Aklat ng Pagmimisa sa Roma

Ang Aklat ng Pagmimisa sa Roma[1] o Misal Romano (Latin: Missale Romanum), ay ang aklat liturhikal na naglalaman ng teksto at panuto ukol sa pagdiriwang ng Misa sa Ritung Romano ng Simbahang Katolika.

2002 edisyon ng Missale Romanum

Kasaysayan

baguhin

Kalagayan bago ang Konsilyo ng Trento

baguhin

Bago ang Gitnang Panahon, maraming aklat ang ginagamit sa Misa: ang Sakramentaryo, na naglalaman ng mga pangunahing panalangin sa Misa at paggawad ng mga Sakramento; Epistolaryo o Leksyonaryo (Aklat ng Salita ng Diyos), na naglalaman ng mga pagbasa mula sa Bibliya; Antiponaryo, na naglalaman ng mga antipona at mga awit para sa Misa. Unit-unting nagkaroon ng mga manuskritong naglalaman ng mga bahagi ng higit sa isa ng mga naturang aklat. Tinukoy ang mga aklat na ito na Missale Plenum (sa Tagalog: Kumpletong Misal).

Noong 1223, inutusan ni Francisco ng Assisi ang kaniyang mga prayle na gamitin ang porma na ginagamit sa Sambahayan ng Papa (Tuntunin, kabanata 3). Higit pa nilang itinugon ang misal sa pangangailangan ng kanilang malaking lumilibot na apostolado. Isinaalang-alang ni Papa Gregorio IX, ngunit hindi ipinatupad sa buong Simbahang Kanluranin, ang ideya ng pagpapalaganap ng naturang misal na isinaayos ng mga Franciscano. Noong 1277, inatas ni Papa Nicolas III na ito'y gamitin ng lahat ng simbahan sa lungsod ng Roma. Lumaganap ang paggamit nito sa buong Europa, lalo na nang maimbento ang limbagan; ngunit ang mga namamatnugot ay gumagawa ng mga pagbabago ayon sa rehiyon. Nagamit din ang limbagan sa pagkalat ng mga tekstong liturhikal na may di-tiyak na ortodoksiya. Kinilala ng Konsilyo ng Trento na kailangang mawakasan na ang pagkalitong umiiral sa iba't-ibang Misal na ginagamit sa Sangkakristyanuhan.

Mula Konsilyo ng Trento hanggang Ikalawang Konsilyong Vaticano

baguhin
 
Missale Romanum, isang 1911 na paglimbag ng tipikal na 1884 na edisyon

Sa pagpapatupad ng kapasiyahan ng Konsilyo, ipinag-utos ni Papa Pio V sa Saligang Batas ng Papa Quo primum (Mula Pa Noong Una) noong 14 Hulyo 1570, ang edisyon ng Misal Romano na obligadong gamitin sa buong Simbahang Latin, liban sa mga lugar na may tradisyonal nang ritung liturhikal na mapatutunayang dalawang siglo nang ginagamit.

Dahil dito, may ilang ginawang pagwawasto sa teksto ni Papa Pio V, at pinalitan ito ni Papa Clemente VIII ng bagong tipikal na edisyon ng Misal Romano noong 7 Hulyo 1604. Sa kontekstong ito, ang salitang "tipikal" o "huwarang sipi" ay nangangahulugan na pagtalima rito ng lahat ng mga susunod na paglilimbag. Isa pang binagong tipikal na edisyon ang ipinroklama ni Papa Urbano VIII noong 2 Setyembre 1634.

Sa simula ng huling bahagi ng ika-17 siglo, nagkalat sa Pransiya at mga karatig lugar ang mga malayang misal na inilathala ng mga obispong naimpluwensiyahan ng Jansenismo at Galicanismo. Natigil ito nang sinimulan ni Obispo Pierre-Louis Parisis ng Langres at Abbot Guéranger noong ika-19 na siglo ang kampanyang manumbalik sa Misal Romano. Kinuha ni Papa Leo XIII ang pagkakataong ito upang magpalabas noong 1884 ng bagong tipikal na edisyon na batay sa mga pagbabago mula sa panahon ni Papa Urbano VIII. Nagsagawa rin ng rebisyon ng Misal Romano si Papa Pio X, na inilathala at idineklarang tipikal ng humalili sa kaniyang si Papa Benedicto XV noong 25 Hulyo 1920.

