Kababaihan sa Pilipinas

Ang gampanin ng mga kababaihan sa Pilipinas (mga Pinay) ay ipinaliwanag ayon sa diwa ng kalinangang Pilipino, pamantayan, pananaw at kaisipan. Nilarawan ang Pilipinas bilang isang bansa ng mga matatatag na mga kababaihan, na tuwiran at hindi tuwirang nagpapatakbo sa mag-anak, negosyo, mga tanggapan ng pamahalaan at mga hasyenda. Bagaman pangkalahatang pinakakahuluganan nila ang kanilang mga sarili sa isang tagpuan sa Asya na napapangibabawan ng mga kalalakihan sa isang lipunang dumaan sa kolonyalismo at Katoliko, namumuhay ang mga Pilipinong kababaihan sa isang kulturang nakatuon ang pansin sa pamayanan, na ang mag-anak ang pangunahing bahagi ng lipunan. Dito sa balangkas na ito - na may kayariang pangkahanayan, pagkakaiba-ibang antas sa lipunan, kadahilanang makapananampalataya, at pamumuhay sa isang umuunlad na bansa ng mundo - nakikibaka ang mga kababaihang Pilipino. Kung ihahambing sa ibang mga bahagi ng Timog-silangang Asya, palagiang nakakatamasa ng mas malaking antas ng kapantayang makabatas ang mga kababaihang nasa lipunan ng Pilipinas.[1][2][3][4]

Mga kababaihan sa Pilipinas sa makabagong panahon.
Isang babaeng Tagalog (nasa kanan) na nilalarawan sa Boxer Codex ng ika-16 daantaon.

Katayuan noong panahong klasikal

baguhin
 
Isang larawan ng batang babaeng kabilang sa uring Maginoo na mayroong palamuting ginto sa katawan.

Ang kayariang panlipunan ng Pilipinas bago maging kolonya ay nagbibigay ng pantay na pagpapahalaga sa kahanayang maka-ina at maka-ama. Dahil sa pamamaraang ito, napagkalooban ang mga kababaihang Pilipino ng higit na kapangyarihan sa loob ng isang angkan. Mayroon silang karapatang magkaroon ng ari-arian, makilahok sa kalakalan at maaaring hiwalayan o diborsiyuhin ang asawang lalaki. Maaari rin silang maging pinuno ng nayon kung walang tagapagmanang lalaki sa katungkulan. Bago dumatingng manggagamot o mataas na babaeng pari at astrologa.[4][5][6][7]

Hispanikong Pilipinas

baguhin
 
Mga kababaihang Ilocana.

Noong kapanahunan ng pagkakolonya ng Pilipinas, inilagak ng mga Kastila ang mga Pilipina sa isang pampangalawang katayuan sa lipunan, habang niluluwalhati at itinatakda ang Birheng Maria bilang huwaran ng mga Pilipinong babae. Ang pagsapit ng mga Kastila at Katolisismo ang siya ring nagtakda ng tungkulin ng mga katutubong kababaihang Pilipino sa simbahan, sa kumbento, at sa tahanan.[4][5][6]

Impluwensiyang Amerikano

baguhin

Nang matalo ang Espanya sa Digmaang Kastila-Amerikano noong 1898, ipinaubaya ang Pilipinas sa Estados Unidos ng Amerika. Ipinakilala ng Amerika ang pamamaraan ng edukasyong pampubliko, na naging sanhi ng pagbabago sa mga gampanin ng mga kababaihan sa lipunan. Naging mga impluwensiya rin sa kaisipan ng Pilipinong kababaihan ang mga demokratikong diwa ng halalan at mga partidong pampolitika. Sa pamamagitan ng mga sistemang kahalintulad ng sa mga paaralang Amerikano, naging mga propesyunal ang mga babaeng Pilipino.[6][8]

