Pisbol

bilugang pagkain na gawa sa isda

Ang pisbol (Ingles: fish ball, lit. 'bolang isda', Tsino: 鱼丸) ay bolang gawa sa minasang isda na pinapakuluan o pinipritong-lubog. Katulad ng piskeyk, kadalasang gawa ang pisbol sa tinadtad na isda o surimi, asin, at pampabuo kagaya ng harinang-balinghoy, gawgaw-mais o gawgaw-patatas.[1][2]

Mga pinrosesong lamang-dagat, kabilang dito (mula kaliwa) ang bola-bolang isda, bola-bolang pusit, bola-bolang sugpo at krab istik

Talamak ang mga pisbol sa Silangang at Timog-silangang Asya,[3] kung saan minemeryenda ito o isinasahog sa mga sabaw o sa shabu-shabu. Karaniwang iniuugnay ang mga ito sa lutuing Tsino at may lahing Tsino ang karamihan ng mga nagpapatakbo ng industriya ng pisbol.[4]:286 Hindi gaanong prosesado ang mga bersiyong Europeo, na gumagamit minsan ng gatas o patatas bilang pampabuo. Mga sari-sariling baryasyon din ang mga bansang Nordiko.

Produksiyon

baguhin

May dalawang baryante ng pisbol na nag-iiba sa tekstura, paraan ng produksiyon, at mga pangunahing rehiyon ng produksiyon.

Habang magkahawig ang mga sangkap at paggawa ng mga bansa, mapapansin ang mga pagkakaiba sa pagkalastiko, kulay at lasa. Karaniwang mas matibay, mas maitim at mas lasang-isda ang mga pisbol sa Hong Kong at Pilipinas kumpara sa mga kauri sa Malasya at Singapura.[5] Mas matalbog at mas mahangin ang mga pisbol sa Taiwan para madaling makasipsip ng sabaw o sarsa.[6]

Ginugutay, ginigiling o pinupukpok ang isda, tapos hinahalo sa asin at dinurog na yelo hanggang makinis ang tekstura. Dinaragdagan ito ng mga ibang sangkap tulad ng asukal, betsin, transglutaminasa, o mga gawgaw, tapos nilalagyan ng tubig para may "malambot at matalbog" na tekstura ang mga bola-bola. Sa ganitong paraan, kinakalas at binabanat ang mga dating nakapulupot at nakaikid na protina ng karne na nagreresulta sa pagkain na may "matalbog" na tekstura. Sa Taiwan, ginagamit ang salitang "Q" upang ilarwan ang ganitong ideyal na teksturang matalbog.[7]

Sa produksiyong komersiyal, hinuhubog ang mga bola-bola ng makinang panghulma, at nilalagay sa tubig mula 30 hanggang 45 C bago ipakulo, ipalamig, at ibalot.[4]:287, 291 Mahalagang bahagi ng paggawa ang oras ng pagtatabi kasi bukod sa pagbibigay ng kinang sa mga bola-bola, mananatili ang hugis pagkatapos ibalot. Maaaring ibenta ang mga ito na hilaw (pagkatapos itabi), na pinakuluan, o pinrito (pagkatapos ipakulo).[4]:291–293

Nakaaapekto ang ginagamitang baryante ng isda sa surimi sa produksiyon ng komersiyal na pisbol, dahil sa pagkakaiba ng katatagang termal ng mga isda sa tropiko at isda sa malamig na tubig.[4]:290 Sa ekonomiko, nagdaragdag ng halaga ang produksiyon ng pisbol sa mga mumurahing isda.[8]

Europa

baguhin

Ang mga pisbol sa Eskandinabya ay gawa sa binayong isda, gatas at harinang-patatas (o gawgaw-patatas) at hinuhubog na ang mga ito nang walang karagdagang proseso, na nakakabuo ng mas malambot na tekstura. Karaniwang nasa loob ito ng de-lata o malinaw na lalagyang plastik na naglalaman ng sabaw o tasik at nangangailangan ding itabi bago idelata.[9]