 
Dasalang Pranses noong 1905 na naglalaman ng mga hango mula sa Misal Romano at Brebyaryong Romano noong mga panahong iyon na may salin sa Pranses

Bagaman nagsagawa ng ilang rebisyon si Papa Pio X, tulad ng pagtatanggal at pagdadagdag sa teksto ng mga panalangin sa Misal Romano, may mga malalaking pagbabago sa mga alituntunin. Ang mga pagbabagong hindi ipinailalim sa seksiyong may pamagat na "Rubricae generales" o Pangkalahatang Panuto ay inihiwalay sa isang bahagi at may pamulaang "Additiones et variationes in rubricis Missalis" o Mga Karagdagan at iba pang Pagbabago sa Panuto ng Misa.

Kakaunti lamang ang binago ni Papa Pio XII, sa kalendaryo at Misa. Isa sa mga hindi niya binago ay ang Misa ng Hatinggabi sa Pasko ng Pasilang, na hindi dapat magsimula ang Misa nang higit sa isang oras bago ang bukáng-liwayway o isang oras makalipas ang tanghaling-tapat. Sa bahagi ng Misal na lubusang binago, inasahan niya ang ilan sa mga pagbabago'y makaaapekto sa lahat ng araw ng taon pagkatapos ng Ikalawang Konsilyong Vaticano. Kasama sa mga pagbabagong ito ang unang opisyal na introduksiyon ng paggamit ng katutubong wika sa liturhiya para sa Pagsasariwa ng mga Pangako sa Binyag sa loob panahon ng magdamagang pagdiriwang ng Pasko ng Pagkabuhay.[2][3]

Hindi nagpalabas ng bagong tipikal na edisyon ng Misal Romano si Papa Pio XII, ngunit binigyang kapangyarihan niya ang mga naglilimbag na palitan ang mga naunang tekstong hinggil sa Linggo ng Palaspas, Huwebes Santo, Biyernes Santo at Pagtatanod sa Pasko ng Pagkabuhay ng mga pagbabagong sinumulan niyang ipasok noong 1951 at inobliga ito sa lahat.[4] Tinanggal din ng Papa mula sa Pagtatanod ng Pentekostes ang serye ng anim na pagbasa mula sa Lumang Tipan kasama ang mga kaakibat nitong mga Trakto at Kolekta; ngunit patuloy na inilimbag hanggang sa 1962 ang naturang mga pagbasa.

Bilang tugon sa kahilingan ng maraming obispo, nagpasiya si Papa Pio XII na mapadadalî rin kung babawasan at gagawing payak ang mga panuto at alituntunin ng misal. Ang pagpapapayak na ito ay isinabatas sa isang dekreto ng Banal na Kongregasyon ng mga Ritu noong 23 Marso 1955.[5] Ang mga pagbabagong ginawa nito sa Pangkalahatang Kalendaryong Romano ay nakapahiwatig sa Pangkalahatang Kalendaryong Romano ni Papa Pio XII.

Nang sumunod na taon, 1956, habang nagsasagawa ng mga paghahandang pag-aaral para sa pangkalahatang repormang liturhikal, kinalap ni Papa Pio XII ang opinyon ng mga obispo patungkol sa pagpapabuti ng Breviarium Romanum . Matapos maukhaang tugon ng mga obispo, napagpasiyahan niya na oras na upang bigyang-pansin ang suliranin ng pangkalahatan at sistematikong rebisyon ng rubrika ng Breviario at Misal. Isinangguni niya ang katanungang ito sa isang espesyal na komiteng hinirang upang pag-aralan ang pangkalahatang repormang liturhikal.[6]

