Jerónima de la Asunción

Si Madre Jeronima de la Asuncion o Jeronima de la Fuente (9 Mayo 1555 - 22 Oktubre 1630) ang nagtayo ng pinakaunang monasteryong pang-Katoliko sa Lungsod ng Maynila at sa Timog-silangang Asya. Ang monasteryo ni De la Asuncion ay nakilala bilang Monasteryo ni Santa Clara noong kapanahunan ng mga Kastila sa Intramuros, Pilipinas. Bilang tagapagtayo ng unang monasteryo at sa kaniyang pagiging isang misyonaryong babae sa Pilipinas, sinimulan ng Vatican ang kaniyang beatipikasyon noong 1734. Nabanggit ni Jose Rizal, ang pangunahing bayani ng Pilipinas, ang nasabing monasteryo ni De la Asuncion sa Intramuros sa nobelang Noli Me Tangere[1][2]

Si Jeronima de la Asuncion.

Talambuhay

baguhin

Ipinanganak si Jeronima de la Asuncion sa Toledo, Espanya kina Pedro Garcia-Yanez at Catalina de la Fuente, kapwa Kristiyano. Kapwa rin tubong taga-Toledo at mayaman ang mga magulang ni De la Asuncion. Pangatlong anak mula sa pinakamatanda si De la Asuncion; may tatlong kapatid na babae si De la Asuncion. Lumaki si De la Asuncion sa Toledo, kung saan natutunan niya kung paano mamuhay bilang Kristiyano Katoliko mula sa pagkabata. Sa edad na 14, nakilala ni De la Asuncion si Santa Teresa ng Avila sa Toledo. Matapos ang pagkikita nina De la Asuncion at Santa Teresa, naramdaman ni De la Asuncion ang pagtawag ng isang bokasyon sa pananampalataya. Naengganyo rin si De la Asuncion matapos mabasa ang talambuhay ni Santa Clara ng Assisi. Noong 15 Agosto 1570, pumasok si De la Asuncion sa Santa Isabel la Real de Toledo, isang kumbento ng mga Pransiskano. Sa kumbentong ito nakasama ni De la Asuncion ang dalawa niyang tiyahin, na mga mongha na nang kapanahunang iyon. Bilang mongha, naging tagapag-alaga at gabay si De la Asuncion ng mga nag-nanais maging mongha sa loob kumbento.[1][2]

Paglalakbay sa Timog Silangang Asya

baguhin

Nabatid man ni De la Asuncion ang balakin ng kanyang kongregasyon na magtayo ng isang monasteryo ng mga madre sa Maynila, noon lamang 21 Oktubre 1619 siya napayagang magbiyahe. Naaprubahan si Padre Jose de Santa Maria, O.F.M. bilang prokurador na magsasaayos ng biyahe ni Jeronima de la Asuncion, at si De la Asuncion mismo ay naataasang tagapag-tayo at punong madre ng magiging monasteryo sa Pilipinas. Ang monasteryo sa Pilipinas ang magiging pinakauna sa Mayanila at sa Timog Silangang Asya.[1]

Nagsimula ang biyahe ni De la Asuncion's journey noong Abril 1620, na kinabibilangan ng anim na mga madre ni Santa Clara. Mayo 66 taong gulang na noon si De la Asuncion. Mula sa Toledo, naglakbay sa pamamagitan ng isang bangka ang grup patungong Sevilya, Espanya, kung saan nadagdagan ang grupo ng dalawang pang madre, matapos ay nagbiyahe sila papuntang Cadiz, Espanya. Mula sa Cadiz, ang grupo ay nagsimulang maglakbay sa Karagatang Atlantiko. Sa huling mga araw ng Setyembre 1620, narating ng mga madre ang Lungsod ng Mexico kung saan sila tumigil ng may kulang sa anim na buwan. Dalawa pang madre ang nadagdag sa grupo.[1]

Noong Araw ng Abo, Miyerykoles, ng 1621, nilisan ni De la Asuncion at ang kaniyang grupo ang Mexico at tinahak ang daan sa mga bulubundukin patungong lungsod ng Acapulco. Noong 21 Abril 1621, sumakay ang grupo sa isang galleon, ang San Andres, patungong Pilipinas.[1]

