Panahong Muromachi

Ang Panahon ng Muromachi ay nagsimula sa taong 1336 hanggang sa taong 1573. Kinilala din itong bilang Muromachi bakufu, Panahong Ashikaga, at bakufu ng Ashikaga. Dito sa panahong ito nagsimula ang Kasugunang Ashikaga ng sa pagkakaluklok ni Takauji Ashikaga bilang sugun. Natapos ang panahong ito ng itaboy ni Nobunaga Oda ang ika-15 sugun ng Ashikaga na si Yoshiaki paalis sa Kyoto noong taong 1573.

Hinati ang Panahong Muromachi ng dalawang bahagi. Ang unang bahagi mula taong 1336 hanggang 1392 ay tinaguriang Nanbokuchou o Panahon ng mga Korte sa Hilaga at Silangan. Ang ikalawang bahagi ay pagkaraan ng taong 1467 hanggang sa katapusan ng Panahong Muromachi. Ito ay tinawag na Sengoku jidai o Panahon ng Naglalaban-laban ang Bansa.

Ang pangalang Muromachi ay hinalaw mula sa isang lugar na kung saan itinayo ni Yoshimitsu Ashikaga, ang ikatlong sugun ng kasugunang Ashikaga, ang kanyang tahanan noong taong 1378. Ang malaking pinagkaiba ng kasugunang Muromachi sa Kasugunang Kamakura ay sa pagpapatakbo ng gubyerno. Ang mga kasugunang Kamakura ay pantay ang turing sa kapangyarihan sa mga nasa Korte ng Imperyo sa Kyoto, samantalang ang mga Kasugunang Ashikaga ang tuwirang namamahala sa buong bansa.

Ang isang malaking pinagkaiba din ng dalawang kasugunang ito ay hindi kasing lakas ng impluwensiya ng mga kasagunang Kamakura ang mga Ashikaga dahil nahatak at naubos ang kanilang mga oras sa digmaang bayan. Noong umupo lamang ang ikatlong sugun na si Yoshimitsu nagkaroon ng kaunting kaayusan at tuwirang pamumuno ang kasugunang Ashikaga.

Pinayagan ni Yoshimitsu ang mga hepe sa lalawigan na magkaroon ng malawakang kapangyarihang pampolitika sa kanilang mga nasasakupan. Wala silang ganoong klaseng kapangyarihan sa panahon ng kasugunang Kamakura. Dahil dito sa mga kapangyarihang pampolitika ng mga hepe, tinawag silang mga daimyo.

Noong una, pantay-pantay ang kapangyarihan ng sugun at mga daimyo. Ang tatlo sa mga prominenteng pamilya ng daimyo ay naghalinhinan bilang kinatawan ng sugun sa Korte ng Imperyo sa Kyoto. Nagtagumpay din si Yoshimitsu na pag-isahin ang dalawang Korte na nasa Hilaga at Timog noong 1392, pero kahit na nangako si Yoshimitsu na magkakaroon na balanseng kapangyarihan ang dalawang Korte nanaig ang mga Korte sa Hilaga sa pagpapatuloy ng linya ng mga uupo sa Tronong Krisantemo.

Unti-unting humina ang mga sugun ng matapos ang panunungkulan ni Yoshimitsu. Sa ngayon lumakas na ang mga kapangyarihan ng mga daimyo at iba pang mga pamilya sa lalawigan. Naging walang saysay na ang utos ng mga sugun sa kung sino ang uupo bilang Emperador ng Hapon, dahil ang mga daimyo ay may sinusuportahan din na kani-kanilang mga kandidato.

Di naglaon ang mga angkang Ashikaga din ay nagkaroon ng problema sa kung sino ang mga mamumuno sa angkan. At dahil sa alitang ito umusbong ang sampung taong Digmaang Onin na nagsimula noong taong 1467 hanggang taong 1477. Ang Digmaang Onin ang talagang sumira sa Kyoto at opisyal na tumuldok sa kapangyarihan ng bakufu. Dahil wala ng direktang namumuno sa Japan at malakas ang mga daimyo sa mga lalawigan, nagkanya-kanya sa pamumuno ang mga kapangyarihan kung kayat lumaganap ang anarkiya.

Pag-unlad sa Kabuhayan at Kultura

baguhin

Nagkaroon ng panibagong ugnayan nag Tsina sa ilalim ng Dinastiyang Ming at Japan sa ilalim ni Yoshimitsu. Nagsimula ang ugnayang ito ng humihingi ng tulong ang Tsina sa Japan hinggil sa pagsupil sa mga wakou, mga piratang Hapones na nananalakay sa mga katimugang bayan sa Tsina.

Dahil sa kagustuhan ni Yoshimitsu na magkaroon ng magandang relasyon sa Tsina, at para na rin mawala ang banta ng mga pirata ay tinanggap niya itong kahilingan ng dinastiyang Ming. At dahil dito lumago ang relasyon ng Tsina at Japan sa loob ng 50 taon. Nabuhay ang mga kalakalan at palitan ng mga kaisipang Tsino at Hapon. Mga kahoy, asupre, tanso, mga espada at mga natitiklop na pamaypay na galing Japan ay ipinagpalit sa mga seda, porselana, aklat at mga barya na galing Tsina.