Pangkasalukuyang mga gampanin

baguhin

May gampanin sa pagpapasiyang pangmag-anak ang mga pangmakabagong-panahong mga kababaihan Pilipino. Sila ang nangangasiwa ng pananalapi, gumaganap bilang mga tagapangaral na pampananampalataya, at maaari ring maghanda at makipagkasundo hinggil sa mga pagpapakasal ng mga anak na lalaki at babae, na may pagpupunyagi upang mapainam ang mga ugnayang dinastiko ng mag-anak. Ipinapakita ng pag-angat nina Corazon Aquino, Imelda Marcos at Gloria Macapagal-Arroyo bilang mga mamamayan ng politika na may paggalang sa mga kababaihan ang lipunang Pilipino, sa kabila ng pangingibabaw ng mga kalalakihan, at bagaman kalimitang nilalarawan ang mga babae bilang mga tagapag-alaga ng kanilang mga asawang lalaki.[5][6]

Sa tagpuang urbano

baguhin

Sa nasasakupan ng hanapbuhayan sa kalakhang kalunsuran, pangkalahatang binibigyan ng trabaho ng mga kompanya at negosyo ang mga kababaihan para sa mas murang bayad at mababang mga tungkulin. Karaniwan, kinukuha ang mga lalaki para ilagay sa puwestong propesyunal at ang mga kababaihan para sa mga posisyong pangsekretarya, bagaman magkapantay sa antas ng pinag-aralan. Hindi lamang tatanggap ng mababang sahod ang Pilipina, kundi may dagdag na mga gampaning pangkalihim. Nagsisimula sa pagkabata ang ganitong "kaisipang pangkatulong." Sa paaralan, kalimitang nahahalal sa mga posisyong pangsamahan ang mga batang lalak katulad ng pangulo at pangalawang pangulo, habang bilang mga kasapi naman o mga ingat-yaman ang mga batang kababaihan. Sinusubukan ng mga batang babae ang kanilang kahalagahan sa pamamagitan ng pagtitiyaga sa mga gawain at sa pagiging responsableng mga mag-aaral. Kung ihahambing sa lalaking Pilipino, dinadala ng mga kababaihan ng Pilipinas ang kanilang obligasyon sa pagbibigay ng suportang pampananalapi sa mag-anak pagkaraan ng kanilang mga panahon sa pag-aaral at maging pagkalipas ng kasal. Sa kabilang panig naman, naitatabi ng lalaki ang kaniyang suweldo at walang hinahawakang obligasyon sa mag-anak.[1][8]

Subalit, ang mga pangkasalukuyang gawi sa pamamahala ng mga tauhan sa kompanya at negosyo ang nagbigaydaan sa pagkakaroon ng pagkakapantay-pantay. Matutunghayan na ito ngayon sa pagkakaroon ng maraming mga babaeng humahawak ng mga matataas na mga puwesto sa malalaki at maliliit na mga samahan. Marami na ring mga kababaihang may mga katungkulang pangtagapamahala at tagapangasiwa sa mga bangko, pamahalaan, at maging sa mga kompanyang multinasyonal.

Tagpuang rural at pangkaangkanan

baguhin

Sa mga areang rural, pag-aari ng tahanan ang babaeng Pilipino. Lumalapit sa kaniya ang mga bata para humingi ng salapi at tulong. Siya ang ingat-yaman ng mag-anak. Pinangangalagaan niya ang mga pangangailangang pampaaralan ng mga bata. Para sa mga hindi kasapi ng mag-anak na nangangailangan ng kalinga, ang asawang babae ang taong dapat lapitan. Ngunit hindi siya ang taong magsasagawa ng huling pagpapasya o ang taong magaabot ng salapi.[1][9]

Subalit, taliwas sa mga nabanggit sa itaas, nilarawan ni Juan Flavier - isang manggamot, isang awtoridad sa kaunlarang pampamayan, at dating senador ng Pilipinas - sa kaniyang aklat na Doctor to the Barrios (Manggagamot sa mga Baryo) na "aminin man ng ilang mga (Pilipinong) kalalakihan"... "may angking malaking kapangyarihan ang mga kababaihan ng mga kanayunan sa Pilipinas,"[10] partikular na ang babaeng may-bahay. Natatangi na nga kung ang babaeng may-bahay, na kalimitang tinataguriang Reyna ng Tahanan, ay naniniwala sa mga biyayang matatanggap mula sa isang partikular na gawain katulad ng diwa ng pagpaplano ng pamilya sa mga baryo. Binanggit din ni Flavier na "Sa baryong Pilipino, ang taong may responsibilidad sa tahanan" at sa pamamahala nito "ay ang babaeng asawa... siya ang may tangan ng susi... sa kaunlaran... ng tahanan."[11]