Nagpalabas ang sumunod sa kanyang si Papa Juan XXIII ng isang bagong tipikal na edisyon ng Misal Romano noong 1962. Ipinaloob dito ang nirebisang Kodigo ng mga Alituntunin sa Misa na ihinanda ng komisyon ni Papa Pio XII, at pinaobliga ni Papa Juan XXIII simula 1 Enero 1961. Sa Misal, pinalitan ng Kodigo ang dalawang dokumento sa edisyon ng 1920; at pinalitan ng motu propio na Rubricarum instructum ng Papa ang Konstitusyong Apostolikong Divino afflatu ni Papa Pio XII.

Ang ilan sa mga mahalagang rebisyon ay ang pagkaltas ng pang-uring "perfidis" sa Panalangin sa mga Hudyo tuwing Biyernes Santo at ang pagsingit ng pangalan ni San Jose sa Canon o Panalanging Eukaristiko ng Misa.

Rebisyon ng Misal kasunod ng Ikalawang Konsilyong Vaticano

baguhin
 
Misal Romano sa Esperanto (1995)

Noong 1965 at 1967, ilang pagbabago ang opisyal na ipinasok sa Misa ng Ritung Romano bunsod ng Sacrosanctum Concilium. Sa panahong ito, inilimbag ang isang rebisyon ng Misal ayon sa Konsilyo. Lumabas lamang ito sa mga pansamantalang salin sa katutubong wikang inilathala sa iba't ibang bansa kung saan sinimulan nang gamitin ang wika ng mga nananampalataya katuwang ang Latin. Dahil dito, kahit ang mga bansang magkakatulad ang wika ay gumamit ng iba't ibang salin at nagkakaiba sa dami ng mga katutubong salitang tinanggap.

Sa interim na edisyon ng Misal, tinanggal ang Awit 42, Huling Ebanghelyo ni San Juan, at pinayagan ang paggamit ng katutubong-wika sa Kanon ng Misa. Noong 1968, inilathala ang bagong mga Panalanging Eukaristiko at isinama sa Misal na ito kalakip ang mga pagbubunyi (Aming ipinahahayag).

Isang bagong edisyon ng Misal Romano ang ipinroklama ni Papa Pablo VI kasama ng konstitusyong apostolikong Missale Romanum[7] noong 3 Abril 1969. Ang kabuuang teksto ng nirebisang Misal ay hindi inilathala hanggang sumunod na taon, at ang buong salin sa mga katutubong wika ay lumabas na lamang ilang taon ang nakalipas, ngunit ang ilang bahagi ng Misal sa Latin ay nailabas na noon pa lang 1964 sa di-depenitibong porma at ang mga pansamantalang salin ay agaran din lumabas.

Sa kaniyang konstitusyon apostoliko, itinuon niya sa mga sumusunod na malaking pagbabagong kaniyang ginawa sa Misal Romano:

  • Sa nag-iisang Canon ng nakaraang edisyon (na may kaunting pagbabago, ay pinanatili bilang "Unang Panalanging Eukaristiko ng Ritung Romano"), nagdagdag siya ng tatlong maihahalili na magagamit na Panalanging Eukaristiko, at pinaunlad ang bilang ng mga Prepasyo sa Misa.
  • Ang mga ritu ng Balangkas ng Misa (sa Latin, Ordo Missae) — ang bahagi ng liturhiya na wala gaanong pagkakaiba — ay "pinapayak, habang maingat na pinanatili ang diwa nito". "Ang ilang bahagi o teksto, sa paglipas ng panahon, ay nagpauli-ulit, o dinagdag nang wala namang kapakinabangan" ay tinanggal, lalo na sa ritu ng pag-aalay ng tinapay at alak, ang paghahati ng Katawan ni Kristo, at pakikinabang.
  • 'Ang ilang elementong nagdusa dahil sa mga aksidente ng kasaysayan ay ngayo'y ibinalik sa naunang kinagisnan ng mga Ama ng Simbahan' (Sacrosanctum Concilium,[8] art. 50), halimbawa, ang homiliya (Sacrosanctum Concilium,[8] art. 52), ang 'panalangin ng bayan' (Sacrosanctum Concilium,[8] art. 53), at 'pagsisisi' sa simula ng Misa".[9]
  • Dinamihan din niya ang bahagdan ng Bibliya na binabasa sa Misa. Bago pa lalong bawasan ni Pio XII ang bahagdan, tanging isang porsiyento lamang ng Lumang Tipan at 16.5 porsiyento ng Bagong Tipan ang binabasa sa Misa. Sa rebisyon ni Papa Pablo, 13.5 porsiyento ng Lumang Tipan at 71.5 porsiyento ng Bagong Tipan ang babasahin.[10] Nagawa niya ito sa pamamagitan ng higit pang pagbasa sa Misa at pagkakaroon ng tatlong-taong siklo ng mga pagbasa tuwing Linggo at dalawang taon naman sa ibang araw ng linggo.

