Ang isang alay-ay [1] (Ingles: scarecrow, panakot-uwak [literal na salin]) ay isang uri ng kasangkapan na kahugis ng tao at nakaugaliang dinadamitan ng mga lumang damit. Isa itong tau-tauhan o manekin na ginagamit na panakot sa mga ibon, katulad ng mga uwak, na kumakain ng mga halamang aanihin.[2] Hindi lamang kinakain ng mga uwak ang bagong saboy na mga butil ng buto, nagtitipun-tipon din sila kung gabi, na nagsisimula lamang sa mga grupo na may bilang na labindalawa na nagkakaisa naman upang makabuo ng isang pangkat na may 20 hanggang 30 o higit pa hanggang sa ang lipon ay sadyang napakalaki na at maingay. Nakagawian na ng mga ibong ito ang magpabalik-balik sa isang pook tuwing gabi.

Hanay ng mga alay-ay sa isang palayan sa Hapon.

Kasaysayan

baguhin

Sa mitolohiya ng mga Hapones, na natipon sa akdang Kojiki noong 712, lumitaw ang isang alay-ay na nasa anyo ng isang diyos, si Kuebiko, isang nilalang na hindi makalakad, subalit maalam sa lahat ng mga bagay hinggil sa mundo.

Nagbibigay ng mungkahi ang pang-1881 na Household Cyclopedia of General Information (Pantahanang Siklopedya ng mga Impormasyong Panlahat):

Ang iba't ibang uri ng mga makinarya, tulad ng mga gilingang de-hangin, mga kalasing na pang-kabayo, at iba pa, na napapagalaw ng hangin, ay ginagamit na mga panakot sa mga uwak; subalit lumilipas din ang pangingilala at pangingilag ng mga ibon, kung kaya't nawawala na ang silbi ng mga alay-ay.

Ang pinakamainam na paraan sa pagpapalayas ng mga ibon mula sa taniman ng mga mais, batay sa karanasan, ay ang paggamit ng isa o iba pa mga alay-ay na palagiang sinasamahan ng musket (uri ng baril). Wala nang iba pang higit na nakapaghahasik ng takot sa mga matatalinong mga hayop na ito kung hindi ang pagkakatanaw ng isang pamaril ng ibon at ang pagsabog ng paputok na pulbos, na alam nilang kadalasang nakasasalanta sa kanilang lahi.

Ganoon na lang ang pagkatakot nila sa isang pamaril-ibon, na kung inilagak ang isa malapit sa isang dike o ibang mataas na lugar, matagal nitong mapipigilan ang pagdapo nila sa mga kalapit na mapagdadapuang pook. Ngunit, maraming mga tao ngayon ang naniniwala na ang mga uwak, tulad ng ibang mga ibon, ay mas nakapagbibigay ng biyaya sa halip na pananalanta dahil sa pagkain nila ng mga butil, sapagkat tinutugis ng mga ito ang mga kulisap at bulati, at iba pa.

— Henry Hartshorne, The Household Cyclopedia of General Information (Pantahanang Siklopedya ng mga Impormasyong Panlahat)[3]

Malaking suliraning salot ang mga uwak para sa mga harding pang-tagsibol. Guguluhin nila ang isang hanay sa pamamagitan ng paghila sa mga bagong sibol na mga mais para kainin ang mga natitirang mga punlang butil. Sa katimugang Appalachian, isang pangkaraniwang paraang panakot ng mga uwak ang paggamit ng isang patay na uwak na nakabitin mula sa isang haligi.

Hindi kadalasang kahugis ng tao ang mga makabagong alay-ay. Sa mga bukirin ng California, itinatali sa mga halaman ang lubhang makinang na mga laso na yari sa aluminyo, upang magsilbing mga pansilaw sa mga mata ng uwak, sa tulong ng sinag ng araw. Isa pang paraan ng pananakot ng mga ibon ang paggamit ng mga baril-barilang kusang-gumagalaw (baril na awtomatiko) kung may lumulusob na uwak, na gumagana kapag nakargahan ng gasolinang propano.

Iba pang katawagan para sa alay-ay

baguhin
 
Mga alay-ay sa isang taniman sa Korea.

Sa United Kingdom, kung saan ang paggamit ng mga alay-ay bilang pananggalang ng mga pananim ay noon pang mga isinaunang panahon at kung saan marami ring mga diyalekto, tinatawag din ang alay-ay ng mga sumusunod na pangalan: mommet (Somerset), murmet (Devon), hodmedod (Berkshire), tattie bogle[4](Scotland), at Bwbach (Wales). Sa Pilipinas, tinatawag din itong balyan[5] patakot[1], tau-tauhan[1], tau-tao, tawo-tawo, kalang-kalang, espantaho[1] (mula sa Kastila: espantapájaros, panakot-ibon), at panakot; kung kaya't tinatawag din itong panakot-ibon.

Mga sanggunian

baguhin

Mga talababa

baguhin
  1. 1.0 1.1 1.2 1.3 English, Leo James (1977). "Alay-ay". Tagalog-English Dictionary (sa wikang Ingles). Congregation of the Most Holy Redeemer. ISBN 9710810731.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. Lesley Brown (patnugot). (2007). "Shorter Oxford English Dictionary on Historical Principles" (Mas-maikling Disyunaryong Oxford tungkol sa mga Prinsipyong Pangkasaysayan). Ika-6 na labas. Oxford: Palimbagan ng Pamantasan ng Oxford. ISBN 978-0-19-923324-3.
  3. Hartshorne, Henry. (1881). "The Household Cyclopedia of General Information" (Pantahanang Siklopedya ng mga Impormasyong Panlahat), nasa wikang Ingles, New York: Thomas Kelly.
  4. Warrack, Alexander (1982). "Chambers Scots Dictionary" (Diksyunaryong Chambers Scots). Chambers. ISBN 0-550-11801-2.
  5. Almario, Virgilio, pat. (2010). UP Diksiyonaryong Filipino (sa wikang Filipino) (ika-2 (na) edisyon). Lungsod Quezon: University of the Philippines Press.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)

Iba pang sanggunian

baguhin

Mga talaugnayang panlabas

baguhin