Kasal at pakikipagkasintahan

baguhin

Sa mga pook na rural, bihira para sa isang babaeng Pilipino ang manatiling wala pang asawa. Hindi palagiang posible ang permanente o mahabang panahon ng katayuang pagkadalaga. Sa pamayanang etniko, kamakailan lamang naganap ang paghahanda ng sariling mga kasal ng mga mismong kalalakihan at kababaihan. Sa kinaugalian, ang konsehong pangtribo na binubuo ng mga katandaan at ng mag-anak ng batang lalaki ang nagaayos ng pagtatambal. Kakaunti ang masasabi ng mag-anak ng babae, at hindi talaga maaaring magsalita ang mismong babae. Halimbawa, batay sa tradisyong pangtribo ng mga Subanen, maaaring mag-asawa ng higit sa isang babae ang lalaki, at itinuturing na mga pag-aari ng lalaki ang mga babae. Subalit napapasailalim na ngayon ang ganitong uri ng prosesong interpersonal.[1]

Sa pakikipag-isang-dibdib, hindi ipinapakita ng mga kababaihan sa kanayunan ang kanilang mga damdamin sa kanilang mga asawang lalaki, partikular an ang nasa pamayanang may tribo, tiyak na ang mga paksang may kaugnayan sa pag-ibig at pakikipagtalik. Ganito ito dahil nakaugaliang itinuturing na pagaari ng asawang lalaki ang kaniyang asawang babae at ang lalaki ang nagpapasya hinggil sa katawan ng babae. Hindi siya maaaring humiling o hadlangan ang mga kagustuhan ng asawang lalaki. Dahil sa ganitong pananaw na pangkalinangan, nakadaranas ng mataas na antas ng pangaabuso sa loob ng tahanan ang mga kababaihang nasa mga pook na rural sa Pilipinas, kapag ihahambing sa mga nasa lugar ng kalunsuran. Walang kapangyarihan ang mga babae hinggil sa bilang ng kanilang mga anak. Bilang kinalabasan, hinaharap ng mga pamayanang rural ang labis na populasyon, na isang lumalaking katotohanang pandaigdig. Kaugnay ng lipunan at pangkabuhayan, walang sapat na lupain o kapalit na paraan ng pamumuhay.[1]

Alinsunod sa kalinangan, tinatanaw ang paghihiwalay ng mag-asawa sa pamamagitan ng diborsiyo bilang isang hindi mainam at nakasisirang gawain sa Pilipinas, dahil sa isang kaugalian na nagbabanggit at nagbibigay diin na ang mag-anak ang pinakagitnang antas ng lipunan, natatangi na para sa asawang babaeng Pilipino. Hindi tinatanggap na solusyon ang diborsiyo para sa anumang suliraning kaugnay sa pagkakaisangdibdib dahil inuudlot nito ang kaunlaran at pag-usad ng payak na bahagi na lipunan. Samakatuwid, obligado ang mag-asawang ayusin ang mga gusot sa kanilang buhay sa loob ng hangganan ng kasal.[1]

Subalit dapat na laging tandaan, na nagtatamasa ang mga kababaihan sa Pilipinas bago pa naging kolonya ng mga dayuhan ng katayuang kapantay ng sa mga kalalakihan. Bago sumapit ang pananakop ng mga banyaga, kapwa nakakakuha ng diborsiyo ang mga lalaki at babae para sa ganitong mga sumusunod na kadahilanan: pagkabigo sa pagsasakatuparan ng mga obligasyong pampamilya, kawalan ng anak, at pakikiapid. Hahatiin ng patas ang mga anak na sasama sa mag-asawa anuman ang kasarian ng mga ito, maging ang mga ari-arian. Dahil kinailangang magbayad ng handog pangkasal ng lalaki sa mag-anak ng babae, inaatasang ibalik ng babae ang handog kapag siya ang napag-alamang may kamalian. Kapag ang lalaki ang may kasalanan, nawala na ang kaniyang karapatan para maibalik sa kaniya ang kaniyang handog na halaga.

