José Rizal

Pilipinong manunulat, doktor at dalubwika na itinuturing pambansang bayani ng Pilipinas
Ito ang artikulo patungkol sa bayaning Pilipino. Para sa pelikula patungkol sa kanya, silipin ang Jose Rizal (pelikula). Para sa ibang gamit ng Rizal, silipin ang Rizal (paglilinaw).

Si Dr. José Protacio Rizal Mercado y Alonzo Realonda [1] (19 Hunyo 1861– 30 Disyembre 1896) ay isang Pilipinong bayani at isa sa pinakatanyag na tagapagtaguyod ng pagbabago sa Pilipinas noong panahon ng pananakop ng mga Kastila. Siya ang kinikilala bilang pinakamagaling na bayani at itinala bilang isa sa mga pambansang bayani ng Pilipinas ng Lupon ng mga Pambansang Bayani.[2]

José Rizal

Isang larawan ni José Rizal, Pambasang bayani ng Pilipinas.
Ibang pangalan: José Rizal
Kapanganakan: 19 Hunyo 1861
Lugar ng kapanganakan: Calamba, Laguna
Kamatayan: 30 Disyembre 1896(1896-12-30) (edad 35)
Lugar ng kamatayan: Bagumbayan (Luneta ngayon), Maynila, Pilipinas
Pangunahing organisasyon: Kilusang Propaganda, La Liga Filipina
Pangunahing monumento: Liwasang Rizal

Ipinanganak si Rizal sa isang mayamang angkan sa Calamba, Laguna at ikapito siya sa labing-isang anak ng mag-asawang Francisco Engracio Rizal Mercado y Alejandro at Teodora Morales Alonzo Realonda y Quintos. Nag-aral siya sa Ateneo Municipal de Manila, at nakakuha ng diploma sa Batsilyer ng Sining at nag-aral ng medisina sa Pamantasan ng Santo Tomas sa Maynila. Ipinagpatuloy niya ang kanyang pag-aaral sa Universidad Central de Madrid sa Madrid, Espanya, at nakakuha ng Lisensiya sa Medisina, na nagbigay sa kanya ng karapatan na magpraktis ng pagmemedisina. Nag-aral din siya sa Pamantasan ng Paris at Pamantasan ng Heidelberg.

Pirma ni Rizal

Isang polimata si Rizal; maliban sa medisina ay mahusay siya sa pagpinta, pagguhit, paglilok at pag-ukit. Siya ay makata, manunulat, at nobelista na ang pinakatanyag sa kanyang mga gawa ay ang nobela na Noli Me Tángere, at ang kasunod nitong El filibusterismo.[note 1][3] Poliglota din si Rizal, na nakakaunawa ng dalawampu't dalawang wika.[note 2][note 3][4][5]

Itinatag ni José Rizal ang La Liga Filipina, na samahan na naging daan sa pagkabuo ng Katipunan na pinamunuan ni Andrés Bonifacio,[note 4] na isang lihim na samahan na nagpasimula ng Himagsikang Pilipino laban sa Espanya na naging saligan ng Unang Republika ng Pilipinas sa ilalim ni Emilio Aguinaldo. Isa siyang tagapagtaguyod ng pagkakaroon ng sariling pamahalaan ng Pilipinas sa mapayapang paraan, sa halip na isang marahas na pag-aalsa na susuporta lamang sa karahasan bilang huling paraan.[7] Naniniwala si Rizal na ang tanging katuwiran sa pagpapalaya sa Pilipinas at pagkakaroon nito ng sariling pamahalaan ay ang pagbabalik ng karangalan ng mga mamamayan,[note 5] at winika niya "Bakit kalayaan, kung ang mga alipin ngayon ay magiging maniniil ng hinaharap?"[8] Ang pangkahalatang napagsang-ayunan ng mga dalubhasa sa buhay ni Rizal ay ang pagbitay sa kanya ang nagtulak upang magsimula ang Himagsikang Pilipino.

Ang Bahay ni Rizal sa Calamba,Laguna

Ang pamilya ni José Rizal

 
Si Francisco Rizal Mercado (1818–1897)

Anak si Rizal nina Francisco Rizal Mercado (1818–1897)[9] at Teodora Morales Alonzo y Quintos (1827-1911; na ang pamilya nila ay pinalitan ang kanilang apelyido bilang "Realonda"),[10] na parehong masaganang magsasaka na pinagkalooban ng upa sa isang hacienda at kaakibat nitong palayan ng mga Dominikano. Ikapito sa labing-isang magkakapatid si Rizal: sina Saturnina (Neneng) (1850–1913), Paciano (1851–1930), Narcisa (Sisa) (1852–1939), Olympia (1855–1887), Lucia (1857–1919), María (Biang) (1859–1945), José Protasio (1861–1896), Concepción (Concha) (1862–1865), Josefa (Panggoy) (1865–1945), Trinidad (Trining) (1868–1951) at Soledad (Choleng) (1870–1929).

Ikalimang salinlahi na si Rizal sa inanak ni Domingo Lam-co Quanzhou noong kalagitnaan ng ika-17 dantaon.[11] Napangasawa ni Lam-co si Inez de la Rosa, na isang Sangley ng Luzon.[12]

 
Si Teodora Alonzo, ang ina ni Dr. José Rizal

Mayroon ding lahing Kastila at Hapones si José Rizal. Ang kanyang lolo na ama ni Teodora ay kalahating Kastila at isang inhinyero na ang ngalan ay Lorenzo Alberto Alonzo.[13] Ang kanyang lolo sa talampakan sa ina ay si Eugenio Ursua, na inanak ng isang Hapones.

