Iliada

(Idinirekta mula sa Iliadiko)

Ang Iliada (Ingles: Iliad[1], Kastila: Iliada) ay isang tulang epikang tungkol sa salaysay ng pagsakop ng mga Griyego sa lungsod ng Troy. Mula ito sa Gresya, na isinulat ni Homer, at tumatalakay sa mga pakikipagsapalaran ng mga bayaning Griyego noong kanilang kapanahunan. Ito ang pinakamaaga at pinakatanyag na akda mula sa panitikan ng Gresya. Hinango ang pamagat ng Iliada mula sa Ilium (o Ilion), ang isa pang katawagan para sa Troy. Itinuturing ang akdang ito bilang "Bibliya" ng mga Griyego, sapagkat nakaimpluwensiya ng malaki sa kanilang mga kaisipan. Sinundan ito ng Odisea, na si Homer din ang sumulat.[1]

Iliada
Mga unang taludtod ng Iliada na nasa pinagmulang wikang Griyego.
May-akdaHomer
BansaGresya
WikaSinaunang Griyego
DyanraTulang epika
TagapaglathalaIba't iba
Petsa ng paglathala
Bago sumapit ang karaniwang panahon
ISBNwala

May-akda

baguhin

Tinatayang namuhay si Homer, isang Griyego, noong mga ika-8 daantaon. Pinaniniwalaang sinulat ni Homer ang Iliada noong mga 700 BK hanggang 650 BK. Sa pamamagitan ng pagiging madula, marangal, at makatotohanang paglalahad na patula, inilahad niya ang mga salaysayin ng mga kaganapang naganap noong mga 400 taon na ang nakalipas mula sa kaniyang panahon. Binalikan niya ang mas nauna pang mga nakaraan sa pamamagitan ng Iliada. Bagaman isang Griyego, naging patas si Homer sa paglalarawan ng mga Trohano (mga taga-Troy). Pinaniniwalaang marahil hindi naman isinatitik ni Homer sa kalatagan ng mga papel ang Iliada, bagkus sinasambit lamang niya ang mga taludtod ng kaniyang mahabang tulang ito habang nagsasalaysay sa kaniyang mga tagapakinig. Sinasabi pa ring may kamangha-manghang pagkakaunawa si Homer sa ugnayan ng mga tao. Nalalaman din niya ang pagiging kahindik-hindik at katindihan ng digmaan, bagaman isang pansariling bagay o paksa na nakapaglalantad ng katapangan at pagpapakasakit ng sarili. Binigyang buhay ni Homer ang Iliada sa pamamagitan ng mga mabilis na takbo ng mga pangyayari at pagkakaroon ng maraming mga talumpati.[1]

 
Achilles at Patroclus, 500 BK, Antikensammlung (Berlin)

Kahalagang pamapanitikan

baguhin

Sapagkat itinuturing ngang isang "Bibliya" ng mga Griyego ang Iliada, may dalang sariling sipi nito Dakilang Alejandro habang sinasakop niya ang Asya. Naimpluwensiyahan ng Iliada ang panitikang pandaigdig, hindi lamang sa larangan ng panulaang epika. Sa mga Griyego, unang nakakitaan ng impluho ng Iliada ang mga manunulat ng mga trahedya, o mga dulang may malungkot subalit may makabuluhang wakas.[1]

Balangkas at paglalarawan

baguhin
 
Isang estatuwang kaugnay ng Iliada. Matatagpuan ito sa Istoa (Stoa[2]) ng Attalus (o Attalos), isang pasilyong may bubong o kolonada sa sinaunang Gresya, na mayroong pader sa isang panig at hanay ng mga poste sa kabila.

Naririto ang banghay ng Iliada: Nakatanim ang tulang ito ni Homer sa Digmaang Trohano sa pagitan ng mga Griyego at ng mga Trohano. Nagumpisa ang Digmaang Trohano nang tangayin ni Prinsipe Paris ng Troya ang reyna ng Sparta, si Helen. Hindi nilahad ni Homer ang lahat ng mga pangyayari sa digmaang ito, pinili lamang niya ang mga ilang mga linggo sa ikasampu at huling taon nito, na ginamitan ni Homer ng pamamaraang pagbabalik-sulyap kaya't maraming makikitang mga naunang mga kaganapan sa tulang pasalaysay na ito. Nagbibigay rin si Homer ng mga pahiwatig sa kung ang susunod na mangyayari.[1] Isinasalaysay ng Iliada ang hinggil sa "galit ni Achilles" - si Achilles ang pangunahing bayani sa kuwento[1] - magpahanggang sa kamatayan at paglibing kay Hector, at sa paglusob sa Troya. Kabilang sa mga mahahalagang tauhan ng Iliada sina Achilles, Odiseo (ng Odisea), Agamemnon, Menelaus, Priam, Hector, Paris, at Helen. Makikita rin sa mga tagpuan ng Iliada ang Griyegong si Diomedes at ang Trohanong si Glaucus (na nagkasundong huwag maglaban sapagkat magkaibigan ang kanilang mga lolo), si Andromache (asawa ni Hector), si Astyanax (anak na lalaki ni Hector), ang diyosang si Thetis na ina ni Achilles, ang diyos na si Zeus, ang diyosang si Aphrodite, si Aeneas (ng Aeneis ni Vergilius) na anak ni Aprhodite.[1]

