El filibusterismo
Ang nobelang El filibusterismo (literal na "Ang Pilibusterismo") o Ang Paghahari ng Kasakiman[1] ay ang pangalawang nobelang isinulat ng pambansang bayani ng Pilipinas na si José Rizal, na kaniyang buong pusong inialay sa tatlong paring martir na lalong kilala sa bansag na Gomburza o Gomez, Burgos, at Zamora.[2] Ito ang karugtong o sikwel sa Noli Me Tangere at tulad sa Noli, nagdanas si Rizal ng hírap habang sinusulat ito at,[3] tulad din nito, nakasulat ito sa Kastila. Sinimulan niya ang akda noong Oktubre ng 1887 habang nagpapraktis ng medisina sa Calamba.
May-akda | Jose Rizal |
---|---|
Bansa | Pilipinas |
Wika | Kastila (orihinal) |
Dyanra | Nobela |
Tagapaglathala | F. Meyer van Loo Press ni Ghent |
Petsa ng paglathala | 1891 |
ISBN | ---- |
Sumunod sa | Noli Me Tangere |
Sinundan ng | Makamisa |
Sa Londres, noong 1888, gumawa siya ng maraming pagbabago sa banghay at pinagbuti niya ang ilang mga kabanata. Ipinagpatuloy ni Rizal ang pagtatrabaho sa kaniyang manuskrito habang naninirahan sa Paris, Madrid, at Bruselas, at nakompleto niya ito noong 29 Marso 1891, sa Biarritz. Inilathala ito sa taon ding iyon sa Gante. Isang nagngangalang Valentin Ventura na isa niyang kaibigan ang nagpahiram ng pera sa kanya upang maipalimbag at mailathala ng maayos ang aklat noong 22 Setyembre 1891.[kailangan ng sanggunian]
Ang nasabing nobela ay pampolitika na nagpapadama, nagpapahiwatig at nagpapagising pang lalo sa maalab na hangaring makapagtamo ng tunay na kalayaan at karapatan ng bayan.[kailangan ng sanggunian]
Mga tauhan
Ito ang mga tauhan sa El filibusterismo ni Jose Rizal.[4]
- Simoun - ang mayamang mag-aalahas, na nakasalaming may kulay, na umano'y tagapayo ng Kapitan Heneral ngunit siya ay si Juan Crisostomo Ibarra na nagbalik upang maghiganti sa kanyang mga kaaway.
- Isagani - ang makatang kasintahan ni Paulita, pamangkin ni Padre Florentino.
- Basilio - ang mag-aarál ng medisina at kasintahan ni Juli.
- Kabesang Tales - ang naghahangad ng karapatan sa pagmamay-ari ng lupang sinasaka na inaangkin ng mga prayle.
- Tandang Selo - ama ni Kabesang Tales na nabaril ng kaniyang sariling apo.
- Senyor Pasta - Ang tagapayo ng mga prayle sa mga suliraning legal.
- Ben Zayb - ang mamamahayag sa pahayagan na si Ibañez.
- Placido Penitente - ang mag-aaral na nawalan ng ganang mag-aral sanhi ng suliraning pampaaralan.
Mga Nobela ni Jose Rizal |
---|
- Padre Camorra - ang mukhang artilyerong pari.
- Padre Fernandez - ang paring Dominikong may malayang paninindigan.
- Padre Salvi - ang paring Franciscanong dating kura ng bayan ng San Diego.
- Padre Florentino - ang amain ni Isagani
- Don Custodio - ang kilalá sa tawag na Buena Tinta
- Padre Irene - ang kaanib ng mga kabataan sa pagtatatag ng Akademya ng Wikang Kastila
- Juanito Pelaez - ang mag-aarál na kinagigiliwan ng mga propesor; nabibilang sa kilalang angkang may dugóng Kastila
- Macaraig/Makaraig - ang mayamang mag-aaral na masigasig na nakikipaglaban para sa pagtatatag ng Akademya ng Wikang Kastila ngunit biglang nawala sa oras ng kagipitan.
- Sandoval - ang kawaning Kastila na sang-ayon o panig sa ipinaglalaban ng mga mag-aaral
- Donya Victorina - ang mapagpanggap na isang Europea ngunit isa namang Pilipina; tiyahin ni Paulita.
- Paulita Gomez - kasintahan ni Isagani ngunit nagpakasal kay Juanito Pelaez.
- Quiroga - isang mangangalakal na Intsik na nais magkaroon ng konsulado sa Pilipinas.
- Juli - anak ni Kabesang Tales at katipan ni Basilio.
- Hermana Bali - naghimok kay Juli upang humingi ng tulong kay Padre Camorra.
- Hermana Penchang - ang mayaman at madasaling babae na pinaglilingkuran ni Juli.
- Ginoong Leeds - ang misteryosong Amerikanong nagtatanghal sa perya.
