Juan ng Matha
Si San Juan ng Matha o San Giovanni ng Matha (23 Hunyo 1160 - 17 Disyembre 1213) ay isang Kristiyanong santo ng ika-12 dantaon at tagapagtatag ng mga Orden ng mga Trinitaryano o Orden ng Kabanal-banalang Tatlong Katauhan.
San Juan ng Matha | |
---|---|
Kumpesor; Tagapagtatag ng mga Trinitaryano | |
Ipinanganak | 23 Hunyo 1160 Faucon sa Provence |
Namatay | 17 Disyembre 1213 Roma | (edad 53)
Benerasyon sa | Simbahang Romano Katoliko |
Kapistahan | Pebrero 8 |
Talambuhay
baguhinIpinanganak siya noong 23 Hunyo 1160 sa Faucon ng Provence, Pransiya. Noong kaniyang kabataan, nakapag-aral siya sa Aix-en-Provence, at lumaong nag-aral din ng teolohiya sa Pamantasan ng Paris. Habang nasa Paris, hinikayat siya ng isang pangitain habang nakikinig ng kaniyang unang misa na italaga ang kaniyang buhay sa paglilingkod para sa mga nabibilanggong mga aliping Kristiyano. Inialok niya ang kaniyang serbisyo sa ermitanyong si San Felix ng Valois sa rehiyon Soissons. Si San Felix ng Valois din ang kaniyang naging guro, at kapwa nagtungo sila sa Roma noong 1197.
Noong 17 Disyembre 1198, natanggap niya ang pahintulot na may kundisyon ni Papa Inocencio III para magtatag ng isang samahang tumatangkilik sa Santisima Trinidad na may layuning palayain ang mga Kristiyanong alipin. Lubos na pinahintulutan ang orden noong 1209. Itinayo ang unang monasteryo ng Orden ng Kabanal-banalang Trinidad sa Cerfroid (sa hilaga ng Paris) at ang ikalawa sa Roma. Unang naligtas ng Orden ang mga aliping Kristiyano noong 1201. Noong 1202 at 1210, naglakbay si Juan sa Tunisia at nagbalik na kapiling ang marami pang mga aliping Kristiyano.
Pinintakasi ni Juan ng Matha ang Ina ng Mabuting Lunas.[1]
Sumakabilang-buhay si San Juan ng Matha noong 17 Disyembre 1213 sa Roma. Noong 1655, nilipat ang kaniyang mga labi mula sa Roma patungong Madrid. Pinayagan ang kaniyang kulto (cultus o cult) noong 1665, at ipinagdiriwang ang kaniyang kapistahan tuwing Pebrero 8.
Sanggunian
baguhinTalababa
baguhin- ↑ Polyetong dasalan para sa Our Lady of Good Remedy, TAN Books and Publishers, Inc., Illinois.
Bibliyograpiya
baguhin- Holweck, F.G. A Biographical Dictionary of the Saints. 1924.