Isa itong pangalang Tsino; ang apelyido ay Sima (司馬).
Mga pangalan ni Sima Qian
Apelyido at pangalan Palayaw
Nakaugalian 司馬遷 子長
Pinadali 司马迁 子长
Pinyin Sīmǎ Qiān Zǐcháng
Wade-Giles Ssŭma Ch'ien Tzu-ch'ang

Si Sima Qian (ca. 145-86 BC) ay isang pinunong-opisyal (prefect) ng mga Dakilang Eskriba o mga Dakilang Manunulat (太史令) ng Dinastiyang Han. Itinuturing siyang ama ng historyograpiyang Tsino dahil sa kaniyang pinupuring aklat, ang Mga Tala ng Dakilang Historyador (史記). Isa itong pangkalahatang tanaw sa kasaysayan ng Tsina na sumasaklaw sa mahigit na dalawang libong taon mula sa Dilaw na Emperador hanggang kay Emperador Han Wudi (漢武帝). Ang madalubhasa niyang gawang ito ang naglatag ng pundasyon para sa mga sumunod pang historyograpiyang Tsino.

Sima Qian
Kapanganakan145 BCE (Huliyano)
  • (Yuncheng, Shanxi, Republikang Bayan ng Tsina)
Kamatayan86 BCE (Huliyano)
Trabahohistoryador, makatà, manunulat, astrologo, pilosopo, matematiko, astronomo

Buhay at edukasyon

baguhin

Ipinanganak at lumaki si Sima Qian sa Longmen, isang pook na malapit sa tinatawag ngayong Hancheng, Shaanxi. Lumaki siya sa isang mag-anak ng mga historyador, mga manunulat ng kasaysayan. Naglingkod ang kaniyang amang si Sima Tan prefect ng mga dakilang eskriba ni Emperador Wu ng Han (o Emperador Han Wudi).(Hughes-Warringon 2008). Isa sa mga naging pangunahin niyang tungkulin ang pamamahala sa aklatan ng emperyo at ang pagbabantay sa kalendaryo (para sa pambansang araw). Sa pagsapit ng edad na sampu, maalam na si Sima Qian sa mga sinaunang panitikan bunga ng kaugnayan niya sa kanyang amang historyador. Naging mag-aaral siya ng mga tanyag na pilosopo ng Confucianismo tulad nina Kong Anguo (孔安國) at Dong Zhongshu. Noong dalawampung taong gulang na siya, naglakbay si Sima Qian sa buong bansa, matapos humingi ng pahintulot mula sa kaniyang ama. (Hughes-Warringon 2008) Nangolekta siya ng mga kapakipakinabang na mga nasaksihang ulat na pangkasaysyan para sa kanyang pangunahing aklat na Shiji. Isang layunin niya sa paglalakbay ang malaman ang katotohanan hinggil sa mga sinaunang mga tsismis, haka-haka at alamat, at para bisitahin ang mga sinaunang monumento na kinabibilangan ng mga tanyag na puntod ng mga sinaunang paham na haring sina Yu at Shun. Napuntahan niya ang Shandong, Yunnan, Hebei, Zhejiang, Jiangsu, Jiangxi at Hunan.

Pagkatapos ng kaniyang paglalakbay, nahirang siya bilang tagapaglingkod ng palasyo sa pamahalaan na may tungkuling inspeksiyonin ang iba't-ibang bahagi ng bansa, habang kasama si Emperador Han Wudi. Noong ika-110 B.K., sa edad na tatlumpu't lima, ipinadala si Sima Qian sa kanluran para sa ekspedisyong panghukbo laban sa ilang "barbarong" tribo. Noong taon ding iyon, nagkasakit ang ama ni Sima Qian at hindi na nakadalo sa Sakripisyong Feng ng Emperyo. Sa pag-aakala ng ama ni Sima Qian na hindi na magtatagal ang sarili niyang buhay, pinabalik nito si Sima Qian para tumulong sa pagtapos ng sinimulan nitong sulating pangkasaysayan. Nais ni Sima Tan, ang ama ni Sima Qian, na sundan pa ang Mga Kasaysayan ng Tagsibol at Taglagas - ang unang kronika o nasusulat na kasaysayan sa panitikang Tsino. Bunga ng inspirasyon mula sa ama, sinimulang tipunin ni Sima Qian ang Shiji noong 109 B.K. Noong 105 B.K., isa si Sima Qian sa mga iskolar na hinirang na gumawa ng mga pagbabago sa kalendaryo. Bilang nakatatandang opisyal ng emperyo, nasa katayuan din si Sima para magbigay ng payo sa emperador hinggil sa pangkalahatang kalagayan ng estado.

 
Isang guhit larawang kawangis ni Sima Qian.