- Imuthis - ang mahiwagang ulo sa palabas ni Ginoong Leeds
- Pepay - ang mananayaw na sinasabing matalik na kaibígan daw ni Don Custodio.
- Camaroncocido - isang espanyol na ikinahihiya ng kanyang mga kalahi dahil sa kanyang panlabas na anyo.
- Tiyo Kiko - matalik na kaibígan ni Camaroncocido.
- Gertrude - mang-aawit sa palabas.
- Paciano Gomez - kapatid ni Paulita.
- Don Tiburcio - asawa ni Donya Victorina.
Buod
Nagsimula ito sa isang paglalakbay ng bapor sa pagitan ng Maynila at Laguna. Kabilang sa mga pasahero ang mag-aalahas na si Simoun, si Isagani, at si Basilio. Labintatlong taon na ang nakalipas mula nang mamatay si Elias at si Sisa.
Nakarating si Basilio sa San Diego at sa isang makasaysayang pagtatagpo ay nakita niya si Simoun na pagdalaw sa libingan ng kanyang ina sa loob ng libingan ng mga Ibarra. Nakilala niyang si Simoun ay si Ibarra na nagbabalatkayo; Upang maitago ang ganitong lihim, ay tinangka ni Simoun na patayin si Basilio. Nang hindi ito naituloy ay hinikayat niya ang binata na makiisa sa kanyang layuning maghiganti sa Pamahalaang Kastila. Si Basilio ay tumanggi dahil gusto niyang matapos ang kanyang pag-aaral.
Habang ang Kapitan Heneral ay nagliliwaliw sa Los Baños, ang mga estudyanteng Pilipino ay naghain ng isang kahilingan sa Kanya upang magtatag ng isang Akademya ng Wikang Kastila. Ang kahilingang ito ay di napagtibay sapagkat napag-alamang ang mamamahala sa akademyang ito ay mga prayle. Sa gayon, sila'y di magkakaroon ng karapatang makapangyari sa anupamang pamalakad ng nasabing akademya.
Samantala, si Simuon ay nakipagkita kay Basilio at muling hinikayat ang binatang umanib sa binabalak niyang paghihimagsik at manggulo sa isang pulutong na sapilitang magbubukas sa kumbento ng Sta. Clara upang agawin si Maria Clara. Subalit hindi naibunsod ang ganitong gawain dahil sa si Maria Clara'y namatay na nang hápong yaon.
Ang mga estudyante naman, upang makapaglubag ang kanilang samâ ng loob ukol sa kabiguang natamo, ay nagdaos ng isang salusalo sa Panciteria Macanista de Buen Gusto. Sa mga talumpating binigkas habang sila'y nagsisikain ay tahasang tinuligsa nila ang mga prayle. Ang pagtuligsang ito ay nalaman ng mga Prayle kaya ganito ang nangyari: Kinabukasan ay natagpuan na lamang sa mga pinto ng unibersidad ang mga paskin na ang nilalaman ay mga pagbabala, pagtuligsa, at paghihimagsik. Ang pagdidikit ng mga pasking ito ay ibinintang sa mga kasapi ng kapisanan ng mga estudyante. Dahil dito ay ipinadakip sila at naparamay si Basilio, bagay na ipinagdamdam nang malabis ni Juli na kanyang kasintahan.
Ang mga estudyanteng ito ay may mga kamag-anak na lumakad sa kanila upang mapawalang-sala sila, si Basilio ay naiwang nakakulong dahil wala siyang tagapagmagitan. Sa isang dako naman ay ipinamanhik ni Juli kay Pari Camorra na tulungan siya upang mapalaya nguni't sa halip na makatulong ang paring ito ay siya pang nagging dahilan ng pagkamatay ni Juli, gawa ng pagkalundag nito sa durungawan ng kumbento.
Upang maisagawa ni Simoun ang kanyang balak na paghihiganti, ay nakipagsama siya sa negosyo kay Don Timoteo Pelaez, ang ama ni Juanito. Sa ganitong paraan ay nagawa niyang maipagkasundo ang kasal nina Juanito at Paulita Gomez. Ang magiging ninong sa kasal ay ang Kapitan Heneral. Naanyayahan din niya upang dumalo sa piging na idaraos, ang mga may matatas na katungkulan sa Pamahalaan at mga litaw na tao sa lunsod.
