Mga koordinado: Mapang panlangit 05h 30m 00s, +00° 00′ 00″

Ang Orion ay isang kilalang konstelasyon na matatagpuan sa celestial equator at nakikita sa buong mundo. Ito ay isa sa mga pinaka-kapansin-pansin at madaling makilala na mga talanyo sa kalangitan sa gabi.[1] Ipinangalan ito kay Orion, isang mangangaso sa mitolohiyang Griyego. Taglay nito ang asterismong Orion's belt o Balatik[2][3] na ipinangalan mula sa kahawig nitong 'balatik,'[2][4][5] isang uri ng patibong na ginagamit ng mga sinaunang Pilipino. Ang mga pinakamaliwanag na bituin nito ay ang Rigel (Beta Orionis) at Betelgeuse (Alpha Orionis).

Orion
Konstelasyon
Orion
DaglatOri
HenitiboOrionis
Bigkas /ɒˈr.ən/
SimbolismoOrion
Tuwid na pagtaas5 h
Pagbaba+5°
KuwadranteNQ1
Area594 degring parisukat (sq. deg.) (ika-26)
Pangunahing mga bituin7
Mga bituing Bayer/Flamsteed
81
Mga bituing mayroong mga planeta10
Mga bituing mas matingkad kaysa sa 3.00m8
Mga bituing nasa loob ng 10.00 pc (32.62 ly)8
Pinakamatingkad na bituinβ Ori (0.12m)
Pinakamalapit na bituinBellatrix
(244.6 ly, 74.99 pc)
Mga bagay na Messier3
Mga pag-ulan ng meteorMga Orionid
Chi Orionid
Kahangga na
mga konstelasyon
Gemini
Taurus
Eridanus
Lepus
Monoceros
Natatanaw na mga latitud sa pagitan ng +85° at ng −75°.
Pinaka nakikita tuwing 21:00 (9 p.m.) sa panahon ng buwan ng Enero.
Larawan ng talanyong Orion
Ang talanyo ng Orion, batay sa hitsura nito nang gamit lang ang mismong mga mata. May mga guhit ding nakalagay upang mas makita ang kabuuang padron nito.

Lokasyon at lawak

baguhin

Pinaliligiran ang Orion ng talanyong Taurus sa hilagang-kanluran, ng Eridanus sa timog-kanluran, Lepus sa timog, Monoceros sa silangan, at Gemini sa hilagang-silangan. Ika-26 na pinakamalaki sa 88 talanyo ang Orion na sumasaklaw ng 594 digri kwadrado ang lawak. Ang mga hangganan ng talanyong ito, na inilarawan ng Belhikang astronomo na si Eugene Delporte noong 1930 ay may hugis na may 26 gilid. Sa sistemang equatorial coordinate, ang kanang asensiyon (RA) ng mga hangganang ito ay nasa pagitan ng 04h 43.3m at 06h 25.5m, habang ang deklinasyon naman ay nasa pagitan ng 22.87° at -10.97°.[6] Ang daglat ng talanyo, na inaprubahan ng Pandaigdigang Unyong Astronomiko noong 1922, ay "Ori."[7]

Nasa timog ng plane ng ekliptik ang Orion bagaman nagkataong nakahimlay ito sa celestial na ekwador dahil ang puwesto sa ekliptik na umaayon sa solstisyo ng Hunyo ay malapit sa hangganan ng Gemini at Taurus na nasa dakong hilaga ng Orion. Pinakanatatanaw ang Orion sa panggabing kalangitan ng Hilagang Emisperyo mula Enero hanggang Abril. Sa mga rehiyong tropiko (yung mga lugar na pawang 0° hanggang 8° latitud mula sa ekwador), dumaraan ang talanyong ito sa zenit; makikita rin ito sa itaas ng ulo kapag tumingala kapag hatinggabi ng Disyembre at sa gabi ng Pebrero sa mga nasabing lugar.

