Damit panloob
Ang damit panloob o kamisadentro (Ingles: undergarment, underwear, underclothes, underclothing; Kastila: ropa interior) ay ang mga damit na isinusuot na nasa ilalim ng iba pang mga kasuotan. Pinananatili nilang malinis ang panlabas na damit na dumudumi dahil sa pagpapawis. Hinuhugisan din ng mga ito ang katawan at nagbibigay ng suporta para sa mga bahagi nito, at sa malamig na panahon o klima ay tumutulong sa nakasuot ng mga ito upang mapanatiling mainit ang katawan. Magagamit ang damit na panloob upang proteksiyunan ang katimtiman o kapitagan ng nagsusuot, at pati rin ang gawing kabigha-bighani ng nagsusuot. May mga uri ng damit panloob na may kahalagahang panrelihiyon. May ilang mga uri ng damit na ginawa upang isuot bilang damit na panloob, habang ang iba naman na katulad ng mga kamiseta o T-shirt at ilang partikular na mga uri ng salawal ay kapwa maaaring gamitin bilang damit na panloob o bilang damit na panlabas. Kung yari sa angkop na tela, ilang uri ng damit panloob ang maaaring magsilbi bilang damit na panggabi o kaya damit na pampaligo.
Ang mga damit panloob na karaniwang isinusuot ng kababaihan sa kasalukuyan ay kinabibilangan ng mga bra at mga panti, habang ang kalalakihan ay nagsusuot ng brip, salawal na bokser, o kaya mga karsunsilyong bokser (brip na bokser). Ang mga damit panloob na sinusuot ng kapwa mga babae at mga lalaki ay kinabibilangan ng mga kamiseta, mga kamisetang walang manggas, mga bikini, mga tangga, at bahag. Sa mga bansang may malamig na timpla ng panahon o kaya klima, ang mahabang damit na panloob ay maaaring isuot upang mapanatili ang init ng katawan.
Ang mga panloob o pang-ilalim na kausotan, ay maaaring tumukoy sa mga sumusunod:
Mga damit na pinatungan o napapaibabawan ng iba pang panlabas na kasuotan katulad ng:
- kamisa (bagaman tinatawag ding kamisa, kung minsan, ang diyaket, isang panlabas na damit)
- kamiseta, maaaring may-mangas (T-shirt) o may-maikling manggas; bagaman naisusuot din itong walang pang-ibabaw na ibang kasuotan
- karsonsilyo (bagaman naisusuot din itong walang pamatong na ibang kasuotan)
Mga karaniwang panloob na mga kasuotan katulad ng:
- kalsonsilyo, panloob na panakip sa ari ng lalaki
- bokser, panloob na panakip sa ari ng lalaki
- panti, panloob na panakip sa ari ng babae
- kamisola, mahabang panloob na damit ng babae
- kamison, hugis-paldang panloob na damit; pambabae
- sando, walang-manggas at manipis na damit, karaniwang puti at panlalaki