Imperyong Kastila

(Idinirekta mula sa La Española)

Ang Imperyong Kastila (Kastila: Imperio español) ay isa sa pinakamalalaking mga imperyo sa mundo at naging ang unang pandaigdigang imperyo sa kasaysayan ng mundo.[1] Ang Espanya ang sentro ng isa sa unang Imperyong Kolonyal. Pinamamahalaan ng Espanya ang kanyang malawak na overseas empire hanggang ika-19 na siglo. Ayon kay Henry Kamen, nilikha ng Imperyo ang Espanya, sa halip na ang Imperyo ang nilikha ng Espanya.

Imperyong Kastila

baguhin

Isa sa pinakamalawak na imperyo ang Imperyong Espanyol sa kasaysayan at isa sa mga unang imperyong pandaidigan. Noong ika-15 at 16 na dantaon, ang Espanya ang taga-pagtaguyod ng pagdaigdigan ekplorasyon at pananakop ng Europa. Binuksan ng Espanya ang kalakalan sa mga karagatan - sa Karagatang Atlantiko sa pagitan ng Espanya at Amerika, at sa Karagatang Pasipiko sa pagitan ng Asya-Pasipiko at Mehiko sa pamamagitan ng Pilipinas. Ibinagsak ng mga conquistador ang kabihasnang Azteca, Inca at Maya at malaya nitong inangkin ang malawak na lupalop ng Timog at Hilagang Amerika. May isang panahong nasa tugatog ito sa pangingibabaw ng lakas nito sa mga karagatan dahil sa kanyang hukbong pandagat at pangingibabaw ng hukbong sandatahang tercios nito sa larangan ng mga sagupaan sa Europa. Nagtamasa ng ginintuang edad sa kultura ang Espanya noong ika-16 at 17 dantaon.

Mula sa kalagitnaan ng ika-16 na dantaon, ang mga minahan ng ginto at pilak sa Amerika ang nagtaguyod sa lakas militar ng koronang Habsburgo ng Espanya sa mahabang sunud-sunod ng pakikidigma nito sa Europa at Hilagang Aprika. Natamo ng imperyong Espanya ang pinakamalawak nitong teritoryo sa mundo noong ika-17 at 18 na dantaon, datapuwat nagsimula itong humupa sa pabago-bagong kapalarang pangmilitar at pangkalakalan mula ng mga 1640. Mula sa mga bagong karanasang ito ng pahirap at pagdurusa sa pagpapalawak ng imperyo, nagbalangkas ang mga eskolar na Espanyol ng mga makabagong kaisipan tungkol sa batas natural, kasarinlan, batas pandaigdig, digmaan at ekonomika – gayundin ang pagkuwestyon sa katarungan ng imperyalismo – sa magkakalapit ng paaralang pang-isip na tinawag ng Eskwela ng Salamanca.

Ang patuloy na pakikibaka ng Espanya sa mga karibal na lakas ay nagdulot ng sigalot teritoryal, komersiyal at panrelihiyon na nang lumaon ay nagdulot sa mabalagal na paghupa ng kapangyarihan nito sa simula kalagitnaan ng ika-17 dantaon. Madalas ang pakikidigma nito sa imperyong Otomano sa Mediterraneo; sa Europa, ang Pransiya ay naging kasinglakas nito. Sa karagatan, unang karibal nito ang Portugal na sinundan ng mga Ingles at Holandes. Dagdag pa rito, ang mga piratang Ingles, Holandes at Frances sa karagatan, ang malawak na pagtulong ng militar nito sa kanyang mga nasasakupan, ang pagtaas ng katiwalian sa pamahalaan, at hindi pagsulong pang-ekonomiya na dulot ng tustosing militar nito ang sa dakong huli ay nagdulot sa paghina ng imperyo.

Natapyas ang imperyo nito sa Europa sa Kapayapaan sa Utrecht (1713) na nag-alis sa Espanya ng mga natitira nitong teritoryo sa Italia at Mabababang Bansa (Nederlands). Nang lumaon bumuti ang kapalaran nito ngunit naging segunda lamang ito sa politika sa Europa.

Gayunpaman, napanatili at napalawak nito ang kanyang imperyo sa labas ng Europa hanggang siglo 19 nang magulantang ito sa Digmaang Peninsular na nagbunsod sa deklarasyon ng kalayaan sa Quito (1809), Kolombya (1810), Venezuela at Paraguay (1811) at sunod-sunod na rebolusyon na naghiwalay sa mga teritoryo nito sa Amerika. Napanatili nito ang ilang mahahalagang bahagi ng imperyo sa Caribe (Cuba at Puerto Rico); Asya (Filipinas), at Oceania (Guam, Micronesia, Palau, at Hilagang Mariana) hanggang sa pagdating ng Digmaang Espanyol-Amerikano noong 1898. Ang pagsali ng Espanya sa Agawan sa Africa ay maliit lamang: hawak na nito ang Hispanong Morocco hanggang 1956 at ang Hispanong Guinea at Hispanong Sahara ay hawak hanggang 1968 at 1975 sa magkasunod na nabanggit. Ang Isla Canaria, Ceuta, Melilla ay mga dibisyong administratibo na magpahanggang ngayon ay bahagi ng Espanya, at ang Isla de Alborán, Isla Perejil, Islas Chafarinas, Peñón de Alhucemas, at Peñón de Vélez de la Gomera ay mga teritoryong bahagi pa rin ng Espanya. Gayundin, ayon sa UN, ang “Hispanong Sahara/Kanlurang Sahara” na inangkin ng Morocco noong 1976 ay teknikong nasa ilalim ng Administrasyong Espanyol hanggan ngayon.