Gabay sa nabigasyon

baguhin
 
Paano gagamitin ang Orion upang mahanap ang mga katabing bituin ng mga kalapit nitong talanyo

Nakatutulong nang husto ang Orion bilang gabay upang matukoy ang lugar ng iba pang mga bitwin. Sa pamamagitan ng pagguhit ng linya ng Balatik (Orion's belt) pa-timog silangan, mahahanap ang pwesto ng bituing Sirius (α CMa); kapag pahilagang-kanluran, mahahanap naman ang Aldebaran (α Tau). Ang pagguhit naman ng pa-silangang linya na daraan sa mga 'balikat' ng talanyo ay papunta sa direksyon ng Procyon (α CMi). Samantala, ang linya mula Rigel patungong Betelgeuse ay magtuturo sa direksyon ng mga bituin ng Castor at Pollux.

Istruktura

baguhin

Ang pitong pinakamaliliwanag na mga bituin ng Orion ay bumubuo ng hugis orasa sa kalangitan ng gabi. Ang "ulo" ay ang ikawalong pinakamaliwanag na bituin, ang bituing Meissa. Sa gitna ay ang "sinturon ni Orion" (o Balatik sa etnoastronomiyang Pilipino[2][8]), na binubuo ng tatlong bituin: Alnitak, Alnilam, at Mintaka. Mula sa baba ng "sinturon" ay linya ng tatlo pang tala[1] na bumubuo sa "espada ni Orion".

Mga pinakamaliwanag na bituin

baguhin

Ang Betelgeuse ang bituing may pinakamatingkad na maliwanag na kalakhan, kung kaya ay may designasyong "alpha" (α) sa titik Griyego, bagaman sa usapin ng lubos na liwanag, pumapangalawa lamang ito sa Rigel.[9]

8 Pinakamaliwanag na mga Bituin ng Orion
Pangngalang pantangi Designasyong Bayer Light year Kalakhang liwanag
Betelgeuse α Orionis 548 0.50
Rigel β Orionis 863 0.13
Bellatrix γ Orionis 250 1.64
Mintaka δ Orionis 1,200 2.23
Alnilam ε Orionis 1,344 1.69
Alnitak ζ Orionis 1,260 1.77
Saiph κ Orionis 650 2.09
Meissa λ Orionis 1,320 3.33


Mga deep-sky object

baguhin

Sa "espadang" bahagi ng talanyo ay matatagpuan ang Nebula ni Orion (M42) at mga klaster ng mga bituin sa pusod nito, ang Trapezium.[10][11] Gamit lang ng isang largabista, makikita na ang mga ulap at maliwanag na gaas at alikabok, maging ang mga umuusbong na tala.[12] Sa pagmamasid ng Chandra X-ray Observatory, natuklasan ang napakataas na temperatura ng mga pangunahing bituin at mga rehiyon kung saan nabubuo ang mga bituin sa loob ng nebula, na umaabot sa 60,000 kelvin.[13]

Ang M78 (NGC 2068) naman ay isang nebula sa talanyong Orion. May kalakhang liwanag na 8.0, mas mahina ang liwanag nito kumpara sa Nebula ni Orion sa timog nito bagaman kapareho lang ito halos ng layo mula sa daigdig (1,600 sinag-taon). Madali itong mapagkamalang kometa. Isa pang medyo maliwanag na nebula sa Orion ay ang NGC 1999 na malapit din sa Nebula ni Orion. May kalakhang liwanag ito na 10.5 at may layong 1,500 sinag-taon mula sa daigdig. Parehong may baryanteng bituin (variable star) o bituing regular na nagbabago ng liwanag ang mga nabanggit na mga nebula.[14][15]

 
Larawan ng Horsehead nebula na kuha ng isang amatyur na astronomo

May isa pang sikat na nebula ang talanyong ito, ang Horsehead Nebula (o IC 434), na mahahanap malapit sa ζ Orionis. Mayroon itong maitim na ulap na kawangis ng ulo ng kabayo, kung kaya ganoon ang pangalan nito. [16]

Kasaysayan at mitolohiya

baguhin

Mga sinaunang Greco-Romano

baguhin

Sa mitolohiyang Griyego, si Orion ay isang higante at napakalakas na mangagaso[17] na anak ni Euryale, isang Gorgon, at ni Poseidon (o Neptuno), ang diyos ng karagatan. Ayon sa isang bersyon ng mito, nagyabang si Orion na kaya niyang patayin ang lahat ng hayop sa daigdig, na siyang ikinagalit ng diyosang si Gaia, na nagpadala ng makamandag na alakdan sa mangagaso. Nang mamatay ang mangangaso, ginawang talanyo ang kanyang katawan. Ito rin ang itinuturong dahilan kung bakit sinasabing hindi magkasabay na umiiral sa langit ang talanyong Orion at talanyong Scorpio. Gayunman, may isang bersyon na linusan daw ni Ophiuchus si Orion, na isang dahilan kung bakit daw matatagpuan sa pagitan ng Orion at Scorpio ang talanyo ni Ophiuchus.[18][19]

Nabanggit din ang talanyo sa Odes (Ode 3.27.18) ni Horacio, sa Odyssey (Aklat 5, linya 283) at Iliad ni Homer, at Aeneid (Aklat 1, linya 535) ni Virgil.