Ang ina ni Rizal ay siyang kaniyang unang guro at nagturo sa kaniya ng abakada noong siya ay tatlong taon pa lamang. Noong siya naman ay tumuntong ng siyam na taon ay ipinadala siya sa Biñan, Laguna upang mag-aral sa ilalim ng pamamatnubay ni Justiano Aquino Cruz. Ilang buwan ang nakalipas, pinayuhan niya ang mga magulang ni Rizal na pag-aralin siya sa Maynila. Noong nagsimula siyang mag-aral sa Ateneo Municipal de Manila, inalis niya ang tatlong huling pangalan na bumubuo sa kaniyang buong pangalan, sa payo ng kaniyang kapatid na si Paciano Rizal at ng pamilyang Mercado-Rizal, kaya ang kaniyang pangalan ay naging "Jose Protasio Rizal". Dahil dito, minsang naisulat ni Rizal na nagmistula siyang "hindi lehitimong anak".[14] Ginawa ang pagbabagong ito upang mas malayang makapaglakbay si Rizal, at mailayo ang kaniyang koneksyon sa kaniyang kapatid na minsan nang nagkaroon ng ugnayan sa Gomburza. Mula pagkabata ay nakakarinig na si Jose at Paciano ng mga hindi pa naririnig na mga kaisipang pulitikal ukol sa kalayaan at karapatang pantao na kinagagalit ng pamahalaan.[note 6][note 7] Sa kabila ng pagbabago sa kaniyang pangalan, naging kilala din si Jose bilang "Rizal" sa mga patimpalak sa pagtutula, kung saan humanga ang kaniyang mga guro sa wikang Kastila at iba pang mga banyagang wika, at kinalaunan, sa pagsusulat ng mga sanaysay na kritikal sa mga sanaysay ng mga Kastila ukol sa sinaunang lipunang Pilipino.

Pag-aaral

Ang Ateneo Municipal de Manila ang unang paaralan sa Maynila na pinasukan niya noong ikadalawampu ng Enero 1872. Sa pananatili niya sa paaralang ito ay natanggap niya ang lahat ng mga pangunahing medalya at notang sobresaliente sa lahat ng aklat. Sa paaralan ding ito niya natanggap ang kaniyang Batsilyer sa Sining na may notang sobresalyente kalakip ang pinakamataas na karangalan.

Nang sumunod na taon, siya ay kumuha ng Pilosopiya at Panitikan sa Unibersidad ng Santo Tomas. Sa Ateneo, kasabay niyang kinuha ang agham ng Pagsasaka. Pagkaraan, kinuha niya ang kursong panggagamot sa Santo Tomas pagkatapos mabatid na ang kaniyang ina ay tinubuan ng katarata. Noong 5 Mayo 1882, nang dahil sa hindi na niya matanggap ang tagibang at mapansuring pakikitungo ng mga paring Kastila sa mga katutubong mag-aaral, nagtungo siya sa Espanya. Doo'y pumasok siya sa Universidad Central de Madrid, kung saan, sa ikalawang taon ay natapos niya ang karerang Medisina, bilang "sobresaliente" (napakahusay). Nang sumunod na taon, nakamit niya ang titulo sa Pilosopiya-at-Titik. Naglakbay siya sa Pransiya at nagpakadalubhasa sa paggamot ng sakit sa mata sa isang klinika roon. Pagkatapos ay tumungo siya sa Heidelberg, Alemanya, kung saan nakatamo pa siya ng isang titulo.

Sa taon din ng kaniyang pagtatapos ng Medisina, siya ay nag-aral ng wikang Ingles, bilang karagdagan sa mga wikang kaniya nang nalalaman gaya ng Pranses. Dalubwika si Rizal na nakaaalam ng Arabe, Katalan, Tsino, Inggles, Pranses, Aleman, Griyego, Ebreo, Italyano, Hapon, Latin, Portuges, Ruso, Sanskrit, Espanyol, Tagalog, at iba pang mga katutubong wika ng Pilipinas.

Personal na Buhay

Marahil ang buhay ni Rizal ang pinakadokumentado sa mga Pilipinong nabuhay noong ika-19 siglo dahil sa maraming mga talang isinulat niya at ukol sa kaniya.[16] Halos bawat detalye sa kaniyang buhay ay naitala, dahil sa kaniyang regular na tagasulat ng kaniyang talaarawan at dahil din sa kaniyang pagiging manunulat, at ang karamihan sa mga materyales na ito ay nananatili pa rin. Naging mahirap sa mga biograpo ang pagsasalin ng mga likha niya dahil sa ugali ni Rizal na pagpapalit ng wika.

Kabilang sa mga nilalalaman ng mga tala ni Rizal ang pananaw ng isang Asyano na nakarating sa Kanluran sa unang pagkakataon. Kabilang dito ang kaniyang mga lakbayin sa Europa, Hapon at Estados Unidos, at maging sa kaniyang pananatili sa Hong Kong.

Matapos siyang makapagtapos mula sa Ateneo Municipal de Manila, bumisita si Rizal at ang isang kaibigang si Mariano Katigbak upang bisitahin ang lola ni Rizal sa ina na naninirahan sa Tondo, Maynila. Isinama ni Mariano ang kaniyang kapatid na si Segunda Katigbak, na isang 14-taong Batangueña mula Lipa, Batangas. Karamihan sa mga panauhin ng lola ni Rizal ay mga mag-aaral sa kolehiyo, at alam nila na magaling sa pagpipinta si Rizal. Pinakiusapan siya na gumawa siya ng larawan ni Segunda. Bagaman tumanggi si Rizal noong una, ginawan din niya ng guhit si Segunda. Sa kasamaang palad, may kasintahan na si Katigbak na ang pangalan ay Manuel Luz.[17]