Mga baryasyon ayon sa rehiyon

baguhin

Tsina Mayor

baguhin

Kalupaang Tsina

baguhin
 
Sinabawang pisbol ng Fuzhou mula sa Lianjiang

Matagal na ang kasaysayan ng pisbol sa Tsina, at kadalasang iniuugnay sa mga Tsinong imigrante ang pagpapakilala ng pisbol sa buong Asya. Maaari ring maglaman ang mga pisbol ng samu't saring uri ng lamang-dagat at iba pang karne gaya ng baka o baboy.[4]:288

Sa Hubei, ang mga pisbol ay gawa sa surimi ng isda sa tubig-tabang. May isang baryante sa Fuzhou (福州鱼丸) na gawa sa isda na may palamang baboy na tinadtad.[10][4]:289 Mas malaki ang baryante sa Fuqing. Ginagamit din ang mga pating; ginagamit ang halos 50% ng hinuling pating sa Tsina para sa produksiyon ng pisbol at iniluluwas ang maliit na bahagi nito.[11]

Isa sa mga pinakamalaking pagawaan ng pisbol sa Tsina ang Tengxin Foods sa Fujian, na may 30% kaparte ng merkado.[4]:289

Hong Kong at Macau

baguhin
 
Mga dilaw na pisbol na sinahugan ng kulantro at pimyento
 
Mga puting pisbol at bolang baka sa sinabawang pansit Huaishan
 
Isang mangkok ng kinaring pisbol, balat ng baboy at labanos na ibinenta sa Hong Kong

Ang pisbol ay isa sa mga pinakasikat at pinakakumakatawan na "pagkaing-kalye",[12] na niluluto sa sarsang kari o kinakain ng walang sarsa.[13][14] Madaling bilhin ang mga pisbol sa mga pamilihan, tradisyonal man o sa mga supermerkado, at sikat na sangkap din ito sa shabu-shabu.

Aguas (九棍魚/烏仔魚) at ubod (門鱔) ang mga karaniwang baryante ng isda na ginagamit sa pisbol. Dati, nagawa ang mga ito sa paghahalo at pagpiprito ng mga tira-tirang pisbol na Chaozhou (潮州白魚丸), bagama't kamakailan mas maraming mamamakyaw ang nag-aangkat nito at mas pare-pareho ang tekstura.[15]

Mayroong tatlong uri ng pisbol, kilala bilang 魚蛋 (lit. "mga itlog ng isda") na ibinebenta sa Hong Kong at Macau. Dilaw, puti, at ginto ang mga kulay nila. Karaniwang ibinebenta ang mga dilaw na pisbol sa mga kalye. Mas malaki ang mga puting pisbol at gawa sa puting isda, kagaya ng tanigi, na may pabagubado (matalbog) at mahimulmol na tekstura at may matapang na lasang-isda. Kinakain ang ganitong uri ng pisbol kasama ng pansit sa mga pansiteryang Cháozhōu,[16] at sa ilang mga cha chaan teng na nagbebenta rin ng mga bola-bolang baka (牛丸) at bola-bolang hibya (墨魚丸). Sa mga tradisyonal na pisbolan, ang mga puting pisbol ay gawa sa sariwang isda at karaniwang niyaring-kamay (手打) ng mga may-ari gamit ang mga tradisyonal na paraan. Tungkol naman sa gintong pisbol, isa itong pangmeryenda sa Cheung Chau. Kabilang sa mga natatanging tampok nito ang laki, sarsa at tekstura. Maaaring kasinglaki ng kamao ang mga ito at nilalagayan ng espesyal na sarsang kari, at gawa ang mga ito sa sariwang isda kaya mas makinis ang tekstura nito.

