Si Maka-andog, na ang ibig sabihin sa mga Samarnon, Samareño, at Waray-Waray ay "isang taong kapag naglalakad ay lumilikha isang malakas na ingay na parang kulog at yumanig sa lupa na parang lindol", ay isang pangunahing mitolohiyang higante sa silangang Samar.[1][2] Siya ay isinasaalang-alang na unang nanirahan sa silangang Samar at nagtatag ng Borongan.[3] Nagtataglay siya ng supernatural na kapangyarihan.[1]

May paniniwala na mayroong mga enkantong kuweba sa gilid ng bangin na nagtataglay ng mga buto ng mga higanteng tao na pinaniniwalaang mga unang nanirahan sa Samar. Kasama sa mga higanteng tao na ito sina Maka-andog at ang kanyang mga kamag-anak.[3]

Mga kuwento ni Maka-andog

baguhin

Ang mga kuwento ni Maka-andog ay naglalaman ng mga sinaunang salita ng mga taga-Samar na hindi ginagamit sa pang-araw-araw na pag-uusap.[3]

May mga kuwentong nagsasabi na si Maka-andog ay nanggaling sa probinsiya ng Quezon at nagtungo siya sa Samar dahil sa kakulangan ng pagkain sa Quezon. Mayroon namang mga kuwento na nagsasaad na ipinadala ng Diyos o ng pamahalaan si Maka-andog sa Samar para ipagtanggol ang mga nanirahan doon sa mga Moro ng Mindanao. May isang kuwento na kinilala si Maka-andog bilang Raja ng Samar.[3]

Ayon sa mga kuwento, si Maka-andog ay may taas na tatlumpu at anim na talampakan. Habang naglalakad si Maka-andog sa tabing dagat ay nayayanig ang lupa at nalalaglag ang mga kaldero sanhi ng pagyanig ng mga bahay at nauupo ang mga tao para maiwasang madala ng pagyanig ng lupa. Siya ay nagsasaka, nangingisda at nagtitipon ng tuba. Nabuhay siya nang limang daang taon.[3]

Si Maka-andog at si Juan Pusong

baguhin

Sa kuwentong ito ay magkaibigan sina Maka-andog at Juan Pusong o Juan Tamad. Nagkaroon ng pagtatalo ang dalawang magkaibigan dahil pareho nilang sinasabi na mas malakas sila kaysa sa anumang hayop sa mundo. Napagkasunduan nilang maglaban para maayos ang kanilang pagtatalo at ang matatalo sa labanan ay magiging alipin ng mananalo. Nanalo si Maka-andog sa labanan dahil sa kanyang pisikal na lakas at sobrenatural na kapangyarihan at naging alipin niya si Juan Pusong. Binigyan niya ng lupain si Juan Pusong para pagyamanin. Araw-araw ay nagtutungo doon si Juan Pusong upang magtrabaho at dinadalhan naman siya ng pagkain ni Maka-andog. [1]

Isang araw ay hindi nadalhan ng pagkain ni Maka-andog si Juan Pusong dahil ito ay nakatulog nang buong araw. Dahil dito ay nagalit si Juan Pusong at pumunta sa bahay ni Maka-andog para ito ay patayin.[1]

Habang papunta sa bahay ni Maka-andog gamit ang isang bangka, nakakilala si Juan Pusong ng kamanga (Ingles: whetstone), igat, ibon na kung tawagin ay get get, malaking bubuyog, at alimango. Ikinuwento ni Juan Pusong sa kanila kung saan siya pupunta at kung ano ang kanyang gagawin. Sinabi ng kamanga, igat, ibon at ng bubuyog kay Juan Pusong na kung pasasakayin sila sa bangka nito ay tutulungan nilang patayin ni Juan Pusong si Maka-andog. Sumang-ayon si Juan Pusong at naglakbay sila patungo sa tahanan ni Maka-andog.[1]

Habang naglalakbay ay nagplano sila kung paano nila papaslangin si Maka-andog.[1]

Pagdating sa tahanan ni Maka-andog ay isinakatuparan nina Juan Pusong at kanyang mga kasama ang kanilang pinag-usapang plano at kanilang napaslang si Maka-andog.[1]

Mga sanggunian

baguhin
  1. 1.0 1.1 1.2 1.3 1.4 1.5 1.6 Hart, Donn V.; Hart, Harriett E. "JUAN PUSONG: THE FILIPINO TRICKSTER REVISITED" (PDF). Asian Studies, University of the Philippines Diliman. Nakuha noong Pebrero 27, 2024.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link) CS1 maint: url-status (link)
  2. Hart, Donn V.; Hart, Harriett C. (1966). "Cinderella in the Eastern Bisayas: With a Summary of the Philippine Folktale". The Journal of American Folklore. 79 (312): 307–337. doi:10.2307/538041. ISSN 0021-8715.{{cite journal}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. 3.0 3.1 3.2 3.3 3.4 Hart, Donn V.; Hart, Harriett C. (1966). ""Maka-andog": A Reconstructed Myth from Eastern Samar, Philippines". The Journal of American Folklore. 79 (311): 84–108. doi:10.2307/537492. ISSN 0021-8715.{{cite journal}}: CS1 maint: date auto-translated (link)