Mula Disyembre 1891 hanggang Hunyo 1892, nanirahan si Rizal at kaniyang mga pamilya sa Blng 2 ng Rednaxela Terrace, sa isla ng Hong Kong. Nangupahan si Rizal sa 5 kalye D'Aguilar, Distritong Central, Isla ng Hong Kong bilang kaniyang klinika sa mata mula 2 ng hapon hanggang 6 ng gabi. Kabilang sa mga naitala sa bahagi nito ng kaniyang buhay ay ang kaniyang mga pagkahanga na kung saan siyam ang nakilala. Sila ay sina Gertrue Beckett, na taga Londres, Nelly Boustead na nagmula sa pamilyang mangangalakal galing Inglatera at Iberia, Seiko Usui (na tinatawag ding O-Sei-san) na kabilang sa lahi ng maharlikang Hapon, ang kaniyang naunang mga pagkakaibigang sina Segunda Katigbak, Leonor Valenzuela, at ang kaniyang panliligaw sa kaniyang malayong pinsan na si Leonor Rivera, na sinasabing kinuhanan ng inspirasyon sa karakter na Maria Clara sa Noli Me Tangere.

Leonor Rivera

Makikita ang malaking bahagi ni Leonor Rivera sa buhay ni Rizal sa mga sulating kagaya ng “If Dreams Must Die” at “The Love of Leonor Rivera” ni Severino Montana. Kung saan kapwa nagpapakita ng imahe ng isang dalagitang umiibig sa bata nitong puso, isang kolehiyala na naihahalintulad kay Maria Clara, at isang walang-hanggang pag-ibig ni Rizal.

Sinasabing inspirasyon ni Rizal si Leonor Rivera para sa kaniyang tauhan na Maria Clara sa Noli me Tangere at El FIlibusterismo.[18] Unang nagkita si Rizal at Rivera sa Maynila noong 14 taong gulang pa lang si Rivera. Noong lumuwas si Rizal sa Europa nong 3 Mayo 1882, si Rivera ay 16 taong gulang pa lamang. Nagsimula ang kanilang pagtatalastasan noong nag-iwan si Rizal ng tula para kay Rivera na namamaalam.[19]

Nananatiling nakatuon si Rizal sa kaniyang pag-aaral sa Europa dahil sa kaniyang pakikipagtalastasan kay Rivera. Dahil hindi gusto ng nanay ni Rivera si Rizal ay gumagamit sila ng kodigo sa kanilang mga sulat. Sa sulat ni Mariano Katigbak na nakapetsa sa 27 Hunyo 1884, binanggit si Rivera bilang "katipan" ni Rizal. Nilarawan ni Katigbak si Rivera bilang lubhang apektado sa paglisan ni Rizal, na palaging maysakit dahil sa insomnia.

Noong umuwi si Rizal sa Pilipinas noong 5 Agosto 1887, bumalik na si Rivera at kaniyang pamilya sa Dagupan, Pangasinan. Pinagbawalan si Rizal ng kaniyang amang si Francisco Mercado na makipagkita kay Rivera upang huwag mailagay ang pamilyang Rivera sa panganib, dahil sa mga araw na iyon binansagan na si Rizal ng pamahalaang Kastila bilang filibustero o mapanghimagsik[19] dahil sa kaniyang nobelang Noli Me Tangere. Nais pakasalan ni Rizal si Rivera habang siya'y nasa Pilipinas pa dahil sa lubusang katapatan ni Rivera. Muli, pinakiusapan ni Rizal ang kaniyang ama bago ang kaniyang muling paglisan sa Pilipinas. Ngunit hindi naganap ang pagkikita. Noong 1888, hindi na pinapadalhan ng sulat si Rizal galing kay Rivera ng isang taon, sa kabila ng patuloy na pagpapadala ni Rizal ng liham sa kaniya. Ang dahilan ng pananahimik ni Rivera ay dahil sa kasunduan ng ina ni Rivera at ng isang Ingles na nagngangalang Henry Kipping, isang inhenyero sa daangbakal na nabighani kay Rivera at mas sinasang-ayunan ng ina ni Rivera.[19][20] Lubusang nasaktan si Rizal noong nabalitaan niyang nagpakasal na si Rivera kay Kipping.

Itinabi ng mga kaibigan ni Rizal ang halos lahat ng mga bagay na binigay niya, kabilang ang mga guhit sa mga piraso ng papel. Ang ilan sa mga bagay na ito ay mga ohales at panyo na may guhit at sulatin na binigay sa mga Blumentritt, na kinalaunan ay binigay din sa pamilyang Rizal.

Kabilang sa mga namangha kay Rizal ay ang anak ng isang liberal na Kastila na si Pedro Ortiga y Perez; at maging si Dr. Reinhold Rost ng Museong Britanya kung saan siya naging regular na panauhin sa kaniyang tahanan habang siya'y nagsasaliksik sa mga sulat ni Morga sa Londres, kung saan binansagan siya bilang "hiyas ng isang tao".[16][note 8]

Josephine Bracken

Sa buhay ng pagka-bayani ni Rizal ay may dalawang babae na kapwa nagkaroon ng mahalagang bahagi, ito ay ang kanyang ina at si Josephine Bracken. Si Donya Teodora Alonzo ay isang mapagmahal at mapag-kalingang ina, na nagpakita ng mga katangian ng isang huwarang inang Pilipino. Isang parokyano ng Kristiyanismo, para sa kanya ay isang pagtalikod o kasalanan sa paniniwala ang pag-aaral ng siyensiya at pag-ibig kay Josephine Bracken.

Samantalang makikita si Leonor Rivera kay Maria Clara, si Josephine Bracken naman ay kay Salome. Si Salome ang karakter ni Rizal sa Noli Me Tangere na hindi isinama sa publikasyon kaya iilan lamang ang nakakikilala. Si Salome ay ang iniibig ni Elias, isang babaeng kakikitaan ng liberal na pag-uugali sa pagsasalita, pagkilos at pananaw sa sex. Ang usapan nina Elias at Salome ay isang senaryong kakikitaan ng lubusang pagtukoy sa pagnanasa bago pa ang mga sulatin ni Jose Garcia Villa. Maihahalintulad din si Josephine Bracken kina Magdalene, Mata Hari, Kitty O’Shea, Sadie Thompson, at Joan of Arc.

