Usapang kapayapaan sa Mindanao 2006

Ang usapang pangkapayapaan para sa Mindanao ay ang negosasyon sa pagitan ng pamahalaan ng Pilipinas at ang Moro Islamic Liberation Front na gustong tumiwalag sa Republika ng Pilipinas. Naantala ang usapan ng ilang buwan dahil sa pagkakaiba ng posisyon hinggil sa mga lupa na gustong isama ng MILF sa Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Muling inumpisahan ang usapan noong Setyembre 5 sa Kuala Lumpur, Malaysia, ngunit pagkatapos ng tatlong araw ng paguusap, hindi pa rin nagkasundo ang dalawang panig. Gusto ng MILF na magdagdag ng 1,000 bayan sa teritoryo ng ARMM dahil, ayon sa kanila, mga Muslim ang karamihan ng mga residente sa mga bayang iyon. Sumang-ayon ang pamahalaan na meron ngang mga bayan na dapat isama sa ARMM ngunit iginiit nito na 613 na bayan lamang ang dapat isama.

Noong Setyembre 8, inanunsyo ng parehong panig na hindi natapos ang kanilang usapan ngunit nagkasundo sila na magsagawa ng isang survey upang tiyakin kung Muslim nga ang karamihan ng mga residente sa mga bayan na gustong idagdag sa teritoryong Moro.

Kasaysayan

baguhin

Ang usapang pangkapayapaan sa Mindanao ay nagumpisa noong 1976 nang ipahiwatig ng Moro National Liberation Front, sa pamumuno ni Nur Misuari, na handa silang makipagusap sa pamahalaan upang tapusin ang kanilang kilusan upang tumiwalag sa Pilipinas at magtayo ng sarili nilang bansa sa Mindanao. Ang kilusan ay nagumpisa noong 1968 pagkatapos ng Jabidah Massacre. Noong 1976, linagdaan ng pamahalaan ang Tripoli Agreement kung saan nangako ito na magpapatupad ng isang malayang rehiyon para sa mga Muslim sa Mindanao.

Noong 1981, itinatag ni Hashim Salamat ang MILF dahil gusto nilang ipagpilitan ang kasarinlang Moro.

Noong Enero 1987, pumayag ang MNLF na magtayo ng isang malayang rehiyon sa ilalim ng Pilipinas. Pumirma ang MNLF sa isang kasunduang pangkapayan noong 1996. Ayaw tanggapin ng MILF ang kasunduan at tinuloy nila ang himagsikan at sumapi sa kanila ang ilang pinuno ng MNLF na ayaw tumanggap ng malayang rehiyon.

Noong Hulyo 1997, pumirma ang MILF sa isang kasunduan na nagdedeklara ng tigil-putukan. Ngunit nasira ang ang kasunduang ito noong 2000 sa utos ni Pangulong Joseph Estrada. Tumawag ng jihad ang MILF, ngunit huminahon din ito nang mapagbintangan sila na kasama sila ng mga teroristang grupo na Abu Sayyaf at al Qaeda.