Ang dalag [1] (Ingles: mudfish[1] o snakehead) ay isang uri ng isdang-tabang[1] na kinikilala dahil sa masarap na lasa ng laman nito na nahahawig sa laman ng lapu-lapu at dalagang-bukid. Mapuputi ang laman nito at itinuturing na isa sa pinakamahal at pinakamasarap na isdang-tabang sa Pilipinas, bagama't may mga ibang rehiyon din sa Pilipinas (gaya ng Kabikulan at Bisayas) na hindi gaano kumakain nito, sa kadahilanang ang ulo nito ay mukhang sawa ang hitsura.[kailangan ng sanggunian] Ang dalag ay isa ring popular na game fish sa ibang bansa dahil sa ito ay malalakas na mga isda.[kailangan ng sanggunian]

Dalag
Ang isdang dalag
Klasipikasyong pang-agham
Kaharian:
Kalapian:
Hati:
Orden:
Pamilya:
Sari:
Neochanna

Günther, 1867

Paglalarawan

baguhin

Katangian

baguhin

Ang dalag ay isang isdang karniboro o kumakain ng karne o laman ng kapwa isda at mga hipon, maging mga palaka, insekto, linta, at bulate. Pati daga ay kasama sa diyeta ng isang dalag. Ito ang dahilan kung bakit gustung-gusto nila sa magugubat at mabababaw na parte ng tubig dahil dito sila nakakahanap ng kanilang pagkain. Ang dalag ay may kakayahang matulog na pansamantala (hibernate) sa putikang may bahagya lamang na antas ng tubig. Kaya din nilang gumapang sa katihan at kayang mabuhay ng ilang araw kahit walang tubig sa lupa. Madalas ding mamahay ang mga dalag sa mga pilapil, kanal at estero. Kinakatakutan ng mga mangingisda ang mga dalag kapag ito ay may mga inakay (mga fingerling) sapagkat nangangagat ang inahing dalag, na mayroong mga matatalas na mga ngipin at kayang sugatan ang mga hayop at mga tao. Sa ngayon, sinasabing ang dalag ay kasama na sa mga nanganganib na mga isda sa Pilipinas, dahil sa walang tigil ang panghuhuli nito na karaniwang ginagamit ng paraang pangunguryente.[kailangan ng sanggunian] Ang iba namang tao ay kusang pinapatay ang dalag lalo na yung mga nahuhuli sa loob ng palaisdaan, sapagkat itinuturing nila itong salot, na nanginginain ng mga maliliit na itlog, semilya at inakay ng iba pang isda.

Sukat at uri

baguhin

Lumalaki ang dalag na umaabot ang timbang hangang sa tatlong kilo, bagamat may mga nagsasabi na may nahuhuling dalag na may bigat na limang kilo. Ang tawag sa maliit na dalag ay bakuli. Sa lawa ng Laguna, may tatlong uri ng dalag: ang maitim na dalag, ang malakape, at ang albino (mapuputing lahi ng dalag). Magaganda ang kulay ng inakay ng dalag dahil ang kulay nila ay pula o mala-dalandan. Ayon sa mga magsasaka at mangingisda, mababagsik ang mga malalaki at maiitim na dalag, samantalang ang mapuputing dalag o kulay kape ay sinasabing mga mahihinang uri.

Paraan ng paghuli

baguhin

Madaling hulihin ang dalag. Sa pamamagitan ng bingwit, biwas, kitang o karyoka (mga panghuling gumagamit ng kawil o sima) na pinapainan ng kulisap, bulati o palaka. Agad na sinasakmal nila ang mga pain. Madaling madala ang mga matatalinong dalag kapag nahuli at nagawang makawala sa bitag, hindi na sila muling pahuhuli. Maaari din silang hulihin sa pamamagitan ng lambat o pante, subalit mayroong gumagamit ng 12 boltaheng baterya ng kotse upang kuryentihin ang mga ito. Ang huling pamamaraan ay ipinagbabawal ng batas sapagkat nakamamatay rin ang pangunguryente ng mga itlog at maliliit na dalag.

Pagluluto

baguhin

Mga luto na pwedeng gawin sa dalag:

  1. Sinalab o inihaw na dalag - niluluto sa uling na may kamatis at sibuyas sa tiyan
  2. Apritadang dalag - niluluto ng may tomato sauce, patatas at siling-pari
  3. Pritong dalag - na may sawsawang suka at bawang
  4. Pesa o nilaga - hinahaluan ng repolyo, petsay at luya, na ang sawsawan ay ginisang miso, o kalamansi at patis
  5. Ginataang dalag - pinakuluan sa gata ng niyog, suka at paminta
  6. Adobong dalag - ibinababad sa suka, toyo at paminta, saka patutuyuan sa mahinang apoy
  7. Kaswelang dalag - iginigisa at may halong kamyas at kasugba
  8. Sinigang na dalag - sinigang sa sampalok o kalamansi
  9. Sinampalukang dalag - kapareho ng sinigang subalit bulaklak ng sampalok ang pampaasim na ginagamit
  10. Relyenong dalag - inihaw na dalag na may sari-saring gulay o halong karneng sa loob ng tiyan
  11. Tamis-asim na dalag (sweet and sour) - hinihimay ang laman ng dalag, na binibilog sa harina at itlog, at saka piniprito, at ang sawsawan ay sarsang maanghang

Mga talabanggitan

baguhin

Mga talababa

baguhin
  1. 1.0 1.1 1.2 Lacquian, Eleanor at Irene Sobreviñas (1977). "Dalag". Filipino Cooking Here & Abroad (Lutuing Pilipino Dito at sa Labas ng Bansa).{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)

Mga sanggunian

baguhin