Noong d. 1970 at d. 1980, naging eupemismo ang 魚蛋妹 "pisbolera" para sa menor de-edad na babaeng bayaran.[17][18] Tinawag na "Rebolusyong Pisbol" (魚蛋革命) ng ilan sa midya at hatirang pangmadla ang 2016 na kaguluhang sibil sa Mong Kok, na lumala dahil sa pagsugpo ng gobyerno sa di-lisensyadong magtitinda sa kalsada tuwing Tsinong Bagong Taon.[14]

Taiwan

baguhin

Laganap ang bola-bolang bangus (虱目魚丸) sa Taiwan. Kakaiba ang lasa nitong baryante dahil sa likas na tekstura at samyo. Isa ito sa mga pangunahing paraan kung paano nakokonsumo ang puting laman ng bangus, na di-gaanong kanais-nais ngunit lubhang sagana. Kabilang sa mga iba pang ginagamit na isda ang pating, kalaso, igat at marlin.[4]:298

Inihahain ang mga pisbol at bihud (魚包蛋) sa mga shabu-shabuhan. Matamis at maalat ang mga ito, at pabusang epekto mula sa tekstura ng bihud. Mayroon ding bersiyon na ginintuang prito.

Timog-silangang Asya

baguhin

Singapura

baguhin
 
Mee pok na ibinenta sa Bukit Batok, Singapura
 
Sinabawang pansit at pisbol na istilong Teochew mula sa Singapura

Sa Singapura, kilala rin ang mga pisbol sa mga katawagang 鱼圆 (yú yuán) o 魚丸 (yú wán).

Ayon sa tradisyon, gawa ang mga pisbol sa mga lokal na isda kagaya ng mga isdang korales at tabagak. Nag-iiba-iba ang dami ng produksiyon mula mga indibidwal na hawker hanggang malalaking pabrika ng mga korporasyon na nagsusuplay sa mga lokal at luwas na merkado. Dahil sa mas mataas na gastos sa paggawa at limitadong suplay ng lokal na isda, halos inaangkat lahat ng surimi, at nagtitipid sa gastos ng paggawa ng pisbol sa paghahalo ng surimi at tinadtad na tinagasang isda. Gawa ang mga mas de-kalidad na pisbol sa tabagak, isdang korales, tanigi, at palos.[4]:286-287

Mula noong 2002, nagkokonsumo ang Singapura ng halos 10 kg ng pisbol kada tao bawat taon, marahil ang bansa na may pinakamataas na pagkonsumo ng pisbol sa buong mundo.[4]:286-287 Maaari itong ihain kasama ng sabaw at pansit kagaya ng istilong Chiuchow o kasama ng yong tau foo (酿豆腐). Maaari rin itong ipares sa pansit na tinatawag na mee pok.

Itinala ang bak chor mee, isang sikat na lutong Singapurense na may bersiyong tuyo at may sabaw, bilang primerong pagkaing kalye sa mundo ng World Street Food Congress.[19] Paminsan-minsan, piniprito rin ito at tinutuhugan. Pangalawa ang pagproseso ng pisbol sa mga produktong isda sa Singapura, halos 10% ng kabuuang napoprodus.[4]:287

Indonesia

baguhin
 
Bakso ikan at sabaw sa tokwa mula sa Indonesia

Sa Indonesia, tinatawag na bakso ikan ang mga pisbol at kadalasang inihahain kasama ng tokwa, gulay, isdang in-otak-otak sa malinaw na sabaw bilang tahu kok. Maaari itong hiwain sa mga maninipis na piraso para isahog sa mie goreng, kwetiau goreng, nasi goreng, at cap cai. May kahawig na ulam na pempek, kung saan hinuhubog ang surimi sa mga hugis-troso at ipiniprito. May ilang mga ulam na sinabawang pisbol na tinatawag na bakso kakap (sinabawang bolang maya-maya) mula sa Semarang[20] at bakso ikan marlin (sinabawang bolang malasugi) mula sa Pesisir Barat, Lampung.[21]

Malasya

baguhin
 
Laksa at pisbol mula sa Johor Bahru, Malasya

Sa Malasya, kilala ang mga pisbol sa mga katawagang 鱼丸 (yú wán sa Mandarin, jyu4 jyun2 sa Kantones, o her yi sa Hokkien) o 鱼蛋 (yú dàn sa Mandarin, jyu4 daan3 sa Kantones), at bebola ikan sa Malay. Kabilang sa mga sikat na ulam ang sinabawang pansit at pisbol.[22]

Pilipinas

baguhin

Karaniwan na ang pisbol sa Pilipinas. Kolokyalismo ang terminong fishballs na tawag ng mga Pilipino sa naturang pagkain. Kadalasang plat ito at gawa mula sa karne ng pugita. Ito ay mga bilog-bilog na isdang hinalo sa harina. Tinutuhog ito sa isang patpat matpos na iprito. Maaari itong kainin matapos isawsaw sa matamis ngunit medyo maanghang na sawsawan o di kaya ay sa matamis ngunit medyo maasim na sawsawan.