Mga Austronesyano at sinaunang mga Pilipino

baguhin

Iba-iba naman ang pagpapakahulugan ng mga Austronesyo sa mga bituing bumubuo sa Orion. Para sa mga taga-Polynesia, ang mga bituing ito ay ang Heiheionakeiki, na kawangis ang pigura ng isang bata na binuo gamit ng pisi.[20] Para naman sa mga sinaunang mga Pilipino, ang sinturon ni Orion ay tinaguri nilang "balatik" dahil sa pagkakahawig nito sa isang uri ng kapangalan na patibong na kayang pumana nang mag-isa at ginagamit na panghuli ng mga baboy-ramo.[21][22][23][24] Dahil sa kolonisasyon ng mga Espanyol, naging "Tres Marias" o "Tatlong Maria" ang tawag ng ibang mga pangkat-etniko sa sinturon.[25]

Sa tradisyon ng mga Maori naman, ang pag-angat ng bitwing Rigel (na tinatawag nilang Puanga o Puaka) bago ang bukang-liwayway sa kalagitnaan ng taglamig ay hudyat ng pagdiriwang nila ng Matariki o ang pagsisimula ng kanilang taon.[26]

Hinaharap

baguhin
 
Animasyon na nagpapakita ng pagbabago ng istruktura ng Orion mula taong 50,000 BCE hanggang 50,000 CE.

Dahil sa presesyon ng aksis ng Daigdig, mag-iiba ng pwesto ang Orion sa panlangit na timbulog. Ililipat ng presesyon pa-timog ang pwesto ng Orion at sa loob ng 14,000 na taon, masyado nang nasa timog ang Orion kung kaya ay di na makikita sa mga lugar na nasa latitud ng Gran Britanya.[27]

Dahil sa dahan-dahang paggalaw ng mismong mga bituin ng Orion sa paglipas ng panahon, lalayo rin ang mga bituing ito sa sa't isa. Gayunman, dahil napakalayo ng mga pinakamaliliwanag na bituin ng Orion mula sa daigdig, hindi mahahalata ang epekto ng paglayo ng mga bituing ito at makikilala pa rin ang pangkalahatang hugis nito habang ang iba pang mga talanyo ay lubhang mag-iiba ng hugis. May ilan namang mga bituin nito, tulad ng Betelgeuse, ang puputok bilang supernova at kukupas kamakalawa.[28]