Si Josephine Bracken ang naging daan upang makita ang liberalismo ni Rizal ng ina nito at mga kapatid. Isa na rito ang naging pagtatalo ni Rizal at ng kanyang ina tungkol sa pagsasama nila ni Josephine Bracken kahit na walang basbas ng simbahan. Bukod sa pagiging liberal taglay din ni Josephine Bracken ang mga kaugalian kagaya ng pagiging matatag at may buong-loob sa pakikipaglaban ng kanyang mga pinaniniwalaan.

Ayon kay John Foreman, si Josephine Bracken ay maihahalintulad kina Gabriela Silang at Joan of Arc sa kanyang walang hanggang pakikibaka sa laban ng mga Katipuneros kahit sa pagkamatay ni Rizal. Unang nakita si Josephine sa Asamblea sa Imus, Kabite noong 29 Disyembre. Kasama niyang dumating sa pagtitipon si Paciano Rizal at iba pang kabilang sa pamilya Rizal. Ayon pa kay General Ricarte, hindi rin matatawaran ang partisipasyon ni Josephine sa paggagamot sa bahay sa Tejeros kung saan naging nurse at inspirasyon siya sa mga may sugat at iba pang nagpupunta dito. Gayundin ay makikita ang partisipasyon ni Josephine sa “Battles of Silang” st “Battle of Dasmariñas” noong 27 Pebrero. Makikita ang lubhang katatagan ni Josephine Bracken sa Rebolusyon, nang panahon kung kailan dadakipin na siya ng mga Espanyol. Kung saan naglakad siyang dumudugo ang mga paa mula sa Maragondon hanggang Laguna hanggang makarating siya sa daungan papuntang Maynila.

Si Josephine Bracken ay isang malaking bahagi ng kasasayan ng Pilipinas hanggang sa kanyang kamatayan noong taong 1902 sa sakit na tubercolosis. Ang kanyang kusang-loob na pakikibahagi sa Rebolusyon at patuloy na pagtulong sa mga Pilipino sa kabila ng hindi pagkilala ng mga ito sa kanya noong una ay sadyang kahanga-hangang kaugaliang napatunayan ni Josephine Bracken sa loob ng mahabang panahon.

Noong Pebrero 1895 nagkita si Rizal kay Josephine Bracken isang babaeng Irlandes mula Hong Kong, noong sinamahan niya ang kaniyang bulag na amang si George Taufer upang ipasuri ang kaniyang mga mata kay Rizal.[21] Matapos ang ilang mga pagbisita, nakipag-ibigan si Rizal at Bracken sa isa't isa. Nais nilang magpakasal, ngunit dahil sa reputasyon ni Rizal dahil sa kaniyang mga sinulat at pananaw pampulitika, tumanggi ang lokal na kura na si Padre Obach na ikasal sila liban na lang kung makakakuha si Rizal ng pahintulot mula sa Arsobispo ng Cebu. Hindi sila makapagkasal sa simbahan dahil tumangging bumalik si Rizal sa Katolisismo.[22]

Matapos samahan ang kaniyang ama sa Maynila upang bumalik sa Hong Kong, at bago siya bumalik sa Dapitan upang tumira kay Rizal, pinakilala ni Josephine ang kaniyang sarili sa pamilya ni Rizal sa Maynila. Minungkahi ng ina ni Rizal na magdaos sila ng kasalang sibil, upang hindi mabagabag ang konsensya ni Rizal ukol sa kaniyang politikal na pananaw upang makakuha ng pahintulot mula sa isang Obispo.[23] Naikasal si Rizal at Josephine sa pamamagitan ng kasalang sibil sa Talisay sa Dapitan. Sinasabing nagkaroon sila ng isang anak na nagngangalang Francisco, na namatay din agad pagkasilang.[24]

Sa Bruselas at Espanya (1890-1892)

Noong 1890, lumisan si Rizal sa Paris patungong Bruselas habang naghahanda sa paglilimbag ng kaniyang mga anotasyon ng Sucesos de las Islas Filipinas ni Antonio de Morga. Nanirahan siya sa isang pangupahang bahay ng magkapatid na Jacoby, sina Catherina at Suzanna, na mayroong pamangking nagngangalang Suzanna ("Thil") na may edad 16. Ayon sa historyador na si Gregorio F. Zaide, umibig si Rizal kay Suzanne Jacoby, 45 taong gulang, ngunit naniniwala ang Belgang si Pros Slachmuylders na umibig si Rizal sa 17 taong gulang na pamangking si Suzanna Thil.[25] Nakita niya ang mga talang nagbibigay linaw sa kanilang mga pangalan at edad.

Saglit lang nanirahan si Rizal sa Bruselas; pagkatapos noon ay lumuwas siya patungong Madrid. Binigyan niya si Suzanna ng isang kahon ng tsokolate. Lumiham si Suzanna kay Rizal sa wikang Pranses, na sinasabing hindi siya kumuha ng ni isang piraso ng tsokolate, at halos mapudpod na ang kaniyang sapatos sa pagbabalik-panaog sa hulugan ng sulat upang tignan kung may liham galing sa kaniya, at hinihintay ang kaniyang muling pagbabalik.[25] Noong 2007, nilalakad na ng pangkat ni Slachmuylder na lagyan ng makasaysayang tanda upang magbigay-pugay sa pananatili ni Rizal sa nasabing tahanan.[25]