Sa Pilipinas, maraming nagtitinda ng pisbol gamit ang mga itinutulak na kariton na naglalaman ng mga sangkap, sawsawan at pati na rin mga gamit pangluto. Nakatuhog kung ibenta ang pisbol. Mayroong tatlong sawsawang maaaring pagpilian ng mga mamimili. Ang una ay maanghang (kulay dalandan) na pinaghalong suka, tubig, sibuyas at bawang. Ang ikalawa naman ay manamis-namis (kulay kayumanggi) na pinaghalong corn starch, ketsap, asukal at asin. Ang ikatlong pagpipilian ay medyo maasim (kulay dalandan ngunit mas matingkad kumpara sa naunang nabanggit) na mayroon namang maraming sili. Ang mga sawsawang mayroong sangkap na toyo ay hindi karaniwan pagkat ito may kamahalan. Kasalukuyang nauuso ang iba’t-iba pang uri ng pisbol: gawa sa manok, gawa sa pugita (squid balls) at kikiam. Ang kikiam ay mas mura ngunit hindi nalalayo sa orihinal na kikiam ng Tsina. Ang tatlong uring nabanggit ay may halagang apat na sentimos sa Estados Unidos. Samantala, ang mga ordinaryong pisbol ay nabebenta sa halagang isang sentimo sa Estados Unidos.[kailangan ng sanggunian]

Taylandiya

baguhin

Kilala rin ang pisbol sa Thailand. Karaniwan nang ipiniprito o iniihaw ito upang makain. Sa mga kainan sa Thailand na naimpluwensiyahan ng mga Intsik, niluluto ang pisbol nang may sabaw. Maaari ring kainin ito bilang curry tulad ng kaeng khiao wan luk chin pla.