Ang Ugat ng Imperyo (1402–1521)

baguhin
 
Walang panahong saklaw ng Korona ng Aragon.


Ang mga kapangyarihang kasangkot sa imperyong Espanyol ay masisilip sa mga imperyong Aragones, Burgonya, at Portuges. Noong huling 250 taon ng Reconquista, hinayaan ng monarkyang Kastila ang maliit ng musulmanong kahariang taifa ng Granada na nasa timog-silangan kapalit ng gintong buwis, tinatawag na parias, na nagpatuloy sa pagdaloy ng ginto sa Europa mula sa rehiyon ng Niger sa Africa. Nakilahok din ang Kastila sa Hilagang Africa upang tapatan nito ang imperyong Portuges nang simulang sakupin ni Enrique III ng Kastila ang Islas Canarias noong 1402 sa ilalim ng pyudal na kasunduan nito kay Jean de Béthencourt isang nobleng Normano. Ang pagsakop ng Islas Canarias, na tahanan ng mga taong Guanche, ay natapos lamang nang manalo ang hukbong sandatahan ng Koronang Kastila sa mahaba at madugong pakikidigma sa mga pulo ng Gran Canaria (1478–1483), La Palma (1492–1493) at Tenerife (1494–1496).

Ang pag-iisang dibdib ng mga Reyes Catolicos (Fernando II ng Aragon at Isabel I ng Kastila) ang bumuo sa kompederasyon ng reyno na may kanya-kanyang administrasyon na pinamumunuan ng isang monarkya. Ayon kay Henry Kamen, ang Espanya ay gawa ng imperyo hindi ang imperyo ay gawa ng Espanya.


 
Ang pagsuko ng hari ng Granada sa harapan ng mga Haring Katoliko.

Noong 1492, pinatalsik ng Espanya ang huling haring musulmano ng Granada. Matapos silang manaig, nikipag-ayos ang monarkyang Espanyol kay Cristobal Colon, isang mandaragat mula sa Genoa, na sumusubok marating pakanluran ang Cipangu. Nakikipag-unahan ang Kastila sa Portugal sa eksplorasyon upang marating ang Dulong Silangan nang magproposisyon si Colon kay Isabel. Aksidenteng ‘natuklasan’ ni Colon ang Amerika na nagsimula sa pananakop nito sa lupalop. Ang mga pulong Indios ay sakop ng Kastila.


 
Inangkin ni Cristobal Colon ang La Española

Ang pag-angkin ng Espanya sa mga lupang ito ay pinagtibay ng Inter caetera isang boletin ng Papa noong 1493 at sinundan agad ng Kasunduan sa Tordesillas noong 1494 kung saan ang mundo ay hinahati sa dalawang hemispero na inaangkin sa pagitan ng Espanya at Portugal. Ang mga aksiyong ito ang nagbigay sa Espanya ng eksklusibong karapatan na magtatag ng mga pamayanan sa Nuevo Mundo (Nuevo Mundo) mula Alaska hanggang Kabong Sungay (maliban sa Brasil) gayundin sa mga kanlurang bahagi ng Asya. Ang imperyong Kastila ay bunga ng mabilis na pagpapalawak ng pananakop sa Nuevo Mundo gayundin sa Filipinas at nasasakupan nito sa Africa kung saan sinilo ng mga Kastila ang Melilla noong 1497 at Oran noong 1509.

Nagpasyang suportahan ng monarkiyang katoliko ang angkang Aragones ng Napoli laban kay Carlos VIII ng Pransiya sa Digmaang Italiano ng 1494. Bilang hari ng Aragon, nasangkot si Fernando sa pakikibaka laban sa Pransiya at Venezia upang makontrol ang Italia; ang awayang ito ang naging ubod sa palakad panlabas ni Fernando bilang isang hari. Sa mga labanang ito nanaig ang mga sundalong Espanyol laban sa mga kabalyerong Franses. Dito nabuo ni Gonzalo Fernández de Córdoba ang halos walang talong sandatahang Espanyol ng siglo 16 at 17.