Mga sanggunian

baguhin

Mga tala

baguhin

1. Isa sa mga "tala" ay sa aktwal, isang nebula, ang Nebula ni Orion

Mga sipi

baguhin
  1. https://web.archive.org/web/20111207101513/http://www.astro.wisc.edu/~dolan/constellations/constellations/Orion.html
  2. 2.0 2.1 2.2 Ambrosio, Dante (2010). "BALATIK: Katutubong Bituin ng mga Pilipino". Philippine Social Sciences Review. 57.{{cite journal}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. "Pinoy ethnoastronomy: How the stars guided our ancestors - FlipScience". FlipScience - Top Philippine science news and features for the inquisitive Filipino. (sa wikang Ingles). 2020-12-18. Nakuha noong 2023-07-20.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  4. "5 unique things Filipinos believed about the sun, moon, and stars". cnn (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 2023-07-27. Nakuha noong 2023-07-20.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  5. https://www.tebtebba.org/index.php/resources-menu/publications-menu/books/87-understanding-the-lumad-a-closer-look-at-a-misunderstood-culture/file#page=113
  6. "Orion, Constellation Boundary". The Constellations. International Astronomical Union. Nakuha noong 22 Marso 2013.{{cite journal}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  7. Russell, Henry Norris (1922). "The New International Symbols for the Constellations". Popular Astronomy. Bol. 30. pp. 469–71. Bibcode:1922PA.....30..469R.{{cite magazine}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  8. "Pinoy ethnoastronomy: How the stars guided our ancestors - FlipScience". FlipScience - Top Philippine science news and features for the inquisitive Filipino. (sa wikang Ingles). 2020-12-18. Nakuha noong 2023-07-20.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  9. "AAVSO: Variable Star of the Month, Alpha Ori". web.archive.org. 2009-01-22. Inarkibo mula sa orihinal noong 2009-01-22. Nakuha noong 2023-08-05.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  10. Reid, M. J.; Menten, K. M.; Zheng, X. W.; Brunthaler, A.; Moscadelli, L.; Xu, Y.; Zhang, B.; Sato, M.; Honma, M.; Hirota, T.; Hachisuka, K. (2009-07-20). "TRIGONOMETRIC PARALLAXES OF MASSIVE STAR-FORMING REGIONS. VI. GALACTIC STRUCTURE, FUNDAMENTAL PARAMETERS, AND NONCIRCULAR MOTIONS". The Astrophysical Journal. 700 (1): 137–148. doi:10.1088/0004-637X/700/1/137. ISSN 0004-637X.{{cite journal}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  11. https://academic.oup.com/crawlprevention/governor?content=%2fpasj%2farticle-lookup%2fdoi%2f10.1093%2fpasj%2f59.5.897
  12. "Clarkvision.com Surface Brightness of Deep-Sky Objects". clarkvision.com. Nakuha noong 2023-07-27.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  13. Wilkins, Jamie; Dunn, Robert (2006). 300 Astronomical Objects: A Visual Reference to the Universe (ika-1st (na) edisyon). Buffalo, New York: Firefly Books. ISBN 978-1-55407-175-3.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  14. Herbig, G. H.; Kuhi, L. V. (1963-02-01). "Emission-Line Stars in the Region of NGC 2068". The Astrophysical Journal. 137: 398. doi:10.1086/147519. ISSN 0004-637X.{{cite journal}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  15. "ShieldSquare Captcha". hcvalidate.perfdrive.com. doi:10.1088/0004-6256/146/5/118. Inarkibo mula sa orihinal noong 2023-07-27. Nakuha noong 2023-07-27.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  16. "National Optical Astronomy Observatory: Horsehead". web.archive.org. 2020-03-13. Inarkibo mula sa orihinal noong 2020-03-13. Nakuha noong 2023-07-27.{{cite web}}: CS1 maint: bot: original URL status unknown (link) CS1 maint: date auto-translated (link)
  17. "Star Tales – Orion". www.ianridpath.com.
  18. published, Joe Rao (2019-08-25). "How to See Ophiuchus and His Serpent in the Night Sky". Space.com (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2023-07-27.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  19. Barlament, Jared (2022-01-13). "Orion, Ophiuchus, the Silver Gate & the Journey of Souls". Interfaith Now (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2023-07-27.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  20. "Hawaiian Star Lines". archive.hokulea.com. Nakuha noong 2023-07-27.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  21. Scott, William Henry (1994). Barangay: Sixteenth-Century Philippine Culture and Society. Quezon City, Manila, Philippines: Ateneo de Manila University Press. p. 124. ISBN 9789715501354.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  22. Encarnación, Juan Félix (1885). Diccionario bisaya español [Texto impreso] (sa wikang Kastila at Cebuano). p. 30.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  23. https://journals.upd.edu.ph/index.php/pssr/article/view/1287/1833#page=5
  24. https://www.flipscience.ph/space/pinoy-ethnoastronomy/
  25. https://philippineculturaleducation.com.ph/balatik/
  26. "Puanga: The star that heralds Matariki". Tertiary Education Union/Te Hautū Kahurangi. Inarkibo mula sa orihinal noong 27 Enero 2022. Nakuha noong 10 Mayo 2022.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  27. "Precession". Myweb.tiscali.co.uk. Inarkibo mula sa orihinal noong 2018-07-23. Nakuha noong 2012-05-16.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  28. Wilkins, Alasdair (20 January 2011). "Earth may soon have a second sun". io9. Space Porn. Inarkibo mula sa orihinal noong 14 Nobiyembre 2015. Nakuha noong 27 Hulyo 2023. {{cite web}}: Check date values in: |archive-date= (tulong)