Ang solar cell o photovoltaic cell (literal sa Tagalog: selyulang pang-araw) ay isang aparatong semikonduktor na dinisenyo upang kumolekta ng enerhiya mula sa araw at gawin itong kuryente. Ang kaisipan ukol sa teknolohiyang ito ay nagsimula pa noong 1839 sa isang pananaliksik ng isang Pranses na pisiko na nagngangalang Antoine-César Becquerel. Napagtanto ni Becquerel ang epektong tinatawag na photovoltaic habang nag-eeksperimento sa isang electrode na nasa isang electrolyte na solusyon, sinasabing nakita niyang nagkaroon ng boltahe ng tamaan ng ilaw ang electrode.[1] Noong 1905, nagbigay ng malalim na pagsisiyasat si Albert Einstein tungkol sa mga katangian ng ilaw at ang pag-uugali nito. Inilarawan niya din ang epektong potoelektrikko na kung saan nakabatay ang teknolohiya ng photovoltaic cell.[2]

Isang kombensyonal na crystalline silicon solar cell.

Ang solar cell ay gawa sa isang materyal na semikonduktor, halimbawa na lamang ay ang silikon. Kapag pinatamaan ng ilaw na may sapat na enerhiya ang aparato napapakawalan ang ilang elektron mula sa mga atomo ng materyal na ginamit kung kaya't malaya na itong makakagalaw sa materyal. Sa pamamagitan ng paglalagay ng electric field na positibo sa isang dulo at negatibo naman sa kabilang dulo, napapaagos ang mga elektron sa isang direksiyon na nagdudulot ng kuryente. Sa tulong mga metal na pang-kabit, maaring mapalabas ang kuryenteng ito para magamit sa iba pang aparato tulad ng kalkulador, ilaw, at iba pa.[3]

Sa kasalukuyan, malaking interes ang inilalaan ng solar cell bilang susi sa malinis enerhiya. Ngunit marami pang limitasyon ang teknolohiyang ito na humahadlang sa pag-unlad at paglaganap nito. Ilan sa mga limitasyon nito ay ang mga sumusunod:

  • Bagaman walang bayad ang sikat ng araw na siyang pangunahing pinagkukunan ng enerhiya para sa teknolohiyang ito, may kamahalan ang paggawa ng mismong aparato.
  • Ang enerhiyang nailalabas maging ng mga pinakabagong disenyo ng solar cell ay higit na mababa kumpara enerhiyang kayang ibigay ng araw.
  • Kakulangan ng magandang teknolohiya para sa pag-iimbak ng enerhiyang mula sa solar cell.

Patuloy naman ang mga mananaliksik sa pag-aaral upang malagpasan ang mga limitasyon na ito. Patuloy sila sa paghahanap ng bagong mga materyal at pamamaraan upang mas mapaunlad pa ang teknolohiyang ito.

Mga sanggunian

baguhin
  1. "Archive copy". Inarkibo mula sa orihinal noong 2012-07-13. Nakuha noong 2011-03-22.{{cite web}}: CS1 maint: archived copy as title (link) CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. http://science.nasa.gov/science-news/science-at-nasa/2002/solarcells/
  3. http://science.howstuffworks.com/environmental/energy/solar-cell.htm