Mga Ibong Mandaragit
Ang Mga Ibong Mandaragit (Mga Ibong Mandaragit: Nobelang Pangsosyopolitika) ay isang nobelang isinulat ng manunulat at aktibistang makalipunan na si Amado V. Hernandez noong 1969. Sa pamamagitan ng mahabang salaysaying ito, hinangad ng may-akda ang pagbabago at pagaangat ng kalagayan ng lipunan. Naglalahad ito ng katayuan ng pamumuhay at kabuhayan ng mga mamamayang Pilipino. Nang sumapit na ang kalagitnaan ng 1944 sa Pilipinas, humihina na ang puwersang pansandatahan ng Imperyo ng mga Hapones. Malapit na ang pagkagapi ng mga Hapon sa Asya noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Tinalakay din ng nobela ang kalagayan ng mga mamamayan sa pagdating ng industriyalisasyong dala ng mga Amerikano sa Pilipinas. Naisalin din ang Mga Ibong Mandaragit sa mga wikang Ingles at Ruso.[1]
May-akda | Amado V. Hernandez |
---|---|
Bansa | Pilipinas |
Wika | Tagalog |
Dyanra | Kathang-isip |
- Tungkol ito sa nobela, para sa mga ibon tingnan ang Mga ibong mandaragit (paglilinaw):
Kayarian ng aklat
baguhinSi Carlos P. Romulo ang sumulat ng Paunang Salita para sa akdang ito ni Hernandez. Samantalang si Epifanio San Juan, Jr. naman ang sumulat ng Pahuling Salita ng aklat. Nasusulat sa wikang Tagalog at Ingles ang mga Pahuling Salita ni Epifanio San Juan, Jr. Nauna ang bersiyon sa Tagalog na agad namang nasundan sa salinwikang Ingles na pinamagatang Epilogue (Epilogo). Ayon sa mga pananalita ni Carlos Romulo - mula sa kaniyang sariling panitik ng Paunang Salita: ang nobelang Mga Ibong Mandaragit ni Hernandez ay nagsasalaysay "at tumatalakay ng mga suliranin ng mga mamamayan, ng buhay ng madla’t lipunan at ng kanilang kapaligiran”. Ang aklat ay mayroong 69 na mga kabanata at 416 na mga pahina.
Mga pangunahing tauhan
baguhinSi Mando Plaridel
baguhinSi Mando “Andoy” Plaridel ang pangunahing tauhan sa nobelang ito. Ang tunay na pangalan niya ay Alejandro Pamintuan. Ngunit nang sumapi siya sa kilusan ng mga gerilyero ay ginamit niya ang pangalang Mando. Naging gerilyero si Mando nang ipagkanulo siya sa mga Hapon ng amo niyang si Don Segundo Montero, isang mayamang asendero at kolaborador na nakatira sa Look ng Maynila. Dating pinag-aaral si Andoy ng mangangalakal na si Don Segundo, na ang tanging pasuweldo lamang ay ang pantustos sa pag-aaral.
Si Don Segundo Montero
baguhinBilang mayamang may-lupa at may pagpapahalaga sa pagpapanatili ng katayuan sa lipunan – sa panahon man ng kapayapaan o digmaan – nakipagkasunduan si Don Segundo Montero sa mga bagong mananakop na mga Hapones. Ginamit niya ang kaniyang pananalapi, mga pag-aaring bagay, mga kamaganak at mga tauhan. Maging ang anak niyang si Dolly ay ginamit ang kakanyahan bilang babae at ang pamukas na “pag-ibig” sa pakikisama sa mga Hapon, at nang lumaon, sa mga opisyal na Amerikano rin.
Inulit ni Don Segundo Montero ang kaniyang kakayahang makipagkaibigan sa mga Amerikano, matapos na matalo ng mga Amerikano ang mga Hapones sa kanilang muling pagbabalik sa Pilipinas.
Simula
baguhinNag-umpisa ang nobelang Mga Ibong Mandaragit sa kalagitnaan ng 1944, sa isang araw ng Setyembre, kung kailan nadarama na ang pagsisimula ng panghihina ng puwersa ng mga hukbo ng Imperyo ng Hapon sa Pilipinas. Habang lumalakas naman ang mga gawaing pakikidigma ng mga gerilyerong Pilipino at itutulong ay nasa loob ng mga sundalong Pilipino na galing sa Hukbong Katihan ng Komonwelt ng Pilipinas sa Luzon. Nangyayari ang mga ito bagaman hindi pa dumarating ang pangakong pagbabalik ng mga kawal ng Estados Unidos, na ipinangako ni Theodore Roosevelt at Douglas MacArthur.