Noong 99 B.K., nadamay si Sima Qian sa Pangyayaring Li Ling. Dalawang opisyal ng hukbo - sina Li Ling at Li Guangli (李廣利) - ang namuno sa kampanya laban sa Xiongnu sa kanluran. Nagapi at nabihag sila ng mga kaaway. Sinisi ni Emperador Han Wudi si Li Ling sa pagkagapi, at tinuligsa pa ng lahat ng mga opisyal ng pamahalaan. Si Sima Qian ang tanging nagtanggol kay Li Ling, na iginagalang niya bagaman hindi naman kaibigan. Inakala ni Emperador Han Wudi na ang pagtatanggol ni Sima kay Li Ling ay isang pag-atake sa kanyang bayaw na hindi rin nagtagumpay sa paglaban sa Xiongnu. Hinatulan ng emperador ng parusang kamatayan si Sima Qian. Noong panahong iyon, mapapababa ang hatol ng parusang kamatayan sa pamamagitan ng pera o pagkapon. Subalit dahil walang sapat na pera si Sima para mapagbayaran ang kaniyang "kasalanan", nagpakapon siya at nakulong sa loob ng tatlong taon.(Hughes-Warringon 2008) Inilarawan niya ang kaniyang pagdurusa ng paganito: "Kapag nakita mo ang bantay ay kahabaghabag mong iyuyukod ang ulo mo hanggang dumikit ang noo mo sa lupa. Makita lamang ang mga tauhan niya'y nagigimbal ka na ... ang ganitong kaalipustaan ay mahirap makalimutan."

Noong 96 B.K., nang palayain na si Sima Qian, ipinasya niyang maglingkod bilang eunuko ng palasyo upang matapos ang kanyang mga kasaysayan, sa halip na magpakamatay, isang hakbang na inaasahan mula sa isang maginoong iskolar. Ipinaliwanag pa ni Sima Qian na:

"Ang kamatayang idinulot niya [Li Ling] noon sa kaaway ay napakarami kung kaya't tumanyag siya sa buong Emperyo! Matapos siyang mapahiya, inutusan akong magbigay ng aking opinyon. Pinuri ko ang kanyang mga kagalingan, sa pag-asang magiging malawak ang pananaw ng Emperador, pero ... ang kinahinatnan ay ipinasiyang nagkasala ako ng pagtatangkang linlangin ang Emperador... (Liham ni Sima Qian kay Ren, p.8-9)

Wala akong sapat na salapi para mabayaran ang multa na kapalit ng kaparusahan, at wala nagtanggol sa akin ni isa sa mga kasamahan at kakilala ko. Kung nagpakamatay ako walang magsasabi na namatay ako para sa isang prinsipyo. Sa halip ay isisipin nila na wala na akong pagpipilian dahil sa bigat ng kasalanan ko. Kaya ako nagpakapon ay dahil sa obligasyon ko sa aking ama na matapos ang kanyang kasaysaysayan...Kung hindi ay ano ang mukha kong ihaharap sa pagdalaw sa puntod ng mga magulang ko? (Liham ni Sima Qian kay Ren, p.9)

...Wala nang paglapastangang hihigit pa sa pagkapon. Ang taong pinarusahan nito ay hindi maituturing na lalaki. Hindi lamang ito pananaw sa ngayon; ito ang pananaw maging noon pa. Kahit ang karaniwang tao ay nahihiya kapag kailangan niyang makipag-ugnayan sa isang eunuko - gaano pa kaya ang isang maginoo! Hindi ba magiging insulto sa korte at sa mga dati kong kasamahan kung ngayon ako, isang katulong na nagwawalis ng sahig, isang pinutulang sawingpalad, ay mag-aangat ng aking ulo at kilay upang maikipagtalo ng tama at mali? (Liham ni Sima Qian kay Ren, p.6)

Sa pagbabantay lamang ng mga bahay ng mga babae ng palasyo ako nararapat. Makakaasa lamang ako ng katarungan pagkatapos ng aking kamatayan, kapag ang mga kasaysayan ko ay mahayag sa buong daigdig." (Watson)

Historyador

baguhin
 
Ang unang pahina ng Shiji.

Bagamat paiba-iba ang estilo at anyo ng kasaysyang Tsino sa pagdaan ng panahon, itinakda ng Shiji ang kalidad at estilo simula nang malathala ito. Bago si Sima, ang mga kasaysayan ay isinusulat bilang kasaysayan ng dinastiya; ang ideya niya ng isang pangkalahatang kasaysayan ay nagkaimpluwensiya sa lahat ng sumunod na historyador tulad nina Zhengqiao (鄭樵) sa kangyang pagsusulat ng Tongshi (通史) at Sima Guang (司馬光) sa pagsusulat ng Zizhi Tongjian (資治通鑑). Ang anyo ng kasaysayang Tsino ay itinakda nang sistematiko ni Ban Gu (班固) sa kanyang Kasaysayan ng Han (漢書), ngunit itinuturing ng mga historyador na huwaran nila ang gawa ni Sima, na tumatayong "opisyal na anyo" ng kasaysayan ng Tsina.