Pinahahalagahan ng lipunan noong bago sumapit ang kolonyalismo, na walang kinikilingang kasarian. Kasinghalaga ng mga lalaking anak ang mga babaeng anak, maaring dahil ito sa kalalabasang kaugnay ng pangkabuhayan, na makakatanggap ng handog na halaga mula sa mga manliligaw o maaaring maging asawang lalaki at sa kanilang kakayahang makatulong sa mga gawaing pangkabuhayan, panlipunan, at pampolitika ng mag-anak.

Pagbabago, impluwensiya, at mga pamamagitan

baguhin

Bagaman binago ng Simbahang Romano Katoliko ang kaniyang posisyon hinggil sa mga gampanin ng mga kababaihan sa kasal, nananatiling pangalawa pa rin lamang sa lalaking asawa ang babaeng asawa. Siya ang tagapaglingkod at katulong sa buhay ng asawang lalaki.

Sa mga lugar na urbano, naging mga liberal o mas malaya ang isang Pilipinang wala pang asawa dahil sa impluwensiya ng Kanlurang kalinangan. Bagaman hindi pa rin katanggap-tanggap sa kultura ang gawain ng pag-imbita ng isang babaeng walang asawa sa isang lalaki upang ipakita ang damdamin o pag-aya sa pamamasyal o pagkain sa labas, natutunan ng mga Pilipinang gamitin ang "wika ng katawan" o pagpapahiwatig sa pamamagitan ng mga kilos ng katawan o mga bahagi nito para ipadama ang kanilang kagustuhan at kahandaan sa pagkakaroon ng pakikipag-ugnayan sa isang lalaki.

Sa mga pamayanang rural, hindi pa rin pinapahintulutan ang mga Pilipina na maging masyadong liberal. Kailangan pa rin nilang impitin at itago ang kanilang mga katangian at seksuwalidad, at dapat na magpakita ng buong kawalan ng kagustuhan sa pakikisalamuha sa mga lalaki upang mapanatili ang reputasyon at paggalang sa sarili.

Mga Pilipina at hanapbuhay

baguhin

Sa nakaugalian, ang mga kababaihang at mula sa tribo ang gumaganap sa lahat ng mga gawain. Kabilang sa sakop ng kanilang mga tungkulin ang pagluluto, paglilinis, pagtuturo sa mga bata, paglalaba, pagkukumpuni, pagtatakda ng mga gugulin, at pamamahala ng bukid. Makaraang magararo sa bukid ng lalaking asawa, ang asawa ang nagtatanim, nagpapanatili sa kabukiran, nagdadala ng tubig, at nag-aani. Karaniwang tumutulong ang mga asawang lalaki sa pag-aani, subalit ang babae sa tribo ang may tungkuling maghanap ng pagkain para sa mag-anak. Gumaganap din siya bilang tagapamagitan sa pagitan ng kaniyang mga anak at kaniyang asawanglalaki. Halos siya na ang nangangasiwa ng lahat ngunit wala siyang kapangyarihan sa pananalapi o pagpapasiya.[1]

Sa kalahatan, nakakakuha ng karangalan sa kanilang mga gawain ang babaeng Pilipino. Hindi nila nakikita ang mga sarili bilang kaiba sa kanilang mga gawain dahil gumagawa silang kasama, kasalamuha, at para sa kanilang mga mag-anak. Binibigyan ng ganitong kaisipang makamag-anak ang mga kababaihan ng damdamin ng may mataas na pagtingin ng iba at responsibilidad. Pangunahing nakatuon sa mag-anak at mga anak ang buhay ng isang Pilipina.[1]

Kababaihang Pilipino at politika sa Pilipinas

baguhin
 
Si Corazon C. Aquino noong 1992.