Nagbago ang mga nilalaman ng mga sinulat ni Rizal sa kaniyang dalawang obra, ang "Noli Me Tangere", na nilimbag sa Berlin noong 1887, at "El Filibusterismo", na nilimbag sa Ghent noong 1891. Para magkaroon ng pondo upang mailimbag ang huli ay nangutang si Rizal sa kaniyang mga kaibigan. Maraming mga Kastila at mga edukadong Pilipino ang nagalit sa kaniyang mga sinulat dahil sa mga simbolismong pinapakita dito. Kritikal ang mga nobelang ito sa mga prayleng Kastila at sa kapangyarihan ng simbahan. Ayon sa sulat ng kaibigan ni Rizal na si Ferdinand Blumentritt, na isang propesor at historyador, ang mga karakter sa mga nobelang ito ay hango sa totoong buhay at ang bawat mga pangyayari dito ay maaaring mangyari sa anumang araw sa Pilipinas.[26]

Bagaman si Blumentritt ay apo ng Ingat-yaman ng Imperyo sa Vienna at matibay na tagapagtanggol ng pananampalatayang Katoliko, sinulat pa rin niya ang panimulang salita ng El Filibusterismo matapos niyang isalin ang Noli Me Tangere sa wikang Aleman. Gaya ng binabala ni Blumentritt, naging dahilan ang mga nobelang ito upang usigin si Rizal bilang tagapanimula ng himagsikan. Kinalaunan ay nilitis si Rizal ng militar at tuluyang binitay. Ngunit ang kaniyang mga nobela ang nagbigay inspirasyon sa mga Pilipino upang maglunsad ng Himagsikang Pilipino noong 1896.

Bilang pinuno ng kilusang propaganda ng mga Pilipino sa Espanya, nagsulat si Rizal ng mga sanaysay, tula at editoryal sa pahayagang La Solidaridad sa Barcelona, kung saan ginamit niya ang sagisag-panulat na "Dimasalang". Ang karaniwang tema ng kaniyang mga likha ay sumesentro sa liberal at progresibong kaisipan ng karapatang pang-indibidwal at kalayaan, lalu na para sa mga mamamayang Pilipino. Pareho ang kaniyang pananaw sa ibang mga kasapi ng kilusan, na ang Pilipinas ay humaharap sa, ayon sa mismong salita ni Rizal, na "Goliath na may dalawang mukha"—mga tiwaling prayle at masamang pamahalaan. Paulit-ulit na kaniyang binabanggit sa kaniyang komentaryo ang mga adyenda gaya ng mga sumusunod:[note 9]

  • Na ang Pilipinas ay gawing probinsya ng Espanya
  • May pagkakatawan sa Cortes
  • Mga Pilipinong pari sa halip na mga prayleng Kastila
  • Kalayaan sa pagtitipon at pananalita
  • Pantay-pantay na karapatan sa ilalim na batas sa pagitan ng mga Pilipino at Kastila

Tumutol ang mga mananakop sa Pilipinas sa mga repormang ito. Hindi rin ito inendorso ng ilang mga intelektwal na Kastila tulad nina Morayta, Umamuno, Pi y Margall at iba pa.

GUmanti si Wenceslao Retana, isang politikal na komentador sa Espanya, sa pamamagitan ng pagsulat ng artikulo sa La Epoca, isang pahayagan sa Madrid, na umiinsulot kay Rizal. Kinuwento niya ang ukol sa pagpapalayas ng pamilya ni Rizal mula sa kanilang lupa sa Calamba dahil sa hindi pagbabayad ng upa. Nag-ugat ang insidenteng ito mula sa pagkakakulong sa ina ni Rizal na si Teodora noong bata pa si Rizal, dahil sa bintang na pagtangkang paglason sa kaniyang hipag. Dahil sa pakikisabwatan ng mga prayle ay kinulong siya ng wala man lang paglilitis. Pinaglakad din siya ng sampung milya (16 km) mula Calamba. Pinalaya din siya matapos ang dalawa at kalahating taong pakikipag-apela sa Kataas-taasang Hukuman.[27] Noong 1887, sumulat ng petisyon si Rizal sa ngalan ng mga nangungupahan sa Calamba, at noong taon ding iyon ay hinimok sila na magsalita laban sa tangka ng mga prayle na taasan ang upa. Humantong ito sa paglilitis na nauwi sa pagpapalayas ng mga Dominiko sa mga nangungupahan mula sa kanilang mga tahanan, kabilang dito ang pamilya ni Rizal. Pinamunuan ni Heneral Valeriano Weyler ang paggiba sa mga gusali ng sakahan.

Pagkabasa ng artikulo, nagpadala si Rizal ng kinatawan upang hamunin si Retana sa duwelo. Humingi ng tawad si Retana sa publiko at kinalauna'y naging isa sa mga pinakamalaking tagahanga ni Rizal, na sumulat din ng isa sa pinakamahalagang talambuhay ni Rizal, ang Vida y Escritos del Jose Rizal (Mga buhay at kasulatan ni Jose Rizal).[28]

Pagbabalik sa Pilipinas (1892-1896)

Pagpapatapon sa Dapitan

Pagbalik sa Maynila noong 1892, binuo ni Rizal ang isang samahang La Liga Filipina. Isinusulong ng samahang ito ang pagkakaroon ng reporma sa pamamagitan ng legal na pamamaraan, ngunit ito'y binuwag ng gobernador. Sa mga panahong iyon, tinuturing na siya bilang kalaban ng estado ng pamahalaang Kastila dahil sa kaniyang mga nobela.

Nasangkot si Rizal sa mga gawaing rebelyon at noong Hulyo 1892 ay pinatapon siya sa Dapitan sa probinsya ng Zamboanga.[29] Habang nasa Dapitan ay nagtayo siya ng isang paaralan, ospital at isang sistema ng suplay ng tubig, at nagturo din ng pagsasaka.

