Andrés Bonifacio

Pilipinong nasyonalista at bayani ng himagsikan

Si Andrés Bonifacio y de Castro (30 Nobyembre 1863 – 10 Mayo 1897) ay isang Pilipinong makabayan at rebolusyonaryo na makikita sa sampumpisong barya na isyu ng Bangko Sentral ng Pilipinas. Binansagan siyang "Ama ng Katipunan". Siya ang nagtatag at lumaon naging Supremo ng kilusang Katipunan na naglayong makamtan ang kasarinlan ng Pilipinas mula sa Espanya at nagpasimula ng Himagsikang Pilipino.[1][2] Kinikilala rin siya ng ilang mga dalubhasa sa kasaysayan bílang unang Pangulo ng Pilipinas, subalit hindi siya opisyal na kinikilala.[3][4]

Andres Bonifacio
Isang iginuhit na larawan ni Andres Bonifacio. Binanggit din dito na siya ay hinirang na "Pangulo" ng Republikang Tagalog ("Titulado «Presidente» de la República tagala").
(8 Pebrero 1897, La Ilustración Española y Americana)
Kapanganakan30 Nobyembre 1863
Kamatayan10 Mayo 1897
NasyonalidadFilipino
Ibang pangalanSupremo, Anak Bayan, Agapito Bagumbayan
Kilala saAma ng Himagsikang Pilipino, Ang Dakilang Maralita, Nagtatag ng Kataastasan Kagalanggalangan Katipunan ng mga Anak ng Bayan (KKK)
PartidoLa Liga Filipina
Katipunan
AsawaGregoria De Jesus
AnakAndres Bonifacio y de Jesús (namatay noong sanggol pa)
Pirma

Pagkabata at ang kaniyang Pamilya Si Andrés Bonifacio y de Castro ay anak nina Santiago Bonifacio at Catalina de Castro ng Tondo, Maynila, at panganay sa limang magkakapatid. Ang kaniyang mga kapatid ay sina Ciriaco, Procopio, Troadio, Esperidiona at Maxima. Mananahi ang kaniyang ama na naglingkod bílang teniente mayor ng Tondo, Maynila, samantalang ang kaniyang ina ay isang mestisang ipinanganak mula sa isang Kastilang ama at isang inang may Pilipinong may lahing Tsino, bílang kaugalian, isinunod ang pangalan niya sa kapistahan ng santo ng araw ng kaniyang kapanganakan, si San Andres.

Naulila sa magulang nang maaaga sa edad na 14. Naging tindero siya ng ratan at pamaypay na gawa sa papel de hapon. Nagtrabaho din siya bílang clerk, sales agent at bodegista (warehouseman). Nahilig siyang basahin ang mga nobela ni Jose Rizal at nang itinatag ang La Liga Filipina, sumapi siya kasáma ni Apolinario Mabini.

Bagamat mahirap ay mahilig bumasa at sumulat ng mga bagay na may kabuluhan lalo na kung ito ay tungkol sa bayan, karapatang-pantao at kasarinlan ng inang-bayan. Siya ay may diwa ng paghihimagsik laban sa malupit na mananakop na Kastila. Siya rin ay nagnais na magbangon ng pamahalaang malaya na naging daan upang kaniyang maitatag ang Katipunan na kakatawan sa himagsikan at upang maging wasto at panatag sa kaniyang adhikaing kalayaan ng bayan. Noong 1892, matapos dakipin at ipatapon si Dr. Jose Rizal sa Dapitan, itinatag ni Bonifacio ang Katipunan o kilalá rin bílang "Kataastaasan,Kagalang-galang Katipunan ng mga Anak ng Bayan" (KKK), isang lihim na kapisanang mapanghimagsik, na 'di naglaon ay naging sentro ng hukbong Pilipinong mapanghimagsik. Kasama ni Bonifacio ay sina Valentin Diaz, Deodato Arellano (bayaw ni Marcelo H. del Pilar), Teodoro Plata (bayaw ni Bonifacio), Ladislao Diwa, at ilang manggagawa sa pagtatag ng Katipunan sa Calle Azcarraga (ngayon ay Avenida Claro M. Recto) malapit sa Calle Candelaria (ngayon ay Kalye Elcano).

