Hephaistos

(Idinirekta mula sa Vulcano)

Sa mitolohiyang Griyego, si Hefesto, Hephaistos, o Hephaestus[1] ang diyos ng apoy at ng masining na mga gawaing pambakal o pangmetal. May dalawang pangunahing mga mito kung saan siya nagmula. Sa isa, siya ang anak na lalaki nina Zeus at Hera. Sa ikalawa, siya ang anak na lalaking nanggaling kay Hera, kahit na walang katalik na lalaki. Hindi katulad ng ibang mga diyos, ipinanganak siyang mahina at may kapangitan. Asawa niya si Aprodita na diyos ng kagandahan, ngunit hindi matapat kay Hephaistos si Aprodita. Sa mitolohiyang Romano, kilala siya bilang si Vulcan (Bulkan)[2] o Mulciber (Mulsiber, ang "tagatunaw" o "manununaw"). Sa mitolohiyang Etruskano, kilala siya bilang si Sethlans.

Si Hephaistos.

Bagaman may mga katangiang hindi katulad ng sa ibang mga diyos, gumaganap siya bilang panday at maninistis o siruhano ng mga diyos at diyosa, maging para sa tao. Siya ang lumikha ng baluti na isinuot ni Achilles para sa pakikipaglaban laban sa Troya. Siya ang gumawa ng setro o baston ni Zeus, maging ng piruya ni Poseidon. Siya ang nag-opera o gumanap na maninistis noong hatiin at buksan niya ang ulo ni Zeus upang maipanganak si Athena. Isa siyang diyos na maraming kasanayan sa maraming mga bagay-bagay.[2]

Si Hephaistos rin ang isa mga lumikha ng lahi o lipi ng mga babaeng tao, alinsunod sa utos ni Zeus. Si Hephaistos ang humubog kay Pandora mula sa putik. May iba pang mga diyos at diyosang tumulong sa paglikha, pagdaramit, pagpapalamuti, at pagbibigay ng buhay kay Pandora, ang unang babaeng tao.[1]

Mga sanggunian

baguhin
  1. 1.0 1.1 "Hephaestus, Vulcan, Blacksmith of the Gods". The New Book of Knowledge (Ang Bagong Aklat ng Kaalaman), Grolier Incorporated. 1977.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link), pahina 358.
  2. 2.0 2.1 Kleiner, Fred S. at Christin J. Mamiya (2005). "Hephaistos, Vulcan". Gardner's Art Through the Ages, ika-12 edisyon. Wadsworth/Thomson Learning, Kaliporniya, ISBN 0155050907.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link), pahina 107.