Nagkaroon ng isang talaan ang mga babae hinggil sa kanilang paglalakbay mula sa Toledo hanggang sa Maynila. Namatay ang isang madre sa kapanahunan ng pagtawid ng San Andres sa Dagat Pasipiko, malapit sa Marianas. Tumuntong sa Puerto ng Bolinao sa Pangasinan ang mga natitira miyembro ng grupo noong 24 Hulyo 1621. Narating nila ang Intramuros, ang sentro ng Maynila, noong 5 Agosto 1621. Nagtagal ng isang taon, tatlong buwan at siyam na araw ang kanilang paglalakbay mula sa Toledo hanggang Intramuros.[1]

Batay sa paniniwalang-Katoliko, ang pagbibigay-puri sa Diyos at ang panghihiyakayat sa mga pagano ang naging mga pangunahing adhikain ni Madre Jeronima. Tinupad ni De la Asuncion ang mga adhikaing ito sa pamamagitan ng pagpapamahagi kung paano mamuhay bilang Pransiskano sa Pilipinas. Binuksan ni De la Asuncion ang pintuan ng kaniyang kumbento sa mga kabataang babae ng Pilipinas na nakatanggap ng tawag sa buhay ng isang relihiyoso, maging anuman ang katayuan ng mga ito sa buhay o maging anuman ang kulay ng kanilang balat.[1]

Mga huling araw, kamatayan at proseso ng beatipikasyon

baguhin

Naging masasakitin si De la Asuncion sa loob ng huling tatlumpung taon ng kaniyang buhay. Sa simula ng Setyembre 1630, tumamlay ang kalusugan ni De la Asuncion. Namatay siya noong madaling-araw ng 22 Oktubre 1630 sa gulang na 75.[1]

Unang inilibing ang katawan ni De la Asuncion sa isang butas sa loob ng pader ng itinayo niyang monasteryo, ngunit nakaranas ng limang beses na paglilipat. Naganap ang unang paglilipat noong 1670 upang matigil ang mga galaw ng mga deboto. Nangyari ang pangalawang paglilipat noong 1712 dahil sa pagkukumpuni ng monasteryo. Nailagak ang katawan ni De la Asuncion sa isang lugar sa ilalim ng lugar-kantahan ng mga madre sa panahong ito. Makatlong nalipat ang bangkay ni De la Asuncion noong salakayin ng Britanya ang Maynila noon 1763. Inilipat sa simbahan ni San Francisco sa Intramuros ang kahon ng mga labi ni De la Asuncion. Ibinalik ang mga labi sa monasteryo ni Santa Clara noong 1765. Naligtas ang mga labi ni De la Asuncion mula sa mga pagbobomba noong Ikalawang-Digmaang Pandaigdigan. Noong dekada 1950, nalagak sa wakas ang mga buto ni De la Asuncion sa isang bagong monasteryo sa Lungsod ng Quezon sa Pilipinas.[1]

Bagaman hindi ipinanganak sa Pilipinas, naging inspirasyon si Jeronima de la Asuncion ng mga maraming debotong Katoliko. Siya ay sinasabing isang babaeng may matatag na personalidad at paninindigan lalo na sa pamamahala at paghahanap ng solusyon na may relasyon sa politika at relihiyon noong kaniyang kapanahunan, sa labas man o sa loob ng kaniyang kumbento. Ang mga hakbang para sa kaniyang beatipikasyon ay sinimulan noong 1630.[1]

Mga larawan ni Jeronima de la Asuncion

baguhin

Mga kopya ng dibuho ng Kastilang pintor na si Diego Velasquez ang mga kasalukuyang larawan ni Jeronima de la Asuncion. Ang larawan ni Dela Asuncion ay iginuhit ni Velasquez noong humintil sa Sevilla, Espanya, mula sa biyahe patungong Pilipinas, si De la Asuncion noong 1620. Inilalarawan ng dibuho ang isang matandang madre na may gulang na 66 at sadya ring ipinakikita ang "debosyon at katatagan ng personalidad sa pamamagitan ng ekspresyon ng mukha at katatagan sa pananampalataya; ang kaniyang palabas na pagtingin sa tumatanaw sa larawan; at ang kanyang pagsusuot ng kasuotan at mga dalahing bagay." Nakasuot sa De la Asuncion ng isang madilim at malungkot na abito habang taglay sa mga kamay ang isang aklat at isang krus. May mga nakasulat sa larawan. Nakasaad ang mga salitang "Mainam na maghintay sa pagliligtas ng Diyos ng tahimik" sa itaas ng larawan, samantalang nakasulat sa tali na pumapailanlang mula sa bibig ni De la Asuncion ang mga pananalitang "Sasapat na sa akin ang makita na Siya ay pinupuri".[2][3][4]