Ang pagkamatay ni Gaston de Foix, isang heneral na Frances at Labanan sa Ravenna (1512). Nang mamatay ni Reyna Isabel, si Fernando ang nag-iisang monarkya ng Espanya. Nagtakda ito ng mas agresibong palakad noong pa mang buhay si Isabel. Pinalawak nito ang impluwensiya ng Espanya sa Italia at laban sa Pransiya. Ang unang paggugol ni Fernando sa pwersang Espanyol ay nangyari noong Digmaan ng mga Liga ng Cambria laban sa Venezia kung saan ipinakita ng mga sundalong Espanyol kasama ang mga kaalyado nitong mga Frances sa Labanan ng Agnadello (1509). Matapos ang isang taon, naging bahagi si Fernando ng Banal na Liga laban sa Pransiya kung saan nabigyan ito ng pagkakataong angkinin ang Milan – kung saan may dinastiyang habol ito – at ang Navarra. Hindi gaanong naging matagumpay ang digmaang ito kaysa laban sa Venezia, at noong 1516, pumayag ang Pransiya na makipag-ayos na nagpaparaya sa Milan sa ilalim nito at pagkilala sa pangingibabaw ng Espanya sa Alta Navarra.

Noong naging matagumpay ang pamamayanan sa La Española noong unang dako ng 1500, nagsimulang maghanap ng ibang sasakupin ang mga mananakop. Ang mga hindi umunlad sa Hispaniola ay naging masidhi sa paghahanap ng tagumpay sa mga bagong itatayong pamayanan. Mula rito, sinakop ni Juan Ponce de León ang Puerto Rico at ni Diego Velázquez ang Cuba. Ang Darién sa Panama ang kauna-unahang pamayanan sa lupalop na ito na sinakop ni Vasco Núñez de Balboa noong 1512. Noong 1513, tinawid ni Balboa ang Isthmus ng Panama kung saan pinamunuan nito ang unang ekspedisyong Europeo upang masilayan ang Dagat Pacifico mula sa kanlurang pasigan ng Nuevo Mundo. Inangkin ni Balboa ang Dagat Pacifo pati ang lahat ng mga pulo rito para sa Korona ng Espanya na nagdulot ng matibay at mahalagang kasaysayan.

Madalas lusubin ng mga piratang Berbero mula sa Hilagang Africa ang mga pasiging nayon at bayan ng Espanya, Italia at mga pulo sa Meditereneo. Ang Formentera ay iniwanang panandalian ng mga namamayan dito at kung saan ang mahabang pasigan ng Espanya at Italia ay tuluyang iniwan ng mga tao. Ang pinakabantog na korsaryo noong panahong ito ay si Barbarossa (“Mapulang Balbas”) na isang Turko. Ayon kay Robert Davis, may pagitan sa 1 milyon at 1.25 milyong Europeo ang hinuli ng mga pirata ng Hilagang Africa at ipinagbili bilang alipin sa Hilagang Africa at imperyong Otomano noong pagitan ng siglo 16 at 19.

Ginintuang Panahon ng Espanya (1521–1643)

baguhin
 
Ang mga haligi ni Hercules na may motong "Plus Ultra" bilang sagisag ni Emperador Carlos V sa munisipyo ng Sevilla (siglo 16)

Minsang tinatawag na Ginintuang Siglo ng Espanya ang siglo 16 at 17. Dahil sa pag-iisang dibdib ng mga haring Katoliko, minana ng kanilang apong si Carlos ang imperyong Kastila sa Amerika, imperyong Aragones sa Meditereneo (kasama ang malaking bahagi ng kasalukuyang Italia), gayundin ang korona ng Banal na Imperyong Romano at ng Mabababang Bansa (Nederlands) at ng Franche-Comté. Dahil dito, nabuo ang imperyo mula sa mga pamana at hindi sa pananakop nito. Matapos niyang talunin ang mga rebeldeng Kastila noong Digmaang Kastila ng mga mamamayan nito, sinasabing si Carlos ang pinakamakapangyarihang tao sa Europa kung saan ang paghahari nito ay hindi mapapantayan hanggang sa dumating ang panahon ni Napoleon. Noong panahong ito, sinasabing hindi lumulubog ang araw sa imperyo nito. Ang imperyo noong Ginintuang Edad na ito ay kontrolado hindi sa Madrid bagkus mula sa Sevilla.

Sa simula, bigong pang-ekonomiya ang imperyong Kastila sa ibayong dagat. Nagbunga ito ng ilang pag-unlad sa kalakalan at industriya. Noong mga 1520, nagsimula ang malakihang pagmimina ng pilak sa Guanajuato, Mexico ngunit hindi naging maalamat na kayamanan ito matapos mabuksan ang mga minahanng pilak sa Zacatecas, Mexico at Potosi, Peru noong 1546 kasama ang malakihang pagluluwas nito sa Europa. Noong siglo 16, sinasabing hawak ng Espanya ang ginto at pilak na may halagang US $1.5 trilyon (sa halaga noong 1990) mula sa Nueva Espanya. Subalit nang lumaon, ang pag-angkat nito ay nagdibersiyon sa ibang porma ng industriya na nagdulot ng inflation sa Espanya noong dakong huling dekada ng siglo 16. Ang situwasyong ito ang nagpalubha sa pagkawala ng maraming klase ng negosyante at artisano kasama ang pagpapatalsik ng mga Hudyo at Moriscos (musulmano/islamo). Ang malaking importasyon ng pilak sa dakong huli ang nagdulot sa Espanya na umasa sa mga panlabas na mapagkukunan ng mga materyales at pabrikadong kalakal. Maraming mayayaman ang nag-invest ng kanilang kayamanan sa mga pautang bayan (juros) na sinasagot ng importasyon ng pilak sa halip na produksiyon ng produkto at pagpapabuti ng sakahan. Nagpalawig ito sa kaisipang medyebal ng mga aristokratiko na hindi marangal ang trabahong nagpapawis kahit palubog na ang pagtinging ito sa ibang kanlurang bansa ng Europa. Ang pag-inog ng pilak at ginto na tumulong pang-ekonomiko at pagbabagong panlipunan sa mga Mabababang Bansa, Pransiya, Inglaterra at iba pang bahagi ng Europa ay nakapagpabagal sa Espanya. Ang mga suliraning dulot ng inflation na tinalakay ng mga eskolar sa Eskwela ng Salamanca at ng mga arbitristas ay walang epekto sa gobyernong Habsburgo.