Dagdag pa sa mga pagbabagong ito, itinala rin ng Papa na malaki ang binago ng kaniyang rebisyon sa ibang bahagi ng Misal, aniya "Sa lahat ng mga pagbabagong ito, masusing pag-iingat ang ginawa sa mga dalangin: hindi lamang ito dinamihan, upang matugunan ng bagong teksto ang mga bagong pangangailangan, kung hindi ang teksto ito'y ibinalik sa testimonya ng karamihan sa mga sinaunang katibayan."

Ilan pang kamakailang pagbabago

baguhin

Isang bagong tipikal na edisyon, ang ikalawang may mangilan-ngilang pagbabago ang sumunod noong 1975. Noong 2000, inaprubahan ni Papa Juan Pablo II ang isa pang tipikal na edisyon na lumabas noong 2002 na may indikasyong Editio Typica Tertia (Ikatlong Huwarang Sipi). Dinagdag sa edisyong ito ang mga kapistahan, lalo ng mga bagong kanonisadong santo, dinagdagan pa nito ang mga paunang salita sa mga Panalanging Eukaristiko, at nagsama ng ilang pang Misa at panalangin para sa iba't ibang pangangailangan, at nirebisa at dinagdagan ang Pangkalahatang Panuto ng Misal Romano.[11]

Isang muling-limbag ng edisyon na ito (Editio Typica Tertia Emendata) ang ipinalabas sa ilalim ni Papa Benedicto XVI, itinama nito ang ilang maling-limbag at ilan pang kamalian (gaya ng pagsingit ng "unum" sa simula ng Kredo ng mga Apostol gaya ng sa Kredong Niceno). Isang supplement na naglalaman ng mga pagdiriwang, gaya ng kay San Pio ng Pietrelcina ang dinagdag sa Pangkalahatang Kalendaryong Romano matapos ang paunang limbag ng huwarang sipi ng 2002.

Tatlong pagbabago ang kinailangang personal na inaprubahan ni Papa Benedicto XVI:

  • Pagbabago ng pagkakasunod sa pagbanggit sa pangalan ng lokal na obispo at ng obispong nagdiriwang ng Misa sa labas ng kaniyang diyosesis
  • Pag-alis mula sa Misal na Latin ng mga Panalanging Eukaristiko sa mga Misang kasama ang mga bata (kung saan, sa ngayon, maaaring ipagpatuloy na isama sa mga Misal sa katutubong wika)
  • Pagdagdag ng tatlong alternatibo sa pangkaraniwang pagpapahayo sa pagtatapós ng Misa, Ite, missa est (Humayo kayo, tapos na ang misa):
    • Ite ad Evangelium Domini annuntiandum (Humayo kayo at ipahayag ang Mabuting Balita ng Panginoon)
    • Ite in pace, glorificando vita vestra Dominum (Humayo kayong mapayapa upang purihin ng inyong buhay ang Panginoon)
    • Ite in pace (Humayo kayong mapayapa) [12]

Patuloy na paggamit ng mga naunang edisyon

baguhin
 
Ang 1962 edisyon ng Misal Romano.

