Bata, Bata...Pa'no Ka Ginawa?

Ang Bata, Bata… Pa’no Ka Ginawa? ay isang nobela na isinulat ng batikang babaeng manunulat na si Lualhati Bautista. Hinggil ito sa ginaganapang papel ng babae, katulad ng may-akdang si L. Bautista, sa lipunan ng mga Pilipino na dating pinaiinog lamang ng mga kalalakihan.[1]

Bata, Bata… Pa’no Ka Ginawa?
May-akdaLualhati Bautista
BansaPilipinas
WikaTagalog
DyanraKathang-isip
TagapaglathalaCarmelo & Bauermann (orhinal, Estados Unidos)
Cacho Publishing House (Pilipinas)
Petsa ng paglathala
1988
Mga pahina239
ISBNISBN 971-19-0097-1

Sa mga nakalipas na panahon, sunud-sunuran lamang ang mga kababaihan sa Pilipinas sa kanilang mga asawang lalaki at iba pang mga kalalakihan. Gumaganap lamang ang mga babae bilang ina na gumagawa lamang ng mga gawaing pambahay, tagapag-alaga ng mga bata, at tagapangalaga ng mga pangangailangan ng kanilang mga esposo. Wala silang kinalaman, at hindi nararapat na makialam – ayon sa nakalipas na kaugalian – hinggil sa mga paksa at usaping panghanap-buhay at larangan ng politika. Subalit nagbago ang gawi at anyo ng katauhan ng mga kababaihan sa lipunang kanilang ginagalawan, sapagkat nagbabago rin ang lipunan. Nabuksan ang mga pintuan ng tanggapan para sa mga babaeng manggagawa, nagkaroon ng lugar sa pakikibaka para mapakinggan ang kanilang mga daing hinggil sa kanilang mga karapatan, na buhay ang kanilang isipan, na may tinig sila sa loob at labas man ng tahanan.[1]

Ito ang paksang tinatalakay at inilalahad sa nobelang ito na may 32 kabanata. Sinasalaysay ng katha ang buhay ni Lea, isang nagtatrabahong ina, may dalawang anak – isang batang babae at isang batang lalaki – kung kaya’t makikita rito ang paglalarawan ng pananaw ng lipunan tungkol sa kababaihan, pagiging ina, at ang kung paano ganapin ng ina ang kaniyang pagiging magulang sa makabagong panahon.[1]

Naging pelikula rin ang mahabang salaysaying ito, na ginanapan ni Vilma Santos, bilang Lea, noong 1998. Pinangasiwaan ng direktor na si Chito S. Roño ang pagsasapelikula ng nobela.[1][2]

Mga pangunahing tauhan

baguhin
  • Lea – ang bida at bayani sa nobela
  • Maya – anak na babae ni Lea
  • Ojie – anak na lalaki ni Lea
  • Ding – lalaking kinakasama ni Lea, ama ni Maya
  • Raffy – unang asawa ni Lea, ama ni Ojie
  • Johnny – kaopisina at matalik na kaibigan
  • Elinor - pangalawang asawa ni Raff

.

Balangkas

baguhin

Umiinog ang katha sa pambungad na pagtatapos ng kaniyang anak na babaeng si Maya mula sa kindergarten. Nagkaroon ng palatuntunan at pagdiriwang. Sa simula, maayos ang takbo ng buhay ni Lea – ang buhay niya na may kaugnayan sa kaniyang mga anak, sa mga kaibigan niyang mga lalaki, at sa kaniyang pakikipagtulungan sa isang samahan na pangkarapatang-pantao. Subalit lumalaki na ang mga anak niya – at nakikita niya ang mga pagbabago sa mga ito. Naroon na ang mga hakbang sa pagbabago ng mga pag-uugali ng mga ito: si Maya sa pagiging paslit na may kuryosidad, samantlang si Ojie sa pagtawid nito patungo sa pagiging isang ganap na lalaki.

Dumating ang tagpuan kung kailan nagbalik ang dating asawa ni Lea upang kunin at dalhin sana si Ojie sa Estados Unidos. Naroon ang takot niyang baka kapwa kuhanin ng kani-kanilang ama ang kanyang dalawang anak. Kailangan niya ring gumugol ng panahon para sa trabaho at sa samahang tinutulungan niya.

Sa bandang huli, nagpasya ang mga anak niyang piliin siya – isang pagpapasyang hindi niya iginiit sa mga ito. Isa ring pagtatapos ng mga mag-aaral ang laman ng huling kabanata, kung saan panauhing pandangal si Lea. Nagbigay siya ng talumpati na ang paksa ay kung paano umiiral ang buhay, at kung paano sadyang kay bilis ng panahon, na kasingbilis ng paglaki, pagbabago, at pagunlad ng mga tao. Nag-iwan siya ng mensahe na hindi wakas ang pagtatapos mula sa paaralan sapagkat iyon ay simula pa lamang ng mga darating pang mga bagay sa buhay ng isang tao.

Pagsasalinwika

baguhin

Ang mga sipi mula sa mga nobelang ito ni Lualhati Bautista ay napabilang sa antolohiyang Tulikärpänen, isang aklat ng mga maiikling kuwento na isinulat ng mga kababaihang Pilipino na inilimbag sa Finland ng The Finnish-Philippine Society (Ang Samahang Pinlandes-Pilipino, o FPS), isang hindi-pampamahalaang organisasyon na itinatag noong 1988. Pinatnugutan at isinalin ni Riitta Vartti, at iba pa, ang Tulikärpänen. Sa Firefly: Writings by Various Authors (Alitaptap: Mga Sulatin ng Iba't Ibang May-akda), ang bersiyong Ingles ng kalipunang Pinlandes, ang sipi mula sa Bata, Bata, Pa'no Ka Ginawa? ay pinamagatang Children's Party (Handaang Pambata).[3][4][5]

Mga sanggunian

baguhin
baguhin
  • Mga anyo ng pabalat para sa mga nobela ni Lualhati Bautista sa LibraryThing.com
  • Bata, Bata...Pa'no Ka Ginawa? sa IMDb
  • Hernando, Mario A. (Hulyo 27, 2011). "25 Most Memorable Films". The Philippine Star. Nakuha noong Hulyo 28, 2011.{{cite news}}: CS1 maint: date auto-translated (link)[patay na link]