Nilustay ng angkang Habsburgo ang mga yaman mula Amerika at Kastila sa pakikidigma nito sa Europa para sa kapakanan ng angkang Habsburgo. Pumalya ng maraming beses ito sa pagbabayad ng utang-bayan, at binayaang mabangkarota ang Espanya kung saan sumambulat ang hidwaan sa pagitan ng Imperyo at pamayanang Kastila sa isang rebelyong popular ng Digmaan ng mga Bayan ng Kastila (1520–22). Maraming mithiing pampolitika ang angkang Habsburgo:

• Bigyan daan sa mga produktong Amerikano (ginto, pilak, asukal) at Asyano (porselana, pampalasa, seda)
• Sirain ang lakas ng Pransiya at siilin ang hangganan nito sa silangan.
• Panatiliin ang katolikong pananakop nito sa Alemanya, ipagtanggol ang katolisismo laban sa Repormasyon. Sinubukang pigilin ni Carlos ("Charles V") ang Repormasyong Protestante sa Diet of Worms. Hindi siya nagtagumpay na baliktarin ang paninindigan ni Luther. Ang pananalig ni Carlos ay hindi nakapigil sa mga tropang nagrebelyon na looban ang Santa Sede ("Holy See) sa Sacco di Roma (Panloloob ng Roma).
• Ipagtanggol ang Europa laban sa Islam lalo na sa Imperyong Ottoman.

Mga Bagong Batas hanggang sa Kapayapaan sa Augsburgo (1542–1555)

baguhin

Nagpatupad ang Espanya ng ilang batas upang protektahan ang mga katutubong tao sa mga nasasakupan nito sa Amerika. Una rito ay noong 1542. Ang kaisipang batas na ito ang naging saligan ng makabagong batas pandaigdig. Dahil sa kalayuan nito, nag-aklas ang mga mananakop Europeo nang makitang nagbabawas ito sa kanilang kapangyarihan. Nagdulot ito ang parsiyal na pagbawi ng Bagong Batas. Nang lumaon, mahihinang batas ang ipinalabas upang protektahan ang mga katutubo ngunit walang talâ na naging mabisa ito. Pinagsamantalahan ng mga natirang encomenderos ang mga Indios sa halip na alagaan sila.

Noong 1543, nagpalabas si Francisco I, ang hari ng Pransiya, na papanig ito kay Soliman, ang Magnipiko at sultang Otomano, sa pagsakop nito kasabwat ang pwersang Otomano sa lungsod ng Nice na kontrolado ng Espanya. Si Henry VIII ng Inglaterra na may mas malaking galit sa Pransiya kaysa sa Emperador (dahil naging sagabal ito sa kanyang diborsiyo) ay kumampi kay Carlos na lusobin ang Pransiya. Kahit na natalo ang mga sundalong Espanyol sa Labanan sa Ceresoles sa Savoy, hindi natinag ang Milan na kontrolado ng mga Kastila habang nalupig sa hilaga ang mga Frances sa mga kamay ni Henry. Sa dakong huli, napilitang tanggapin ang mga kasunduang hindi pabor sa Pransiya. Patuloy ang pakikidigma sa mga Otomano sa silangan ng mga Austrianong pinamumunuan ni Fernando, batang kapatid ni Carlos. Inayos din ni Carlos ang mas matandang problema nito, ang Liga ng Esmalcalda.

 
Mapa ng teritoryo ng mga Habsburgo matapos magbitiw si Carlos V (1556) na ipinakikita sa The Cambridge Modern History Atlas (1912); kulay berde ang mga lupaing Habsburgo. Mula 1556, ang mga lupain mula sa Nederlands hanggang sa silangan ng Pransiya, sa timog ng Italia at mga pulo ay angkin ng angkang Habsburgo ng Espanya.