Sa pagtatag ng Katipunan, kinilala si Andres Bonifacio bílang "Ama ng Rebolusyon" sa Pilipinas. Si Bonifacio at ang kaniyang mga kasamahan sa Katipunan ay may iisang layunin na marahil ay siyang naging dahilan upang ang kanilang pakikidigma ay maging matagumpay.

Sa Katipunan, "Supremo" ang kaniyang titulo at di naglaon nang itinatag niya ang Pamahalang Mapaghimagsik ay tinawag siyang "Pangulo ng Haring Bayang Katagalugan". Dito rin niya nakilala si Gregoria de Jesus na tinawag niyang Lakambini. Noong 23 Agosto 1896, sa maliit na baryo ng Pugad Lawin (ngayo'y Bahay Toro, Project 8, Lungsod Quezon) sa Balintawak ay tinipon nya ang mga Katipunero at isaisa'y pinunit ang kanilang mga sedula.

Sa gitna ng rebolusyon, isang halalan ang naganap sa Tejeros, Cavite, sa kahilingan ng mga Katipunerong Magdalo na ang lumahok ay mula sa Cavite lámang. Nanalo sa pagka-pangulo si Emilio Aguinaldo, Lider ng Katipunang Magdalo at ang Supremo ay naihalal sa mabábang posisyong Tagapangasiwa ng Panloob (Interior Director).

Dahil sa ang mga kasapi ng Magdalo ay mga may kayang tao sa hilagang-kanlurang bahagi ng Kabite at kanilang mga taga-sunod, ayaw nila kay Andres Bonifacio sapagkat ito ay isang laki sa hirap at ayaw nilang tanggapin na sila ay pinamumunuan ng isang mahirap na kagaya ng Supremo kaya't minamaliit nila ang kakayahan nito. Nang sinubukan ng mga kasapi ng lupon ng mga Magdalo na usisain ang kakayahan ni Andrés Bonifacio na gawin ang tungkulin ng isang Tagapangasiwa ng Panloob, na ayon sa kanila ay gawain lámang ng isang abogado, nainsulto si Bonifacio. Idineklara ng Supremo, bílang pangulo ng Katipunan, na walang bisa ang naganap na eleksiyon dahilan sa pandaraya sa botohan ng mga Magdalo. Dahil dito, kinasuhan si Bonifacio ng sedisyon at pagtataksil ng mga Magdalo. Habang hindi pa siya naka-aalis ng Cavite, siya ay ipinahuli at ipinapatay ni Aguinaldo sa kaniyang mga tauhan. Iniutos kay Mariano Noriel na ibigay ang hatol sa isang selyadong sobre kay Lazaro Makapagal. Iniutos ang pagbaril kay Bonifacio kasáma ang kaniyang kapatid na laláking si Procopio Bonifacio noong 10 Mayo 1897 malapit sa Bundok Nagpatong (o Bundok Buntis).

Noong 1918, sinikap ng pamahalaan ng Pilipinas na hanapin ang labi ni Andrés Bonifacio sa Maragondon. Ayon sa isang grupo ng mga opisyal ng pamahalaan, mga dáting rebelde at isang laláking nagpakilala bílang dáting kasambahay ni Bonifacio, nahanap daw ang kaniyang mga buto sa isang taniman ng kawáyan noong 17 Marso 1918. Inilagay ang mga labí sa hulíng pamamahala ng Pambansang Aklatan ng Pilipinas, at itinipon ito sa Lumang Gusaling Batasan (ang kasalukuyang Pambansang Museo ng Pilipinas) hanggang sa nawala ang urna noong panahon ng Labanan sa Maynila ng 1945.