Mga sanggunian

baguhin
  1. Commodity Classifications Under the Harmonized System [Pag-uuri ng Mga Kalakal sa Ilalim ng Sistemang Magkatugma] (sa wikang Ingles). Department of the Treasury, U.S. Customs Service. 1990. p. 194.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. IFIS Dictionary of Food Science and Technology [Diksiyonaryong IFIS ng Agham at Teknolohiyang Pampagkain] (sa wikang Ingles). John Wiley & Sons. 2009-05-18. p. 166. ISBN 978-1-4051-8740-4.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. Ang, Catharina Y. W.; Liu, Keshun; Huang, Yao-Wen (1999-04-05). Asian Foods: Science and Technology [Mga Pagkaing Asyano: Agham at Teknolohiya] (sa wikang Ingles). CRC Press. p. 267. ISBN 978-1-4822-7879-8.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  4. 4.00 4.01 4.02 4.03 4.04 4.05 4.06 4.07 4.08 4.09 4.10 Park, Jae W. (2013-11-12). Surimi and Surimi Seafood [Surimi at Lamang-dagat na Surimi] (sa wikang Ingles) (ika-3 (na) edisyon). CRC Press. ISBN 978-1-4398-9857-4.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  5. Park, Jae W. (2005-03-29). Surimi and Surimi Seafood (sa wikang Ingles) (ika-2 (na) edisyon). CRC Press. p. 388. ISBN 978-1-4200-2804-1.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  6. Maggie Hiufu Wong (24 Hulyo 2015). "40 of the best Taiwanese foods and drinks" [40 ng mga pinakamagandang pagkain at inuming Taiwanes] (sa wikang Ingles). CNN. Nakuha noong 2021-09-18.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  7. Erway, Cathy (2015). The Food of Taiwan [Ang Pagkain ng Taiwan] (sa wikang Ingles). New York: Houghton Miller Harcourt. pp. 203–204. ISBN 9780544303010.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  8. al, Silvestre, G. et (2003-12-08). Assessment, management and future directions for coastal fisheries in Asian countries [Pagtatatsa, pangangasiwa, at direksiyon sa hinaharap para sa mga pangisdaan sa baybayin sa mga bansang Asyano] (sa wikang Ingles). WorldFish. p. 860. ISBN 978-983-2346-22-7.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link) CS1 maint: multiple names: mga may-akda (link)
  9. Jarvis, Norman D. (1943). Principles and Methods in the Canning of Fishery Products [Mga Prinsipyo at Pamamaraan sa Pagdelata ng mga Produktong Pangisdaan] (sa wikang Ingles). U.S. Government Printing Office. pp. 291–292.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  10. "Fujian Snacks" [Mga Meryenda sa Fujian]. China Today (sa wikang Ingles). 68 (12): 61. Disyembre 2019 – sa pamamagitan ni/ng EBSCO.{{cite journal}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  11. Vannuccini, Stefania (1999). Shark utilization, marketing, and trade [Paggamit, pamimili, at kalakalan] (sa wikang Ingles). Food and Agriculture Organization of the United Nations. Rome: Food and Agriculture Organization of the United Nations. p. 80. ISBN 92-5-104361-2. OCLC 43695354.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  12. "HONG KONG CURRY FISH BALLS" [MGA KINARING PISBOL NG HONG KONG] (sa wikang Ingles). That Spicy Chick. 4 Oktubre 2021. Inarkibo mula sa orihinal noong 2022-01-25. Nakuha noong 2022-12-25.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  13. "Where to go to eat Hong Kong's best fish balls" [Saan pupunta para kainin ang mga pinakamasasarap na pisbol ng Hong Kong]. South China Morning Post (sa wikang Ingles). 2019-01-29. Nakuha noong 2021-09-18.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  14. 14.0 14.1 "The humble fishball: the iconic street food that is Hong Kong" [Ang hamak na pisbol: ang ikonikong pagkaing-kalye na Hong Kong]. South China Morning Post (sa wikang Ingles). 2020-09-05. Nakuha noong 2021-09-18.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  15. 《50經典小吃》刊於2003/01/10《飲食男女》
  16. Man, Joyce "Aberdeen's best fish ball shop to close" Naka-arkibo 29 February 2012 sa Wayback Machine. CNN Go. 24 February 2012. Retrieved 4 March 2012
  17. Mac, Gladys (Hunyo 2019). "Golden Chicken as Historicomedy: Sex Work in Hong Kong and Local Popular Culture" [Gintong Manok bilang Istorikomedya: Pagpapatutot sa Hong Kong at Lokal na Kulturang Popular]. The Quint (sa wikang Ingles). University College of the North. 11: 116–117. ISSN 1920-1028.{{cite journal}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  18. Liao, Sara (2016), Lee, S. Austin; Pulos, Alexis (mga pat.), "Hong Kong Net-Bar Youth Gaming: A Labeling Perspective", Transnational Contexts of Development History, Sociality, and Society of Play (sa wikang Ingles), Cham: Springer International Publishing, pp. 193, 205, doi:10.1007/978-3-319-43820-7_7, ISBN 978-3-319-43819-1, nakuha noong 2021-09-18{{citation}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  19. Lam Min Lee (7 Hunyo 2017). "Singapore's bak chor mee tops world street food list" [Bak chor mee ng Singapura, una sa talaan ng pagkaing kalye ng mundo] (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 4 Hulyo 2017. Nakuha noong 5 Setyembre 2017.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  20. Husna, Ayu Miftakhul. "8 Kuliner Khas Semarang Cocok Disantap Saat Hujan Tiba, Ada Mi Siang Kie hingga Bakso Kakap". tribunnews.com (sa wikang Indones). Nakuha noong 21 Abril 2022.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  21. Utami, Adisty Putri. "Gurihnya Bakso Ikan Blue Marlin di Lampung". kumparan.com (sa wikang Indones). Nakuha noong 21 Abril 2022.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  22. https://www.freemalaysiatoday.com/category/leisure/2020/03/07/the-real-thing-mei-kengs-teow-chew-fishball-noodles/

Mga kaugnayang palabas

baguhin