Kumampi ang Liga sa mga Frances at nabigo ito sa pagsisikap na sirain ang Liga sa Alemanya. Ang pagkatalo ni Francisco noong 1544 ay nagdulot sa pagkasira ng alyansa nito sa mga Protestante na sinamantala naman ni Carlos. Unang niyang sinubukan ang makipagnegosasyon sa Kapulungan sa Trent noong 1545. Nakidigma ang liderato nito sa pamumuno ni Mauricio, isang taga-halal na Sajonio ng mga Protestante, nang nakaramdam ito ng pagtataksil sa paninindigang ginawa ng mga Katoliko sa kapulungan. Gumanti si Carlos na lusubin ang Alemanya ng pinaghalong sundalong Espanyol at Holandes sa pag-asang maibalik ang kapangyarihan ng Imperyo. Malinaw na nilupig ang mga Protestante na pinamunuan mismo ng emperador sa Labanan sa Mühlberg noong 1547. Noong 1555, lumagda si Carlos sa Kapayapaan sa Augsburg kasama ang mga bansang Protestante upang ibalik ang kapanatagan sa Alemanya sa kanyang simulaing cuius regio, eius religio, isang posisyong hindi naging popular sa kapariang Espanyol at Italiano. Ang paglahok ni Carlos sa Alemanya ay magtatatag ng isang mahalagang papel para sa Espanya bilang tagapagtanggol ng simbahang katoliko na isang mithiin ng ankang Habsburgo sa Santo Imperyong Romano. Matapos ang pitong dekada sa pakikialam nito sa mga digmaan, ang mga pangyayaring ito ang malinaw na mag-aakyat sa Espanya bilang pangunahing lakas sa Europa.

Higit na ninais na hadlangan ni Carlos ang mga Otomano sa paggamit ng estratehiyang maritimo na nagpabagal sa pag-ahon ng mga Otomano sa mga teritoryong Veneziano sa Silangang Medetereneo. Sa mga paglusob lamang sa silangang pasigan ng Espanya sumama si Carlos upang pamunuan ang mga atake nito laban sa lupalop ng Africa. (1545).

Mula San Quentin Hanggang sa Lepanto (1556–1571)

baguhin

Hinatian ni Felipe II ng Espanya, kaisa-isang anak ni Carlos V, ang kanyang amaing si Fernando sa mga nasasakupan nito sa Austria. Inangkin ni Felipe ang Kastila bilang haligi ng kanyang imperyo subalit hindi lubag ang loob ng pamayanan nito upang bigyan ng kinakailangang sandatahang lakas ang imperyo. Naging kakampi ng Espanya ang Inglaterra nang siya ay makasal kay Mary Tudor.

 
Ang pagdiriwang matapos ang Kapayapaan ng Cateau-Cambresis (1559) sa pagitan ng Espanya at Pransiya.

Hindi naging mapayapa ang Espanya dahil umakyat sa trono ang mapusok na si Enrique II ng Pransiya noong 1547 na agad bumuhay sa alitan nito sa Espanya. Agad sumubo sa pakikidigma si Felipe II, na sumunod kay Carlos, sa Pransiya na lumupig sa hukbong sandatahang Frances sa Labanan ng San Quentin sa Picardia noong 1558 at muling nilupig si Enrique sa Labanan ng Gravelines. Ang Kapayapaan sa Cateau-Cambrésis na nilagdaan noong 1559 ang tuluyang kumilala sa mga inangking lupain ng Espanya sa Italia. Sa pagdiriwang sumunod sa kasunduan, napatay si Enrique ng isang bahagi ng ligaw na sibat. Sa mga sumunod na 30 taon napasok ang Pransiya sa mahabang giyera sibil at kaguluhan na nag-alis sa pakikipagtunggali nito sa Espanya at sa angkang Habsburgo sa kapangyarihan sa Europa. Dahil malaya ito sa oposisyong Frances, nangibabaw ang Espanya sa kanyang kapangyarihan at pananakop noong panahong 1559–1643. Ang pagbubukas ng konsorsiyo sa pagbabangko sa Genoa ang nagdulot ng bangkarota kay Felipe II noong 1557 at gumulo sa mga bahay pangbangko ng Alemanya at nagwakas sa reyno ng mga Fuggers bilang taga-panalapi ng Espanya. Binigyan ng mga bangkerong Genovese ang reynong Habsburgo na mahirap pigilin mangutang dahil sa maasahang kikitain. Ang kapalit nito ay mabilis na paglilipat mula sa Sevilla papunta ng Genoa ng mga pilak na mula sa Amerika bilang kapital sa pagpapatuloy ng negosyo nito.

Sinakop ang Florida noong 1565 ni Pedro Menendez de Aviles nang kanyang itatag ang San Agustin, Florida at sa agad na paglupig nito sa ilegal na pagtatangka ng isang kapitang Frances na si Jean Ribault at 150 kababayan nito na makapagtatag ng pamayanang Frances sa teritoryo ng Hispanong Florida. Mabilis na naging isang mahalagang pantalan ang San Agustin para sa mga barkong Espanyol na puno ng ginto at pilak na itinutulak papuntang Espanya mula mga nasasakupan nito sa Nuevo Mundo. Noong 27 Abril 1565, itinatag ang permanenteng pamayanang Espanyol sa Filipinas ni Miguel López de Legaspi na nagsimula sa Galeon de Manila. Ang Galeon de Manila ang sasakyan ng mga produkto mula sa buong Asya patawid sa Pacifico hanggang sa pantalan ng Acapulco na nasa pasigan ng Mexico. Mula roon, ang mga produktong ito ay itinatawid sa lupa sa Mexico upang isakay sa mga bokeng Espanyol patungong Espanya. Ang Maynila bilang isang bayang kalakalang Espanyol ay itinatag noong 1572 upang mapabuti ang kalakalan sa Asya.


