Mamon

tradisyonal na keyk sa Pilipinas
(Idinirekta mula sa Mamón)

Ang mamon ay malambot na keyk na tradisyonal sa Pilipinas na karaniwang inihuhurno sa mga hulmahang pangkapkeyk. Sa Kabisayaan, tinatawag ding torta mamon o torta ang mamon.[1][2] Kabilang sa mga baryante ng mamon ang malatinapay na taisan, ang rolyadong pianono, at ang maladaliring broas. May dalawa ring kakaibang baryante ng mamon na may halos parehas na sangkap, ang malakuki na mamon tostado at ang pinasingawang puto mamon.[3]

Mamon
Mamon na may leche flan sa ilalim
Ibang tawagtorta, torta mamon, torta Bisaya, torta Visaya
KursoPanghimagas
LugarPilipinas
Pangunahing Sangkapharina, asukal, pulbos panghurno, itlog, mantika, mantikilya, krema ng tartar
Baryasyonmamon tostado, puto mamon, taisan, broas

Paglalarawan

baguhin
 
Torta mamon ng Visayas

Kilala ang mamon, isang uri ng napakagaan na chiffon o sponge cake, sa pagkalambot at pagkahimulmol nito. Tradisyonal ang paghuhurno nito sa mga hulmahang lata na may mga paese-eseng gilid na dahilan ng malakupkeyk na hugis nito. Kadalasan, pinapahiran ito ng mantikilya at binubudburan ng puting asukal at kinayod na keso. Karaniwang minemeryenda ang mamon.[1][4] Sa Kabisayaan, kilala ang mamon sa mga pangalang torta mamon, torta Bisaya (o torta Visaya), o torta lamang. Kahit nagmula itong pangalan sa Kastilang torta, "keyk", sa ilang rehiyon ng Pilipinas, tumutukoy ang torta sa "omelet". Kadalasan, mas masinsin at mamantika ang tekstura ng mga Bisayang bersiyon. Tradisyonal na sinangkapan ito ng tunis at ginagamitan ng tuba bilang pampaalsa.[2][5]

Mga baryante

baguhin
 
Mga broas mula sa Kalibo, Aklan

Tinatawag na broas o broa ang maladaliring bersiyon ng mamon. Nagmula ang pangalan sa Portuges na broa, isang uri ng tinapay na mais at senteno mula sa Portugal at Galicia. Maaaring malambot at esponghado o malutong at malakuki ang mga broas. Karaniwan itong pinapares sa kape o sikwate. Sinasangkapan din ito sa mga icebox cake sa mga Pilipinas, katulad ng crema de fruta at crema de mangga.[6][7]

Sa mga Pilipinong Muslim, isang deribatibo ang broa (binabaybay ring b'rua, bulwa, o baulo). Kinakain ang mga ito sa parehong paraan at may mga malalambot o malulutong na bersiyon din, ngunit mas mala-muffin ang hugis ng mga ito.Parang mas maliit na bersiyon ng mamon ang malambot na uri, habang mamon tostado naman ang tawag sa malutong na bersiyon. Patok ito sa mga espesyal na okasyon at pista, kagaya ng Hari Raya.[8][9]

Kabilang sa mga ibang kapansin-pansing baryante ng tuyo at malutong na broas ang kinamunsil at lengua de gato.[10]

Mamon tostado

baguhin

Sa diwa, ang mamon tostado ay malakuki na bersiyon ng mamon (mula sa Kastila: tostado). Pareho ang mga sangkap at mahangin din ito, ngunit hinuhurno ito hanggang tuyo at malutong.[11]

Pianono

baguhin
 
Pianonong ube

Rolyadong bersiyon ng mamon ang pianono o pionono. Karaniwan itong ibinebenta bilang mga cake roll dahil sa pagkakahawig nito sa pianonong Suwiso. Dati, binuo lamang ang palaman nito ng asukal at mantikilya o margarina, kagaya ng ibang uri ng mamon. Karaniwan ding mas maliit ang diyametro nito kumpara sa mga Suwisong pianono. Subalit maaaring mas malaki ang mga modernong bersiyon at kadalasang elado ang mga palaman.[12][13]

Taisan

baguhin

Malatinapay na bersiyon ng mamon ang taisan. Tulad ng mamon, pinapahiran ito ng mantikilya at binubudburan ng asukal at keso.[14] Unang nabuo ang taisan sa Pampanga. "Hasaan" ang literal na kahulugan nito sa Kapampangan, at ipinangalan ito sa kanyang hugis.

