Si Zoran Ðinđić (Зоран Ђинђић sa Siriliko; 1 Agosto 1952–12 Marso 2003) ay isang pilosopo at politiko na nanungkulan bilang Punong Ministro ng Serbiya.

Zoran Ðinđić
Kapanganakan1 Agosto 1952
  • (Šamac Municipality, Republika Srpska, Bosnia at Herzegovina)
Kamatayan12 Marso 2003
MamamayanSerbia at Montenegro
NagtaposUnibersidad ng Konstanz
Trabahopolitiko, pilosopo, pedagogo, manunulat
Pirma

Ipinanganak si Ðinđić sa Bosanski Šamac, isang bayan sa Ilog Sava sa hilagang bahagi ng ngayong Bosnia at Herzegovina. Nagkainteres siya sa politika habang siya ay nag-aaral sa Pamantasan ng Belgrade.

Bilang isang sosyalistang repormista, nakulong si Ðinđić ng mga ilang buwan dahil sa kaniyang intensiyon, kasama ng mga ilan pang estudyante mula sa Croatia at Eslobenya, na magtatag ng isang 'di-komunistang organisasyon ng mga mag-aaral. Nang ipinalaya siya mula sa bilangguan, ipinagpatuloy niya ang kaniyang pag-aaral sa Frankfurt, Alemanya, sa ilalim ng pilosopong si Jürgen Habermas. Taong 1979 nang matanggap niya ang kaniyang doktorado ng pilosopiya (Ph.D.) sa pilosopiya mula sa Pamantasan ng Constanza. Nakakapagsalita siya ng Aleman at Inggles.

Bumalik si Ðinđić sa Yugoslabya noong 1989 para kunin ang isang pwesto ng propesor sa Pamantasan ng Novi Sad at, kasama ng iba pang disidenteng Serbiyo, itinatag niya ang Partido Demokratiko. Naging pinuno si Ðinđić ng lupong tagapagpaganap ng partido noong 1990 at nahalal din siya sa Parlamento ng Serbia noong taong iyon. Nang bumigay ang koalisyong Zajedno ("Sama-Sama"), kung saan nakasama niya sina Vuk Drašković at Vesna Pešić, nagparehistro si Ðinđić bilang isang malayang politiko. Pagkaraan ng mga sunod-sunod na protesta nang dahil sa dinayang eleksiyon, naging alkalde ng Belgrade naman si Ðinđić, ang unang di-komunistang nahalal sa posisyong iyon mula noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, sa taong 1996.

Nang bombahin ng NATO ang Serbiya, nag-eksilyo si Ðinđić patungong Montenegro para sa kaniyang kaligtasan dahil sa impormasyong ipinagkaloob sa kaniya na una siya sa tala ng mga ipinapapatay ni Pangulong Slobodan Milošević. Hindi rin nagtagal at nagtungo na rin siya sa mga bansang Kanluranin, kung saan niya dinalaw sina Gerhard Schröder at Bill Clinton. Sa Yugoslabya, ginamit ni Milošević ang mga retrato ng pagkakamay ni Ðinđić kay Clinton bilang propaganda na isang traydor si Ðinđić. Pagkabalik niya sa bansa ay lihim siyang nilitis. Binansagan siya ng magasing TIME sa pan-Septyembre 1999 na isyu nito bilang isa sa mga pinakamakabuluhang politiko ng ika-21 dantaon.

Malaki ang papel na ginampanan ni Ðinđić sa eleksiyong pampangulo ng Republikang Pederal ng Yugoslabya noong Setyembre 2000 at sa himagsikan noong 5 Oktubre na nagpabagsak sa rehimen ni Milošević. Isinulong niya rin ang malawakang koalisyon ng 18 na partido na Oposisyong Demokratiko ng Serbia sa malaking pagkapanalo nito sa eleksiyon sa Serbia noong Disyembre 2000. Naging punong ministro siya ng Serbia noong 25 Enero 2001. Susi ang kaniyang papel sa pagpapadala sa diktador na si Milošević sa Pandaigdigang Pang-krimeng Tribunal para sa Dating Yugoslabya (International Criminal Tribunal for the Former Yugoslavia) sa Gravenhage. Nadesilusyon gayunman si Ðinđić sa kabagalan ng paglilitis na kinondena niya rin bilang isang kamahal-mahal na “sirko”. Sinabi ni Ðinđić na pinapayagan ng Tribunal sa Gravenhage si Milošević na “kumilos bilang isang demagogo at kontrolin ang proseso.”

Malugod ang pagtanggap ng Kanluran kay Ðinđić. Ipinakita ng kaniyang mitings kina George W. Bush, Jacques Chirac, Tony Blair, at sa iba pa ang pagsoporta ng Kanluran sa kaniyang politiko ng integrasyon. Mayroon siyang mga di-pagkaunawang pagdating sa ideolohiya sa Pangulo ng Federasyon na si Vojislav Kostunica. Subalit, malapit siya sa Pangulo ng Montenegrong si Milo Đukanović.

Napaslang si Ðinđić noong 12 Marso 2003, 12:23 n.t., habang pababa sa pangunahing hagdan ng gusali ng pamahalaan ng Serbia. Kaagad siyang namatay nang matamaan ang kaniyang puso ng isang high-powered na bala. Labis din ang pagkasugat na natamo ng kaniyang tagapagbantay na si Milan Veruović dulot ng isa pang putok. Iniwan niya ang kaniyang asawa, si Ružica, at ang kanilang dalawang anak, sina Jovana at Luka.

Dinalaw ng daanlibong ordinaryong mamamayan at gayundin ng mga delegasyon ng mga dayuhan ang kayang solemneng prosesyon at funeral ng estado noong 15 Marso 2003. Nagrepresenta ang pagkamatay ni Ðinđić ng isang trahedyang politiko at moral sa milyon-milyong Serbo na nakakita sa kaniya ng isang estadistang makakaseguro ng mapayapang pakikipanirahan kasama ng kanilang mga karatig-bansa, kasaganaan at integrasyon sa Europa at sa buong mundo, pagbawi ng ekonomiya, at isang mas makinang na kinabukasan.

Kung inaakala ng isa sa Serbia na sa pag-aalis sa akin ay na maaaring mapigil ang batas at mga reporma, pwes, labis niyang niloloko ang kaniyang sarili. Tuloy lang ang pagkabuhay ng Serbia at tuloy lang din nitong susundan ang nakatakda nitong landas, kasama man ako o hindi, sapagkat hindi ako mismo ang Pamunuan.