Tomas Pinpin

Manunulat at kauna-unahang manlilimbag na Pilipino

Si Pinpin ng Bataan, o si Tomás Pinpin, (nabuhay mula noong ika-16 hanggang ika-17 daang taon) ay ang kauna-unahang manlilimbag na Pilipino. Siya ay isang manlilimbag, manlalathala at manunulat mula sa Abucay, Bataan. Noong taóng 1610, isinulat niya ang Librong pag-aaralan ng mga Tagalog ng wikang Kastila na siyang pinakaunang inilimbag na kasulatang katha ng isang Pilipino.[1]

Tomás Pinpin
Pinpin
KapanganakanSa pagitan ng mga taóng 1580 at 1585
KamatayanHindi tiyak kung kailan
TrabahoManlilimbag
AnakSimon

Talambuhay

baguhin

Kabataan

baguhin

Si Pinpin ay ipinanganak sa Barrio Mabatang, Abucay, Bataan sa pagitan ng mga taóng 1580 at 1585.

Hindi matiyak ang ganap na araw ng kanyang kapanganakan pati na rin ng pagkamatay. Ito ay dahil noong 1646 ay sinunog ng mga manloloob na Holandes ang mga talâ sa parroquia sa kanyang bayan ng Abucay nang ito ay sinalakay.

Paglilimbag

baguhin

Pinaniniwalaang unang napakilala si Pinpin sa gawain ng paglilimbag noong mga taóng 1608 o 1609. Maaaring natuto siya sa mga gawain ng mga manlilimbag na Cristianong Intsik kagaya nina Juan at Pedro de Vera at ni Luis Beltran na nakapaglimbag na noon ng ilang kasulatan para sa mga sugong Español.

Taóng 1609, nag-umpisa si Pinpin sa kanyang gawain bilang aralán sa limbagan sa Abucay. Ang limbagan ay pinatatakbo noon ng mga Dominicano, at siya ay binigyang-katungkulan ni Padre Francisco Blancas de San Jose na siya ring nagturo sa kanya ng mga pamamaraan sa paglilimbag sa panahong iyon. Sa loob lamang ng isang taon ay nagkaroon na siya ng sapat na kahusayan upang siya ay italagang patnugot na manlilimbag.

Noong 1610 inilimbag ni Tomas Pinpin ang kasulatang "Arte y Reglas de la Lengua Tagala" na akda ni Padre Blancas. Sa taon ding iyon, ang kanyang bantog na "Librong Pagaaralan nang manga Tagalog nang Uicang Castilla" ay nailimbag ng kanya namang kawani na si Diego Talaghay. Naglalaman ang kasulatan niyang ito ng 119 na pagina at limang bahagi na ang layunin ay matulungan ang mga nagsasalita ng Tagalog sa kanilang pagkatuto ng wikang Español. Nakasulat sa panimula nito:

"Aba-tayo na manga sama at mangag sipagaral na cayo: at cahimat may caliuagliuagan, ang pagaaral nito, ay houag ding panlimamaran at inyong panatilihan din con di magsisirunong din cayong marali. Ay ano, baquin ang ibang manga tauong capoua natin tagalog ay silay maralan co nitong manga catha catha cong ito ay di na taonan ay magsialam na ang dami nang naalaman nila. Caya nga, sa matanto co yaong canilang caronongan, na dito rin sa mga gawa cong ito napaquinabang nila ay aco, y matoua ngani at mangbanta na acong isalimbagan itong madlang aral: nang paraparang magsipaquinabang nito cayong lahat na nag acalang magsicap nang camahalan at dili aco nacabata, na di aco nag auit nang gayon." (Aba, tayo na mga kasama at mangagsipag-aral na kayo; at kahima't may kaliwag-liwagan, ang pag-aaral nito, ay huwag ding panlimamaran at inyong panatilihan din kundi magsisirunong din kayong madali. Ay ano, bakin ang ibang mga taong kapwa natin Tagalog ay sila'y maaralan ko nitong mga katha-katha kong ito ay 'di nataunan ay magsialam na ang dami ng naalaman nila? Kaya nga, sa matanto ko yaong kanilang karunungan, na dito rin sa mga gawa kong ito napakinabang nila ay ako'y matuwa ngani at mambanta na akong isalimbagan itong madlang aral; nang paraparang magsipakinabang nito kayong lahat na nag-akalang magsikap nang kamahalan at dili ako nakabatá, na 'di ako nag-awit nang gayon.)