Mga sanggunian

baguhin
  1. 1.0 1.1 "Mamon Recipe" [Resipi ng Mamon]. Foxy Folksy (sa wikang Ingles). Hunyo 21, 2017. Inarkibo mula sa orihinal noong Disyembre 9, 2018. Nakuha noong Disyembre 7, 2018.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. 2.0 2.1 "Torta Mamon Cebu Recipe" [Resipi ng Torta Mamon ng Cebu]. Choose Philippines (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong Oktubre 27, 2022. Nakuha noong Disyembre 10, 2018.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. Polistico, Edgie (2016). Philippine Food, Cooking, & Dining Dictionary [Diksiyonaryo ng Pilipinong Pagkain, Pagluluto, & Kainan] (sa wikang Ingles). Mandaluyong City: Anvil Publishing. ISBN 9786214200870.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  4. Agbanlog, Liza (Oktubre 29, 2014). "Mamon (Filipino Sponge Cake)". Salu Salo Recipes (sa wikang Ingles). Nakuha noong Disyembre 7, 2018.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  5. "Learn How to Cook Cebu Torta Cake Recipe" [Alamin Kung Paano Magluto, Resipi ng Torta Mamon ng Cebu]. Pinoy Recipe at iba pa... (sa wikang Ingles). Hulyo 7, 2016. Inarkibo mula sa orihinal noong Disyembre 10, 2018. Nakuha noong Disyembre 10, 2018.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  6. "Broas / Ladyfingers". Market Manila (sa wikang Ingles). Setyembre 8, 2005. Nakuha noong Disyembre 10, 2018.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  7. "'Broas,' Baclayon's More Famous Attraction" ['Broas,' Ang Mas Kilalang Atraksiyon ng Baclayon]. Inquirer.net (sa wikang Ingles). Enero 2, 2016. Nakuha noong Disyembre 10, 2018.{{cite news}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  8. "Maranao Snacks : Pagana Mamis, The Sweet Feast" [Meryendang Maranao : Pagana Mamis, Ang Pista ng Matamis]. Travel Trilogy (sa wikang Ingles). Oktubre 26, 2016. Nakuha noong Disyembre 10, 2018.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  9. "Top 5 Muslim Delicacies" [5 Primerong Delikasiya ng mga Muslim]. Choose Philippines (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong Disyembre 10, 2018. Nakuha noong Disyembre 10, 2018.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  10. Orillos, Jenny (Agosto 19, 2010). "Top 10 Favorite Pinoy Biskwit" [10 Paboritong Biskwit Pinoy]. Spot.ph (sa wikang Ingles). Nakuha noong Marso 28, 2019.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  11. "Mamon Tostado". Atbp.ph (sa wikang Ingles). Hunyo 25, 2016. Nakuha noong Disyembre 7, 2018.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  12. "Pianono". Ang Sarap. Hulyo 28, 2017. Nakuha noong Abril 22, 2019.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  13. "Pianono (Filipino Sponge Cake Roll)". Kawaling Pinoy. Abril 24, 2018. Inarkibo mula sa orihinal noong Abril 7, 2019. Nakuha noong Abril 22, 2019.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  14. Comsti, Angelo (2014). The Filipino Family Cookbook: Recipes and Stories from Our Home Kitchen [Ang Aklat-luto ng Pamilyang Pilipino: Mga Resipi at Kuwento mula sa Aming Kusina sa Bahay] (sa wikang Ingles). Singapore: Marshall Cavendish Cuisine. p. 144. ISBN 978-981-4634-94-6.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)