Konsilyo ng Trento
Ang Konsilyo ng Trento o Konseho ng Trento (Ingles: Council of Trent) ay ang ika-19 na Konsilyong Ekumenikal (Konsehong Ekumenikal) ng Simbahang Katoliko Romano.[1] Ang mahahalagang mga kasapi ng Simbahang Katoliko ay nagpulong sa Trento (Trent) nang tatlong mga ulit sa pagitan ng Disyembre 13, 1545, at Disyembre 4, 1563, bilang pagtugon sa Repormang Protestante.[1] Ipinahayag nito ang noon ay laganap at napapanahon noon na mga doktrinang Katoliko hinggil sa kaligtasan, mga sakramento, at kanong Biblikal; at sinagot nito ang lahat ng mga pagsalungat, pakikipagtalo, at pangangatwiran ng mga Protestante.[1]
Madalas na hindi makapagpulong ang konsilyo kung kailan nila gusto, at kung minsan ay hindi talaga makapagpulong, dahil sa pagtutol mula sa mga papa at paghihimagsik laban sa emperador.[2] Ninais ni Emperador Charles V na makapagpulong ang konseho, at ipinatawag ni Papa Pablo III ang konsilyo noong 1537, subalit nabigo ang mga balak na ito.[2] Noong 1538, muling nabigo ang mga ideya para sa isang konseho.[2] Hiniling ng papa na magpulong ang konsilyo noong 1542, ngunit hindi ito talagang nakapagpulong hanggang sa pagsapit ng 1545. Hindi naging masigla ang konsilyo mula 1547 hanggang 1551. Muling nagpulong ang konseho mula 1551 hanggang 1552, nang masuspindi ito dahil sa isang pag-aalsa laban sa emperador.[2] Malakas na hindi nagustuhan ni Papa Pablo IV (1555-1559) ang mga ideyang Protestante at hindi muling nakapagsimula ang konseho hanggang sa maupo sa tungkulin ang kaniyang kapalit.[2] Nagpulong sa huling pagkakataon ang konsilyo mula 1562 hanggang 1563.
Ang Konsilyo ng Trento ay dating bahagi ng Kontra-Reporma. Magiging mahigit sa 300 mga taon hanggang sa maganap ang sumunod na Konsilyong Ekumenikal.
Natanaw ni Papa Pablo III na lumalaki ang Repormang Protestante. Noong dati, isang maliit na bilang ng mga pari ang naging kabahagi ng repormasyon, subalit sa paglaon ay marami nang mga prinsipe, lalo na sa Alemanya, ang nagtaguyod ng mga ideya nito. Kung kaya't hinangad ni Papa Pablo III ang isang konsilyo. Subalit ang konseho ay hindi kaagad nakapagpulong hanggang sa pagsapit ng 1545, at nakapagpulong ito bago ang kamatayan ni Martin Luther. Inilipat ang konsilyo sa Bologna noong Marso 1547 na ang dahilan ay upang makaiwas mula sa isang salot;[2] na walang anumang plano na makapagpulong na muli noong Setyembre 17, 1549. Muling binuksan ni Papa Julio III (1550–55) ang konsilyo sa Trento noong Mayo 1, 1551; natiwalag ito noong 1552, at muling ipinatawag ni Papa Pio IV (1559–65) sa huling pagkakataon noong Enero 18, 1562, kung kailan nagpatuloy ito hanggang Disyembre 4, 1563.
Mga layunin at pangkalahatang mga resulta
baguhinAng mga layunin ng Konsilyo ng Trento ay ang mga sumusunod:
- 1. Mapahinto ang mga ideya at mga gawain ng Protestantismo at suportahan ang mga ideya ng Simbahang Katoliko.
- 2. Baguhin ang mga bahagi ng simbahan at ang mga kilos ng mga pinuno ng simbahan na nakapinsala o nakapanakit sa mga ideya at imahe ng Simbahang Katoliko.