Pagkaraan ng dalawang buwang pagkapiit ay nakalaya rin si Basilio sa tulong ni Simoun. Kaagad siyang nagtungo kay Simoun upang umanib sa paghihimagsik. Sinamantala ni Simoun ang ganitong pagkakataon upang ipakita sa binata ang bomba na kanyang ginawa. Ito ay isang lampara na may hugis-granada at kasinalaki ng ulo ng tao. Ang magarang ilawang ito ay siya niyang handog sa mga ikakasal na sina Juanito at Paulita. Ipalalagay ni Simoun ang lamparang ito sa gitna ng isang kiyoskong kakanan na ipasasadya niya ang pagkakayari. Ang ilawán ay magbibigay ng isang maningning na liwanag at pagkaraan ng dalawampung minuto ay manlalabo. Kapag hinagad na itaas ang mitsa upang paliwanagin, ay puputok ang isang kapsulang fulminato de mercurio, ang granada ay sasabog at kasabay nito ay ang pagkawasak at pagkatugnaw ng kiyoskong kakanan — at walang sinumang maliligtas sa mga naroroon. Sa isang dako naman, ay malakas na pagsabog ng dinamita sa lampara ay siyang magiging hudyat upang simulan ang paghihimagsik na pangungunahan ni Simoun.
Mag-iikapito pa lámang ng gabí ng araw ng kasal, at si Basilio ay palakad-lakad sa tapat ng bahay ng pinagdarausan ng handaan. Di-kawasa'y nanaog si Simoun upang lisanin niya ang bahay na yaong di malulutawan ng pagsabog. Ang nanlulumong si Basilio ay sisinod sana ngunit namalas niyang dumating si Isagani, ang naging katipan at iniirog ni Paulita. Pinagsabihan niya itong tumakas ngunit di siya pinansin kaya't napilitan si Basilio na ipagtapat kay Isagani ang lihim na pakana subalit hindi rin napatinag ang binatang ito.
"Nanlalamlam ang lampara," ang pansin na di mapalagay na Kapitan Heneral. "Utang na loob, ipakitaas ninyo, Pari Irene, ang mitsa."
Kinuha ni Isagani ang lampara, tumakbo sa azotea at inihagis ito sa ilog. Sa gayon ay nawalan ng bisa ang pakana ni Simoun para sa isang paghihimagsik sa sandatahan. Tumakas sya sa bahay ni Pari Florentino, sa baybáyin ng karagatang Pasipiko. Nang malapit nang mapagabot ng mga alagad ng batas ang mag-aalahas, uminom siya ng lason upang huwag pahúli nang buháy. Ipinagtapat niya sa pari ang tunay niyang pagkatao at isinalaysay niya dito ang malungkot na kasaysayan ng kanyang búhay. Mula nang siya ay bumalik sa Pilipinas buhat sa Europa, labintatlong taon na ang nakalipas, ang pag-iibigan nila ni Maria Clara at pagbabalatkayo niya na mag-aalahas sa pakay na maiguho ang Pamahalaan at makipaghiganti sa pamamagitan ng isang paghihimagsik. Pagkatapos na mangungumpisal ay namatay si Simoun.
Sa nais na maiwaksi ang napakalaking kayamanang naiwan ng mag-aalahas, kayamanang naging kasangkapan nito sa pagtatanim ng mga buktot na gawain ay itinapon ni Pari Florentino sa karagatan ang kahong asero na kinatataguan ng di-matatayang kayamanan ni Simoun.
Tingnan din
Mga sanggunian
- ↑ El filibusterismo/The Reign of Greed ni Jose Rizal, salin ni Charles Derbyshire, Project Gutenberg, Gutenberg.org
- ↑ "Pinag-alayan ni Rizal". Nakuha noong 2008-06-29.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ "Nagdana si Rizal ng hirap". Nakuha noong 2008-06-29.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ "Mga Tauhan ng El Filibusterismo". Nakuha noong 2008-06-29.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link)
Mga panlabas na kawing
- Buong teksto: mga larawan Naka-arkibo 2011-07-22 sa Wayback Machine., OCR Naka-arkibo 2009-01-24 sa Wayback Machine. (sa Kastila)
- El filibusterismo Naka-arkibo 2008-07-21 sa Wayback Machine., sa JoseRizal.ph
- El Filibusterismo Naka-arkibo 2009-02-01 sa Wayback Machine., salin ni Charles Derbyshire noong 1926, Filipiniana.net (sa Ingles)
- El filibusterismo, salin ni Charles Derbyshire, Project Gutenberg, Gutenberg.org (sa Ingles)
- El filibusterismo Naka-arkibo 2008-08-01 sa Wayback Machine., mga buod at mga gabay pag-aaral sa wikang Filipino, El-Fili.web1000.com
- El filibusterismo, mga buod ng kabanata (sa Ingles)
- Caiñgat Cayo!, isang pampletong sinulat ni Padre Jose Rodriguez, isang pagtuya sa El fili ni Dr. Jose Rizal na nagpapayong huwag basahin ito sapagkat katumbas ang gawaing pagbasa nito ng pagkakamit ng kasalanang mortal ng isang tao.
- Caiñgat Cayo!, mga wangis ng orihinal na mga pahina ng pampletong isinulat noong 1889. (sa Ingles)