Basilica Minore de San Sebastian

simbahang gawa lahat sa bakal sa Maynila, Pilipinas
(Idinirekta mula sa Simbahan ng San Sebastian)

Ang Basilica Minore de San Sebastian, mas kilala bilang Simbahan ng San Sebastian, ay isang Romano Katolikong basilikang menor sa Maynila, Pilipinas. Ito ang luklukan ng Parokya ng San Sebastian at ng Pambansang Dambana ng Mahal na Birhen ng Bundok ng Carmelo.

Basilica Minore de San Sebastián
Relihiyon
PagkakaugnayRoman Catholic
Katayuang eklesyastikal o pang-organisasyonBasilica Menor
Taong pinabanal1891
Katayuanaktibo
Lokasyon
LokasyonQuiapo, Maynila, Pilipinas
Mga koordinadong heograpikal14°35′58″N 120°59′20″E / 14.59944°N 120.98889°E / 14.59944; 120.98889
Arkitektura
(Mga) arkitektoGenaro Palacios
UriBasilica
IstiloNeo-Gothic
Groundbreaking1888
Nakumpleto1891
Mga materyalessteel, mixed sand, gravel & cement


Naitayo ang Simbahan ng San Sebastian noong 1891, kung saan ito ay nakilala dahil sa mga katangiang arkitektural nito at halimbawa ng pagsasabuhay muli ng arkitekturang Gotiko ng Pilipinas. Ito ang nag-iisang simbahan o basilika sa Asya na yari sa bakal.[1][2] Noong 2006, idinagdag ang Simbahan ng San Sebastian sa mga posibleng maging Pandaigdigang Pamanang Pook. Itinalaga din ito bilang Pambansang Makasaysayang Palatandaan ng pamahalaan ng Pilipinas noong 1973.[3]

Ang Simbahan ng San Sebastian ay kasalukuyang nasa pangangalaga ng mga Agustinong Rekoleto, na siya ding nagpapatakbo ng isang kolehiyo sa tabi ng simbahan. Matatagpuan ito sa Plaza del Carmen, sa silangang dulo ng Abenida Claro M. Recto sa Quiapo, Maynila.[4]

Kasaysayan

baguhin
 
Ang kambal na mga tore ng Simbahan ng San Sebastian

Noong 1621, si Don Bernardino Castillo, isang deboto ng Romanong martir noong ika-3 siglo na si San Sebastian, ay nagbigay ng lupa kung saan kasalukuyang nakatayo ang simbahan. Ang orihinal na gusali na yari sa kahoy ay nasunog noong 1651 sa kasagsagan ng paghihimagsik ng mga Intsik. Ang mga sumunod na gusali na yari sa bato ay nawasak naman ng mga sunog at lindol ng 1859, 1863, at 1880.[4]

Noong dekada 1880, dinalaw ni Esteban Martinez, kura paroko ng gumuhong simbahan, ang arkitektong Kastila na si Genaro Palacios upang makapagtayo ng isang istrakturang bakal na hindi matitinag ng sunog at lindol. Nabuo ni Palacios ang disenyo na pinagsamang mga estilong Barok Panglindol (Earthquake Baroque) at Makabagong Gotiko.[4] Ang kaniyang huling disenyo ay sinasabing kinunan ng inspirasyon mula sa bantog Katedral ng Burgos sa Espanya na nasa estilong Gotiko.[4]

Pagpapatayo

baguhin
 
Ang basilika habang itinatayo noong 1890.

Ang mga bahagi ng niyaring bakal na bubuo sa simbahan ay ginawa sa Binche, Belhika.[1] Ayon sa historyador na si Ambeth Ocampo, ang mga bahagi ng bakal ay inorder mula sa Société anonyme de Enterprises de Travaux Publiques sa Brussels.[5] Sa kabuuan, 52 toneladang mga bahagi ng bakal ang inilayag sa walong hiwalay na kargamentong barko mula Belhika patungong Pilipinas, kung saan ang una sa mga ito ay dumating noong 1888.[4] Pinangasiwaan ng mga inhinyerong Belhiko ang pagbubuo sa simbahan, at ang unang mga haligi nito ay itinayo noong 11 Setyembre, 1890.[6] Ang mga dingding nito ay pinuno ng pinaghalong buhangin, graba at semento.[3] Ang mga salaming bitral nito ay iniangkat mula sa Kumpanyang Henri Oidtmann ng Alemanya, at nilapatan ito ng mga katutubong artisano ng huling finishing touch.[1]

Itinaas ni Papa Leo noong 24 Hunyo, 1890, ang katedral tungo sa pagiging basilikang menor.[3] Noong natapos ang paggawa nito ng sumunod na taon, noong 16 Agosto, 1891, ang Simbahan ng San Sebastian ay binendisyunan ni Bernardino Nozaleda y Villa, OP, ika-25 Arsobispo ng Maynila.[3]

Ayon sa yumaong si Padre Jesus Pastor Paloma, OAR, ang simbahan ay kakabitan dapat ng retablong altar na yari sa bakal, ngunit nawala ito matapos tumaob ang barkong kinakargahan nito mula Belhika dahil sa bagyo. Dahil dito isang altar na yari sa kahoy ang ginawa. Binanggit din ni Paloma na ang ibabang bahagi ng basilika ay may hugis na katulad ng ilalim ng barko, upang umugoy ito kung bakasakaling magkalindol.

