Anyong tubig

(Idinirekta mula sa Ilog)

Ang anyong tubig ay kahit anumang makahulugang pag-ipon ng tubig, kadalasang tinatakpan ang ibabaw ng isang planeta katulad ng Daigdig. Hindi kinakailangan na hindi gumagalaw o nakapaloob ang isang anyong tubig; ang mga ilog, sapa, kanal, agusan, bambang at ibang katangiang pang-heograpiya kung saan dumadaloy ang tubig mula sa isang lugar hanggang sa isa pang lugar ay tinuturing ding anyong tubig.

Ilog Gambia na dumadaloy sa Niokolokoba National Park
Ang Puerto ng Jackson sa Sydney, Australia na napapaligiran ng anyong tubig

Mga uri

Karagatan

Ang karagatan ay ang pinakamalawak at pinakamalalim na anyong-tubig. Maalat ang tubig nito.

Dagat

Ang dagat ay malawak na anyong-tubig na mas maliit lamang ang sukat sa karagatan. Maalat ang tubig ng dagat sapagkat nakadugtong ito sa karagatan.

Ilog

Ang ilog ay isang mahaba at makipot na anyong tubig na umaagos patungong dagat. Nagmula ito sa maliit na sapa o itaas ng bundok o burol.

Sangang-ilog

Ang sangang-ilog (tributary) ay isang batis o ilog na dumadaloy sa pangunahing tangkay (o magulang) na ilog o lawa.

Wawa

Ang wawa (estuary) ay isang bahagyang nakasarang anyong tubig sa baybaying-dagat na may isa o higit pang mga ilog o sapang dumadaloy rito, at may malayang koneksiyon sa bukas na dagat.

Delta

Ang delta ay ang lokasyon kung saang dumadaloy ang ilog sa karagatan, dagat, wawa, lawa, o imbakan ng tubig.

Look

Ang look[1] (Ingles: gulf, bay, harbor, sound, inlet) ay isang baiya na maaaring gamitin bilang kanlungan ng sasakyang pandagat, katulad ng mga bapor, partikular na kung may malalakas na mga bagyo. Ito ang tinatawag na "braso" ng isang dagat. Golpo ang tawag sa malalaking look. Kaugnay nito, tinaguriang kalookan ang pinakapanloob at kurbadang rehiyon ng isang golpo. Isang halimbawa nito ang look ng Maynila. Maalat din ang tubig nito sapagkat nakadugtong ito sa dagat o sa karagatan.

Golpo

Ang golpo ay isang malawak na look.

Lawa

Ang lawa ay isang anyong tubig na napapaligiran ng lupa.

Bukal

Ang bukal ay isang anyong tubig na nagmula sa ilalim ng lupa.

Kipot

Ang kipot o kakiputan[1] ay isang makitid na daang-tubig na nag-uugnay sa dalawang malaking anyong tubig tulad ng dagat o karagatan.

  • May kabuuang 200 ang kipot sa Pilipinas dahil sa pagiging kapuluan nito. Kabilang dito ang Kipot ng San Juanico sa Silangang Kabisayaan.
Bambang

Ang bambang (channel) ay isang pisikal na hangganan ng isang ilog o karagatang kipot na binubuo ng sahig ng anyong tubig at mga pampang.

Talon

Ang talon ay isang matarik na pagbaba ng tubig sa isang sapa.

Batis

Ang batis ay isang ilug-ilugan o saluysoy na patuloy na umaagos na tubig.

Danaw

Ang danaw o laguna ay isang mababaw na anyong tubig na nakahiwalay mula sa mas-malaking anyong-tubig sa pamamagitan ng mga pulong barrera (barrier islands) o bahura.

Imbakan ng tubig

Ang imbakan ng tubig (reservoir) ay isang lugar na nagpapa-imbak ng tubig para sa maraming mga paggamit (lalo na ang maiinom na tubig) na maaaring likas o artipisyal.

  • Isa sa kilalang mga imbakan ng tubig sa Pilipinas ay ang Angat Reservoir sa Bulacan (iniimbak ng Saplad ng Angat).
Kanal

Ang kanal o agusan ay isang artipisyal na daanang tubig na karaniwang nakaugnay sa (at kung minsan, ini-uugnay ang) umiiral na mga lawa, ilog, o karagatan.

Piyordo

Ang piyordo[2] (fjord) ay isang makipot na inlet ng dagat sa pagitan ng mga bangin o matarik na mga dalisdis.

Mga sanggunian

  1. 1.0 1.1 English, Leo James (1977). "Golpo, look, baiya". Tagalog-English Dictionary (sa wikang Ingles). Congregation of the Most Holy Redeemer. ISBN 9710810731.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link) Maling banggit (Invalid na <ref> tag; maraming beses na binigyang-kahulugan ang pangalang "JETE" na may iba't ibang nilalaman); $2
  2. [1]