Narsing

(Idinirekta mula sa Pagnanars)

Ang narsing (Kastila: enfermería, Ingles: nursing, Pranses: soin infirmier, Aleman: Krankenpflege, Portuges: enfermagem) ay ang larangan ng pag-aaral at paglilingkod bilang isang nars o dalubhasang tagapag-alaga (o tagapangalaga) ng maysakit.[1][2] Isa itong trabaho at propesyong na nakatuon sa pagtulong sa mga indibidwal, mga mag-anak, at mga pamayanan upang makamit, mapanatili, at mapanumbalik ang mataas na antas ng kalusugan. Sa makabagong kahulugan ng narsing o pangangalaga, ay ang agham at sining na nakatuon ang pansin sa pagtataguyod ng kalidad ng buhay na naa-ayon sa kahulugan mula sa mga tao at mga mag-anak; sa kabuoan at kahabaan ng kanilang mga karanasan sa buhay magmula sa pagsilang hanggang sa panahon ng kanilang kamatayan o natitirang panahon sa buhay. Isinasagawa ng isang nars ang pagsasakatuparan ng mga pangangalagang makalarangan, na kinabibilangan ng paggawa ng mga nakasaad sa isang plano ng pangangalagana ibinatay mula sa unang pagsusuring pangpangangalaga, na nakabatay naman sa isang espesipiko o natatanging panukalang pag-aalaga o teoriyang pampangangalaga. Naririto pipiliin kung ano ang nararapat para sa kalagayan o katayuang may kaugnayan sa pangangalaga. Sa pagbibigay ng pangangalagang makalarangan, ginagamit ng isang nars ang panukala ng pag-aalaga at pinakamainam na gawaing nakaayon sa pananaliksik na pampangangalaga.[3]

Isang nars na nangangalaga ng isang sanggol sa loob ng isang narseri.

Gawain ng isang nars, kasama at katulong ng iba pang mga dalubhasang pangangalagang pangkalusugan, ang paggagamot, pagtitiyak ng kaligtasan, at pagpapanumbalik sa katayuang pangkalusugan ng mga taong nasaktan at may karamdaman. Responsibilidad na rin ng mga nars ang pagpapanatili ng kalusugan ng mga pasyente, at ang pagsasagawa ng mga gawain nauukol o kaugnay sa mga emerhensiya at sakuna sa loob ng isang malawak na nasasakupang katayuan, kalagayang pangkalusugan at pangangalagang pangkalusugan.[4] Nauugnay rin ang mga nars at ang larangan ng narsing sa pag-aalaga sa mga oras ng pagbubuntis, pagsilang, at kamatayan.

Etimolohiya

baguhin

Nanggaling ang salitang nars mula sa Ingles na nurse, na nagbuhat naman sa nutrire ng Latin na may kahulugang "alagaan", "kandiliin", o "pahalagahan".[2][5][6] Bukod sa baybay na nars, ginagamit din ang salitang narses bilang pang-isahang katawagan sa isang taong naghahanap-buhay bilang nars. Kaugnay rin nito ito ang mga salitang magkanars (tumanggap ng serbisyo o paglilingkod ng isang nars) at magnars (mag-aral ng narsing o maging isang nars).[2]

Kasaysayan

baguhin

May kaugnayan sa una o maagang mga araw ng Kristiyanismo ang narsing at Simbahang Kristiyano. Dating tinatawag na mga diyakonesa ang sinaunang Kristiyanong mga nars. Mga kababaihang walang asawa ang mga ito o kaya mga nabalo na. Gawain nila ang dumalaw at pangalagaan ang mga may sakit at alalayan ang namatayang mga mag-anak.[5]

Nang simulan ng simbahang Kristiyano ang pagtatayo at pagpapatakbo ng mga ospital, naglingkod din bilang sinaunang mga nars ang mga kalalakihan at kababaihang kabilang sa mga orden ng pananampalaya, katulad ng mga monghe. Nagsiganap din bilang mga narsa ang mga kabalyero. Noong panahon ng mga Krusada noong ika-12 daantaon, inalagaan ng mga relihiyosong ito ang mga sugatan at mga may karamdaman.[5]

Noong ika-16 daantaon, nagkaroon ng madilim na panahon sa larangan ng sinaunang narsing. Dahil nagsara ang maraming mga monasteryo sa Europa na pinagmumulan ng nars, napalitan ang mga monghe ng mga tauhang hindi naturuan o hindi nakapag-aral. Hindi rin napapakain ng tama at labis-labis ang naging dami ng gawain ng mga tauhang ito.[5]

Noong 1845, hindi itinuturing na isang marangal na trabaho ang pagiging isang nars.[5]

Noong 1860, itinatag ni Florence Nightingale ang unang paaralan ng narsing sa London, Inglatera.[5] Tinawag itong Paaralan para sa mga Nars ni Nightingale (Nightingale School for Nurses), ang kauna-unahang uri ng paaralang pangnarsing sa mundo.[7] Si Nightingale ang tagapagtatag ng makabago o modernong larangan ng narsing. Noong 1873, tatlong mga paaralan ng pagnanars ang nagbukas sa Estados Unidos: isa sa Ospital ng Bellevue ng Bagong York, isa sa Ospital ng New Haven ng Connecticut, at isa rin sa Ospital Panglahat ng Massachusetts ng Boston. Bumatay ang mga paaralang ito sa mga panuntunan o prinsipyo ng ng narsing na sinimulan ni Nightingale.[5]

Mga sanggunian

baguhin
  1. Nurse, nars Naka-arkibo 2011-07-11 sa Wayback Machine., Gabby's Dictionary, GabbyDictionary.com
  2. 2.0 2.1 2.2 English, Leo James (1977). "Nars, nurse (tanggap na baybay sa Tagalog), narsing, nursing (tanggap na baybay rin na pang-Tagalog)". Tagalog-English Dictionary (sa wikang Ingles). Congregation of the Most Holy Redeemer. ISBN 9710810731.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link), pahina 928.
  3. Pérez De La Plaza, Evangelina; Fernández Espinosa, Ana (2017). Técnicas básicas de enfermería. McGraw Hill. ISBN 978-8-448-60961-0.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link),pahina 19-43.
  4. Quintero Y Perez, Kim (2018). Pathologies et thérapeutiques en soins infirmiers: 137 fiches pour ESI et infirmiers. Elsevier Masson. ISBN 978-2-294-75521-7.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link),pahina 4-24.
  5. 5.0 5.1 5.2 5.3 5.4 5.5 5.6 "History of Nursing, Nurses and Nursing, nurse, "to nourish", "to cherish"". The New Book of Knowledge (Ang Bagong Aklat ng Kaalaman), Grolier Incorporated. 1977.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link), pahina 409.
  6. Gaboy, Luciano L. mga kahulugan ng nourish at cherish - Gabby's Dictionary: Praktikal na Talahuluganang Ingles-Filipino ni Gabby/Gabby's Practical English-Filipino Dictionary, GabbyDictionary.com.
  7. Firth, Lesley (Patnugot Panlahat) atbp. (1985). "Who was Known as "The Lady with the Lamp"". Who Were They? The Simon & Schuster Color Illustrated Question & Answer Book. Little Simon Book, Simon & Schuster, Inc., Lungsod ng Bagong York, ISBN 0671604767.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link), pahina 70.