[2]

Ito ang pinakaunang nailimbag na kasulatang Tagalog na nilikha ng isang Pilipino. Gayon man ay lalong nauna rito ang kasulatang "Doctrina Cristiana en la Lengua Española y Tagala" (Katuruang Kristiyano sa wikang Kastila at Tagalog) na ginamitan din ng Tagalog nguni't isinulat naman sa taóng 1593 ni Fray Juan Portocarrero de Plasencia na isang paring Español. Nagamit din sa kasulatang ito ang Baybayin bukod sa titik ng Latin.[3]

Kapansin-pansin na bagama't masasabing may kalumaan ang uri ng pananagalog ni Tomás Pinpin ay may hawig pa rin ito sa kasalukuyang uri ng Tagalog na sinasalita sa Bataan.

 
Ang natitira ngayon sa unang simbahan ng Pila sa Victoria, Laguna. Narito noon ang gusali kung saan pinasimulaan ng mga paring Franciscano ang limbagan na ipinamahala kay Tomas Pinpin.
 
Ang kasalukuyang simbahan ng Pila, Laguna

Sa taóng 1612 ipinamahala kay Tomas Pinpin ang isang limbagan na pag-aari ng mga paring Franciscano sa Pila, Laguna. Dito, siya ang nagsalimbagan ng kasulatang Vocabulario de la lengua tagala ("talasalitaan ng wikang Tagalog"), ni Fray Pedro de San Buenaventura, at ito ang naging pinakaunang nailimbag na talasalitaan ukol sa isang wika sa Pilipinas. Sinasabi rin na sa pagitan ng mga taóng 1623 at 1627 ay maaaring dinala niya ang kanyang gawaing ito sa Binondo, Maynila.

Sa taóng 1683, inilimbag at inilathala ni Tomas Pinpin ang itinuturing na kauna-unahang pahayagang papel sa kapuluan, ang "Sucesos Felices" na binubuo ng 14 na pagina at nag-ulat tungkol sa mga kawagian ng hukbong Español.

Tinatayang sa kabuuan ng kanyang katungkulan mula 1609 hanggang 1639 ay nakapaglimbag si Pinpin ng hindi kukulang sa labing-apat na magkakaibang lathalain.

Mga nalalabing taon

baguhin

Dahil napag-alaman na may isang kasulatang nailimbag noong 1648 na nagtataglay ng tanda na "Inilimbag sa Tanggapan ni Tomas Pin-pin", winawaring malamang ay nakapagtayo si Pinpin ng isang palimbagan kasama ng kanyang anak na si Simon na siyang tinuruan niya ng paglilimbag at nababanggit ang pangalan sa ilang kasulatan mula sa lathalaang Jesuita.

Pagkamatay

baguhin

Wala nang iba pang naitala tungkol kay Tomas Pinpin pagkatapos ng 1648, kaya't walang nakaaalam ng ganap na araw ng kanyang pagkamatay at kung saan ito nangyari.

Mga nailimbag na kasulatan

baguhin

Ang mga nasa talaang ito ay iilan lamang sa mga naisalimbagan ni Tomas Pinpin.

  • [1610] Arte y reglas de lengua tagala ("Karunungan at mga alituntunin ng wikang Tagalog") ni Padre Blancas.
  • [1610] Librong pag-aaralan ng mga Tagalog ng wikang Kastila, sariling katha.
  • [1613] Vocabulario de la lengua tagala ("Talasalitaan ng wikang Tagalog") ni Pedro de San Buenaventura.
  • [1625] Relacion de martirio del venerable padre fray Pedro Vázquez ("Salaysay ng pagsaksi ng kagalang-galang na tatay na kapatid na Pedro Vázquez") ni Francisco Carrero.
  • [1626] Triunfo ("Pagdiriwang") ni Carreras.
  • [1627] Arte de la lengua ilocana ("Karunungan sa wikang Iluko") ni Lopez.
  • [1630] Vocabulario de Japon ("Talasalitaan ng Hapon").
  • [1636] Confesionario ("Silid ng pag-amin") ni Herreras.
  • [1637] Sucesos felices ("Manigong mga kaganapan"), isang pahayagan.
  • Relacion de la vida y martirio del jesuita padre Mastrillo ("Salaysay ng buhay at pagsaksi ng Heswitang tatay Mastrillo").

Sanggunian

baguhin
  1. Quirino, Carlos The First Philippine Imprints. Journal of History 8 (Mga Unang Limbagan sa Pilipinas. Ika-8 Talaan ng Kasaysayan) (Septiembre 1960)
  2. http://ugnay.blogspot.com/2009/12/librong-pagaaralan-nang-manga-tagalog.html Librong pagaaralan nang mga Tagalog nang uicang Castilla
  3. Lessing J. Rosenwald (1593). "Lessing J. Rosenwald Collection". Library of Congress. World Digital Library. Nakuha noong 2010-11-28.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)