Katipunan

baguhin

Noong 7 Hulyo 1892, isang araw pagkatapos ihayag ang pagpapatapon kay Rizal, itinatag ni Bonifacio at ng iba pa ang Katipunan, o kapag binuo ay Kataastaasang Kagalanggalangang[5] Katipunan ng mga Anak ng Bayan.[6] Ang lihim na samahan ay naglalayon ng kasarinlan mula sa Espanya sa pamamagitan ng armadong himagsikan.[7][8]

Sa loob ng lipunan, nabuo ang pagkakaibigan nila Emilio Jacinto, na naglingkod bílang kaniyang tagapayo at katiwala, at bílang kasapi rin ng Kataastaasang Lupon. Ginamit ni Bonifacio ang Kartilya ni Jacinto bílang opisyal na panturo sa samahan bílang kapalit ng kaniyang dekalogo, na ayon sa kaniya ay mabábà kung ihahambing sa gawa ni Jacinto.

Ang mabilis na mga kilos ng Katipunan ang nagbigay ng hinala sa mga Kastila. Noong unang bahagi ng 1896, ang mga intelehensiyang Kastila ay alam na pagkakatatag ng lihim na samahán, at ang mga pinaghihinalaang mga kasapi ay minatyagan at pinag-aaresto. Noong 3 Mayo, nagsagawa ng pangkahatalang asemblea ng mga pinuno ng Katipunan sa Pasig, kung saan pinagdebatehan nila kung kailan magsisimula ang paghihimagsik. Habang nais ni Bonifacio na magsimula ang pag-aalsa sa lalong madaling panahon, nagpahayag ng pagpapasubali si Emilio Aguinaldo ng Cavite dahil sa kawalan ng mga armas. Ang napagkasunduan ay sumangguni muna kay José Rizal sa Dapitan bago pasimulan ang kanilang mga kilos, kayâ pinadala ni Bonifacio si Pio Valenzuela kay Rizal, na salungat sa hindi pa handang pag-aaklas at nagpayong magdagdag pa ng paghahanda.[9]

Himagsikang Pilipino

baguhin

Simula ng pag-aaklas

baguhin

Natiyak ng pamahalaang Kastila ang pagkakaroon ng Katipunan noong 19 Agosto 1896. Daan-daang mga pinaghihinalaang Pilipino, ang dinakip at ikinulong sa salang pagtataksil.[10] Paalis na noon si José Rizal patungong Cuba upang maglingkod bílang manggagamot sa sandatahan ng kolonya ng Espanya bílang kapalit ng pagpapalaya sa kaniya sa Dapitan.[11][12] Nang kumalat ang balita, unang sinubukan ni Bonifacio na kumbinsihin si Rizal, na nakakulong sa barkong patungo sa Look ng Maynila, na tumakas at sumali sa napipintong pag-aaklas. Nagpanggap sina Bonifacio, Emilio Jacinto at Guillermo Masangkay bílang mga marino at nagtungo sa daungan kung saan dadaong ang barkong sinasakyan ni Rizal. Personal na nakita ni Jacinto si Rizal, na tumanggi sa kanilang mungkahing pagpapatakas.[13] Rizal himself was later arrested, tried and executed.[11]

Upang maiwasan ang matinding paghahanap, ipinatawag ni Bonifacio ang libu-libong kasapi ng Katipunan sa Kalookan, kung saan pinasimulan nila ang pag-aaklas. Ang kaganapan, na minarkahan ng pagpunit ng mga sedula ay lumaong tinawag na "Sigaw ng Pugad Lawin"; ang tiyak na pook at petsa ng pinagdausan ng pangyayari ay pinagtataluhan.[14][15] Ang Kataastaasang Lupon ng Katipunan ay naghayag ng malawakang himagsikang laban sa Espanya at nagpatawag ng tuloy tuloy na pagsugod sa kabiserang Maynila noong 29 Agosto.