Sa kabila ng pagpapakilala ng isang paaralang nakabatay sa sistemang Amerika at sa kabila ng pagbabago ng mga Pilipinong babae na naging mga may pinag-aralan at mga dalubhasang bahagi ng lipunang Pilipino, mabagal ang pakikiisa nila sa politika ng Pilipinas. Pangunahing dahil ito sa itinuturing na marumi ang pakikilahok sa politika, at dahil sa nakaugaliang diwa na nagsasabing hindi maaaring magkaroon ng mga tungkulin ang mga babae na mas mataas kesa sa kanilang mga asawang lalaki. Ngunit nagbabago rin ang ideyang kabilang lamang ang mga babae sa tahanan, sa simbahan, o sa kumbento. Ipinakilala ang lumang ideyang ito, ayon sa kasaysayan at nakaugalian, sa pamamagitan ng kolonisasyon. Isang pag-aaral na isinagawa kamakailan lamang ang nagbunyag na mayroon muling pagbuhay sa pagkakaroon ng kapangyarihan ng mga kababaihang Pilipino sa pamamagitan ng pamamaraang pampolitika, katulad ng katayuan nila bago pa dumating ang sinaunang mga mananakop mula sa Espanya. Muling natutuklasan ng mga babaeng Pilipino ang kanilang lakas sa kabila ng hindi nila tuwirang pakikilahok sa prosesong pampolitika. Naging matagumpay ang mga babaeng Pilipino sa pagpapatupad ng mga patakaran sa pamamagitan ng pagiging mga kasaping tagapagpatupad, mga tagapagpayo sa mga politiko, at bilang mga tagapagtaguyod at tagapagtangkilik sa loob ng mga samahang hindi kaugnay ng pamahalaan.[6]

Nagsasagawa ng pag-usad at mga pagbabago ang mga makabagong Pilipina sa politikong halalan sa pamamagitan ng paguumpisa ng mas maraming mga makababaeng mga palatuntunan. Gumaganap sila ng mainam bilang mga pinuno, bagaman sa pangkalahatan ay karaniwan pa ring nakakakamit ng mga tungkuling pampolitika ang mga babeng Pilipino sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga ama at mga asawang lalaking may mga kaugnayan pampolitika, isang "sistemang may dinastiya" na bumabalakid sa ibang mga babaeng Pilipino para makalahok sa prosesong panghalalan. Kabilang sa iba pang mga bagay na nagiging hadlang sa lubos na pakikilahok sa politika ng ibang mga may tunay na kakayahang mga Pilipina ang gastusin sa politika at ang kahalagahan ng pangalan ng mag-anak.[6]

Nahimok ang mga kababaihang Pilipino para makilahok sa politika sa Pilipinas noong panahon ng Pagpapahayag o Deklarasyon sa Beijing noong 1995 nang gawin ang Ikaapat na Pandaigdigang Pagpupulong ng mga Kababaihan sa Nagkakaisang mga Bansa. Subalit noong Pebrero 2005 may isang pagsusuring nagbuhat sa Nagkakaisang mga Bansa na hinggil sa pagusad ng mga kababaihang Pilipino at ng kanilang gampanin sa politika ang nagpakitang sa kabila ng pagtaas ng kalidad ng mga politikong kababaihan, walang sapat na pagtaas sa bilang ng mga nakilahok na mga babae sa mga gawaing pampamahalaan. Mula 1992 hanggang 2001, nahalal ang mga babaeng Pilipino bilang mga panlokal na mga punong tagapangasiwa, gumaganap bilang mga punong-bayan, mga gobernadora, at kapitan ng mga barangay. Isang maimpluhong bagay ang nakadagdag sa pagtaas ng bilang mga babaeng politiko ang pagkakaangat nina Corazon Aquino at Gloria Macapagal-Arroyo bilang mga babaeng Pangulo ng Pilipinas.[6][8]