Nagtayo si Rizal ng paaralan para sa mga batang lalaki. Sa paaralang ito, wikang Kastila ang ginagamit sa pagtuturo, at nagtuturo din ito ng Ingles bilang wikang banyaga. Ang layunin ng paaralang ito ay upang turuan ang mga mag-aaral ng pagiging maparaan sa buhay. [kailangan ng sanggunian] Ang ilan sa mga mag-aaral ay naging matagumpay bilang mga magsasaka at tapat na opisyal ng pamahalaan. Isang Muslim ang naging datu, at isa pa, si Jose Aseniero, ay naging gobernador ng Zamboanga.

Nagkaroon ng misyon ang mga Heswita na pabalikin si Rizal mula sa Dapitan sa pamumuno ni Padre Sanchez, na dati niyang guro, ngunit nauwi ito sa kabiguan. Muli itong tinangka ni Padre Pastelles, na kilalang bahagi ng Orden.

Naging tagapamagitan ang kaniyang matalik na kaibigang si Ferdinand Blumentritt sa kaniyang mga kaibigan sa Europa, at patuloy ang kaniyang pakikipagtalastasan sa kanila na siyang patuloy na nagpapadala ng mga liham na nakasulat sa mga wikang Olandes, Pranses, Aleman at Ingles na lumito sa mga sensura, kaya naantala ang kanilang mga pagpapadala. Sa pananatili ni Rizal sa Dapitan sa loob ng apat na taon ay umti-unti ding umusbong ang Rebolusyong Pilipino na kinalaunan ay nagpahamak sa kaniya. Bagaman tutol siya sa himagsikan, ginawa siyang pandangal na pangulo ng mga kasapi ng Katipunan at ginamit din ang kaniyang pangalan bilang sigaw sa digmaan, pakikipag-isa at kalayaan.[30]

Pagbaril sa Bagumbayan

 
Isang litrato ng pagbaril kay Rizal sa Bagumbayan.

Ang inatasan na bumaril kay Rizal ay isang hanay ng mga Pilipinong kasapi ng Hukbong Kastila, habang isa pang hanay ng mga Kastilang kasapi ng Hukbong Kastila ang nakahanda upang barilin ang sinuman sa kanila na susuway.[31] Kinunan ng manggagamot ng Hukbong Kastila ang pulso ni Rizal at ito'y normal. Pinatahimik ng sarhento ang mga Kastilang hukbo noong nagsimula na silang sumigaw ng "Viva" at iba pang mga katagang pabor sa Kastila kasama ang mga manonood na karamihan ay mga Peninsulares at mga Mestisong Kastila. Ang kaniyang huling salita ay isa sa mga huling salita ni Jesucristo: "Consummatum est"—natapos na.[4][32][note 10]

Lihim siyang nilibing sa Libingang Paco sa Maynila ng wala man lang tanda sa libingan. Nilibot ng kaniyang kapatid na si Narcisa ang lahat ng maaaring libingan at natagpuan ang bagong baong lupa sa isang libingan na may mga bantay sa tarangkahan. Sa kaniyang paniwala na maaaring ito nga ang pinaglibingan, at wala pang ibang mga nilibing, nagbigay siya ng regalo sa taga-ingat upang lagyan ng tanda ang nasabing lugar na "RPJ" - mga inisyal ni Rizal na pabaliktad.

Nakatago naman sa lampara ang kaniyang tulang Mi ultimo adios na pinaniniwalaang sinulat ilang araw bago ang kaniyang pagbitay, at binigay ito sa kaniyang pamilya kasama ang ilan niyang mga natirang pag-aari, kabilang na ang kaniyang mga huling liham at huling habilin.[33]:91 Sa kanilang pagbisita, pinaalalahanan ni Rizal ang kaniyang mga kapatid sa wikang Ingles na mayroong isang bagay sa loob ng lamparang binigay ni Pardo de Taveras na ibabalik din pagkabitay, upang bigyang diin ang kalahagahan ng tula. Ang sumunod na habilin ay. "Tingnan din ang aking sapatos", kung saan isa pang bagay ang nakasuksok. Noong hinukay ang kaniyang labi noong Agosto 1898, sa panahon na ng pananakop ng mga Amerikano, nalaman na hindi siya isinilid sa ataul, at nilibing siya hindi sa 'lupa ng mga banal', at anuman ang nakasiksik sa kaniyang sapatos ay nalusaw.[27]

Sa kaniyang liham sa kaniyang pamilya ay kaniyang isinulat: "Turingan ang may-edad nating magulang kagaya ng gusto niyong maturingan... Mahalin silang lubos sa aking alaala... 30 Disyembre, 1896."[16] Nagbigay siya ng habilin sa kaniyang pamilya ukol sa kaniyang libing: "Ilibing ninyo ako sa lupa. Maglagay ng bato at krus sa ibabaw. Pangalan ko, petsa ng kapanganakan ko at kamatayan ko. Wala nang iba. Kung nais niyong bakuran ang aking libingan maaari niyong gawin. Walang paggunita."[34]

Sa kaniyang huling sulat kay Blumentritt: "Bukas, sa ganap na 7, ay babarilin ako; ngunit ako ay inosente sa krimen ng paghihimagsik. Mamamatay ako ng may tahimik na konsiyensiya."[16] Pinaniniwalaan na si Rizal ang unang rebolusyonaryong Pilipino na namatay dahil sa kaniyang mga gawa bilang manunulat, at dahil sa kaniyang sibil na pagsuway ay matagumpay niyang natibag ang moral na pamumuno ng Espanya. Nagbigay din siya ng isang aklat sa isang matalik at minamahal na kaibigan. Noong natanggap ito ni Blumentritt sa Leimeritz siya ay umiyak.