Mga kontrobersiya sa kasaysayan

baguhin

Ang kasaysayan ni Bonifacio ay kinapapalooban ng maraming mga kontrobersiya. Ang kaniyang pagkamatay ay salitang tinitignan bílang isang paghatol sa salang pagtataksil sa bayan at isang "legal na pagpaslang" na bunga ng politika. Marami ang naniniwalang ang kanyang pagkamatay ay naayon na rin sa kagustuhan ng Pangulong Emilio Aguinaldo upang mapanatiling ang pagkakaisa ng pamahalaan at ito rin ay ayon na rin sa assesment ng kanyang mga taga payo.

Paglitis at pagbitay

baguhin

Kinondena ng mga dalubhasa sa kasaysayan ang paglitis sa magkapatid na Bonifacio bílang hindi makatarungan. Binubuo ang hukom ng halos mga kaanib ni Aguinaldo; Ang abogado ni Bonifacio ay tila naging tagausig niya rin dahil inihayag din niya ang pagiging may salà ni Bonifacio kaysa sa umapela para sa higit na mabábang parusa; hindi rin pinayagan si Bonifacio na harapin ang mga púnong saksi para sa mga kasong pakikipagsabwatan sa kadahilanang napaslang na ang mga ito sa mga labanán, subalit lumaon ay nakita ang mga saksi kasáma ang mga tagausig.[16][17] Isinulat ni Teodoro Agoncillo na isang malaking hadlang si Bonifacio sa pagpapahayag ng kapangyarihang sumasalungat kay Aguinaldo sa himagsikan, dahil hinahati nito ang lakas ng mga rebelde na maaaring magdulot ng tiyak na pagkatalo sa kanilang kalabang mga Kastila.[18]

Sa kabaligtaran, isinulat ni Renato Constantino na hindi hadlang si Bonifacio sa himagsikan sa pangkalahatan dahil nais pa rin niyang labánan ang mga Kastila, at hindi rin hadlang sa himagsikan sa Kabite dahil siya ay aalis na; subalit tiyak na hadlang si Bonifacio sa mga pinuno sa Kabite na nais makuha ang pamamahala ng himagsikan, kaya siya pinatay.

Si Bonifacio bílang Unang Pangulo ng Pilipinas

baguhin
Andrés Bonifacio y de Castro
 
Isang pagguhit sa larawan ni "Presidente" Bonifacio na iginaya sa naunang litrato
(8 Pebrero 1897, La Ilustración Española y Americana)
Pangulo ng Pilipinas
(Hindi Opisyal)
Republikang Tagalog
Nasa puwesto
24 Agosto 1896 – Ika-10 o 22 Marso 1897
Pangalawang PanguloGregoria de Jesús
(Unofficial)
Nakaraang sinundanItinatag ang posisyon
Sinundan niEmilio Aguinaldo y Famy
Personal na detalye
Isinilang30 Nobyembre 1863(1863-11-30)
Tondo, Maynila, Pilipinas
Yumao10 Mayo 1897(1897-05-10) (edad 33)
Maragondon, Cavite, Pilipinas
HimlayanNawawala
Partidong pampolitikaLa Liga Filipina
Katipunan
AsawaMonica
Gregoria de Jesús
PropesyonRebolusyonaryo

May ilang mga dalubhasa sa kasaysayan tulad nina Milagros Guerrero, Emmanuel Encarnación, at Ramón Villegas ang nagtutulak na kilalanin si Bonifacio bílang unang Pangulo ng Pilipinas kaysa kay Aguinaldo, ang opisyal na kinikilalang pangulo. Ang paniniwalang ito ay nakabatay sa posisyon nitong Supremo sa pamahalaang himagsikan ng Katipunan mula 1896-1897. Ang paniniwalang ito ay nagbibigay diin na si Bonifacio ang nagtatag ng pamahalaan sa pamamagitan ng Katipunan bago pa nakabuo ng pamahalaang pinamunuan ni Aguinaldo sa pamamagitan ng Kapulungan ng Tejeros. Isinulat ni Guerrero na mayroong konsepto si Bonifacio na bansang Pilipinas na tinawag na Haring Bayang Katagalugan, na pinalitan ni Aguinaldo ng konseptong Filipinas.[3][4][19][20]

