanggit.[1] Binubuo ang modernong Walong Lutuin ng Tsina ng Anhui (徽菜; Huīcài), Guangdong (粤菜; Yuècài), Fujian (闽菜; Mǐncài), Hunan (湘菜; Xiāngcài), Jiangsu (苏菜; Sūcài), Shandong (鲁菜; Lǔcài), Sichuan (川菜; Chuāncài), at Zhejiang (浙菜; Zhècài).[2]

Kulay, amoy at lasa ang tatlong tradisyonal na aspekto na ginagamit sa paglalarawan ng pagkaing Tsino,[3] pati na rin ang kahulugan, hitsura, at nutrisyon ng pagkain. Dapat tasahin ang pagluluto ayon sa sangkap na ginamit, paraan ng pagkukutsilyo, oras ng pagluluto, at pampalasa.

Mga sanggunian

baguhin
  1. "Four Major Cuisines in China" [Apat na Pangunahing Lutuin sa Tsina]. CITS (sa wikang Ingles). Nakuha noong 10 Enero 2017.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. "Fujian Cuisine. Beautyfujian.com Naka-arkibo 10-07-2011 sa Wayback Machine.. Nakuha noong Hunyo 2011.
  3. Sinimulan ang pamantayang ito sa dinastiyang Tang noong ika-6 na siglo ni Bai Juyi mula sa Dayagram ng Paunang Salita ng Alpay: Matapos iwanan ang sangay...ng apat at limang araw, mawawala na ang kulay, amoy, at lasa (ng alpay). (《荔枝圖序》:「若離本枝……四五日外,色、香、味盡去矣」。