Francisco Balagtas
Si Francisco Baltazar (ipinanganak na Francisco Balagtas y de la Cruz; 2 Abril 1788–20 Pebrero 1862), na mas kilala bilang Francisco Balagtas, ay isang tanyag na Pilipinong makata, at malawakang itinuturing na isa sa mga pinakadakilang Pilipino sa panitikan na laureate para sa kanyang ambag sa panitikang Filipino. Ang sikat na epiko na Florante at Laura ang kanyang pinakakilalang dakilang-likha.[1]
Francisco "Balagtas" Baltazar | |
---|---|
![]() | |
Kapanganakan | 2 Abril 1788 |
Kamatayan | 20 Pebrero 1862 |
Trabaho | Manunulat |
- Ito ang artikulo sa Pilipinong makata. Para sa bayang ipinangalanan sa kanya, tingnan ang Balagtas, Bulacan.
Talambuhay ni Balagtas
baguhinUnang mga taon
baguhinSi Francisco Balagtas Baltazar ay ipinanganak noong Abril 2, 1788 sa Panginay, Bigaa, Bulacan na ngayon ay Balagtas, Bulacan. Tinawag din siyang Kiko at Balagtas. Ang mga magulang niya ay sina Juana dela Cruz at Juan Baltazar at ang mga kapatid niya ay sina Felipe, Concha at Nicolasa. Siya ay nanahan sa iba't ibang bayan at lungsod ng halos-buong buhay niya. Kabilang na dito ang Tondo kung saan ang bahay ay nakatirik sa dakong dagat ng daang kinikilala ngayong Bilbao. Habang siya ay nasa Tondo, naramdaman niya ang unang pitik ng pag-ibig nang makilala niya si Magdalena Ana Ramos. Ito ang nagbunsod sa kaniya na maging isang makata. Sa gulang na 11, lumuwas siya ng Maynila upang makahanap ng trabaho at makapag-aral. Pumasok siya nung una sa paaralang parokyal sa Bigaa kung saan siya ay tinuruan tungkol sa relihiyon. Naging katulong siya ni Donya Trinidad upang makapagpatuloy siya ng kolehiyo sa Colegio de San Jose sa Maynila. Pagkatapos, nag-aral naman siya sa Colegio de San Juan de Letran at naging guro niya si Padre Mariano Pilapil.
Bilang isang manunulat
baguhinTaong 1835 nang manirahan si Kiko sa Pandacan, Maynila. Dito niya nakilala si Maria Asuncion Rivera, ang marilag na dalaga na nagsilbing paraluman ng makata. Siya ay binansagang "Selya" at tinaguriang M.A.R. ni Balagtas sa kaniyang tulang Florante at Laura. Naging kaagaw niya si Mariano "Nanong" Kapule sa panliligaw kay Selya, isang taong ubod ng yaman at lakas sa pamahalaan. Dahil sa ginawa niyang panliligaw kay Selya, ipinakulong siya ni Nanong Kapule upang hindi na siya muling makita ni Selya. Habang nasa kulungan siya, pinakasalan ni Nanong Kapule si Selya kahit walang pag-ibig na nadarama si Selya para kay Nanong Kapule. Doon sa kulungan, isinulat niya ang Florante at Laura sa papel ng arroz para kay Selya.
Trabaho at Pamilya
baguhinNoong 1838, nakalaya na siya sa kulungan. Naging klerk sa hukuman at major lieutenant si Kiko noong 1840 sa Udyong, Bataan. Dito niya nakilala si Juana Tiambeng na kaniyang naging asawa. Nagpakasal sila noong 1842. Si Tiambeng ay 31 at si Balagtas naman ay 54. Sa unang pagkakataon, ginamit niya ang Baltazar sa kanyang sertipiko ng kasal. nagkaroon siya ng labing-isang (11) anak kay Juana Tiambeng. Humawak din siya ng mataas na tungkulin sa Bataan bilang tenyente mayor at juez de semantera.
Huling mga Araw
baguhinNabilanggo muli si Kiko sa Balanga, Bataan dahil sa sumbong na pinutol niya ang buhok ng katulong na babae ni Alferez Lucas. Nakalaya siya noong 1861. Ipinagpatuloy niya ang pagsulat ng mga komedya, awit, at korido nang siya ay nakalaya. Bago mamayapa, ibinilin niya sa kanyang asawa na "Huwag mong hahayaan na maging makata ang alin man sa ating mga anak. Mabuti pang putulin mo ang mga daliri nila kaysa gawin nilang bokasyon ang paggawa ng tula." Namayapa siya sa piling ng kanyang asawa at mga anak noong 20 Pebrero 1862. Yumao siya sa gulang na 73, dahil sa sakit na pneumonia, at dahil narin sa kanyang katandaan.
Sinasabing ang mga pagsubok sa buhay ni Balagtas, at ang kaniyang pagsusumikap upang malagpasan ang mga ito ang pumanday sa kaniya upang maging isang mabisa at matagumpay na makata.
Bibliograpiya
baguhin- Orosmán at Zafira – isang komedya na may apat na bahagi
- Don Nuño at Selinda – isang komedya na may tatlong bahagi
- Auredato at Astrome – isang komedya na may tatlong bahagi
- Clara Belmore – isang komedya na may tatlong bahagi
- Abdol at Misereanan – isang komedya
- Bayaceto at Dorslica – isang komedya na may tatlong bahagi,
- Alamansor at Rosalinda – isang komedya
- La India elegante y el negrito amante
- Nudo gordeano
- Rodolfo at Rosemonda
- Mahomet at Constanza
- Claus (isinalin sa Tagalog mula sa Latin)
- Florante at Laura, isang awit ; pinaka-tanyag na gawa ni Balagtas
Mga sanggunian
baguhin- ↑ Quirino, Carlos. Preface for Apolinario Mabini’s Hand-Written Version of Francisco Baltasar’s “Florante at Laura” (Pambungad para sa Kopya ng “Florante at Laura” ni Francisco Baltasar na nasa sulat-kamay ni Apolinario Mabini), nasa wikang Ingles, ang kopya ni Mabini ay isinalin sa Ingles ni Tarrosa Subido (nasa kaliwa ang Tagalog samantalang nasa kanan ang katumbas sa Ingles), National Historical Commission, Bureau of Printing, Manila, 1964 (unang paglilimbag), at Vertex Press, Lungsod ng Quezon, 1972 (pangalawang paglilimbag), may 119 pahina, nasa bukod na mga pahinang v-xx ang pambungad (preface) at paunang-salita ng tagapagsalinwika (translator’s foreword)