Palasyo ng Kultura at Agham

Ang Palasyo ng Kultura at Agham (Polako: Pałac Kultury i Nauki, dinadaglat bilang PKiN) ay isang gusaling tukudlangit sa Warsaw, Polonya, na dinisenyo ni Lev Rudnev, isang arkitektong Ruso. Ito ang pinakamataas na gusali sa buong bansa, ang pang-anim sa mga pinakamataas na gusali sa buong Unyong Europeo, at pang-187 sa buong mundo.

Palasyo ng Kultura at Agham

Ang Palasyo ng Kultura at Agham mula sa Warsaw Financial Center

Kabatiran
Lokasyon Warsaw, Polonya
Mga koordinado 52°13′54″N 21°00′23″E / 52.23167°N 21.00639°E / 52.23167; 21.00639
Kalagayan Kumpleto
Simula ng pagtatayo 1 Mayo 1952
Pagbubukas 22 Hulyo 1955
Taas
Antena/Sungay 237 m (778 tal)
Bubungan 188 m (617 tal) nang walang sungay
Detalyeng teknikal
Bilang ng palapag 42
Lawak ng palapag 123,084 m2 (1,324,865 pi kuw)
Mga kumpanya
Arkitekto Lev Rudnev

Isang "handog" mula sa Unyong Sobyet dahil sa pagkakaibigan nito sa mga Polako, orihinal na ipinangalan ito bilang Palasyong Joseph Stalin ng Kultura at Agham (Pałac Kultury i Nauki imienia Józefa Stalina), ngunit sa simula ng destalinisasyon, ipinawalang-bisa ang pagaala-ala kay Stalin, kung saan itinanggal ang kaniyang pangalan mula sa bestibulo ng gusali at isa sa mga rebulto nito.

Kasaysayan

baguhin

Makatapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig at ang pagpapataguyod ng maka-Komunistang Republikang Popular ng Polonya, ninais ni Joseph Stalin, ang pinuno ng Unyong Sobyet, na magpagawa ng "handog sa sambayanang Polako mula sa sambayanang Sobyet" sa kabisera ng bansa. Tinanong ni Stalin si Bolesław Bierut, na noo'y Pangulo ng Republikang Popular ng Polonya, na mamili kung nais niyang magpatayo sa Warsaw ng isang metro, mga sityong pabahay, o ng Palasyo ng Kultura at Agham. Dahil hindi posible ang pagggawa ng metro, at makakapagpatayo naman ng mga bagong sityo nang sarili nito ang Polonya, pinili na lang ni Bierut ang pagpapatayo ng Palasyo ng Kultura at Agham.[1] Opisyal na sinang-ayunan ito sa Kasunduang Polako-Sobyet noong 5 Abril 1952, kung saan nakasaad na "may obligasyon ang Pamahalaan ng Unyong Sobyet na magpatayo, sa tulong ng lakas at kakayahan ng bansang Sobyet, isang Palasyo ng Kultura at Agham na may taas na 28-30 palapag...at sasagutin ng Pamahalaan ng Unyong Sobyet ang lahat ng gastusin ukol sa pagpapatayo ng gusali".[2] Gayunpaman, taong 1951 pa unang pinagplanuhan ang pagpapatayo ng gusali.

Sa pagdidisenyo ng gusali, ginamit ng mga arkitektong may kinalaman sa proyektong ito (Polako man o Sobyet) ang mga planong Sobyet para sa pinal na disenyo nito. Magkalapit ang disenyo ng Palasyo ng Kultura at Agham sa ilang mga gusaling tukudlangit na itinayo sa Unyong Sobyet, lalo na ang gusali ng Pamantasang Pang-estado ng Moscow. Gayunpaman, isinama ni Rudnev ang ilang mga elemento ng disenyong Polako sa pinal na anyo ng Palasyo, na bunga ng paglalakbay ng koponan ng mga arkitektong Ruso sa iba't-ibang lungsod sa Polonya, tulad ng Kraków, Zamość at iba pa, kung saan natuklasan nila ang mga bantayog at ibang yamang arkitektural ng bansa.[2]

Opisyal na sinimulan ang pagpapatayo ng gusali noong Araw ng mga Manggagawa, 1 Mayo 1952. Natapos ang pundasyon noong 4 Oktubre 1952, bago nagsimula ang ika-15 Kongreso ng Partido Komunista ng Unyong Sobyet. Sa loob ng tatlong taon na itinatayo ang gusali, naging pokus ito ng propagandang inilabas ng pamahalaan ng Polonya sa panahong iyon, at sinundan ng midya noon ang unti-unting pagtatayo ng gusali.[2] Halos 3,500 manggagawa mula sa Unyong Sobyet ang nagtrabaho sa pagpapatayo ng gusali, at 16 ang namatay sa panahong iyon.[3] Sinagot naman ng Polonya ang pabahay ng mga manggagawang ito.[2]

Mga sanggunian

baguhin
  1. Kowalski, Włodzimierz T. (1966). Walka dyplomatyczna o miejsce Polski w Europie: (1939-1945) (sa wikang Polako). Warsaw: Książka i Wiedza.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. 2.0 2.1 2.2 2.3 "Not entirely spontaneous present" (PDF). Pałac Kultury i Nauki w Warszawie (sa wikang Ingles). Nakuha noong 10 Abril 2013.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. "Warsaw Palace of Culture and Science" (PDF) (sa wikang Ingles). Best Urban Freight Solutions. 24 Mayo 2007. Nakuha noong 10 Abril 2013.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)