 
Ang Labanan sa Lepanto (1571) na nagtatapos the imperyong Otomano bilang nangingibabaw ng lakas pandagat sa Mediterraneo.

Tumayog ang pangarap ni Felipe II matapos magtagumpay ang Espanya laban sa Pransiya at sa pagsisimula ng mga giyerang panrelihiyon sa Pransiya. Noong 1565, nilupig ng mga Espanyol ang mga umahong Otomano sa Malta, isang mahalagang pulo nito, na ipinagtatanggol ng mga Kabalyero ni San Juan. Lalong tumapang din si Felipe nang mamatay si Suleiman ang Magnipiko, nang sumunod na taon at sa pag-akyat sa trono ng kanyang anak na si Selim ang Sot at nagpatibay sa kanyang desisyong digmain ang sultan. Noong 1571, kasama ang mga boluntaryo sa buong Europa, nilusob ng mga boke de giyera ng Espanya at Venezia, na pinamumunuan ng anak sa labas ni Carlos na si Don Juan ng Austria, ang mga bokeng Otomano sa Labanan sa Lepanto na isang pinamaliwanag ng labanan sa kasaysayang nabal. Sa labanang ito natapos ang pananaklaw ng hukbong pandagat ng imperyong Otomano sa buong Medetereneo. Ang misyong ito nagluklok ng dangal sa Espanya at sa nasasakupan nito sa ibang lupain habang nasa balikat naman ni Felipe ang pamumuno upang lupigin ang Repormasyon.

Mga Sigalot sa Europa (1571–1598)

baguhin

Naging maikli ang pagsasaya sa Madrid. Noong 1566, sumiklab ang kaguluhang pinamumunuan ng mga Calvinista na nagpapunta sa Duke ng Alva upang ibalik ang katahimikan sa bansa. Noong 1568, nabigong patalsikin ni Guillermo, ang Tahimik, si Alva sa Nederlands. Ang mga labanang ito ang sinasabing mitsa sa simula ng Walumpung Taong Digmaan na nagbunga sa kalayaan ng mga Nagkakaisang Lalawigan. Sa dahilang nagtatamasa ang mga Espanyol sa kayamanan mula sa Nederlands at lalo na sa mahalaga nitong daungan ng Antwerp. Desidido silang ibalik ang katahimikan at hawakan ang mga probinsiya doon. Noong 1572, isang kulupon ng mga rebeldeng Holandes na tinatawag na watergeuzen ("Pulubing Dagat") ang sumalakay sa mga pasiging bayan ng Holanda at nagproklamang sumusuporta kay Guillermo at nagtatuwa sa lideratong Espanyol.

 
Otto van Veen: Otto van Veen: Ang Paglikas ng Leiden (1574) matapos pigtasin ng mga Holandes ang kanilang dike sa Walumpung Taong Digmaan.

Ang digmaang ito ay walang katapusang pusali sa Espanya. Noong 1574, napaurong ang mga sundalong Espanyol, sa ilalim ni Luis de Requeséns sa Paglusob ng Leiden, matapos sirain ng mga Holandes ang mga dike na nagdulot ng malaking baha rito. Noong 1576, dahil sa hinaharap nitong pasuweldong utang sa 80,000 sundalo na nasa Nederlands, ang gastos ng malaking boke de giyera ng nagpanalo sa Lepanto kasama ang palubhang epekto ng pandarambong sa kalautan na nagpaliit sa kita mula sa mga nasasakupan nito sa Amerika. Napilitang tanggapin ni Felipe ang pagkalugi. Nang lumaon nag-aklas ang mga sundalo nito sa Nederlands na lumusod sa Antwerp at nanloob sa timog Nederlands. Ito ang nag-udyok sa maraming lungsod sa dating mapayapang lalawigan na sumali sa rebelyon. Pinili ang Espanya ang pakikipag-usap na nagpatahimik muli sa halos lahat timuging lalawigan sa Pag-iisa sa Arras noong 1579.