Mga ambag sa lipunang Pilipino

baguhin

Naging pangunahing gawain ng mga pinunong kababaihan ang pagtataguyod ng makakababaihang paksa na nagpapainam sa kabuoan ng lipunang Pilipino, sa halip na yaong tiyakang nakatuon lamang sa kabutihan ng mga kababaihang Pilipino. Sa pangkalahatan, binigyang pansin ng mga makapangyarihang babaeng ito ang mga pangangailangan ng kanilang mga tauhan, kabilang ang mga paksang pangsakahan at panghanapbuhay. Partikular na ang paglikha na mga pamayanan palakaibigan sa mga pamayanan na may mga sapat na mga bahay-alagaan at nakapagbibigay na mga pagkaing pangkalusugan. Naglunsad sila ng mga tanggapang panlalawigan para sa mga babae at nangalap ng mga panggugol na pananalapi para sa mga gawaing ito. Sa pambansang antas ng lipunang Pilipino, nagsagawa na mga pangkaunlarang mga pagbabago na nakabuti sa mga kababaihan sa Pilipinas. Nag-alis sa pagkahilig sa panig ng iisan kasarian lamang sa mga kasong pangangalunya ang kautusang nagpapatupad ni Corazon Aquino noong 1987, na kilala bilang Kodigong Pampamilya o Batas na Pangmag-anak (Family Code). Ito rin ang nagpakilala ng pagpapawalangbisa ng kasal sa isang bansang hindi pinapahintulot ang diborsiyo. Isa pang kautusan noong 1991 ang nagmungkahi sa paglikha ng pagkakaroon ng pampook na mga kinatawan sa mga konsehong lokal at ang paglikha ng mga natatanging upuang pangtungkulin katulad ng isang kinatawan para sa mga kababaihan at isang kinatawan para sa mga manggagawa. Subalit sa kabila ng hindi pagkakaroon ng pagpapatupad ng batas na ito ng 1991, isang mungkahing batas noong 1992 ang nagpahintulot sa mga kababaihan upang makapagpatala sa mga akademiyang militar at iba pang mga organisasyong pinangingibabawan ng mga kalalakihan. Dahil rin sa mungkahing batas na ito noong 1992, nakapagtatag ang mga Pilipinong kababaihan ng mga kakayahang manghiram ng salapi at makapag-ari ng lupain na hindi na nangangailan ng pahintulot ng isang ama o asawang lalaki. Sa ngayon, naging masigla na rin ang mga babae sa larangan ng palakasan at iba pang mga gawain sa labas ng tahanan. Naging malaya na sila ngayon para makilahok sa anumang aktibidad na angkop, ayon sa kanilang pananaw, para sa kanilang mga personalidad at makapagdaragdag sa kanilang kaalaman at kasanayan. Dati, para lamang sa mga taguan ng damit ang mga babae, na nangangahulugang kailangang manatili sila sa pamamahay upang mag-alaga ng mga bata at gumawa ng mga gawain sa bahay. Sa kasalukuyan, karamihan sa mga babaeng Pilipino ang nangingibabaw sa anumang larangang piliin nila at napatunayang mga karangalan ng bansang Pilipinas.[6][8]

Kababaihang Pilipino sa sining

baguhin

Sa kaniyang mga pinintang dibuho ng mga kababaihang Pilipino, tinanggihan ng Pambansang Alagad ng Sining ng Pilipinas na si Fernando Amorsolo ang mga pamantayang Kanluranin ng kagandahan upang panigan ang mga pamantayang Pilipino.[12] Sinabi niyang ang mga kababaihang ipininta niya ay mayroong "bilugang mukha, hindi yung bilog-haba na karaniwang ipinapakita sa atin ng mga larawan sa mga pahayagan at babasahin. Dapat na ang mga mata ay sadyang may buhay, hindi mapungay at antukin na katangian ng isang Mongolian. Dapat na pulpol ang ilong ngunit matatag at madiin ang pagkakaguhit. ... kaya ang kagandahan ng babaeng Pilipina ay sadyang hindi nararapat na may puting balat, o madilim ang pagkakayumanggi katulad ng sa karaniwang Malay, subalit dapat na may maliwanag na kulay ng balat o sariwang uri ng kulay na palagian nating nakikita kapag nakakatagpo tayo ng isang namumulang mukha ng nahihiyang batang babae."[12]