Gustave Eiffel

baguhin
 
Si Gustave Eiffel na sinasabing tumulong sa pagdisenyo ng San Sebastian.

Sinasabing si Gustave Eiffel, isang inhinyerong Pranses na nagpatayo din ng Toreng Eiffel at ang istrakturang bakal na pumapaloob sa Istatwa ng Kalayaan (Statue of Liberty), ay tumulong sa pagdisenyo at pagpapatayo ng San Sebastian.[2][5][7]

Ang koneksyon sa pagitan ni Eiffel at ng San Sebastian ay sinasabing nakumpirma ng historyador na si Ambeth Ocampo habang nagsasaliksik sa Paris.[7] Nilabas din ni Ocampo ang ulat na nagsasabi na ang kilalang arkitektong si I.M. Pei ay bumisita sa Maynila noong dekada 1970 upang kumpirmahin ang mga bali-balitang dinisenyo ni Eiffel ang isang simbahan na yari sa bakal. Matapos suriin ni Pei ang Simbahan ng San Sebastian, napaulat na ang mga pinagkakabitang bakal nito at ang kabuuan ng istraktura ay dinisenyo mismo ni Eiffel.[5]

Kasama din sa opisyal na katalogo ni Eiffel ang isang reperensiya ukol sa disenyo ng isang simbahan sa Maynila noong 1875, labintatlong taon bago ang mismong pagpapatayo ng Simbahan ng San Sebastian.[5] Bagaman kung mailabas na totoo ito, hindi rin masasabi ang posibilidad na si Eiffel nga ang nagdisenyo ng istrakturang bakal ng simbahan, habang si Palacios naman ang magbubuo ng pinaka-disenyo ng buong simbahan.[5]

Katangian

baguhin

Ang Simbahan ng San Sebastian ay may dalawang tore at bakal na pagkabolta. Mula sa sahig, ang pangunahing istraktura ng basilika ay may 12 metro ang taas tungo sa simboryo, at 32 metro naman tungo sa tuktok ng dalawang tore.[3]

Mural na trompe d'oleil ng mga Karmelong santo sa loob ng tolobate ng simboryo.
Tanawin ng pangunahing altar. Pinapakita nito ang epekto ng liwanag galing sa labas dulot ng mga bintanang bitral at ang mataas na pintuan sa pagitan.

Ang loob ng simbahan[8] ay mayroong mga bolta sa estilong Gotiko na siyang pumapahintulot sa pagpasok ng liwanag mula sa mga bintana sa gilid.[1] Ang mga bakal na haligi, dingding at kisame ay pininta ni Lorenzo Rocha, Isabelo Tampingco at Felix Martinez[8] upang ito'y umanyong gaya ng marmol at haspe.[1] Ang pintang Trompe l'oeil ng mga santo at martir na ginawa ni Rocha ay ginawang palamuti sa loob ng simbahan.[5][8] Ang mga kumpisalan, pulpito, altar at limang retablo ay dinisenyo nina Lorenzo Guerrero[9] at Rocha, ayon sa tunay na diwa ng pagsasabuhay-muli ng Gotiko sa simbahan. Ang eskultor na si Eusebio Garcia ang umukit sa mga estatwa ng mga santong kalalakihan at kababaihan.[10] Limang benditahan na yari sa marmol na galing sa Romblon ang ginawa para sa simbahan.[11]

Sa itaas ng pangunahing altar ay ang imahe ng Mahal na Ina ng Bundok ng Carmelo na bigay sa simbahan ng mga madreng Carmelo mula sa siyudad ng Mehiko noong 1617.[kailangan ng sanggunian].[3] Nakatagal ang imaheng ito sa lahat ng lindol at sunog na nagwasak sa mga naunang gusali ng Simbahan ng San Sebastian, ngunit ang garing nito ay ninakaw noong 1975.[3]

Mga deklarasyong pang-kultura at pang-kasaysayan

baguhin
 
Isa sa mga bintanang bitral ng simbahan na ginawa mg Kumpanyang Heinrich Oidtmann ng Alemanya. Ang isa dito ay ipinapakita ang paghahanap sa Batang Jesus sa Templo.