Sa pagsusulat ng Shiji, nagpasimuno si Sima ng bagong estilo ng pagsusulat sa pamamagitan ng paglalahad ng kasaysayan bilang serye ng mga talambuhay. Ang gawa niya ay umaabot nang 130 kabanata - hindi sunod-sunod sa panahon kundi hinati sa mga paksa kabilang ang kasaysayang alinsunod sa panahon, kronika, sanaysay - hinggil sa musika, seremonya, kalendaryo, relihiyon, ekonomiya, at malawig na mga talambuhay. Ang impluwensiya ni sima sa estilo ng pagsusulat ng kasaysayan sa ibang pook ay makikita halimbawa sa Ang Kasaysayan ng Koreya.

Manunulat

baguhin

Ang Shiji ni Sima ay iginagalang na huwaran ng panitikang talambuhay (Durrant 1995, p.1) na may mataas na halagang pampanitikan, at ginagamit pa ring "teksbuk" sa pag-aaral ng klasikal na Tsino sa buong daigdig. Naging maimpluwensiya ang pagsusulat ni Sima sa panitikang Tsino, at nagi itong huwaran ng iba't-ibang prosa sa panahon ng kilusang neo-klasikal ("renasimiyento"復古) noong panahon ng Tang-Song (唐宋). Ang magaling na paggamit niya ng tauhan at balangkas ng kuwento ay nakaimpluwensiya rin sa kathang-isip na sulatin, kabilang ang mga maiigsing kuwentong klasikal noong panahon ng kalagitnaan at dulong edad medya (Tang-Ming), gayundin ang mga nobela sa katutubong wika noong huling panahon ng emperyo.

Mahihinuha ang kanyang impluwensiya batay sa mga sumusunod na susing elemento ng kanyang panitik:

Mahusay na paglalarawan

baguhin

Inilarawan ni Sima ang maraming tampok na tauhan batay sa tunay na impormasyong pangkasaysyan. Inilalarawan niya ang tugon ng isang tauhan sa pamamagitan ng paglalagay sa kanya sa kalagayang salungatan, at pagkatapos ay pababayang niya ang karakter na ipakilala ang sarili sa pamamagitan ng sariling wika at gawa. Nakapagpapasigla at nakakadagdag sa pagiging makatotohanan ang paggamit niya ng usapan sa kanyang panulat.

Makabagong dulog

baguhin

Ang bagong dulog ni Sima sa pagsusulat ay sa pamamagitan ng wikang impormal, nakakatawa at puno ng pagkakaiba. Bago ang paraang ito ng pagsusulat noong panahong iyon kung kaya't kinilala ito bilang pinakamataas na tagumpay ng klasikal na panitikang tsino; kahit si Lu Xun (魯迅) ay itinuring ang Shiji na "una at huling pinakadakilang gawa ng mga historyador, parang tula ni Qu Yuan na walang tugma." (史家之絕唱,無韻之離騷) sa kanyang Hanwenxueshi Gangyao (《漢文學史綱要》).

Masinop na wika

baguhin

Ang estilo ay payak, masinop, mahusay, at madaling basahin. Nagbibigay ng sariling komento si Sima habang ginugunita ang mga pangyayari sa kasaysayan. Iniwasan niya ang pagbibigay ng pangkalahatang deskripsiyon sa pagsusulat ng mga talambuhay sa Shiji. Sa halip ay tinangka niyang magagap ang esensiya ng mga pangyayari. Konkreto niyang inilalarawan ang mga tauhan. Binigyan niya ng matitingkad na larawan ang mambabasa na may matinding masining na rikit.

Iba pang panitik

baguhin

Maliban sa Shiji, nagsulat din si Sima ng walong rapsodiya (Fu 賦), na natipon sa Hanshu. Ipinahayag ni Sima sa mga rapsodiyang ito ang pagdurusa niya sa Pangyayaring Li Ling at ang pagpupursigi niyang maisulat ang Shiji.

baguhin

Si Sima at ang ama niya ay pawang mga astrologo ng korte (taishi) 太史 sa Naunang Dinastiyang Han. Noong panahong iyon ang astrologo ay may importanteng papel na ginagampanan. Tungkulin niyang ipaliwanag at hulaan ang tadhana ng pamahalaan alinsunod sa impluwensiya ng Araw, Buwan, at mga bituin, gayundin ang ipa pang penomena tulad ng eklipse ng araw, lindol, atbp.