Nagsisimula ang tula sa pagpapadala ng isang salot sa mga Griyego ng diyos na si Apollo, sapagkat binihag ng mga ito ang anak na babae ng isa sa kaniyang mga pari. Napilitan si Agamemnon na ibalik ang bihag na babae, subalit inagaw naman nito si Briseis, isang babaeng pag-aari ni Achilles. Nagalit si Achilles subalit tumangging makipaglaban kay Agamemnon. Subalit, nang mapatay ni Hector ang kaniyang kaibigang si Patroclus, nakipaglaban si Achilles at napatay niya sa pagtutuos si Hector. Sa lumaon, lihim na pumunta kay Achilles ang ama ni Hector na si Priam, upang kuhanin ang bangkay ng kaniyang paboritong anak na lalaki, para mabigyan ng nararapat na libing. Pumayag si Achilles. Nagwakas ang tula sa paglilibing kay Hector. Binubuo ang epikang Iliada ng 24 na mga bahaging tinatawag na mga "aklat".[1]

Buod ng Iliada

baguhin
 
Si Achilles habang nakikipagdigmaan sa mga taga-Troya, sa may kailugan.

"Ang pagkamuhi ni Achilles ang aking paksa," ang sinasabing pambungad ng makatang si Homer para sa kaniyang Iliada. May nakatanim na galit kay Agamemnon ang pangunahing bayaning si Achilles, sapagkat inagaw ni Agamemnon ang gantimpalang napanalunan ni Achilles, ang babaeng si Briseis. Bagaman napahiya si Achilles, hindi ito nakipaglaban kay Agamemnon, sa halip sinarili niya ang pagmamaktol at pagdibdib sa kasawian sa loob ng kaniyang talabing o kubol. Sinasabing naging mas naging mainam ang pagkatao ni Achilles dahil sa kaniyang paghihirap na ito.[1]

Nang nararamdaman ni Agamamenon na nagwawagi ang mga Troyano, inalayan niya ng mga handog si Achilles at nagmakaawa upang makiisa na sa pakikipagtunggali laban sa mga Troyano. Tumanggi si Achilles. Sa kahabaan ng aklat, matutunghayan lamang si Achilles na nagmumukmok sa kaniyang kubol. Nang lumaon, pinahuntulot nitong makipaglaban ang kaniyang matalik na kaibigan si Patroclus, at pinagamit pa ni Achilles ang sariling baluti. Napatay si Patroclus ng prinsipe ng Troyang si Hector. Lalong ikinagalit, at ikinalungkot din, ni Achilles ang pagkakapaslang kay Patroclus, kaya't napapayag din siyang makipaglaban sa mga Trohano. Nagtagumpay si Achilles at napatay din niya si Hector. Sinadyang puntahan ng hari ng Troy na si Haring Priam si Achilles para magmakaawang ibigay ni Achilles ang katawan ni Hector. Pumayag si Achilles sapagkat, sa pamamagitan ni Priam, naalala ni Achilles ang sarili niyang ama. Nagwawakas ang Iliada sa pagkakaroon ng isang pansamantalang pagtigil ng labanan sa pagitan ng mga Griyego at ng mga Trohano, upang mabigyan ng nararapat na libing ang Trohanong si Hector. Maaaring malaman ang mga kasunod na pangyayari pagkatapos ng Iliada mula sa iba pang mga akda, katulad ng Aeneis ni Vergilius, kung saan matatagpuan ang salaysayan hinggil sa Kabayong Trohano.[1]

Mga sanggunian

baguhin
  1. 1.00 1.01 1.02 1.03 1.04 1.05 1.06 1.07 1.08 1.09 "Iliad". The New Book of Knowledge (Ang Bagong Aklat ng Kaalaman), Grolier Incorporated. 1977.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. Gaboy, Luciano L. Stoa - Gabby's Dictionary: Praktikal na Talahuluganang Ingles-Filipino ni Gabby/Gabby's Practical English-Filipino Dictionary, GabbyDictionary.com.