Mga Katha

Si Rizal ay nakilala sa dahil sa kanyang dalawang nobela, ang Noli Me Tangere, na nilimbag sa Berlin, Alemanya (1886) sa tulong ni Dr. Maximo Viola, at ang El Filibusterismo, na nilathala sa Gante, Belgica (1891); pinahiram siya ni Valentin Ventura ng 300 piso sa pagpapalimbag ng El Filibusterismo. Naglalaman ang mga ito ng mga paglalarawan at pagpuna sa mga nagaganap na pangyayari sa lipunang Pilipino ng mga panahong iyon. Ang mga aklat na ito ay halaw at hango sa Don Quixote ni Miguel Cervantes, manunulat na Espanyol. Ang mga ito ang naging daan upang magising ang puso't diwa ng mga Pilipino.

Mga Pamanang-lahi

Si Jose P. Rizal o mas kilalang Pepe ay isang Pilipinong repormista para sa isang lipunang malaya at hindi isang rebolusyonaryong naghahangad ng kasarinlan. Bilang puno ng Kilusan ng Pagbabago ng Pilipinas na itinatag ng mga Pilipino sa Barcelona, Espanya, nagbigay siya ng ambag-sulatin sa La Solidaridad.

Ang kanilang mga mithiin:

  1. na ang Pilipinas ay maging bahaging-lalawigan ng Espanya;
  2. na magkaroon ng mga kinatawan sa Batasan ng Espanya (Parlyamento);
  3. na magkaroon ng mga namumunong paring Pilipino o magkaroon ng sekularisasyon;
  4. kalayaan sa pagtitipon-tipon at pamamahayag;
  5. pantay na karapatan sa harap ng batas, maging Pilipino man o Kastila.

Hindi matanggap ng mga maykapangyarihang opisyal ang mga pagbabagong iyon, sapagkat nangangahulugan ng pagkawala ng pangingibabaw ng Kastila. Kaya sa pagbabalik ni Rizal sa Maynila mula sa Espanya, pinaratangan siya ng paghahasik ng gulo dahil sa pagtatatag ng La Liga Filipina, nilitis at ipinatapon sa Lungsod ng Dapitan/Dapitan, Zamboanga del Norte/Zamboanga noong 1892. Doon, nagtayo siya ng isang paaralang pambata, at isang pagamutan. Bukod dito, nagsagawa rin siya ng isang pambayang sistema ng padaloy-tubig.