Itinuring itong tributo ng mga dinastiyang Ming dahil sa isang sulat ni Yoshimitsu na “ang iyong utusan, Hari ng Japan.” Pero sa mga Hapon hindi nila ito itinuring na tributo kundi isang paraan para sa isang paborableng kalakalan.

Sa panahon ng Ashikaga, isang panibagong pambansang kultura ang umusbong. Tinawag itong kulturang Muromachi na nagmula sa kuta ng bakufu sa Kyoto na bumalot sa buong sambayanan. Ang Budismong Zen ang nagpalaganap nito kasama ng kanilang mga aral at mga impluwensiyang pansining na nakabatay sa mga ipintang larawan ng galing sa mga Dinastiyang Sung, Yuan at Ming sa Tsina.

Dahil nasa isang lugar lang ang pinagkukutan ng bakufu at ng Korte ng Imperyo sa Kyoto, nagresulta ito sa pagsasagi ng mga balikat ng mga maharlikang pamilya, mga kasapi ng mga bakufu, mga lakan at lakambini ng Korte ng Imperyo, mga daimyo, mga samurai at mga pari ng Budismong Zen. Maraming mga magagandang kaganapan sa kulturang Hapones ang nabuo at umunlad sa Panahon ng Muromachi gaya ng arkitektura, panitikan, dramang Noh, komedya, panulaan, seremonya ng tsaa (chado), pagga-garden, at ikebana o pagsasaayos ng mga bulaklak.

Sa panahon ding ito, lumagong muli ang paniniwalang Shinto. Noong lumalaganap ang Budismo patuloy lang itong nabuhay katabi ng panibagong pananampalataya. Sa kadahilanang walang mga kasulatan at kakaunti lang mga dasal ng Shinto, unti-unti nilang nakuha ang mga ritwal ng mga sektang Shingon ng Budismo. Pumaloob ang Shintoismo sa Budismo at tinawag itong Ryobu Shinto o (Dalawahang Shinto).

Pero dahil tumatak sa isipan ng maraming Hapones ang nangyari sa mga Mongol na sumalakay sa Kyushu, nangabuhay na muli ang mga paniniwalang Shinto. Limampung taon pagkatapos nito, si Chikafusa Kitabatake (1293 – 1354), isang kumandante sa Korte na nasa Timog ang sumulat ng Jinnou Shoutouki (o Kasaysayan ng Tuwirang Linya Mula sa Mga Banal na Namumuno). Ipinangangalandakan dito ang kahalagahan ng pagkakaroon ng tuwirang linya ng mga uupo sa Trono ng Krisantemo na dapat ay mula kay Amaterasu ang Diyosa ng Araw na Nangangalaga sa bansang Japan. Isa itong kundisyon na nagbigay ng kaisipang pangkabuan at pagkakaisa sa mga Hapones.

Maliban sa pagbibigay ng konsepto na ang Emperador ng Hapon ay mga diyoses, inilatag din sa sa Jinnou Shoutouki ang kaisipang Shinto sa kasaysayan ng Hapon. Binibigyang diin dito ang banal na katayuan ng mga Hapones at pangingibaw ng bansang Hapon kesa sa Tsina at India.

Dahil dito nabago ang balanse sa pagitan ng mga paniniwalang Budismo at Shintoismo. Sa pagitan ng ika-14 hanggang ika-17 dangtaon, lalabas na nangungunang pambansang paniniwala ang Shinto. Nakabuo na siya ng sarili niyang mga pilosopiya at mga kasulatan na nakabatay sa mga turo ng Buddha at ni Confucius. Naging isang malakas itong pambansang relihiyon.

Ang Digmaang Onin

baguhin

Ang Digmaang Onin ang naging sanhi ng pagkakawatak-watak ng kapangyarihan at mga kinasasakupan. Ang mga uring mandirigman ay naglabanan para sa lupa at kapangyarihan na tumagal hanggang sa kalagitnaang ng ika-16 na dangtaon. Nang maglaho ang pambansang pamahalaan, nag-alsa ang mga magsasaka laban sa kanilang mga panginoon, gayon din ang mga samurai sa kanilang mga pinuno. Naghirap ang mga mahaharlika at ang bakufu ay pumasailalim sa iba’t ibang mga malalakas na pinuno sa Kyoto.

Pagkatapos ng Digmaang Onin, ang mga sakop ng mga lalawigan ay lumiit at mas madaling kontrolin. Maraming mga daimyo ang naglabasan pagkatapos nilang mag-alsa at manalo mula sa kanilang mga panginoon.

Napabuti ang mga tanggulan ng bawat hanggangan. Gayon ding pinainam ang kastilyong-kuta para protektahan ang mga bagong kinasasakupan ng mga bagong lutang na daimyo. Maraming kadastral ang ginawa para sukatin ang mga lupa, marami ding mga lansangan ang naitayo at maraming minahan ang nabuksan.