Bago niya tinipon ang Shiji, noong 104 B.K., nilikha ni Sima Qian ang Taichuli (na maisasalin bilang "Ang unang kalendaryo") batay sa kalendaryong Qin. Ang Taichuli ang isa sa pinakaabanteng kalendaryo noong panahon niya. Itinuturing na isang rebolusyon ang pagkakalikha ng Taichuli sa tradisyon ng kalendaryong Tsino dahil ihinahayag nito na may 365.25 araw sa isang taon at 29.53 araw sa isang buawan.

Gumamit si Sima ng bagong paraan ng pagsasaayos ng mga datos na pangkasaysyan at ng bagong dulog sa pagsusulat ng mga rekord ng kasaysayan upang maitaguyod ang relasyon ng batas ng langit at tao. Sinuri niya ang mga rekord at ibinukod iyong magagamit sa Shiji. Layon niyang alamin ang mga padron at prinsipyo ng pag-unlad ng kasaysayan ng tao.

Binigyang diin ni Sima ang papel ng tao sa pagbabago ng pag-unlad ng kasaysayan ng Tsina. Ito ang unang pagkakataon sa kasaysayan ng Tsina na tao ang nasa sentro ng pagsusuri ng pag-unlad ng kasaysayan. Tinuligsa din niya si Emperador Han Wudi, na mapamahiin, at magarbong magdasal sa mga kinikilala niyang diyos. Dagdag pa, isinulong din niya ang palagay niyang pangkasaysayan na ang isang bansa ay hindi makakatakas sa tadhana ng siklo ng pagsikat-at-paglubog. Dahil sa malalim na pagsusuri at pagkaunawa, nagpasimuno ng halimbawa si sima ng pagsusulat ng dyornalistikong artikulo para sa mga susunod na salinlahi.

Di tulad ng Hanshu, na isinulat sa ilalim ng superbisyon ng Dinastiya ng Emperyo, ang Shiji ay isang kasaysayang isinulat nang pribado. Bagama't si Sima ang Prefect ng mga Dakilang Eskriba sa pamahalaang Han, tumanggi siyang isulat ang Shiji bilang opisyal na kasaysayan na tumatalakay lamang sa mga nasa taas ng lipunan. Tinatalakay din ng gawa ang nasa mababang antas ng lipunan at samakatuwid ay itinuturing na "totoong rekord" ng madilim na bahagi ng dinastiya.

Ang menor na planetang 12620 Simaqian ay ipinangalan sa kanya.

Mga aklat tungkol kay Sima Qian na nasa Ingles

baguhin
  • Burton Watson (1958). Ssu-ma Ch'ien: Grand Historian of China. New York: Palimbagan ng Pamantasang Columbia.
  • Yang Hsien-yi at Gladys Yang (1974). Records of the Historians. Hong Kong: Palimbagang Commercial.
  • Qian, Sima at ang tagapasaling si Burton Watson (1993). Records of the Grand Historian: Han Dynasty. Sentro ng Pananaliksik para sa Salinwika, Ang Tsinong Pamantasan ng Hong Kong at Palimbahagan ng Pamantasang Columbia.
  • Qian, Sima at ang tagapagsaling si Burton Watson (1993). Records of the Grand Historian: Qin Dynasty. Sentro ng Pananaliksik para sa Salinwika.

Mga sanggunian

baguhin
  1. Hughes-Warrington, M. (2008). Fifty Key Thinkers on History. Oxon: Routeledge, pp. 316-323.
  2. Watson, Burton, (tagasalin), Records of the Grand Historian of China
  3. Robert Bonnaud (2007) Essays of comparative history. Polybus and Sima Qian (sa Pranses). Condeixa : La Ligne d'ombre [1].
  4. W.G. Beasley and E.G. Pulleyblank (1961) Historians of China and Japan. New York: Oxford University Press.
  5. Stephen W. Durrant (1995), The Cloudy Mirror: Tension and Conflict in the Writings of Sima Qian. Albany : State University of New York Press. Mababasa sa Google Books
  6. Grant Ricardo Hardy (1988) Objectivity and Interpretation in the "Shi Chi". Yale University.
  7. Burton Watson (1958) Ssu-ma Ch'ien: Grand Historian of China. New York: Columbia University Press.
  8. Joseph Roe Allen III. Chinese Texts: Narrative Records of the Historian
  9. Sima Qian’s letter to Ren An (Shao-qing). Nasa Sima Qian and our view of early China. Makukuha sa Indiana.edu[patay na link] (PDF).

Panlabas na Kawing

baguhin