Padron:UnangPahinaArtikulo/Napoles

Ang Napoles ay isang lungsod sa Italya; ito ang kabesera ng rehiyon ng Campania at gayundin ng kasimpangalang kalakhang lungsod nito. Kilala sa mayamang kasaysayan, sining, kultura, arkitektura, musika, at mga lutuin, and Napoles ay gumanap ng mahalagang papel sa Tangway ng Italya at iba pa sa mahabang panahon ng pag-iral nito, na nagsimula ng mahigit na 2,800 taon nang nakaraan. Matatagpuan sa kanlurang baybay ng Italya katabi ng Golpo ng Napoles (nakalarawan), ang lungsod ay namamagitan sa dalawang kaparangang bulkaniko: ang Bulkang Vesubio at ang mga Larangang Flegreo. Unang tinirhan ng mga Griyego noong unang milenyo BK, ang Napoles ang isa sa pinakamatandang tuluyang tinitirhang urbanong pook sa mundo. Noong ika-6 na siglo BK, muli itong itinatag bilang Neápolis. Ang lungsod ay isang mahalagang bahagi ng Magna Graecia, at may mahalagang papel sa pagsasanib ng lipunang Griyego at Romano, at naging mahalagang sentrong pangkultura sa ilalim ng mga Romano. Naging kabesera ito ng Dukado ng Napoles (661–1139), at matapos ng Kaharian ng Napoles (1262–1816), at sa huli ng Dalawang Sicilia hanggang sa pag-iisa ng Italya noong 1861. Ang Napoles ay tinagurian ding kabesera ng Baroko, na nagsimula sa karera ni Caravaggio noong ika-17 siglo, at sa rebolusyong pansining na kaniyang naitulak. Ang makasaysayang sentro ng lungsod ng Napoles ay ang pinakamalaking uri nito sa Europa at itinalaga bilang isang Pandaigdigang Pamanang Pook ng UNESCO. Kabilang sa mga kalapit na mahalagang pook pangkultura at pangkasaysayan ang Palasyo ng Caserta at ang mga Romanong guho ng Pompeya at Herculano.