Sa ilalim ng kasunduan sa Arras, ipinakita ng mga timuging estado ng Hispanong Nederlands na ngayon ay Wallonia at Nord-Pas-de-Calais (at Picardia) sa rehiyon ng Pransiya ang kanilang katapatan sa haring Espanyol na si Haring Felipe II at pagkilala sa kanyang gobernador-heneral na si Don Juan ng Austria. Noong 1580, ito ang nagbigay ng pagkakataon na magpalakas sa posisyon sa Haring Felipe nang mamatay ang huling kasapi ng maharlikang pamilya ng Portugal na si Kardenal Enrique ng Portugal. Naghabol si Felipe sa tronong Portuges at noong Hunyo kanyang ipinadala kasama ang grupo ng sundalo na pinamunuan ni Duke ng Alba sa Lisbon upang siguraduhin ang tagumpay. Ang pananakop ng Duke ng Alba at Espanya sa Portugal ay higit na popular sa Lisbon kaysa Rotterdam. Napasakamay kay Felipe ang pinagsanib na imperyong Espanyol at Portuges - ang buong sinakop nito sa Nuevo Mundo kasama ang malawak na imperyo ng kalakalan sa Africa at Asya. Noong 1582, ang padron ng pag-iisa ng imperyo ay selyado kahit ibinalik ni Felipe II ang kanyang korte mula sa Atlanticong daungan ng Lisbon, kung saan siya sumandaling nanirahan upang patahimikin ang kanyang bagong kahariang Portuges, sa Mardrid. Ang bawat obserbador dito ay nagsasabi na: “Mas mahalaga ang lakas pandagat sa namumuno ng Espanya kaysa sinumang prinsipe dahil sa lakas pandagat lamang makabubuo ito ng isang bayan mula sa malalayong bahagi nito.” Isang manunulat sa taktika noong 1638 ang nagsabi, “Ang kapangyarihang akmang-akma sa braso ng Espanya ay nakalagay sa mga karagatan kung saan ang mga bagay na ito ay alam ng marami na hindi ko tatalakayin kahit mainam gawin ito.” (quoted by Braudel 1984)

 
Ang pagtatanggol ng Cádiz, ni Zurbaran.

Nangailangan ng malaking sandatahang lakas ang Portugal upang makontrol ito kahit nasa bankarotang kalagayan ang Espanya noong 1576. Noong 1584, si Guillermong Matahimik ay pinaslang ng isang Katolikong may sira sa ulo na umaasang ang pagkamatay ng popular na lider ng rebeldeng Holandes ay magtatapos sa digmaan. Hindi ito nangyari. Noong 1586, nagpadala si Reyna Elizabeth I ng Inglaterra ng tulong sa mga Protestante sa Nederlands at Pransiya. Inatake ni Sir Francis Drake ang mga mangangalakal Espanyol sa Caribe at Pacifico kasama ang partikular na madugong atake nito sa daungan ng Cadiz. Noong 1588, upang itigil ang pakikialam ni Elizabeth, ipinadala ni Felipe ang Armada Espanyol upang atakihin ang Inglaterra. Natalo ang Armada ng Espanya kahit matibay ang pananggalang nito dahil - dahil naging maganda ang panahon, maliksi ang boque de guerra ng Inglaterra, at sa paunang ulat ng mga tiktik ng Inglaterra sa Netherland na agad napaghandaan. Gayunpaman, natalo ang Inglaterra sa malaking atake militar nito, ang Expedisyong ni Drake-Norris, 1589, na nagbikwas pabor sa Espanya noong Digmaang Anglo-Hispano noong 1585–1604 na walang kaduda-duda na ang boque ng Espanya ang pinakamakapangyarihan sa buong Europa bago matalo ito sa bokeng Holandes sa Labanan sa Kababaang Bansa noong 1639 kung saan makikitang humupa na ang lakas nito.

 
Ang Armadang Espanyol habang papaalis ng Look ng Ferrol (1588)

Gumugol ang Espanya sa digmaang panrelihiyon sa Pransiya matapos mamatay si Enrique II. Noong 1589, si Enrique III, ang huli sa liping Valois, ay namatay sa loob ng kuta ng Paris. Ang tagapagmana ng trono, si Enrique IV ng Navarra, ang unang haring de Borbon ng Pransiya, ay itinanghal na dakila sa pagwawagi nito laban sa Liga Katolika sa Arques (1589) at Ivry (1590). Sa pangakong pipigilin si Enrique ng Navarra na maging hari ng Pransiya, hinati ng Espanya ang sandatahang lakas nito sa Nederlands at nilusob ang Pransiya noong 1590.

“Kastila raw ang Diyos" (1596–1626)

baguhin
 
Isang mapa ng imperyong Espanyol at Portuges noong pahanon ng Iberong Pag-iisa (1581–1640)

Sa pakikidigma nito laban sa Inglaterra, Pransiya at Nederlands kahit na pinamumunuan ng may kakayahang liderato, talong-talo ito dahil bangkarote ang imperyo. Napilitan ang Espanya na ayusin muli ang mga utang nito noong 1596 dahil walang tigil ang pandarambong sa mga barko nito sa Atlantico at hindi patuloy ang pagluluwas ng ginto mula sa Nuevo Mundo. Sinubok labasan nito ang sarili sa maraming kasangkot na kaguluhan, una rito ang paglagda nito sa Tratato sa Vervins sa Pransiya noong 1598, ang pagkilala kay Enrique IV (na naging Katoliko noong 1593) bilang hari ng Pransiya, at ang pagpapanatili sa maraming estipulasyon sa nakaraang Kapayapaan sa Cateau-Cambrésis. Nakipakasundo ang Inglaterra, na nagdusa sa sunod-sunod na pagkatalo sa karagatan at walang humpay na digmaang gerilya ng mga Katoliko sa Irlanda, na suportado ng Espanya, sa Tratado sa Londres, 1604, na sinundan sa pag-akyat sa trono ni Haring James I mula sa angkang Stuart.

