Huldrych Zwingli

(Idinirekta mula sa Zwingli)

Si Huldrych Zwingli (1 Enero 1484 – 11 Oktubre 1531), kilala rin bilang Huldrychus Zwinglius sa pagbabaybay sa Latin, at binabaybay din ang unang pangalan bilang Huldreich[1], Ulrich, o Ulricht,[2] ay isang pinuno ng Repormasyon sa Suwisa. Ipinanganak si Zwingli sa Wildhaus,[1] Suwisa noong panahon ng bumabangong patriyotismong Suwisa at tumataas na kritisismo ng sistema ng mersenaryong Suwiso, nag-aral siya sa Pamantasan ng Vienna at sa Pamantasan ng Basel, isang pandalubhasang sentro ng humanismo. Ipinagpatuloy niya ang kanyang mga pag-aaral habang naglilingkod bilang isang pastor sa Glarus at pagdaka roon sa Einsiedeln, kung saan naimpluwensiyahan siya ng mga sulatin ni Erasmus.

Huldrych Zwingli
Si Huldrych Zwingli, ayon sa paglalarawan ni Hans Asper, na nasa isang larawang ipininta sa pamamagitan ng pangkulay na may langis noong 1531 (nasa Kunstmuseum Winterthur).
Ipinanganak1 Enero 1484(1484-01-01)
Wildhaus, Kanton ng St. Gallen, Konpederasyong Suwiso
Namatay11 Oktobre 1531(1531-10-11) (edad 47)
Kappel, Kanton of Zurich, Konpederasyong Suwiso
OkupasyonPastor, teologo

Noong 1518, si Zwingli ay naging pastor ng Grossmünster sa Zurich kung saan nagsimula siyang mangaral ng mga ideya hinggil sa pagrereporma ng Simbahang Katoliko. Sa una niyang publikong kontrobersiya noong 1522, binatikos niya ang kostumbre ng pag-aayuno sa panahon ng Kuwaresma. Sa kanyang mga lathalain, tinalakay niya ang katiwalian sa hirarkiyang eklesyastikal, itinaguyod niya ang pag-aasawa ng mga pari, inatake niya ang paggamit ng mga imahe sa mga pook ng pagsamba, at pinintasan din niya ang mga ritwal at pamumulitika ng Santo Papa.[1] Noong 1525, ipinakilala ni Zwingli ang isang bagong liturhiya ng komunyon upang palitan ang misa. Kabilang sa mga paniniwala ni Zwingli ang tunay na kapangyarihan ng mga Kasulatan, pati na ang kailangang pagpapasupil o pagpapasailalim ng administrasyon ng Simbahan sa kapangyarihan ng pamahalaan ng estado.[1] Nakipagbanggaan din si Zwingli sa mga Anabaptista, na nagresulta sa pag-uusig sa kanya. Napasailalim siya sa ekskomunikasyon ng Simbahang Katoliko Romano.[1]

Nagkaroon siya ng pagsuporta ng mga tao mula sa Zurich.[1] Lumaganap ang Repormasyon sa iba pang mga bahagi ng Konpederasyong Suwiso, subalit ilang mga kanton ang tumutol, na mas nagnanais na manatili bilang mga Katoliko. Bumubuo si Zwingli ng isang alyansa ng narepormang mga kanton na naghati sa Konpederasyon batay sa pananampalataya. Noong 1529, isang digmaan sa pagitan ng dalawang mga panig ang napigil sa huling mga sandali bago ito maganap. Samantala, nakarating kay Martin Luther at iba pang mga repormista ang mga ideya ni Zwingli. Nagpulong sila sa Marburg Colloquy at bagaman nagkasundo sila sa maraming mga punto na pangdoktrina, hindi sila makaabot ng pagsasang-ayunan ukol sa doktrina ng presensiya ni Kristo sa eukaristiya. Noong 1531, nilabanan ni Zwingli at ng kanyang mga tagasunod ang mga tauhan ng Santo Papa,[1] at naglapat ang kanyang alyansa ng isang hindi matagumpay na pagharang ng mga pagkain na papunta sa mga Katolikong kanton. Tumugon ang mga kanton sa pamamagitan ng isang paglusob habang si Zwingli ay nasa isang panahon ng hindi kahandaan. Napatay si Zwingli habang nasa labanan sa Kappel[1] sa gulang na 47. Ang kanyang pamana ay nabubuhay sa pagkukumpisal, liturhiya, at mga ordeng pangsimbahan sa pangkasalukuyang mga simbahang nireporma.

Mga sanggunian

baguhin
  1. 1.0 1.1 1.2 1.3 1.4 1.5 1.6 1.7 "Zwingli, Huldreich". The New Book of Knowledge (Ang Bagong Aklat ng Kaalaman), Grolier Incorporated. 1977.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link), sa titik Z, pahina 445
  2. Potter 1976, p. 1. Ayon kay Potter, "Huldrych" ang pagbabaybay na mas gusto ni Zwingli. Subalit, ginamit ni Potter ang "Ulrich", habang ginamit naman nina Gäbler, Stephens, at Furcha ang "Huldrych". Ang lagda ni Zwingli sa Marburg Colloquy ay ang isina-Latin na pangalang "Huldrychus Zwinglius" (Bainton 1995, p. 251). Para sa mas marami pa hinggil sa kanyang pangalan, tingnan ang Rother, Rea. "Huldrych - Ulrich" (sa wikang Aleman). Evangelisch-reformierte Landeskirche des Kantons Zürich. Inarkibo mula sa ang orihinal noong 2008-09-20. Nakuha noong 2008-03-03.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)