Ang mga resulta ay ang mga sumusunod:
- 1. Ang interpretasyon o pag-unawa ng simbahan sa Bibliya ay hindi na mababago. Ang sinumang Kristiyano na hindi umaayon sa pagpapaliwanag ay isang heretiko. Gayundin, ang Bibliya at ang Kaugalian o Tradisyon ng Simbahan ay mayroong magkapantay na kapangyarihan.
- 2. Inilarawan at binigyan ng kahulugan ang ugnayan ng paniniwala o pananampalataya at mga gawain sa pagliligtas, na sumunod sa mga hindi pagkakasundo hinggil sa doktrina ni Martin Luther hinggil sa "pagbibigay ng katwiran sa pamamagitan ng paniniwala lamang".
- 3. Ang mga gawain ng Katoliko na katulad ng mga indulhensiya, mga pilgrimahe, ang benerasyon ng mga santo at ng mga relikya, at ang benerasyon ng Birheng Maria ay malakas na muling ipinagtibay.
Ang mga kapasyang pangdoktrina ng konsilyo ay hinati sa mga kaatasan o mga dekreto (decreta), na naglalaman ng positibong pahayag ng mga dogma ng konsilyo, at sa mga maiiksing mga kanon (canones), na humahatol, tumutuligsa, nagbabawal, at nagbibigay ng parusa sa nagkakaiba-ibang mga pananaw ng Protestante na mayroong pagtatapos na "anathema sit" ("bayaan siyang maging anathema"); na ang anathema ay nangangahulugang "isinumpa" o mga paghahatol o pagpaparusa na ibinigay ng mga papa laban sa partikular na mga heresiya.
Tala ng mga kapasiyahang dogmatiko
baguhinDoktrina | Sesyon | Petsa | Mga kanon | Mga kapasiyahan |
---|---|---|---|---|
Hinggil sa Sagisag ng Pananampalataya | 3 | Pebrero 4, 1546 | Wala | 1 |
Ang Banal na mga Kasulatan | 4 | Abril 8, 1546 | Wala | 1 |
Kasalanang Orihinal | 5 | Hunyo 7, 1546 | 5 | 4 |
Pagbibigay-katwiran | 6 | Enero 13, 1547 | 33 | 16 |
Ang mga Sakramento sa Pangkalahatan | 7 | Marso 3, 1547 | 13 | 1 |
Binyag | 7 | March 3, 1547 | 14 | Wala |
Kumpil | 7 | Marso 3, 1547 | 3 | Wala |
Banal na Eukaristiya | 13 | Oktubre 11, 1551 | 11 | 8 |
Kumpisal | 14 | Nobyembre 15, 1551 | 15 | 15 |
Pagpapahid ng Banal na Langis | 14 | Nobyembre 4, 1551 | 4 | 3 |
Banal na Eukaristiya, Hinggil sa Komunyon | 21 | Hunyo 16, 1562 | 4 | 3 |
Banal na Eukaristiya, Hinggil sa Pag-aalay ng Misa | 22 | Setyembre 9, 1562 | 9 | 4 |
Mga Banal na Orden | 23 | Hulyo 15, 1563 | 8 | 3 |
Matrimonyo | 24 | Nobyembre 11, 1563 | 12 | 1 |
Purgatoryo | 25 | Disyembre 4, 1563 | Wala | 1 |
Mga kulto: Mga Santo, mga Relikya, mga Imahe | 25 | Disyembre 4, 1563 | Wala | 3 |
Mga Indulhensiya | 25 | Disyembre 4, 1563 | Wala | 1 |
Tingnan din
baguhinMga sanggunian
baguhinMga kawing na panlabas
baguhin- Isang Pananaw na Katoliko hinggil sa Konsilyo ng Trento mula sa Catholic Encyclopedia
- Ang teksto ng Konsilyo ng Trento, isinalinwika sa Ingles ni J. Waterworth, 1848