Tingnan din

baguhin

Mga sanggunian

baguhin

Bibliograpiya

baguhin
  1. Claussen, Heather L. and Ann Arbor. Hindi Pangkaraniwang Kapatiran ng mga Babae: Mga Makababaeng Madreng Katoliko sa Pilipinas, ika-8 na Labas, Limbagan ng Pamantasan ng Michigan, 2001, at Isang Pagtalakay ni Carolyn Brewer, Murdoch.edu.au, Oktubre 2002, isinangguni noong: 17 Hunyo 2007 - ISBN 978-0-472-11221-0 (may matigas na pabalat)
  2. Lally, Padre Campion, O.F.M. (Paunawa: Si F. C. Lally ay isang misyonero sa Hapon na naging gabay na pari ng mga Mahihirap na Clara sa Hapon sa loob ng 49 taon). Bibliograpiya ng mga Mahihirap na Clara Bibliograpy, Poor Clare.org Naka-arkibo 2007-06-26 sa Wayback Machine., isinangguni noong: 17 Hunyo 2007
  3. Tantingco, Robby. Kapampangan ang Pinakunang Madreng Pilipino (Paunawa: Ang pinakaunang madreng Pilipino, si Martha de San Bernardo, ay kabilang sa kongregasyon ni Donya Madre Jeronima de la Asuncion), Sunstar.com, 06 Marso 2007 Naka-arkibo 17 March 2007[Date mismatch] sa Wayback Machine., isiangguni noong: 18 Hunyo 2007
  4. Brewer, Carolyn. Banal na Pagtutunggali: Relihiyon, Kasarian at Seksuwalidad sa Pilipinas, 1521-1685 Paunawa: Isa itong artikulo kung saan nabanggit ang Talaang Bolinao nina Jeronima de la Asuncion at ng mga Mahihirap na Clara, ika-8 Labas, Oktubre 2002, Maynila: Institusyon ng mga Pag-aaral Hinggil sa mga Kababaihan, Kolehiyo ng Santa Eskolastika, 2001, may 437 mga dahon, and Isang Pagtalakay ni Barbara Watson Andaya, isinangguni noong: 18 Hunyo 2007 - ISBN 971-8605-29-0
  5. Bourne, Edward Gaylord. Ang mga Isla ng Pilipinas, 1493-1803: Explorations, 1905, isinangguni noong: 17 Hunyo 2007
  6. Sanchez C. La Madre Jerónima de la Asunción y su fundación del monasterio de Santa Clara de Manila, Incidencias y consecuencias (Si Madre Jeronima de la Asuncion at ang Pagtatayo ng Monasteryo ni Santa Clara sa Maynila. Mga Pangyayari at Resulta), Archivo franciscano Ibero-Oriental (Wika: Kastila) , Madrid, España, 1994, Vol. 52, Blg. 205-06, dahon 379-400, Tagapag-limbag: Padres Franciscanos Españoles, Madrid, España, 1943, at Cat.Inist.fr, isinangguni noong: 18 Hunyo 2007 - ISSN 0042-3718
  7. Ang Intramuros, Ang Makasaysayang Nababakurang Lungsod ng Manila, Monasteryo ng Santa Clara, WordPress.com, 19 Pebrero 2007, isinangguni noong: 18 Hunyo 2007
  8. Monasteryo ng Santa Clara, Katipunan Avenue at Aurora Boulevard, Lungsod ng Quezon, Maynila, Pilipinas, MyTravelGuide.com Naka-arkibo 2011-09-28 sa Wayback Machine., isinangguni noong: 18 Hunyo 2007
  9. Ang 99 Importanteng Kapampangan sa Kasaysayan at Bakit, Sentro ng Pag-aaral Hinggil sa mga Kapampangan, HAU.edu.ph at Geocities.com, 2007, isinangguni noong: 23 Hunyo 2007
  10. Pascual Jr., Federico D. Mga Una sa Larangan ng Relihiyon, Postscript, ABS-CBN Interactive, ABS-CBNNews.com, 06 Marso 2007 Naka-arkibo 9 Hulyo 2007 at Archive.is, isinangguni noong: 23 Hunyo 2007