Tingnan din

Mga sanggunian

Mga Tala
  1. Ang nobela niyang Noli ay sa kauna-unahang nobela sa Asya na isinulat sa labas ng bansang Hapon at Tsina at isa sa mga unang nobelang laban sa rebelyong anti-kolonyal. Basahin ang: [1].
  2. Mahusay siya sa mga Kastila, Pranses, Latin, Griyego, Aleman, Portuges, Italyano, Ingles, Olandes at Hapon. Gumawa rin si Rizal ng mga pagsasalin mula sa wikang Arabe, Suwesya, Ruso, Tsino, Griyego, Ebre at Sanskrit. Sinalin niya ang tula ni Schiller sa Tagalog. Maliban dito may kaalaman din siya sa wikang Malay, Chavacano, Cebuano, Ilokano at Subanun.
  3. In his essay, "Reflections of a Filipino", (La Solidaridad, c.1888), he wrote: "Man is multiplied by the number of languages he possesses and speaks."
  4. Kasapi si Bonifacio ng La Liga Filipina. Matapos ang paghuli at pagpapatapon kay Rizal, nabuwag ang samahan at nahati ang pangkat sa dalawa; ang higit na radikal na pangkat ay nabuo bilang Katipunan, ang mga militante ng himagsikan.[6]
  5. Sa anotasyon ni Rizal sa Sucesos de las islas Filipinas (1609) ni Morga, kung saan niya kinopya mula sa Museong Britanya at nilimbag, tinawagan niya ng pansin ang pinaglumaan nang aklat, at binigyang patotoo sa malago nang kabihasnan ng Pilipinas bago pa man dumating ang mga Kastila. Sa kaniyang sanaysay na "The Indolence of the Filipino" (Sa Kabatuganan ng mga Pilipino), binanggit ni Rizal na walang halos nagawa ang tatlong daantaon ng pamumuno ng mga Kastila upang isulong ang kaniyang kababayan; at sa halip hinila nila ito ng paurong. Ang kawalan ng moral na pantulong, kawalan ng materyal na panghimok, ang pag-alis ng moral, na hindi dapat humihiwalay ang indio mula sa kaniyang kalabaw, ang walang hanggang digmaan, ang kawalan ng pambansang damdamin, ang pamimirata ng mga Intsik -- lahat ng ito, ayon kay Rizal, ang tumulong sa mga mananakop na magtagumpay upang ilagay ang mga indio sa 'hanay ng mga halimaw'.(Read English translation by Charles Derbyshire at Project Gutenberg.)
  6. Noong bininyagan si Jose, naisulat sa mga talaan ang kaniyang mga magulang bilang sina Francisco Rizal Mercado at Teodora Realonda."José Rizal’s Lineage"
  7. Sa edadn na 8 (noong 1869) naisulat niya ang tulang Sa aking mga Kabata na mayroong tema ng pagmamahal sa sariling wika.[15]
  8. Si Dr. Reinhold Rost ay tagapamahala ng Tanggapang Indyano ng Museong Britanya at kilalang pilologo noong ika-19 siglo.
  9. In his letter "Manifesto to Certain Filipinos" (Manila, 1896), he states: Reforms, if they are to bear fruit, must come from above; for reforms that come from below are upheavals both violent and transitory.(Epistolario Rizalino, op cit)
  10. Kahit sa mga prominenteng mga Kastila, sinasabing kalapastanganan ang ginawang paglilitis kay Rizal. Matapos ang kaniyang pagbitay, isang pilosopo na nagngangalang Miguel de Unamuno ang kumilala kay Rizal bilang isang "Kastila": "malalim at kilalang Kastila, mas Kastila pa kaysa mga abang taong iyon - patawarin nawa sila ng Panginoon, dahil hindi nila nalalaman ang kanilang mga ginagawa - mga abang taong iyan, na sa ibabaw ng kaniyang mainit pang katawan ay bumato palangit na may pag-insulto ng isang pangungusong na sigaw: 'Viva Espana!'" Epilogo ni Miguel de Unamuno sa Visa y Escritos del Dr. Jose Rizal ni Wenceslao Retana. (Retana, op.cit.)
Sanggunian
  1. José Rizal; José Rizal National Centennial Commission (1961). El filibusterismo (sa wikang Kastila). Linkgua digital. pp. 9. ISBN 978-84-9953-093-2.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. "Selection and Proclamation of National Heroes and Laws Honoring Filipino Historical Figures" (PDF). Reference and Research Bureau Legislative Research Service, House of Congress. Inarkibo mula sa orihinal (PDF) noong 2011-06-04. Nakuha noong 8 Setyembre 2009.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. Noli Me Tángere, isinalin ni Soledad Locsin (Manila: Ateneo de Manila, 1996) ISBN 971-569-188-9.
  4. 4.0 4.1 Frank Laubach, Rizal: Man and Martyr (Manila: Community Publishers, 1936)
  5. Witmer, Christoper (2001-06-02). "Noli Me Tangere (Touch Me Not)". LewRockwell.com. Retrieved on 2012-09-29.
  6. [2]. Nakuha 10 Enero 2007.
  7. Trillana III, Dr. Pablo S. "2 historical events led to birth of modern RP". Philippine Daily Inquirer. Inarkibo mula sa orihinal noong 2012-01-20. Nakuha noong 11 Hunyo 2007.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  8. José Rizal (2007). The Reign of Greed. Echo Library. pp. 231. ISBN 978-1-4068-3936-4.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  9. National Historical Institute "...added “Rizal” to the family surname..." Naka-arkibo 2009-07-01 sa Wayback Machine.Padron:Registration required
  10. National Historical Institute "...Francisco Engracio Mercado added “Rizal” to the family surname..." Naka-arkibo 2009-07-01 sa Wayback Machine.Padron:Registration required
  11. Rizal's rags-to-riches ancestor from South China Naka-arkibo 2013-10-02 sa Wayback Machine.. Nakuha 18 Pebrero 2007.
  12. Craig 1914, pg. 31.
  13. F. Zaide, Gregorio (1957). José Rizal: life, works, and writings. Villanueva. p. 5.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  14. Vicente L. Rafael On Rizal's El Filibusterismo, University of Washington, Dept. of History
  15. Montemayor, Teofilo H. (2004). "Jose Rizal: A Biographical Sketch". José Rizal University. Retrieved 2007-01-10.
  16. 16.0 16.1 16.2 16.3 Kalaw, Teodoro."Epistolario Rizalino: 4 volumes, 1400 letters to and from Rizal". Bureau of Printing, Manila.
  17. Zaide, Gregorio (1957). Rizal's Life, Works and Writings. Manila, Philippines: Villanueva Book Store. pp. 43–44.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  18. Martinez-Clemente, Jo (200-06-20) Keeping up with legacy of Rizal’s ‘true love’ Inquirer Central Luzon at inquirer.net. Retrieved on 2011-12-03.
  19. 19.0 19.1 19.2 Leonor Rivera, José Rizal University, joserizal.ph
  20. Coates, Austin. "Leonor Rivera", Rizal: Philippine Nationalist and Martyr, Oxford University Press (Hong Kong), pages 52–54, 60, 84, 124, 134–136, 143, 169, 185–188, and 258.
  21. Fadul 2008, p. 17.
  22. Fadul 2008, p.21.
  23. Craig 1914, p.215
  24. Fadul 2008, p. 38.
  25. 25.0 25.1 25.2 Cuizon, Ahmed (2008-06-21). "Rizal’s affair with 'la petite Suzanne'" Naka-arkibo 2014-02-26 sa Wayback Machine., Inquirer/Cebu Daily, Retrieved on 2012-09-20.
  26. Harry Sichrovsky (1987). Ferdinand Blumentritt: an Austrian life for the Philippines : The Story of José Rizal's Closest Friend and Companion. p. 39. ISBN 978-971-13-6024-5.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)[patay na link]
  27. 27.0 27.1 Austin Craig, Lineage, Life and Labors of Rizal. Google Books. Retrieved on 2007-01-10.
  28. Retana, Wenceslao. Vida y Escritos del José Rizal. Libreria General de Victoriano Suarez, Madrid 1907.
  29. "Appendix II: Decree Banishing Rizal. Governor-General Eulogio Despujol, Manila, July 7, 1892." Naka-arkibo July 1, 2009[Date mismatch], sa Wayback Machine. In Miscellaneous Correspondence of Dr. José Rizal / translated by Encarnacion Alzona. (Manila: National Historical Institute.)
  30. "Archive copy". Inarkibo mula sa orihinal noong 2015-03-28. Nakuha noong 2014-10-25.{{cite web}}: CS1 maint: archived copy as title (link) CS1 maint: date auto-translated (link)
  31. Russell, Charles Edward; Rodriguez, Eulogio Balan (1923). The hero of the Filipinos: the story of José Rizal, poet, patriot and martyr. The Century co. p. 308.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  32. Austin Coates, Rizal: Philippine Nationalist and Martyr (London: Oxford University Press, 1968) ISBN 0-19-581519-X
  33. Alvarez, S.V., 1992, Recalling the Revolution, Madison: Center for Southeast Asia Studies, University of Wisconsin-Madison, ISBN 1-881261-05-0
  34. "Letters Between Rizal and his Family, #223" Naka-arkibo 2011-10-06 sa Wayback Machine.. The Life and Writings of José Rizal. Retrieved on 2012-09-29

Ugnay panlabas