Ang kapayapaan nito sa Inglaterra at Pransiya ay nagbigay ng pagkakataong mailagay ang lakas nito upang maibalik ang pamamahala nito sa mga probinsiyang Holandes. Ang mga Holandes na pinamumunuan ni Mauricio ng Nassau, anak ni Guillermong Matahimik at sinasabing pinakabantog na estratehista sa panahon niya, ay nagtagumpay na makuha ang ilang lungsod sa hanggahan nito mula ng 1590 kasama ang kuta ng Breda. Matapos ang pakikipag-ayos nito sa Inglaterra, ang bagong komandanteng Espanyol na si Ambrosio Spinola, isang heneral na may kakayahang katulad ni Mauricio, na lumaban ng todo sa mga Holandes ay nabigong sakupin ang Nederlands dahil sa pagkabangkarota ng Espanya noong 1607. Noong 1609, ang Kasunduang Dose Anyos na nilagdaan sa pagitan ng Espanya at Nagkakaisang mga Probinsiya. Sa wakas, dumatala ang kapayapaan sa Espanya – ang Pax Hispanica.

Nakaahon ang Espanya noong lagdaan ang Kasunduan na nagbigay ng panahon para ayusin ang pananalapi nito at upang ibalik ang dangal at kapanatagan mula pa noong tunay na bantog na digmaan na unang kinasangkutan nito. Si Felipe III, ang tagapagmana ni Felipe II, ay isang taong may maliit na kakayahan, walang interes sa politika at mahilig mag-atas ng pangangasiwa ng imperyo sa iba. Ang pangulo niyang ministro na may kakayahan ay ang Duke ng Lerma.

Hindi interesado ang Duke ng Lerma (at gayundin si Felipe II) sa mga asunto ng kaalyado nitong Austria. Sa utos ng hari noong 1618, pinalitan siya ni Don Baltazar de Zúñiga isang beteranong embahador sa Vienna. Naniniwala si Don Baltazar na ang malapit na alyansa nito sa Habsuburgong Austria ang susi sa pagsubo ng mga Frances at pagpapaalis sa mga Holandes. Noong 1618 na nagsimula sa Defenestration ng Prague, nagsimula ang kampanya sa Austria at si Fernando II, bilang Emperador ng Santo Imperyong Romano, laban sa Unyong Protestate at Bohemia. Sinulsulan ni Don Baltazar si Felipe na umanib sa Habsburgong Austria sa pakikidigma nito. Ipinadala si Spinola, isang sumisikat na lider sa sandatahang Espanyol sa Nederlands, upang mamuno ng Sandatahang Flanders upang makialam. Dahil dito, napasok ang Espanya sa Tatlumpung Taong Digmaan.

 
Ang Pagsuko ng Breda (1625) kay Ambrosio Spinola ni Velazquez. Ang tagumpay na ito ay naging sagisag ng pagbabagong panahon sa lakas sandatahang ng Espanya sa Tatlumpung Taong Digmaan.

Noong 1621, umupo sa trono si Felipe IV na higit na relihiyoso kay Felipe III. Nang sumunod na taon, pinalitan si Don Baltazar ni Gaspar de Guzman, Konde-Duke ng Olivares, tapat at may kakayahan, at naniniwala na ang ugat ng problema ng Espanya ay nasa Nederlands. Matapos ang unang pagka-antala, nilupig ang mga Bohemio sa Puting Bundok noong 1621 na sinundan mul sa Stadtlohn noong 1623. Napukaw ang pakikidigma nito sa Nederlands noong 1621 kung saan kinuha ni Spinola ang kuta ng Breda noong 1625. Nag-alala ang iba sa pakikiialam ni Cristian IV ng Denmark sa digmaan ngunit naalis ang takot dahil sa tagumpay ng heneral imperyal na si Albert ng Wallenstein laban sa mga Danes sa Tulay ng Dessau at gayun din sa Lutter (parehong taon noong 1626). (Si Cristian ay isa sa mga monarkang Europeo na walang alalahin sa pera.) Inaasahan sa Madrid na ang Nederlands ay muling maibabalik sa imperyo matapos lupigin ang Denmark at talunin ang mga Protestante sa Alemanya. Muling nasadlak ang Pransiya sa sigalot (sa bantog na Paglusob sa La Rochelle) at kung saan malinaw ang pangingibabaw ng Espanya. Lubos na umayon si Konde-Duke Olivares na “Espanyol nga ang Diyos at nakikibaka ngayon para sa ating bansa”.

Sanggunian

baguhin
  • Ang buong artikulo o mga bahagi nito ay isinalin magmula sa artikulong Spanish Empire ng Ingles na Wikipedia, partikular na ang bersiyong ito.
  1. Valencia, Philip Wayne Powell ; introduction by Robert Himmerich y (2008). Tree of hate : propaganda and prejudices affecting United States relations with the Hispanic world (sa wikang Ingles). Albuquerque: University of New Mexico Press. p. 3. ISBN 082634576X.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link) CS1 maint: multiple names: mga may-akda (link)