Padron:UnangPahinaArtikulo/MariMar (seryeng pantelebisyon sa Pilipinas)
Ang MariMar ay isang Pilipinong palabas na ipinalabas sa GMA Network noong Agosto 13, 2007 hanggang Marso 14, 2008 na pinagbibidahan nina Marian Rivera bilang MariMar, Dingdong Dantes bilang Sergio Santibañez, at Katrina Halili bilang Angelika Santibañez. Isinagawa ito ng GMA Network sa Pilipinas mula sa orihinal na palabas sa Mehiko na may kaparehong pamagat, ngunit may mga pagbabago sa balangkas. Pinagbidahan nina Thalía at Eduardo Capetillo ang naunang serye, na isa ring muling pagsasagawa ng seryeng LaVeganza, na nagmula din sa TeleVisa. Ang orihinal na MariMar mula sa Mexico ay ipinalabas noong taong 1997 sa RPN. Ito ay mabilis na tinangkilik ng mga Pilipino, at nagkaroon ng antas na umabot hanggang 50%. Ang seryeng ito ng Mehiko ang nagbigay kay Thalía ng kasikatan sa Pilipinas upang tangkilikin muli ng mga Pilipino ang iba pa niyang palabas tulad ng Maria Mercedes, Maria La del Barrio, at Rosalinda na umabot sa 75% na grado, na sinasabing pinakamataas na grado ng palabas sa Pilipinas. Sa unang gabing ipinalabas ang MariMar noong Agosto 13, 2007, nakakuha ng mataas na marka ang palabas na mayroong 36.6% (ayon sa pagsusuri sa Kalakhang Maynila). Matapos ang isang buwan, noong Setyembre 13, 2007, nakakuha ito ng 39.3% na marka, lagpas sa 38.3% nakuha nila sa unang linggo. Noong Oktubre 5, 2007, nakuha na nila ang 40% marka. Noong Oktubre 26, 2007, nakuha naman nila ang 44.6% marka sa Kalakhang Maynila. Noong Nobyembre 19, 2007, nakuha na nila ang 49.5% marka, malapit sa markang 50% nakuha ng Mehikanong telenobelang MariMar ni Thalía.