Idineklara ni Pangulong Ferdinand Marcos ang Simbahan ng San Sebastian bilang Pambansang Makasaysayang Pook sa pamamagitan ng Kautusan ng Pangulo Blg 260 noong 1973.[1] Binibigyan ng pondo ng estado ang simbahan sa pamamagitan ng Pambansang Suriang Pangkasaysayan na siyang nagsagawa ng restorasyon noong 1982. Lumilikom din ng pondo ang komunidad ng Rekoleto upang matustusan ang pagpapanatili at restorasyon ng simbahan.[1]

Noong 16 Mayo 2006, idinagdag ang Simbahan ng San Sebastian sa listahan ng mga maaaring maging Pambansang Pamanang Pook dahil sa kanyang pamana sa arkitektura at kasaysana.[1]

Noong 15 Agosto 2011 ay dineklara ang simbahan bilang Pambansang Kayamanang Pangkultura ng Pambansang Museo ng Pilipinas, at inilantad ang pananda nito noong 20 Enero 2012.[8]

Pagpapanatili

baguhin

Kamakailan lamang ay nahaharap ang Simbahan ng San Sebastian sa mga banta laban sa katatagan ng istraktura nito. Kinakitaan ng pagkakalawang ang bakal na istraktura nito dahil sa simoy ng dagat mula sa kalapit na Look ng Maynila.[7] Noong 1998 ay idinagdag ito sa mga listahan ng 100 Pinakananganganib na mga Pook ng World Monuments Fund (Pondo para sa mga Monumento ng Daigdig), ngunit hindi na ito naidagdag sa mga sumunod na listahan.[12]

Kasalukuyang isinasagawa ang restorasyon sa simbahan, ngunit ayon kay Padre Rommel Rubia, OAR, ang nagiging halaga ng restorasyon ay katumbas na ng anim na bagong istraktura ng ganun ding uri. Banggit pa niya, nahihirapan din ang mga kinonsulta nilang restoryador na Europeo sa restorasyon dahil ang mga orihinal na bakal na ginamit noong dekada 1890 ay kinalawang na ng husto dahil sa kalapit na dagat, at hindi rin magiging lunas na pasukan ng kongkreto ang mga haliging bakal nito. Iminungkahi nila na mas praktikal pa na gibain ang orihinal na istraktura, panatilihin ito, at gumawa ng bagong replika kung saan magiging mas mababa ang magiging gastos.

Talababa

baguhin
  1. 1.0 1.1 1.2 1.3 1.4 1.5 1.6 1.7 "World Heritage: San Sebastian Church". Tentative List for the World Heritage List. UNESCO. Nakuha noong 2008-04-20.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. 2.0 2.1 Layug, p. 88. "The basilica is the first and the only all-steel church in Asia, the second in the world after the Eiffel Tower of Paris (French engineer Alexandre Gustave Eiffel himself is also rumored to have been involved in the basilica's construction) "
  3. 3.0 3.1 3.2 3.3 3.4 3.5 3.6 Layug, p. 88
  4. 4.0 4.1 4.2 4.3 4.4 Layug, p. 87
  5. 5.0 5.1 5.2 5.3 5.4 5.5 Findelle de Jesus. "The San Sebastian Church -- Gustave Eiffel's Church in the Philippines". artes de las Filipinas: a Website in Honor of Philippine arts and antiquities. artes de las Filipinas. Inarkibo mula sa orihinal noong 2008-05-22. Nakuha noong 2008-04-20. {{cite web}}: Unknown parameter |deadurl= ignored (|url-status= suggested) (tulong)CS1 maint: date auto-translated (link)
  6. Layug, p. 87-88
  7. 7.0 7.1 7.2 Howie Severino (2006-05-30). "an Eiffel in Quiapo". Howie Severino's Sidetrip. GMa Network. Inarkibo mula sa orihinal noong 2011-10-04. Nakuha noong 2008-04-20.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  8. 8.0 8.1 8.2 8.3 "San Sebastian Basilica tagged National Cultural Treasure". Pebrero 3, 2012. Nakuha noong Setyembre 4, 2012.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)[patay na link]
  9. Trota José, Regalado; Pacific asia Museum (1990). Images of Faith: Religious Ivory Carvings from the Philippines. Pacific asia Museum. p. 27. ISBN 978-1-877921-03-2. Nakuha noong 2008-04-26.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)[patay na link]
  10. Layug, pp. 88-89.
  11. Institute of Science and Technology (1919). "The Philippine Journal of Science". The Philippine Journal of Science. Science and Technology Information Institute: 88. Nakuha noong 2008-04-26.{{cite journal}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  12. "WMF Past Watch Sites". World Monuments Fund. Inarkibo mula sa orihinal noong 2008-04-07. Nakuha noong 2008-04-21. {{cite web}}: Unknown parameter |deadurl= ignored (|url-status= suggested) (tulong)CS1 maint: date auto-translated (link)