Sa kaniyang motu propio na Summorum Pontificum ng 7 Hulyo 2007, sinabi ni Papa Benedicto XVI na ang 1962 edisyon ng Misal Romano ay hindi naman lubusang pinawalang-bisa at ito'y maaaring gamitin ng malaya ng sino mang pari ng Ritung Latin tuwing magdiriwang ng Misa nang wala ang sambayanan. Iniatas din niya na ang paring nangangasiwa ng isang simbahan ay maaaring magbigay ng pahintulot upang gamitin ito sa mga parokyang may kaugnayan na sa sinaunang porma na ito ng Ritung Romano, sa kondisyon na ang paring gagamit nito ay "kuwalipikado at walang pagbabawal" (gaya ng suspensiyon). Sa gayon, maraming diyosesis ang nag-iiskedyul ng regular na pagdiriwang ng Misa na gumagamit ng 1962 edisyon, na kadalasang ginagamit ng mga pari ng tradisyonal na samahang ganap ang pakikiisa sa Banal na Sede gaya ng Priestly Fraternity of St. Peter (Kapatiran ng mga Kaparian ni San Pedro), Institute of Christ the King Sovereign Priest (Samahan ng mga Paring kaisa kay Kristong Hari, Dakilang Pari), Personal Apostolic Administration of Saint John Mary Vianney, at Canons Regular of Saint John Cantius.

Sa mga pangkat na kaalitan ng Banal na Sede, ginagamit ng Priestly Fraternity of St. Pius X ang 1962 Misal, at ang ilang sedevacantist gaya ng Congregation of Mary Immaculate Queen ay gumagamit ng mga naunang edisyon.

Mga sanggunian

baguhin
  1. "Mga Awitin Sa Panahon ng Apatnapung Araw at Pasko ng Pagkabuhay at Banal na Tatlong Araw" (PDF). Magsimba.com. Federation of Tagalog Diocesan Liturgical Commissions. Inarkibo mula sa orihinal (PDF) noong 2014-08-01. Nakuha noong Abril 3, 2015.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. Thomas A. Droleskey. "Presaging a Revolution". ChristorChaos.com. Nakuha noong 2011-11-27.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. Rev. Francesco Ricossa. "Liturgical Revolution". TraditionalMass.org. Nakuha noong 2011-11-27.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  4. Decree Maxima redemptionis nostrae mysteria Naka-arkibo 2011-03-12 sa Wayback Machine. (Acta Apostolicae Sedis 47 (1955) 838-847
  5. Kenney, Keith (2005-11-01). "Motu proprio". Sanctaliturgia.blogspot.com. Nakuha noong 2011-11-27.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  6. Kenney, Keith (2005-11-01). "Motu proprio, third paragraph". Sanctaliturgia.blogspot.com. Nakuha noong 2011-11-27.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  7. "Missale Romanum". Nakuha noong 3 Abril 2015.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  8. 8.0 8.1 8.2 Sacrosanctum Concilium. Hinango noon 2015-04-03.
  9. Missale Romanum. The internal references to Sacrosanctum Concilium are to the Constitution of the Second Vatican Council on the Sacred Liturgy.
  10. Felix Just, S.J. (2009-01-02). "Lectionary Statistics". Catholic-resources.org. Nakuha noong 2011-11-27.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  11. "Frequently Asked Questions". United States Conference of Catholic Bishops. Inarkibo mula sa orihinal noong 20 Disyembre 2011. Nakuha noong 12 Disyembre 2011.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  12. Ang buong paliwanag ng mga pagwawasto, pagdaragdag at pag-aayos ay makikita sa pahina 367–387 ng Hulyo–Agosto 2008 na isyu ng Notitiae, ang buletin ng Kongregasyon para Banal na Pagsamba at ng Disipulo ng mga Sakramento. Ang ilang di-detalyadong impormasyon ay matatagpuan sa interview Naka-arkibo 2012-07-21 at Archive.is ni Kardinal Francis Arinze.