Tingnan din

baguhin

Mga sanggunian

baguhin

Talababa

baguhin
  1. 1.0 1.1 1.2 1.3 1.4 1.5 1.6 1.7 Clamonte, Nitz. Women in the Philippines, tinipon mula sa Gender Awareness Seminars Naka-arkibo 2007-09-28 sa Wayback Machine., pinaunlad ang pinangasiwaan ni Nitz Clamonte, Ozamiz.com (walang petsa), nakuha noong: 11 Hulyo 2007
  2. The Role and Status of Women, U.S. Library of Congress, CountryStudies.us (walang petsa), nakuha noong: 11 Hulyo 2007
  3. Laya, Jaime C. at Michael Van D. Yonzon, Through the Years, Brightly: The Tadtarin Naka-arkibo 2010-04-28 sa Wayback Machine.; at Joaquin, Nick. The Summer Solstice, PIA.gov (walang petsa),
  4. 4.0 4.1 4.2 Vartti, Riitta (patnugot), "Women writers through the ages; The Spanish era", The History of Filipino Women's Writings Naka-arkibo 2011-07-20 sa Wayback Machine., isang lathalain mula sa Firefly - Filipino Short Stories (Tulikärpänen - filippiiniläisiä novelleja), 2001 / 2007, nakuha noong: 12 Abril 2008, "...Filipinas (i.e. Philippine women) enjoy a reputation of power and equality compared to most of their Asian neighbors..."; "...The Spaniards of the 1500s were horrified by the revolting liberty and too high social status of the woman, mujer indigena, in the islands just conquered by them. Women could own property and rule the people, act as leaders of rites and ceremonies of the society, and divorce their husbands..."; "The Conquistadors and the friars quickly changed this with the European model, where women's place was at home and not in prominent positions. As a consequence, during hundreds of years, education was given only to upper class girls, who were trained to become beautiful, submissive, capable to stitch embroidery, and suitable to marriage. The nun institution offered the only possibility for a career and teaching was the only educated occupation allowed to them..." (sa Ingles)
  5. 5.0 5.1 5.2 Karnow, Stanley. In Our Image: America’s Empire in the Philippines, Ballantine Books, Random House, Inc., 3 Marso 1990, 536 pahina, ISBN 0-345-32816-7
  6. 6.0 6.1 6.2 6.3 6.4 6.5 6.6 6.7 Shah, Angilee. Women's Political Role on Rise in Philippines. UCLA International Institute. Inarkibo mula sa orihinal noong 2007-04-27. Nakuha noong 2007-07-12.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link) (batay sa panayam at pag-aaral na panghalalan ni Prosperina D. Tapales, propesor ng administrasyong pampubliko sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman, Lungsod ng Quezon, Pilipinas)
  7. Proserpina D. Tapales (2005). "Women in Contemporary Philippine Local Politics" (pdf). UCLA International Institute: UCLA Center for Southeast Asian Studies. Nakuha noong 2007-07-12.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  8. 8.0 8.1 8.2 8.3 Vartti, Riitta (patnugot), “Women writers through the ages; The U.S. Period”, The History of Filipino Women's Writings, isang lathalain mula sa Firefly - Filipino Short Stories (Tulikärpänen - filippiiniläisiä novelleja), 2001 / 2007 Naka-arkibo 2011-07-20 sa Wayback Machine., nakuha noong: 12 Abril 2008, "...They (i.e. Filipino women) were now, for the first time equally with men, accepted to study..."; "...Their problem was the resistance of the patriarchal society..."; "...The first woman president Corazon Aquino was elected to power..."; "Many women writers, especially those from the capital area, participated in the development of the media since the 1930s..."; "...In the turn of the 1970s began a period of cultural revolution, student movements and new rise of nationalism. For the women writers it meant social awakening, commitment and protest..."; "...The Filipinas now wanted to create their own images by themselves..."
  9. "Philippines: The Role and Status of the Filipina". Ecyclopedia of the Nations. 1991. Nakuha noong 2007-07-12.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  10. Salin mula sa Ingles na : (...) "whether some (Filipino) men are willing to admit it or not"... "rural women in the Philippines wield consideratble authority..." (...)
  11. Flavier, Juan Martin. Doctor to the Barrios, Experiences with the Philippine Reconstruction Movement, Chapter 10: Family Planning in the Barrios, New Day Publishers (1970/2007), p. 157, ISBN 9711006634. Salin mula sa Ingles na: (...) "In the Philippine barrio, the one responsible for the home" and its management "is the wife... she holds the key to... household... development." (...)
  12. 12.0 12.1 Paras-Perez, Rodriguez. Amorsolo Drawings (excerpt available online Naka-arkibo 2011-09-03 sa Wayback Machine.) (1992), ISBN 9491386742. Isinalin mula sa Ingles na: (...) "a rounded face, not of the oval type often presented to us in newspapers and magazine illustrations. The eyes should be exceptionally lively, not the dreamy, sleepy type that characterizes the Mongolian. The nose should be of the blunt form but firm and strongly marked. ... So the ideal Filipina beauty should not necessarily be white complexioned, nor of the dark brown color of the typical Malayan, but of the clear skin or fresh colored type which we often witness when we met a blushing girl." (...)

Lahatan

baguhin

Mga kaugnay na kawing panlabas

baguhin