Mga piling pangyayari
baguhinNagsimula ang unang kabanata sa paglubog ng araw sa kagubatan. Narating ni Mando Plaridel - at ng dalawang pa niyang kasama - ang bahay-kubo ni Tata Matyas na nasa bulubundukin ng Sierra Madre. Si Tata Matyas ay isang dating rebolusyonaryo na nakibaka laban sa mga Kastila at Amerikano. Ang mga kasama ni Mando ay sina Karyo at Martin, na mga kapwa gerilyero rin. Tumakas sila mula sa isang bigong pakikipagtunggali laban sa mga sundalong Hapones na lumusob sa kampo nila sa Sampitan. May mga tatlo o apat na buwan na ang nakaraan ng huling dumalaw si Mando sa tirahan ni Tata Matyas. Noong huling pagbisita ni Mando kay Tata Matyas ay nakapagpalitan sila ng mga usapin hinggil sa kanilang mga sariling suliranin, at maging tungkol sa simulain nila sa kilusan. Napagusapan din nila ang Noli Me Tángere at El Filibusterismo ni Jose Rizal, lalo na ang kinahinatnan ng kayamanan ni Simoun (ang pangunahing tauhan sa El Filibusterismo) matapos na itapon ang mga ito ni Padre Florentino (isa pang tauhan sa El Filibusterismo). Ayon kay Tata Matyas, magagamit sana ang kayaman ni Simoun bilang panustos sa mga pangangailangan ng mga gerilya. Naniniwala si Tata Matyas na totoo ang mga tauhan sa mga nobela ng bayaning si Jose Rizal, sapagkat kilala ng kaniyang mag-anak ang tunay na “Padre Florentino”. Kung bata pa lamang siyang katulad ni Mando ay sisisirin niya ang dagat para hanapin ang nawawalang kahang-bakal ni Simoun. Naniniwala rin si Tata Matyas na ang lahat ng mga bayani – bukod pa kina Jose Rizal, Andres Bonifacio, at Apolinario Mabini – ay dapat na maging huwaran ng mga mamamayang Pilipino.
Hinanap at natagpuan ni Mando – mula sa karagatan sa may Atimonan - ang kayaman ni Simoun sa tulong ng mapang ipinagkaloob ni Tata Matyas. Ngunit, sa kabila ng kabutihang palad na ito, namatay sina Karyo at Martin. Sinalakay si Karyo ng isang pating, samantalang si Martin naman – dahil sa pagkanais na masarili ang natuklasang kayaman - ay namatay sa pamamagitan ng mga kamao ni Mando.
Nang matapos ang digmaan ay nagbalik nga ang kapayapaan, ngunit nagbalik din ang mga dating pamamalakad ng mga mayayaman at maylupa. Kung kaya’t hindi nawala ang paksang panlipunang iniharap sa pamahalaan, sa mga asendero at sa mangagalakal ng mga samahan ng mga magsasaka sa bukirin at ng mga manggagawa sa lungsod.
Nangibang-bayan si Mando upang ipagbili ang mga kayaman at nang maging salapi, sapagkat bago siya umalis ay nagtatag siya ng isang pahayagan, ang Kampilan. Dahil sa kaniyang paglisan mula sa Pilipinas, ipinagkatiwala niya ang pagpapalakad ng Kampilan kay Magat, na isa ring dating kagerilyero. Tatakbo ang imprenta sa tulong din ang iba pang dating mga naging gerilya, katulad nina Tata Matyas, Andres, Rubio, at Dr. Sabio. Si Dr. Sabio naman, na dating guro, ay nangako kay Mando na paiinamin ang mga bagay na itinuturo sa paaralang Freedom University (Pamantasan ng Kalayaan), na itinatag din ni Mando, para sa ikabubuti ng kabataan. Ang huli ay isa rin sa mga tagubilin ni Mando, bago maglakbay sa Europa at Estados Unidos.
Mga sanggunian
baguhin- ↑ Hernandez, Amado V. Mga Ibong Mandaragit: Nobelang Pang-Sosyo-Politika, may Paunang Salita ni Carlos P. Romulo at Pahuling Salita ni Epifanio San Juan, Jr., Progressive Printing Palace, Lungsod ng Quezon, 1969, may 416 na mga pahina.
Mga talaugnayang panlabas
baguhin- Hernandez, Amado V. Mga Ibong Mandaragit: Nobelang Sosyo-Pampolitika (1969), kopyang PDF mula sa AseanInfoNet.org, nasa wikang Tagalog, Pambansang Aklatan, Sangay ng Filipiniana (panawag bilang FIL 899.2113 H43i 1982), at International Graphic Service, Lungsod ng Quezon, may 416 pahina ang aklat/may katumbas na 216 pahinang PDF Naka-arkibo 2008-06-19 sa Wayback Machine. – Kabuuan ng Nobela:Kopyang PDF, nakuha noong: 5 Marso 2008 (hindi na gumagana)