Maraming mga bagong batas ang nabuo para sa pamamamahala, na kung saan binibigyang diin dito ang mga responsibilidad ng bawat isa pati na kung ano ang tamang pag-uugali. Nakasalaysay din dito kung papaano manalo sa mga digmaan, kung paano maisasaayos ang pamamahala ng mga lupa, at pananalapi.

Ang mga alanyansa ay ipinadaan sa kasalan ng sa gayon ay mabantayan ang mga grupong banta sa kanya-kanyang interes ng mga daimyo. Ang mga aristokrata ay galing sa uring mandirigma samantalang ang ibang antas ng lipunan ay nasa sistemang basalyo (utusan).

Binuwag ang mga shoen gayon din ang mga lakan at lakambini ng korte pati na rin ang panginoong maylupa na nanghahari na wala sa kanyang lupain. Ang mga bagong daimyo ang tuwirang kumontrol sa mga lupain, at ginawang alipin ang mga magsasaka kapalit ng kanilang proteksiyon laban sa mga bandido at mga masasamang-loob na gumagala sa panahong iyon.

Bagamat maraming mga digmaan ang nangyari sa buong bansang Japan, karamihan naman sa mga digmaang ito ay sa isang pook lamang at sa maiikling panahon din lang. Noong ika-15 dangtaon pumasok sa isang digmang-bayan ang Japan.

Pero ang nakakapagtaka dito, imbes na bumagsak ang pangkabuhayang aspeto ng mga lokal na namumuno ay lalo pa itong umusbong. Ang paro’t parito ng mga hukbo ay nagpaunlad sa mga transportasyon at komunikasyon na naging pangunahing kita dahil sa taripang ibinibayad ng mga hukbong ito.

Para maiwasan ang mga taripa at iba pang mga buwis, ang komersyo ay nalipat sa gitnang rehiyon at sa Inland Sea na kung saan walang sinumang daimyo ang nakakakontrol . Ang pag-unlad sa kabuhayaan pati na ang kagustuhang mapangalagaan ang mga tagumpay sa kalakalan ang nagtulak sa mga negosyante na bumuo ng mga samahan at kalipunan ayon sa kanilang mga gawain.

Sa mga huling bahagi ng Panahon ng Muromachi, nagdatingan na ang mga unang Europeo. Unang dumaong ang mga Portuges sa Timog Kyushu noong taong 1543 at pagkaraan ng dalawang taon ay palagi na silang dumadaong dito. Dumating din ang mga Kastila noong taong 1587, na sinundan naman mga Dutch noong 1609.

Dahil dito marubdob na pinag-aralan ng mga Hapones ang mga sibilisasyong kanluranin. Umusbong dito ang mga bagong kaisipan sa ekonomya gayon din ang isang malaking banta sa katayuan pampolitika ng bansa. Binayaran ng mga ginto at pilak ng mga Hapones ang mga dalang kargamento ng mga taga-kanluran gaya ng baril, tela, mga babasagin, relo at tabako. Maraming mga maliliit na daimyo lalo na yaong nakabase sa Kyushu ang lubhang yumaman at natural lumakas ang kanilang kapangyarihan.

Naging mas delikado ang digmaan sa mga lalawigan ng ipakilala sa larangan ang paggamit ng mga baril, kanyon at infantri.

Kristyanismo

baguhin

Lumaganap ang Kristyanismo ng dumating ang Santong si Francis Xavier (1506-1652), isang Heswita, sa bayan ng Kagoshima sa Katimugang bahagi ng Kyushu noong taong 1549. Naging unang mga mananampalataya dito ang mga daimyo at mga negosyanteng naghahanap ng mas maiging kalakalan sa pagitan ng mga bansa sa kanluran.

Noong taong 1560, naging isang pangunahing puntahan na ng mga misyonaryo ang Kyoto. Ng taong 1568, ang Daungan ng Nagasaki, sa Hilagang-kanlurang Kyushu, ay itinatag ng isang kristyanong daimyo at ibinigay niya ang pamamalakad nito sa mga Heswita noong taong 1579.

Noong taong 1582, halos 150,000 katao na ang mga maituturing na mga Kristyano. Dalawang porsyento ito sa kabuuang populasyon ng Japan. Meron na ding mga 200 simbahang Katoliko ang naitayo.

Hindi ito nagustuhan ng mga bakufu, kung kayat noong maging isa na muli ang pamamahala ng bansa, tinutulan na ang ganitong mga klaseng paniniwala. Ipinagbawal na ang pagkuha sa mga kristyano noong taong 1587 at sampung taon pagkatapos nito (1597) ay tuwiran ng inusig ang mga Kristyano.

Bagaman, naging patuloy ang kalakalan sa mga kanluraning bansa, isinaayos ng mga nasa bakufu ito at binantayang maigi. At noong taong 1640, naging pambansang patakaran ang panunupila at pag-eetsapwera sa mga Hapones na Katoliko.