Si Bonifacio bílang pambansang bayani

baguhin

Pangkalahatang tinuturing si José Rizal bílang Pambansang bayani, subalit iminumungkahi si Bonifacio bílang higit na karapat-dapat na kandidato bílang pambansang bayani dahil siya ang nagpasimula ng Himagsikang Pilipino. Napansin ni Teodoro Agoncillo na ang pambansang bayani ng Pilipinas, hindi gaya ng sa ibang bansa, ay hindi ang "pinúnò ng puwersa ng liberasyon".[21] Isinulat ni Renato Constantino na si Rizal ay "bayaning itinaguyod ng Estados Unidos" na itinaguyod bílang pinakadakilang bayaning Pilipino noong panahon ng pananakop ng mga Amerikano sa Pilipinas - pagkatapos matalo si Aguinaldo sa Digmaang Pilipino-Amerikano. Itinaguyod ng Estados Unidos si Rizal, na piniling ang mapayapang pamamaraan, kaysa sa mga radikal na tao na ang mga ideya ay maaaring pumukaw na lumaban sa pamumunong Amerikano.[22]

Mga buto ni Bonifacio

baguhin

Noong 1918, ang pamahalaang ginawa ng Amerika sa Pilipinas ay nagpasimula ng paghahanap sa mga labi ni Bonifacio sa Maragondon. Isang pangkat ng mga pinúnò ng pamahalaan, mga dating rebelde, at isang kinilalang tagapaglingkod ni Bonifacio ang nakahanap ng mga buto na sinasabi nilang mula kay Bonifacio sa isang tubuhan noong 17 Marso. Inilagay nila ang mga buto sa isang urna at ibinigay sa pangangalaga ng Pambansang Aklatan ng Pilipinas. Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, sinakop ng mga Hapón ang Pilipinas. Ang mga buto ay nawala dahil sa malawakang pagkasira at nakawan noong Digmaan ng Maynila noong Pebrero 1945.[23][24][25]

Mga sanggunian

baguhin
  1. Agoncillo 1996, p. 41
  2. Agoncillo 1990.
  3. 3.0 3.1 Guerrero 1998, pp. 166–167.
  4. 4.0 4.1 Guerrero 1996a, pp. 3–12.
  5. Or: Kataastaasan(g) Kagalanggalangang...
  6. Guerrero 1998, p. 132.
  7. Constantino 1975, pp. 158–159
  8. Agoncillo 1990, p. 149
  9. Guerrero 1998, pp. 160–164.
  10. Constantino 1975, p. 176.
  11. 11.0 11.1 Constantino 1975, p. 177
  12. Guerrero 1998, pp. 143, 164.
  13. Borromeo-Buehler 1998, pp. 29–30.
  14. Borromeo-Buehler 1998
  15. Guerrero 1996b, pp. 13–22
  16. Constantino 1975, pp. 190–191
  17. Villanueva 1989, pp. 60, 64.
  18. Agoncillo 1990, pp. 180–181.
  19. Cristobal 2005.
  20. "La Ilustración Española y Americana", Año 1897, Vol. I.[patay na link] Museo Oriental de Valladolid Site.
  21. Agoncillo 1990, p. 160
  22. Constantino 1980, pp. 125–145.
  23. Ocampo 2001.
  24. Morallos 1998.
  25. "Philippine Revolution." Naka-arkibo 2009-07-23 sa Wayback Machine. Retrieved on 1 Agosto 2009.

Mga kawing panlabas

baguhin